Nasa kusina sina Maro at Neo. Naglalagay ng mainit na sabaw si Maro sa isang mangkok para mahigop ni Neo. Hinihilot naman ni Neo ang kanyang sentido dahil sa pananakit ng ulo dulot ng kalasingan.
“Sobrang sakit ng ulo ko,” daing ni Neo. Kapag napaparami siya ng inom ay ito ang lagi niyang problema kinabukasan.
Tinakpan ni Maro ang kaldero ng sabaw. Dinala kay Neo ang bowl ng mainit na sabaw.
“Ito at humigop ka ng hang over soup para kahit papaano ay mawala ang pananakit ng ulo mo,” sabi ni Maro saka nilapag sa mesa ang bowl.
Napatingin si Neo kay Maro. Napangiti ito ng tipid.
“Salamat,” sabi nito. Tiningnan naman ang bowl ng mainit na sabaw na nasa kanyang harapan.
Napatango-tango na lamang si Maro.
Tumigil si Neo sa paghilot ng kanyang ulo saka hinawakan ang kutsara. Hinalo-halo niya ang sabaw.
Nakatingin naman sa kanya si Maro.
“Oo nga pala…” sabi ni Neo saka muling tumingin kay Maro na nanatiling nakatayo sa tabi niya. “Ikaw ba ang nagdala sa akin kagabi sa kwarto?” tanong nito. Wala kasi siyang maalala sa mga sumunod na nangyari kagabi dahil na rin sa kalasingan.
“Oo, Bakit?” nagtatakang tanong ni Maro.
Napangiti nang tipid si Neo.
“Nakalimutan mo kasing patayin ‘yung ilaw.”
“Ah ganun ba? Pasensya na,” sabi ni Maro.
Hindi maiwasan ni Maro na makaramdam nang pagkadismaya. Inaasahan naman na niya na talagang hindi maaalala ni Neo ‘yung nangyari pero nadismaya pa rin siya.
“Okay lang,” sabi ni Neo. “Anyway, maraming salamat sa pag-alalay sa akin,” sabi pa nito.
Napatango-tango na lamang si Maro.
‘Wala namang ibang gagawa nun kundi ako lang,’ sabi ni Maro sa isipan.
Ngumiti si Neo saka umiwas nang tingin kay Maro. Nagsimula na siyang humigop ng mainit na sabaw na kahit papaano ay nagpagaan sa kanyang pakiramdam. Mabuti na lang din at weekend kaya wala siyang pasok ngayon sa trabaho. Wala na siyang aalalahaning iba.
Nanatili namang nakatingin si Maro kay Neo. Napangiti ito ng tipid.
“Ikaw Kuya…” tumingin muli si Neo kay Maro na kumunot naman ang noo. “Hindi ka ba hihigop ng mainit na sabaw? Nakainom ka din kagabi, ‘di ba?” tanong pa nito.
“Hindi na dahil wala naman akong hang over katulad mo,” sabi ni Maro.
Napatango-tango si Neo saka muling umiwas nang tingin kay Maro. Muling humigop ng mainit na sabaw.
‘Hindi niya naalala ang ginawa niya sa akin. Hay!’ sa isip ni Maro.
Si Maro kasi, iyon din ang naging dahilan kaya hindi siya masyadong nakatulog kagabi dahil ayaw iyon maalis sa isipan niya.
Kunsabagay, iyon din kasi ang unang pagkakataon na magdampi ang kanilang mga labi kaya para kay Maro ay mahirap iyon kalimutan.
-------------------------------------
Ang pag-ibig ko sayo ay parang tubig sa karagatan, hindi alam kung saan ang hangganan.
Napangiti nang tipid si Maro habang nakatingin sa kanyang screen ng kanyang laptop. Linya iyon ng bidang karakter niya sa sinusulat na nobela na inlove na inlove sa kapareha.
Naitanong tuloy ni Maro sa kanyang sarili.
Hanggang saan nga ba ang pag-ibig niya para kay Neo?
Ang totoo, hindi niya alam. Hindi niya masukat, hindi niya rin alam kung kailan magwawakas. Hindi nga niya sigurado kung matitigil ba ito sa oras na mawala siya sa mundo at baka dadalhin pa niya hanggang sa kabilang buhay.
Ang alam lang ni Maro, mahal na mahal niya si Neo. Kahit hindi dapat, kahit sumisingaw na mali ang nararamdaman niya ay patuloy lamang niya itong nararamdaman. Pigilan man niya ngunit lagi lamang siyang nauuwing bigo.
Napabuntong-hininga si Maro. Katulad ng bida niya sa kanyang nobela, hindi rin niya alam kung saan ang hangganan ng kanyang pag-ibig kagaya ng tubig sa karagatan.
Nag-stretch ng katawan si Maro saka tumayo mula sa inuupuan. Nakaramdam siya nang pagkauhaw kaya lumabas siya ng kanyang kwarto.
Nakahakbang na si Maro sa ikalimang baitang ng hagdan ng mapatigil siya. Napatingin siya kay Neo na nasa ibaba at hawak ang cellphone nito na nakatapat sa mukha.
“Sorry? Kinalimutan mo ‘yung anniversary natin baka nakakalimutan mo tapos sorry lang?” halata ang galit sa tono ni Neo.
“Pasensya ka na talaga, masyado lang akong naging abala sa trabaho. Hayaan mo at babawi ako sayo,” sabi ni Mika na ka-video call ni Neo.
“At paano ka makakabawi? Nandyan ka at nandito ako,” sabi ni Neo na tumataas ang boses.
“Sabihin mo sa akin ang gusto mo at ibibili kita, kaagad ko ring ipapadala sayo-”
“Hindi ko kailangan ‘yan! Wala akong ibang gusto kundi ang makausap ka kahit sandali sa pinakamahalagang araw nating dalawa. Sapat na sa akin iyon ngunit anong ginawa mo? Kinalimutan mo lang,” nagtatampo na sabi ni Neo.
“I’m sorry talaga, Hon.”
Nakatingin lamang si Maro kay Neo na patuloy na nakikipagtalo kay Mika. Bumuntong-hininga siya. Hindi niya maiwasang sisihin din si Mika ngayon sa galit na nararamdaman ni Neo. Masakit nga naman na kalimutan ng taong mahal mo iyong isa sa pinakamahalagang araw sa inyong dalawa.
“Nasaktan mo ako. Ito na nga ‘yung unang beses na magkalayo nating ice-celebrate ang anniversary natin pero…” napailing-iling si Neo at hindi na itinuloy ang sasabihin.
“I’m sorry talaga Hon,” pagpapakumbaba ni Mika.
“Saka na tayo mag-usap kapag malamig na ang ulo ko,” malamig na sabi ni Neo.
“Teka lang Hon-”
Hindi na naituloy ni Mika ang sasabihin dahil tinapos na ni Neo ang video call.
Marahas na bumuntong-hininga si Neo. Halo-halo ang nararamdaman niya, galit, inis, lungkot at sakit na kahit papaano ay nailabas niya kay Mika. Hindi siya makapaniwalang ang dali para dito na kalimutan ang wedding anniversary nila samantalang siya, ilang araw niya ring pinag-isipan kung ano ang gagawin niya para maging espesyal ito kahit na malayo sila sa isa’t-isa.
Napailing-iling na lamang si Neo saka naglakad papunta sa kusina para uminom ng tubig.
Nakasunod naman ang tingin ni Maro kay Neo. Napabuntong-hininga ito.