KABANATA 4
Pumanhik uli ako sa itaas ng bahay para kunin ang bag ko. Isinilid ko muli pabalik sa loob ng bag ang diary na napulot ko. Kung totoong may dala nga itong swerte, kailangan ko itong pag-ingatan.
Madilim ang buong bahay namin dahil isang ilaw na lang ang nakabukas, ang ilaw na nasa sala namin. Pababa ako ng hagdan nang tila may malamig na hanging dumampi sa braso ko. Dahil doon ay nanindig ang mga balihibo ko kaya agad ko iyong hinaplos upang agad na mawala ang pangingilabot ko. “Saan kaya ‘yon galing? Wala namang bukas na bintana,” sabi ko sa sarili ko habang patuloy ang paghakbang ko pababa ng hagdan.
Sa tuwing aalis ako ng bahay, palagi ko munang sinisiguradong nakasarado na ang lahat ng mga bintana at ang pinto sa may kusina sa likuran. Pinatay ko na ang ilaw sa may sala kaya ang tanging nagsisilbing ilaw na lang ay ang katiting na liwanag mula sa mga poste ng ilaw sa labas. Lumabas na ako ng bahay at isasarado ko na sana ang pinto sa harapan nang mapasulyap ako sa kusina na abot-tanaw lang mula sa kinatatayuan ko. May babaeng nakaupo sa isa sa mga upuan doon at sa isang kisapmata lang, bigla itong naglaho.
Totoo ba iyong nakita ko? Bigla na namang nagsitindigan ang mga balihibo ko hindi lang sa braso, kundi pati na rin sa batok, kaya dali-dali ko nang isinarado nang tuluyan ang pinto at mabilis naglakad palayo ng aming bahay.
***
Habang naglalakad ako papasok ng ospital, ‘yung babae pa rin na nakita ko sa kusina ng aming bahay ang laman ng isip ko. Nakabaro’t- saya ito at nakapunggos ang buhok. Dahil doon, bigla kong naisip sa kanya si Josefa, ang unang nagsulat sa diary. Ganoon kasi ang ayos ng mga babae noong mga panahon niya. Hindi kaya nagmumulto siya dahil nasa akin na ang diary na pagmamay-ari niya? Napailing ako. Hindi, imposible. Naisip kong baka dala lamang iyon ng gutom, o marahil dahil mga salita ni Josefa ang huli kong nabasa kaya na-imagine ko ang babaeng iyon. Baka namamalikmata lang ako o guni-guni ko lang ‘yon.
“Hindi totoo ‘yon. Magda, masyado mo lang tinatakot ang sarili mo,” bulong ko. Pilit kong kinumbinsi ang sarili ko na hindi totoo ang aking nakita. “Mas dapat kang matakot sa buhay, kaysa sa patay o sa mga multo. Kung totoo man ang multo, magpapakita lang ‘yon sa ’yo, pero hindi ka naman nila mahahawakan o masasaktan.”
“Magda...” Dahil sa malalim na pag-iisip, hindi ko na namalayang nakarating na pala ako sa pasilyo kung saan naroon si Lito. Walang upuan malapit sa higaan niya kaya naman sa kama na lang ako naupo. “May nahiraman ka ba ng pera?,” tanong niya sa ‘kin.
“Wala. Walang gustong magpa-utang sa ’kin. Kalat ang utang natin, Lito, at malamang kalat na rin sa buong baranggay ang sitwasyon natin. Walang tangang gugustuhin tayong pautangin dahil alam nilang hindi naman tayo makakabayad,” pasinghal kong sagot sa kanya. Bigla siyang napayuko dahil sa mga sinabi ko.
“Patawad Magda. Pangako, magbabago na ako, basta bumalik na kayo sa akin ng mga anak ko. Maghahanap na uli ako ng trabaho. Titigil na ako sa bisyo ko,” sabi niya sa ’kin habang nakahawak sa kaliwang braso ko.
“Huwag kang mangako, Lito, gawin mo na lang para paniwalaan ko ang mga sinasabi mo. Ganyan din kasi ang sinabi mo noong mga nakaraang buwan, pero lumipas ang mga buwan na wala ka namang pinagbago, at nasaan tayo ngayon? Nandito sa ospital dahil sinubukan mong magpakamatay at dinagdagan mo pa ang problema natin.”
“Gagawin ko na talaga. Magbabago na talaga ako. Patawarin mo lang ako, Magda. Bigyan mo pa ako ng isa pang pagkakataon at ipapakita ko sa inyo ang pagbabago ko.” At yumakap siya sa ‘kin.
“Oo na, sige na. Huwag mo na akong yapusin at nakakahiya, napakaraming tao rito.” Dahil sa sinabi kong ‘yon ay agad naman siyang humiwalay mula sa pagkakayakap sa ‘kin. Naglabas ako ng damit galing sa bag na dala ko at isang bimpo. “Aalis lang ako saglit, pupunta ako sa banyo para basain itong bimpo para mapunasan kita.”
“Sige,” sagot niya kasabay ng pagtango. “Salamat mahal.”
Mahal ko pa rin naman ang asawa ko sa kabila ng pagkukulang niya, pero hindi ako sumagot pabalik sa kanya. Gusto kong makitaan ko muna siya ng pagbabago tulad ng sinasabi niya.
Tig-isang piraso ng tinapay at isang tasang kape na pinaghatian pa naming mag-asawa ang nagsilbing hapunan namin. Sa pagtulog naman, nagpalit kami ni Lito ng pwesto. Siya na muna ang naupo at ako ang pinahiga niya sa kama para makapagpahinga ako. Kinabukasan kasi ay may pasok pa ako sa trabaho.
***
Sa sobrang himbing ng tulog ko, hindi pa ako magigising kung hindi ako ginising ni Lito. Sa ospital na ako naglinis at nag-ayos ng aking sarili. Tig-isang piraso ng tinapay at isang tasang kape uli ang pinagsaluhan namin bilang agahan. Sa anim na pirasong tinapay na binili ko kagabi, may natira pang dalawa. Ibinaon ko ang isa habang ang isa naman ay iniwan ko para kay Lito.
Ilang minuto na lang mahuhuli na ako sa trabaho, buti na lang at may alam akong shortcut. Hindi kagandahan ang daan na ‘yon dahil isa ‘yong bakanteng lote na may makakapal at matataas na d**o. Halatang matagal nang napabayaan ng may-ari. Tagaktak ang pawis ko dahil sa paglakad-takbo ko para lang hindi mahuli. Huminto ako saglit para habulin ang hininga ko nang may makita akong itim na bagay ‘di kalayuan mula sa pwesto ko. Bag ata ‘yon. Tumakbo ako palapit doon at tama nga ang hinala ko, isa nga itong bag na halos isang dangkal ang haba.
Tumingin muna ako sa buong paligid at nang masigurado kong walang tao, kinuha ko ‘yon saka binuksan. At muntik na akong matumba sa aking kinatatayuan nang manlambot ako sa aking nakita. Naglalaman ito ng pera. Maraming pera. Puro tig-iisang libo ang laman nito. Ito na ata ang swerteng hinahantay ko. Tinupad ng diary ang hiling ko.
Isinaksak ko agad sa aking bag ang napulot kong pera at dali- dali akong umalis sa lugar na ‘yon. Sa isip ko, inisa-isa ko na ang mga pagkakautang namin na kailangan kong bayaran. At sa tantya ko, mababayaran ko lahat ng ‘yon at may sosobra pa. Hindi ko maiwasang gumuhit ang malawak na ngiti sa mga labi ko. Nakikita ko na sa isip ko ang mukha ng aking mga anak. Mabibili ko na ang mga gusto nila. Mabibilhan ko na sila ng pagkain at mabibilhan ko na ng gatas ang bunso ko.
***
“O, Magda. Ang ganda ata ng araw mo?” nagtatakang tanong ni Romalyn dahil kahapon lang ay problema ang ibinalita niya sa ‘kin pero pagpasok ko ngayon sa trabaho ay nakukuha ko nang ngumiti.
“Oo nga. Nanalo ka ba sa lotto?” pabirong tanong pa ni Andy, kasamahan ko rin sa trabaho.
Subalit isang ngiti lang ang itinugon ko sa kanila. Salamat Andy, binigyan mo ako ng ideya para sa susunod na hiling ko. Bakit nga ba hindi ko naisip ‘yon? Hihiling lang din naman ako, bakit hindi ko pa lakihan? Lulubos-lubusin ko na ito tutal minsan lang naman dumating ang ganitong swerte sa akin.