Abala sa pagluluto ng kakaining pagkain sa tanghalian si Maro. Napapangiti pa ito habang hinahalo ang niluluto sinigang na baboy na malagkit-lagkit ang sabaw dahil sa maraming gabi ang kanyang inilagay. Kita rin sa kulay nito na maasim ang niluluto niyang sinigang.
Magaling magluto si Maro. Bukod sa pagsusulat, isa rin ito sa kanyang talent. Pero mas ganado siyang magluto ngayon dahil hindi lang naman siya ang kakain nito kundi pati na rin si Neo na walang pasok sa trabaho at kasama niya ngayon sa bahay.
Pakiramdam ni Maro, isa siyang maybahay ngayon na ipinagluluto ang kanyang asawa. Hindi man dapat niya na maramdaman iyon pero hindi niya mapigilan ang sarili.
Tinigil na muna ni Maro ang paghahalo sa sinigang at tiningnan ang kanin na hinihintay niya ring maluto. Mas lalo siyang napangiti dahil sa malapit na itong maining.
Muli niyang itinakip ang takip ng kaldero sa kanin at pinagtuunan ng pansin ulit ang niluluto niyang sinigang.
“Oo, okay lang kami dito.”
Naalis ang tingin ni Maro sa niluluto at tiningnan si Neo na papasok ngayon sa kusina. Nakatapat sa mukha nito ang hawak na cellphone. Napangiti siya ng tipid dahil alam niyang kausap nito via video call ang kapatid niyang si Mika.
“Ikaw, okay ka lang ba diyan? Baka nalalamigan ka lagi. Palagi kang magsuot ng jacket lalo na kapag lalabas,” sabi ni Neo sa tono ng pag-aalala.
“Opo,” sagot ni Mika.
Napatingin si Neo kay Maro. Ngumiti ito saka ipinakita niya kay Mika si Maro.
“Abala sa pagluluto ang Kuya mo,” sabi ni Neo kay Mika.
Kumaway si Mika mula sa screen. Nakikita naman siya ni Maro at ngumiti ito saka kumaway din.
“Hi Kuya! Mukhang masarap ‘yang niluluto mo ah,” sabi ni Mika sa screen.
“Sinigang na baboy, isa ‘to sa paborito mo, ‘di ba?” sabi ni Maro.
Naglakad si Neo palapit para sa kinaroroonan ni Maro mas magkausap pa ng mabuti ang magkapatid.
“Awww naman! Ang sarap niyan. Bigla ko tuloy na-miss,” sabi ni Mika saka ngumuso pa.
Isang linggo na ang lumipas mula ng mangibang-bansa si Mika at mukhang okay naman ito roon.
“Bakit? Wala ka bang mabilhan diyan ng mga Filipino foods?” tanong ni Maro.
Umiling-iling si Mika.
“Wala pa akong makita Kuya kasi busy ako sa trabaho kaya hindi pa nakakapaglibot.”
“Ganun ba?” tanong ni Maro. “Huwag mong abusuhin ang katawan mo, pahinga din kapag may time,” paalala pa nito.
“Opo Kuya,” sabi ni Mika saka ngumiti.
“Sige na at mag-usap pa kayo ni Neo. Tatapusin ko lang itong niluluto ko,” sabi ni Maro.
“Okay Kuya,” natutuwang sabi ni Mika.
Napangiti si Maro.
Napangiti naman si Neo. Muling hinarap sa kanya ang screen ng cellphone niya at nag-usap sila ni Mika.
Umiwas naman nang tingin si Maro sa dalawa. Bumuntong hininga ito at ipinagpatuloy ang pagluluto habang naririnig niya ang masayang pag-uusap ng mag-asawa.
---------------------------------
“Ang sarap mo talagang magluto Kuya,” pagpuri ni Neo. Kasalukuyan na nilang pinagsasaluhan ni Maro ang inihandang pagkain na nakahain sa mesang nasa gitna nila. “Ang sarap ng pagkakaasim nitong sabaw,” sabi pa nito saka humigop ng sabaw.
Natawa si Maro sa nakitang pangangasim ng mukha ni Neo. Hindi niya ito tinatawanan dahil pangit ang mukha nito kapag nangangasim, ang cute nga eh.
“Mabuti naman at nagustuhan mo,” sabi ni Maro. Iyon lang naman lagi ang gusto niya, ang magustuhan ni Neo ang mga ginagawa niya para rito.
“Oo naman! ‘Yung afritada mo nga paborito ko,” sabi ni Neo. “Luto ka rin nun sa susunod,” request pa nito.
“Okay,” sagot na lamang ni Maro.
Ngumiti naman si Neo at nagpatuloy sa pagkain.
Pinapaunod naman ni Maro si Neo na kumain. Sa pagtingin pa lamang niya rito habang kumakain, nabubusog na siya.
Nakaramdam naman si Neo na nakatingin sa kanya si Maro kaya muli niyang tiningnan ang kaharap. Nangunot ang noo nito.
“Kuya, kumain ka pa kaya,” sabi ni Neo.
Napangiti si Maro saka napatango-tango. Muli itong kumain.
Kitang-kita sa mukha ni Maro na masaya siya sa mga nangyayari ngayon.
-----------------------------------
Bumababa si Maro mula sa hagdan. Nakasabit sa kanyang balikat ang twalyang gagamitin niya dahil maliligo na siya.
Mula sa hagdan ay nakikita niya si Neo na naglalampaso ng sahig. Napatigil siya sa ika-anim na baitang pababa at pinanuod niya ito.
Walang damit pang-itaas si Neo at jersey short naman ang suot nito sa pang-ibaba. Kita ni Maro ang pawisan at nangingintab na katawan nito at ang pag-flex ng muscles na meron ito lalo na sa braso. Hindi na naman niya mapigilang humanga sa kagandahan ng katawan nito.
Hindi naman pansin ni Neo na nakatingin sa kanya si Maro. May earphones kasi ang kanyang magkabilang tenga at nakikinig ng musika na nanggagaling rito habang siya’y naglalampaso. Mas okay kasi sa kanya na may music siyang pinapakinggan habang may ginagawa para hindi niya maramdaman ang pagod.
Patuloy lamang na nanunuod si Maro kay Neo. Tila kinakabisado ng kanyang utak ang bawat parte ni Neo. Noon pa man niya nakikita ito ng walang damit pang-itaas pero pakiramdam ni Maro ay mas tumindi ngayon ang paghanga niya dahil sa totoo lang, may kasama na itong pag-aasam… pag-aasam na mahawakan din iyon.
Napailing-iling si Maro. Pakiramdam niya ay nagiging masama na rin siya ngayon. Hindi dapat ngunit hindi naman niya mapigilan.
Tuluyan na lamang bumababa si Maro ng hagdan, doon na siya naramdaman ni Neo kaya napatingin ito sa kanya.
“Kuya!” sabi nito na tumigil sandali sa paglalampaso. Inalis ang headset sa magkabilang tenga. “Maliligo ka?” tanong pa nito. Napansin kasi niya ang dala nitong twalya.
“Oo,” sagot ni Maro.
Napangiti si Neo. “Sige Kuya, susunod na lang ako pagkatapos ko dito,” sabi pa nito.
Natulala si Maro sa sinabi ni Neo. Napalunok din ito.
‘Ano? Susunod siya?’ tanong ni Maro sa isip niya.
“Kuya?” si Neo na nagtataka.
Bumalik naman sa sarili si Maro.
“Ha?” tanong ni Maro.
Mahinang natawa si Neo.
“Sige na Kuya at maligo ka na para pagkatapos mo ay ako naman,” sabi nito. “Ang init!” reklamo pa nito saka pinunasan ang pawis sa noo.
“Ah… okay,” sagot na lamang ni Maro.
Napangiti si Neo. Muling ibinalik ang headset sa magkabilang tenga at ipinagpatuloy ang ginagawa.
Napabuntong-hininga naman si Maro saka umiwas ng tingin kay Neo. Natawa siya sa kanyang sarili.
‘Kung ano-anong naiisip ko. Bigyan ko ba ng kahulugan ang sinabi niya?’ sa isip ni Maro. Napailing-iling rin ito at naglakad na papunta sa kusina kung saan naroon din ang banyo.
--------------------------------
Nakaupo sa sofa si Maro. Binabasa niya ang libro na nobela niya dito sa sala ng bahay nila. Nakapatong sa mesang nasa gitna ang kanyang mga paa.
Napapangiti si Maro. Masaya siya dahil ang ganda ng pagkakasulat niya. Ugali niya rin ito, ang basahin ang likha niyang nobela.
Patuloy lamang sa pagbabasa si Maro nang lumabas naman mula sa banyo si Neo. Nakatapis lamang ito ng twalya at basa pa ang buhok. Litaw ang mamasa-masang itaas na bahagi ng katawan.
Lumabas ng kusina si Neo at dahan-dahan lamang ang lakad. Doon niya nakita si Maro na nakaupo sa sofa at abala sa pagbabasa. Napangiti siya. Hindi niya maikakaila na magandang lalaki nga ang kanyang Kuya Maro lalo na ngayon at may salamin ito sa mata. Inosenteng-inosente at matalino ang dating.
Lumapit si Neo sa kinaroroonan ni Maro.
Nakaramdam naman si Maro na may kasama na siya dito sa sala kaya naalis ang tingin niya sa libro at tumingala.
Nanlaki ang mga mata ni Maro nang makitang nakatayo malapit sa kinauupuan niya si Neo at nakangiting nakatingin sa kanya.
Napalunok si Maro sa nakikitang ayos ni Neo. Nakikita ng kanyang mga mata ang mamasa-masa nitong katawan. Ang lapad ng balikat nito, ang mga braso nitong sa kanyang palagay ay sobrang sarap kapag iniyakap na sa kanyang katawan. Ang maumbok nitong dibdib na may pares ng pinkish na u***g. Ang nagtitigasan nitong abs na parang nililok ng isang iskultor dahil sa ganda ng porma nito. Pantay rin ang kulay ng balat nito at makinis.
Bumaba ang tingin ni Maro para maiwasang makita ang katawan ni Neo pero dapat pala ay tuluyan na lang siyang umiwas nang tingin, paano naman kasi, sa pagbaba ng kanyang tingin ay ang ibabang bahagi naman ng katawan nito ang kanyang nasilayan na natatakpan ng nakatapis na twalya. Napansin niya ang bukol sa gitna ng mga hita nito.
Sunod-sunod ang naging paglunok ni Maro. Hindi niya maitatanggi na biglang uminit ang kanyang pakiramdam. Umiwas siya nang tingin roon para hindi na mas lalong tumindi pa ang nararamdamang pag-iinit.
“Ano ‘yang binabasa mo Kuya?” tanong ni Neo na wala namang kamalay-malay sa nangyayari sa Kuya Maro niya. Wala lang naman dito kung makita siya nitong nakatapis lang ng twalya dahil parehas naman silang lalaki.
“A-Ah… isa sa mga libro ko,” sagot na lamang ni Maro. Kabadong-kabado siya kaya hindi niya maiwasang mautal.
“Wow! Okay ‘yan. Pwede bang pabasa din ako?” tanong ni Neo.
“Okay lang,” sagot ni Maro. Hindi siya makatingin kay Neo.
“Ayos!” sabi ni Neo na tuwang-tuwa.
Napangiti na lamang nang nag-aalangan si Maro.
Nangunot ang noo ni Neo.
“Okay ka lang Kuya?” nagtatakang tanong nito. Napansin niya kasi na biglang naging iba ang kilos nito at hindi pa makatingin sa kanya.
“A-Ah… o-okay lang ako,” sagot ni Maro na hindi pa rin makatingin kay Neo.
“Sigurado ka?” tanong ni Neo.
Napatango-tango si Maro.
“Okay,” sabi ni Neo. “Sige Kuya at magbibihis lang ako. Bababa rin ako kaagad para makuha ‘yang libro mo. Kung may iba ka pang kopya ay iyon na lang ang ibigay mo sa akin para mabasa ko para hindi ko na rin makuha pa ‘yang sayo,” dugtong pa niya.
“A-Ah hindi… ito na lang, alam ko naman na ang kwento nito,” sabi ni Maro.
“Okay Kuya, sige at aakyat lang ako.”
Napatango-tango na lamang si Maro sa pagpapaalam ni Neo sa kanya.
Umalis na si Neo at umakyat papunta sa kwarto. Napabuga naman ng hininga si Maro. Pakiramdam niya, nabunutan na siya ng tinik at gumaan ang pakiramdam niya sa pag-alis nito sa harapan niya.
“Hooo!!! Grabe ka Neo. Isa kang malaking tukso para sa akin,” sabi ni Maro saka napailing-iling.
Nag-aalala tuloy siya sa kanyang sarili, kung noon kasi, napipigilan niya pa ang sarili na lumagpas sa limitasyon dahil nandito si Mika at alam niyang mali kung lalagpas siya pero ngayong dalawa na lang silang nakatira dito, hindi na niya alam kung hanggang kailan siya makakapagpigil.
Muling napabuntong-hininga si Maro.