Napahilamos naman ako ng aking mukha. Gumugulo pa rin kasi sa isip ko ang nangyari sa amin ni Castiel last week. Sinusubukan ko siyang iwasan pero sinusundan pa rin niya ako. Hindi nga lang siya malapit masyado sa akin kung ikukumpara noon. Sakto lang at medyo may kalayuan siya pero ramdam ko ang mga matang nakasunod sa akin.
Napairap naman ako sa kawalan dahil naririnig ko pa ang mga impit na kilig ng mga kaklase ko. Hindi sila makapag-react masiyado dahil may professor pero alam kong aware naman ang professor kung bakit nagbubulungan ang mga kaklase kong babae.
“Class,” tawag ng professor sa mga kaklase ko.
Bagot naman akong napatingin sa harapan ko dahil hindi sila tumitigil sa pagbubulungan. Alam nilang major subject namin ’to pero hindi man lang nila pinagtutuunan nang pansinin.
Kaya naman lumingon ako sa may pintuan na kung nasaan si Castiel. Hindi lang kasi siya ang nakabantay ngayon sa bandang pintuan. May kasama siya—isang Primanov. Sa pagkakatanda ko, siya si Alastair Keegan Primanov. Bunsong kapatid siya nina Drystan Storm Primanov at Matthias Vaughn Primanov.
Isa sa mga kaibigan ni Castiel ang lalaking ‘to. Kung hindi ako nagkakamali, nasa iisang team sila madalas sa basketball noon. Kaya hindi na nakakapagtaka na pati si Alastair ay pinagkakaguluhan ng mga student.
“Listen, everyone,” utos ng professor dhail hindi nakikinig ang mga kaklase ko habang si Celeste naman sa aking tabi, hindi rin nagsasalita. Kung tutuusin ay bago lang sa akin ito ngayon. Kapag kasi lumitaw ang mga Smirnov dito, kinikilig si Celeste pero ngayon, halos maging estatwa siya sa kaniyang kinauupuan.
Hindi ko nga alam kung nate-tense siya o hindi kaya ay wala lang talaga sa mood dahil may problemang pinagdadaanan? Pagpasok kasi niya kanina, para siyang pinagbagsakan ng langit at lupa. Hindi ko lang masiguro kung ano ang problema niya dahil hindi naman siya sumagot nang tanungin ko siya.
Parang sobrang lalim ng kaniyang iniisip at hindi ko alam kung ano ba ang nangyari nitong mga nakaraang araw sa kaniya. Madalas naman kaming magkita pero hindi ko lang alam kung may itinatago nga ba siya sa akin.
Napasulyap ako kay Castiel na kung saan ay bahagya siyang ngumunguya ng bubble gum. Nakasilip lang siya—no. Nakatitig lamang siya sa akin habang nakasandal ang kaniyang kaliwang bahagi ng katawan sa mga pintuan. Nakapamulsa rin siya at hindi man lang maayos ang kaniyang suot na itim na long-sleeves.
Sumisilip kasi ang dibdib niya. Hindi naman kasi niya ibinutones nang maayos kaya kumakaway ang dibdib niya sa amin. Pinagpipiyestahan tuloy iyon ng mag kaklase ko ngayon. Kaya nga hindi sila matigil-tigil sa pagbubulungan.
Ultimo rin si Alastair, nakarolyo kasi ang suot niyang puting long-sleeves hanggang sa kaniyang siko. Kaya naman halata ang matigas at medyo malapad niyang bisig. Lumilitaw nga rin ang kaniyang mga ugat doon kahit na may kaputian din ang lalaking ‘to.
“You’ll listen or you’ll have your long quiz?” tanong ng professor sa amin kaya mabilis tumigil ang mga bulungan.
Medyo nakahinga naman nang maayos ang tainga. Kaya naman inilihis ko na kaagad ang mga mata ko dahil hindi ko kayang titigan si Castiel. Bukod kasi sa inaakit ako ni Castiel, halos manghina rin ang aking mga tuhod kahit na nakaupo na ako. Grabe kasi kung tumitig. Akala naman niya wala siyang trabaho para tumambay rito sa classroom namin. Kulang na lang ay makipag-sit in siya sa lahat ng subject ko nang mabantayan niya ako nang tuluyan.
Napailing na lamang ako sa aking iniisip at minabuting makinig na lamang sa lesson ng professor. Kung makatitig naman kasi si Castiel, akala naman niya ay mawawala ako nang parang bula. Akala ko pa nga noon na kapag pinagbigyan ko si Castiel sa gusto niya at hayaan ang sarili kong magpalunod sa sensasyong ginawa niya sa aking katawan ay hindi na niya ako guguluhin kaso mali ako, sobrang mali.
“Una na ako,” sambit ni Celeste nang makaalis ang professor. Sakto rin kasing nakapag-ayos na talaga siya at hindi ko alam kung bakit nagmamadali siyang umalis.
Kumunot ang aking noo at hinayaan na lamang si Celeste na lisanin ang classroom pero nagtaka ako nang sumunod naman si Alastair sa kaniya. Hindi man lang nagpaalam kay Castiel na nasa harapan lamang niya.
Wala sa sarili akong naglakad palabas ng classroom at saktong wala na rin pa lang mga student ngayon sa loob. Uwian na kasi at last subject na namin iyon kanina. Ang laki nga lang ng kain sa oras dahil halos abutin na kami nang tatlong oras.
Inagaw naman sa akin ni Castiel ang mga gamit ko nang makarating ako sa kaniyang tapat. Gusto ko pa sanang umangal pero pinanlakihan niya ako ng kaniyang mga mata. Kaya wala na tuloy akong magawa kung hindi ay irapan na lamang siya nang tuluyan.
May mga kasama na kami ngayon at iyon ay ang kaniyang mga bodyguard. May mga student pa rin kasi ngayon sa hallway at lahat sila ay nakatingin sa aming dalawa ni Castiel. Hindi ko nga alam kung ano ang tumatakbo ngayon sa isipan nila pero mukhang may idea na sila kung ano.
Madalas ba naman bumuntot sa akin si Castiel magmula noon? Bulgaran pa ang kaniyang gusto. Alam ko rin naman na may mga bodyguard ako sa paligid lalo na kung wala si Castiel kahit na ilang minuto lang. Ramdam ko kasi ang kanilang mga titig na ipinupukol sa akin at hindi na rin bago ang bagay an iyon.
Baka nag-iingat na rin si Castiel lalo pa at alam na ng mga fan niya ang tungkol sa amin. Impossible kasing hindi kumalat ang ugnayan namin sa kaniyang mga babae kung ganito naman siya ka-vulgar. Hindi ko man gusto ang bagay na ginagawa niya, wala na akong magagawa. Nangyari na, eh. Ayaw pa man din ni Castiel na tumigil.
“Wala ka bang trabaho? Ang hilig mong bumuntot,” napipikon na tanong ko sa kaniya.
“I have. It’s just that I don’t want to leave you here,” mahinang sagot niya at mabilis na hinapit ang aking bewang.
Napairap naman ako sa kaniyang sinabi. Mas pinapagulo niya lang kasi ang sitwasyon. Pinagpipiyestahan na nila ako sa lahat dahil sa pagdikit niya sa akin. Akala ko pa nga ay hindi na niya ako papansinin sa maraming tao pero mas lalo niya lamang ipinagsisigawan na may ugnayan nga talaga kami.
Pagdating namin sa parking lot, ramdam ko pa rin ang mga mata nila lalo na nang pagbuksan ako ni Castiel ng pinto. Ipinatong niya rin ang kaniyang palad sa aking ulo habang ako ay pumapasok.
Sya na nga rin mismo ang nag-ayos ng aking seatbelt. Hindi man lang siya nahiya sa mga sasabihin ng mga nakatingin sa amin. Basta na lang siyang yumuko at inays ang aking seatbelt.
Pigil na pigil pa ang paghinga ko dahil humaplos ang kaniyang pamilyar na pabango sa aking ilong. Napapikit pa ako dahil hindi ko kaya ang nararamdaman ko ngayong kaba. Halos suntukin na kasi ng puso ko ang dibdib ko sa paraan nang kaniyang pagkabog.
Mabuti na lamang at naging mabilis ang pag-aayos niya ang aking seatbelt. Kaya kahit papaano, nasubukan kong bawiin ang aking hininga.
“Huwag mong sabihin magpupunta na naman tayo sa condo mo?” hula ko kaagad nang makapasok siya sa loob ng kaniyang sasakyan.
“Why not? Is it bad?” maangas na tanong niya sa akin habang nakangising binuhay ang makina ng kaniyang sasakyan.