KABANATA 3

1207 Words
KABANATA 3 Umuwi ako kina Tiya Susan para ibilin muna sa kanya ang mga anak ko. Iisa lang ang katawan ko kaya naman kung magpaparoo’t parito ako para asikasuhin ang mga anak ko at ang asawa ko,  pati  na rin ang paghahanap ng perang pambayad sa ospital, siguradong mahihirapan ako. “Pagpasensyahan mo na ito, Magda.” Kinuha ni Tiya ang kamay ko saka inipit sa palad ko ang dalawang daang piso. “Walang-wala rin ako. Alam mo namang umaasa lang din ako sa kakarampot na perang ipinapadala sa akin ng pinsan mo.” “Ayos lang po ‘yon Tiya. Malaking tulong na po ito sa akin, lalo na ang pagtingin niyo rito sa mga anak ko.” Tulog ang mga anak ko nang umalis ako sa bahay ni Tiya. Dumaan ako sa bahay namin para ikuha ng gamit si Lito. Habang naglalagay ako ng mga damit sa bag, bigla na lang akong naiyak. Wala kahit na isa sa mga nilapitan ko ang nagpahiram sa ‘kin ng pera. Kinapalan ko na rin ang aking mukha para kausapin ang boss ko upang bumale pero tanging sumbat lang tungkol sa biglaan kong pag-alis sa gitna ng trabaho nang walang paalam ang isinagot niya sa ‘kin. Paano raw niya ako pagbibigyan gayong wala akong kwentang empleyado. Sa gitna ng aking pag-iyak, biglang nahulog mula sa kandungan ko ang bag na aking hawak. Nang akmang dadamputin ko na ito, nakita ko ang bagay na napulot ko kanina. Hindi ko pa nga pala ito nabubuklat kaya hindi ko alam kung libro ba ito o notebook. Tinanggal ko ang lock nito na parang buckle ng sinturon. Sa unang pahina nito ay may nakasulat kaya naman mahina ko itong binasa.       Isulat ang iyong nais, upang bukas wala nang pagtangis. Pangalan mo ay kailangan, para maisakatuparan. Tatlong araw na puno ng saya. Sa pang-apat na buwan himig na kay ganda. Dadalhin ka sa nag-aapoy na ligaya. Ito ay panghabangbuhay na.   Hindi ko lubos na maintindihan kung ano ang ibig sabihin ng mga katagang ‘yon subalit lubhang tumatak sa akin ang unang linya noon, ‘Isulat ang iyong nais, upang bukas wala nang pagtangis’. May magic kaya ito na kayang tumupad ng mga hiling? Naisip ko pang kaskasin ng tatlong beses ang cover nito sa pagbabakasakaling may lalabas na genie. Pero natawa na lang ako at nasabi sa sarili ko na isang kalokohan ‘yon. Sa mga palabas sa TV at pelikula lang nangyayari ang mga ‘yon. Matapos kong mapagtantong kalokohan  na  ang  ginagawa ko, ipinagpatuloy ko na lang ang pagbuklat sa bawat pahina. Sa pangalawang pahina ay may nakasulat na mga pangalan at sulat-kamay ang mga ‘yon: Josefa dela Cruz, Pedro Crisostomo, Rodolfo Capistrano. Kapansin-pansin na tila sinaunang pangalan ang mga ‘yon pati na  rin ang paraan ng pagkakasulat. Subalit habang itinutuloy ko ang  pagbabasa sa iba pang pangalan, napansin kong tila nagiging moderno na ang mga ‘yon. Ang ilan sa mga ‘yon ay Cindy, Maricel at Jeffrey. Nang buklatin ko ang pangatlong pahina ay isang sulat ang bumugad sa akin.   Nobyembre 10, 1902 Kaya mo nga kayang tuparin ang tatlo sa mga kahilingan ko tulad ng sinambit ng matandang babae na nagbigay nito sa akin? Kung ganoon, ito ang unang kahilingan ko. Nais kong mapasaakin   si Federico. Matagal ko na siyang iniibig, ngunit ibang dalaga ang kanyang tinatangi. Nais kong paibigin mo siya sa akin. Josefa   Kung tama ang nasa isip ko, ang Josefa na nagsulat nito ay ang Josefa dela Cruz na nakasulat ang pangalan sa ikalawang pahina nito. At kung tama muli ang iniisip ko, hindi ito libro o isang simpleng notebook lang kundi isang diary. Diary na tumutupad ng kahilingan? Base sa itsura nito, masasabi kong may kalumaan na nga ito dahil sa nakasulat at dahil na rin sa manilaw-nilaw na nitong papel. Pero sa kabila ng kalumaan, kapansin-pansin pa rin ang taglay nitong tibay dahil wala ni isang pahina ang may punit o kaya’y humiwalay na pahina.     Nobyembre 11, 1902 Hindi ako makapaniwala sa mahikang taglay mo. Pinuntahan ako ni Federico kanina at nagtapat siya ng pag-ibig sa akin. Ngayon ay katipan ko na siya, ngunit hindi pa ito sapat para sa akin. Nais kong yayain niya akong makipag-isang dibdib sa kanya. Mahal na mahal ko siya kaya’t nais ko na siyang makasama.  Josefa   Nobyembre 12, 1902 Tinupad mo na naman ang kahilingan ko. Hiningi na ni Federico ang kamay ko mula sa mga magulang ko. May basbas na kami ng aming mga pamilya. Sa susunod na taon pa ang kasal, dahil kailangan pa raw niyang mag-ipon. Hindi marangya ang pamumuhay ng pamilya nila, kaya para sa huling kahilingan ko, bigyan mo ng maraming salapi ang mahal ko. Kung sa paanong paraan, ikaw na ang bahala. Josefa   Totoo nga atang tumutupad ng kahilingan ang diary na ito. Dahil sa aking hinala, dali-dali ko itong binuklat at naghanap ng blangkong pahina. Mabuti na lamang at mayroon pa kaya naman agad akong kumuha ng ballpen. Hindi naman siguro masama kung maniniwala ako, baka sakaling matupad din ang mga kahilingan ko. Binalikan ko muna ang ikalawang pahina at isinulat ko roon ang buong pangalan ko, Magdalena Gabriel. Nanginginig pa ang kamay ko habang isinusulat ko ang aking pangalan. Hindi ko maipaliwanag ang nararamdaman ko, kaba na may halong tuwa. At nagsimula na akong isulat ang unang kahilingan ko.   Dear Diary, Hindi naman siguro masamang maniwala sa’yo. Tutal mukhang marami na naman ang nakapagsulat sa’yo at positibo naman ang mga nabasa ko, sana isama mo ako sa mga nabiyayaan mo ng swerte. Sana magka-pera ako at mabayaran ko na lahat ng pagkaka-utang namin. Magda   Pagkasulat ko sa aking pangalan, isang malakas na katok sa pinto ang narinig ko. Napaigtad tuloy ako sa sobrang gulat at napahawak sa aking dibdib dahil sa bilis ng t***k ng puso ko. “Magda! Magda!” boses ni Manang Josie ‘yon, ang may-ari nitong bahay na inuupahan namin. Pagkarinig pa lang sa boses niya, alam ko na agad kung anong sadya niya. Sa tono pa lang ng pagtawag niya sa pangalan ko, batid ko nang maniningil siya ng utang. “Manang Josie. Magandang gabi po,” nakangiti kong bati sa kanya pagbukas ko ng pinto. “Gaganda lang ang gabi ko kung magbabayad ka ng utang mo! Dalawang buwan ko na kayong pinagbibigyan! Aba, Magda, hindi lang naman ikaw ang nangangailangan ng pera, ang may pamilyang binubuhay, at may bibig na pinapakain. Pare-pareho lang tayong may problema, kaya sana magbayad ka na, bago pa maubos ang katiting na awa ko sa inyo at mapalayas ko kayo,” mahabang litanya niya sa ‘kin. Tama naman siya, kaya tinanggap ko na lang ‘yon at humingi ng pasensya. “Hayaan n’yo po bukas, magkaka-pera na po ako, mababayaran ko na po kayo,” sagot ko. Hindi ko alam kung bakit ko ‘yon nasabi na para bang siguradong-sigurado ako na may darating nga akong pera. Siguro masyado akong nadala sa paniniwalang totoong tumutupad ng kahilingan ang napulot kong diary. Kaya sana talaga, hindi ako mabigo. Sana bukas na bukas din ay may dumating ngang swerte, dahil kung hindi, tuluyan na kaming mawawalan ng bubong na masisilungan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD