CHAPTER 4 (1)

2035 Words
Magkaharap na nakatayo sina Mika at Neo at nakatingin sa isa’t-isa. Kasama rin nila si Maro na nakatayo sa hindi kalayuan. Nasa loob sila ng paliparan kung saan hinatid nina Maro at Neo si Mika. Ngumiti si Mika. “Mag-ingat ka dito, Hon.” Napatango-tango si Neo sa sinabi ni Mika. May bahagi man sa kanya na ayaw niyang umalis si Mika ngunit wala na rin naman siyang magagawa para mapigilan ito dahil nakapaghanda na at isa pa, alam niyang pangarap rin ni Mika na makapunta sa ibang bansa para magtrabaho at ayaw rin naman niyang ipagkait iyon kaya kahit na may bigat sa damdamin ay pumayag na rin siya sa kagustuhan nito. “Ikaw ang dapat mag-ingat dahil mag-isa ka lamang doon,” sabi ni Neo. Napatango-tango si Mika. “Huwag kang mag-alala sa akin. Kilala mo naman ako bilang isang babaeng walang inuurungan. Kaya nga kita naging asawa, ‘di ba?” Napangiti nang tipid si Neo. Tama si Mika sa sinabi nito. Nakatingin lamang si Maro sa dalawa. “Ikaw na rin muna ang bahala kay Kuya. Mas matanda man siya kaysa sa atin pero kailangan pa rin niya ng taong makakasama,” pakiusap ni Mika at tiningnan nito si Maro na ngumiti sa kanya. Sinuklian iyon ni Mika. Napatango-tango si Neo. Kaagad na tumingin sa ibang direksyon si Maro nang ilagay ni Mika ang magkabila nitong kamay sa mukha ni Neo at hinalikan ang labi nito. Ayaw ni Maro na makita ang eksenang iyon. ‘Yung unang beses nga, alalang-alala niya pa hanggang ngayon at bumibigat ang kanyang dibdib kapag sumasagi sa kanyang isipan ang ganung eksena ng mag-asawa. Hindi namalayan ni Maro na lumapit sa kanya si Mika. Napatingin lamang siya muli dito nang hawakan na siya nito sa kaliwang braso niya. “Kuya,” pagtawag ni Mika. “Mag-ingat ka doon. Wala ako para tumulong sayo,” sabi ni Maro saka ngumiti. Napangiti si Mika saka tumango-tango. “Palagi akong tatawag sa inyo para kumustahin kayo.” Napatango-tango si Maro sa sinabi ni Mika. Niyakap ni Mika si Maro na ginantihan naman ng huli. “Ikaw na munang bahala sa bahay natin. Baka magalit sina Mama at Papa kapag pinabayaan mo,” nangingiting sabi ni Mika. Minana nila ang bahay sa kanilang mga magulang na dugo’t pawis na ipinundar iyon para sa kanilang pamilya. Bumitaw sa yakap si Mika. Tiningnan ang mukha ni Maro. “Nakaligtaan kong dalawin sina Mama at Papa. Ikaw na munang dumalaw sa kanila at ipagpaalam ako,” sabi ni Mika. Napatango-tango si Maro. “Ikaw na rin muna ang bahala sa asawa ko,” pakiusap ni Mika. Napangiti na lamang ng tipid si Maro. Pamaya-maya ay nagtatawag na ng flight number mula sa intercom ng paliparan. Napatingin sila sa departure area. “Tinatawag na ang flight number mo,” sabi ni Maro. Napangiti nang tipid si Mika. Nangingilid ang luha nito at pinipigilang huwag iyon tumulo. “Ingat kayo,” sabi ni Mika at tiningnan si Maro at Neo. “Huwag kang mag-alala sa amin,” sabi ni Maro. Muling niyakap ni Mika si Maro, sumunod ay si Neo. Muli nilang narinig ang pagtawag ng intercom. “Bilisan mo na at baka iwan ka pa ng eroplano na sasakyan mo,” sabi ni Maro. Napatango-tango si Mika. Huminga ito ng malalim. Hinila ni Neo ang maleta ni Mika at binigay sa asawa. Ngumiti si Mika at tinanggap ang binibigay ni Neo at hinawakan iyon sa handle. “Ba-bye!” magkahalong lungkot at tuwa ang nararamdaman ni Mika. Lungkot dahil malalayo siya sa kanyang pamilya at tuwa dahil matutupad na ang pangarap niya. “Muli pa tayong magkikita,” sabi ni Maro. “Kaya huwag kang malungkot diyan,” dugtong pa nito. Napansin niya kasi ang lungkot sa mukha ni Mika. Napangiti nang tipid si Mika. Muling niyakap ni Mika si Maro at Neo sa huling pagkakataon bago siya lumayo sa mga ito at tumalikod at naglakad papunta sa departure area ng paliparan. Tumabi si Neo sa kinatatayuan ni Maro. Nakasunod ang tingin nila pareho kay Mika na nilingon pa sila at winagayway ang kamay bilang pamamaalam. Sinuklian iyon nina Maro at Neo. “Siguro kung mayaman lang ako, hindi na sana maiisipan pa ni Mika na mangibang-bansa para makapagtrabaho at magkaroon ng mas malaking pang sahod.” Napatingin si Maro kay Neo. Napansin niya ang kalungkutan nito. “Hindi naman iyon ang dahilan kaya gustong mangibang-bansa ni Mika at alam mo ‘yan. Pangarap niya na rin ito noon pa. Naalala ko na sinabi niya sa akin na sa oras na magkaroon siya ng oportunidad na makapagtrabaho sa ibang bansa, susunggaban niya kaagad kaya nga siya nag-aral nang mabuti at nagtapos para maging madali sa kanya na mangyari iyon.” Napabuntong-hininga na lamang si Neo sa sinabi ni Maro. Muli nilang nakita na nag-wave goodbye si Mika na sinuklian rin nila bago ito tuluyang pumasok sa pinakaloob ng paliparan. Sabay na napabuntong-hininga sina Maro at Neo kaya sila nagkatinginan… saka natawa kahit na nakikita sa kanilang mga mata ang kalungkutan dahil sa pag-alis ni Mika. ----------------------------------- Naisipan nina Maro at Neo na kumain muna sa isang fast food chain matapos nilang dalawin ang mga magulang nina Maro at Mika sa sementeryo. Kapwa kasi sila nakaramdam ng gutom dahil konti lang ang nakain nila kanina nung almusal. Magkatapat sila sa inookupang mesa. Nakahain ang mga binili nila kaninang pagkain sa counter. Napatingin si Maro kay Neo na kasalukuyang kinakain ang spaghetti. Hindi niya napigilang mapangiti. Paano naman kasi, ‘yung sauce ng spaghetti ay kumakalat na sa gilid ng labi ni Neo. Nakaramdam naman si Neo na nakatingin sa kanya si Maro kaya siya napatingin na rin dito. Nangunot ang noo nito dahil nakita niya pang nakangiti ito habang tinitingnan siya. Nilunok ni Neo ang spaghetti na ninguya niya bago nagsalita. “Bakit Kuya?” nagtatakang tanong ni Neo. Mas lalo lamang napangiti si Maro. Hindi ito nagsalita sa halip ay kumuha ito ng tissue at inabot kay Neo. Mas lalo namang nangunot ang noo ni Neo at nagpalipat-lipat ang tingin nito sa tissue at sa mukha ni Maro. “Kumakalat ‘yung sauce sa labi mo kaya punasan mo kasi mukha kang bata,” napapangiting sabi ni Maro. Nakaramdam naman nang hiya si Neo. “Ganun ba?” tanong nito. Tumango-tango si Maro. Napangiti na lamang nang nahihiya si Neo saka kinuha ang tissue mula sa kamay ni Maro. “Salamat,” sabi ni Neo saka pinunasan na nito ang labi. Napangiti na lamang si Maro. “Ikaw Kuya, kumain ka pa,” sabi ni Neo. Tiningnan ang pagkain ni Maro. “Oo,” sagot na lamang ni Maro na ikinangiti ni Neo. Kahit papaano ay naiibsan ang nararamdamang lungkot ni Maro dahil kasama niya si Neo. ----------------------------------------------- Naisipan nina Maro at Neo na maglakad-lakad muna sa parke na malapit lamang sa kinainan nilang fast-food chain. Halos sabay ang mabagal na paghakbang ng kanilang mga paa habang tinitingnan ang paligid. “Muli tayong nagkasama dito sa parke,” sabi ni Neo. Napatingin naman sa kanya si Maro. “Naalala ko nun, kumain tayo dun sa fishbolan at kwek-kwekan at ang takaw mo,” sabi pa nito saka tumawa. “Naalala mo iyon?” tanong ni Maro. Tumingin si Neo kay Maro. “Oo naman,” sabi ni Neo saka ngumiti. Napangiti nang tipid si Maro. Sa loob-loob niya ay pakiramdam niya’y may sumabog na confetti dahil sa sobrang saya niya. Kunsabagay, siya nga ay hindi niya nakalimutan ang eksena nilang iyon. “Matakaw ka rin naman,” nangingiting sabi ni Maro. “Parehas tayo,” natatawang sabi ni Neo. “Ang sarap naman kasi saka namiss ko ‘yun dahil nung college ako, palagi kaming kumakain ng mga kaklase ko ng ganun.” Napatango-tango si Maro. Napangiti lamang ng tipid. Aminado si Maro na introvert siya noon kaya bihira lang din siya magkaroon ng kaibigan nung nag-aaral siya. Mas gusto pa niyang mag-isa sa lahat ng pagkakataon dahil gusto niya ng katahimikan. Kaya hindi niya naranasan ‘yung naranasan ni Neo. “Oo nga pala Kuya, bakit hindi ka mag-aral muli at tapusin mo iyong kursong kinuha mo nung college,” sabi ni Neo. Napangiti nang tipid si Maro saka umiling-iling. “Hindi na dahil hindi na rin naman ako interesado,” sabi ni Maro. HRM ang kinuhang kurso ni Maro nung kolehiyo. “At kung babalik man ako, ibang kurso na ang kukunin ko, iyon nga lang ay babalik akong muli sa simula.” “Ganun? Eh ano bang gusto mong kunin ngayon na kurso kung sakali?” tanong ni Neo. Nagkibit-balikat si Maro. “Sa ngayon hindi ko alam,” sabi nito. “Sa totoo lang, mas nag-eenjoy ako sa pagsusulat at kahit hindi ako nakatapos, nagpapasalamat ako kasi may ganito akong talento na nagagamit ko hindi lamang para malibang ako kundi para din kumita.” Napatango-tango si Neo. “Kunsabagay,” sabi niya. “Saka pangarap ko rin naman ito, ang maging isang manunulat,” sabi ni Maro saka ngumiti. “Mahirap bang maging writer?” tanong ni Neo. “Mahirap?” tanong ni Maro. “Kung may puso ka, madali lang,” sabi pa nito. “Anong ibig mong sabihin?” tanong ni Neo. Napangiti nang tipid si Maro. “Sa pagsusulat, hindi lang isip ang dapat paganahin kundi pati na rin ang puso. Ang bawat salitang sinusulat ng isang manunulat, kailangan may kaakibat na damdamin na dapat maramdaman ng mga taong nagbabasa ng sinulat mo,” paliwanag ni Maro. “Sa pagkakaalam ko, ang mga manunulat ay marami ng karanasan na naipapasa nila sa kanilang mga sinusulat,” sabi ni Neo. Napatango-tango si Maro. “Ibig sabihin ay marami ka ng karanasan,” sabi ni Neo saka ngumiti nang makahulugan. “Ano bang klaseng karanasan ang tinutukoy mo?” tanong ni Maro. Napangisi si Neo. “Alam mo na iyon,” sabi nito. Natawa si Maro saka umiling-iling. “Ikaw talaga,” sabi ni Maro. “Kung ang nasa isip mong green ang tinutukoy mo, aaminin kong meron pero kung sa pag-ibig naman ang nais mong malaman kung meron na nga ba akong karanasan…” sabi pa nito saka umiling-iling. “Owww, so hindi ka pa umiibig pero meron ka ng karanasan pagdating sa… alam mo na,” nangingiting sabi ni Neo. ‘Umiibig na ako, nasa tabi ko nga iyong taong iniibig ko ngunit hindi maaaring mapasaakin,’ sa isip ni Maro. Napangiti na lamang si Maro. “Parang ganun na nga,” sagot na lamang niya. “Hala Kuya! Bad ‘yan kasi puro ka lang yata flirting at one night stand,” natatawang sabi ni Neo. “Hindi naman. Siguro sabihin na lang natin na may mga pangangailangan lang din kasi ako kaya ko iyon nagagawa,” depensa ni Maro. Napatango-tango si Neo. “Kaya pala hindi ka pa nag-aasawa,” sabi ni Neo. “Akala ko nga nun magagalit ka ng todo sa amin ni Mika kasi inunahan ka pa niyang makapangasawa. Naalala ko kasi ‘yung kasabihan na kapag naunahan raw ng nakababatang kapatid ang panganay na mag-asawa ay hindi na raw makakapangasawa ang panganay na iyon,” sabi pa niya. “Hindi naman siguro totoo ‘yon,” sabi na lamang ni Maro. “Kasabihan lang iyon ng matatanda,” dugtong pa nito. “Kunsabagay, kasabihan nga lang naman iyon,” sabi ni Neo saka tumango-tango. Napatango-tango si Maro. Umiwas nang tingin si Neo kay Maro. “Ang ganda na naman nang paglubog ng araw,” sabi ni Neo habang nakatingin sa papalubog na araw. Napatango-tango si Maro habang nakatingin pa rin siya sa mukha ni Neo. Ngayon, kahit papaano ay may kalayaan na siyang gawin ito. Sapat na sa kanya kahit hanggang tingin lang. Muling tumingin si Neo kay Maro. Nagtagpo ang kanilang mga mata. “Bakit Kuya?” nagtatakang tanong ni Neo. Umiling-iling si Maro. Umiwas siya nang tingin kay Neo. Kabadong-kabado ang dibdib niya. Napangiti na lamang si Neo at muling tiningnan ang papalubog na araw at tila nilalapitan nila ang direksyon nito dahil patuloy sila sa paglalakad. Napabuntong-hininga naman si Maro. Minsan talaga ay hindi niya maitago ang paghanga kay Neo, sana lang ay huwag siya nitong pag-isipan ng masama.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD