KABANATA 5

1609 Words
KABANATA 5 Paupo pa lang ako sa pwesto ko nang lumapit sa ’kin si Charm, ang secretary ng boss ko. “Magda, tawag ka ni Sir,” sabi niya habang panguya-nguya pa ng bubble gum. Ewan ko ba kung bakit natanggap na secretary ‘to. Porke’t maganda at sexy, tinanggap agad, kahit parang wala namang alam sa trabaho niya. Madalas ko kaya siyang mahuling nagpe-f*******: lang o kaya naman ay naglalaro ng solitaire sa computer niya. Madalas ring palpak ang trabaho niya pero giliw na giliw pa rin ang boss ko sa kanya. Napagtsitsismisan tuloy siya dito sa opisina. Napansin kasi namin na ilang buwan pa lang siyang nagtratrabaho rito at hindi pa naman ganun kalaki ang sweldo niya, pero lagi siyang may bagong gamit--bagong bag, bagong sapatos at mga bagong alahas. Sa tingin ko nga totoo ang tsismis na kabit siya ng boss namin. “Bakit daw?” tanong ko. “Hindi ko alam, basta dalian mo kasi mukhang mainit ang ulo ni Sir,” maarteng sagot niya at tinaasan pa ako ng kilay. Agad akong tumayo at kumatok ng tatlong beses sa pinto ng opisina ng boss ko. “Pasok,” pasigaw niyang sabi. Dahan-dahan kong binuksan ang pinto at sumilip. Nakita ko ang boss ko na busy sa harapan ng laptop niya. “Sir, pinapatawag niyo raw po ako?” Walang gana niya akong tinignan, “Maupo ka,” sabi niya na sinunod ko naman. May inilapag siyang mga papel sa harapan ko. Wala na siyang ibang sinabi pero alam ko na ang ibig niyang sabihin. Isa- isa kong tinignan ang mga papel. Mga disciplinary memos pala ito na natanggap ko sa loob ng isang taon at nagsimula nang maglitanya ang boss ko. Kesyo hindi na raw niya mabilang kung nakailang memo na ako at sobra-sobra na raw ang kapalpakan ko sa trabaho. Kung hindi raw ako late, absent ako, hindi ko natatapos sa oras ang mga trabaho ko, at pati trabaho ng mga kasama ko ay nade-delay dahil sa mga kapalpakan ko. Kaya last day ko na raw ito sa trabaho at bukas raw ay huwag na akong pumasok. “Sir, hindi naman po ata makatarungan ‘yan. Biglaan naman po Sir.” “At ako pa ngayon ang hindi makatarungan? Magda, naririnig mo ba ang sarili mo?! Get out of my office now! You’re fired and that’s final! Hindi ko kailangan ng mga empleyadong katulad mo! Malas ka sa negosyo! Wala ka nang dinala rito kundi problema!” sigaw niya sa ’kin. Sa puntong ‘yon, hindi ko na napigilan ‘yung inis ko sa kanyang ilang buwan ko ring kinimkim, lalo na nang maalala ko ‘yung mga kapalpakan ni Charm na sa ’kin niya isinisi. Na dapat si Charm ang makatanggap ng memo pero ako ang nalintikan at nasuspinde ng ilang araw, kaya ilang araw rin akong walang sweldo. “Oo! Aalis ako dito sa bulok na opisina mo! Grabe kang makapanlait, akala mo naman napakalaki mong magpasweldo! Sa limang taon kong pagtatrabaho rito, isang libo lang ang itinaas ng sweldo ko! Akala mo Sir ‘di ko alam na kabit mo ‘yang sekretarya mo!? Baka gusto mong makarating ‘yan sa misis mo!” Bigla siyang namutla sa sinabi ko. “Umalis ka sa harapan ko! Wala kang utang na loob!” “Hindi ko kailangang tumanaw ng utang na loob sa ’yo dahil pinagtrabahuhan ko lahat ng kinita ko rito! Ikaw pa nga ang may utang sa ’kin, sa ’ming mga empleyado mo! Pinag-oovertime mo kami pero walang bayad! Isaksak mo sa baga mo ‘yang pera mo!” “Get out!!” galit na galit niyang sigaw. Tinalikuran ko  na siya    at pabalya kong isinarado ang pinto ng opisina niya. Paglabas ko, nakatingin sa ’kin ang lahat ng mga kasama ko sa trabaho at nakita kong inirapan naman ako ni Charm. Sigurado akong narining nilang lahat ang sigawan namin ni Sir. Tahimik ko lang na kinuha ang mga gamit ko at yakap ang aking bag, dire-diretso akong lumabas ng opisina. Buti na lang talaga napulot ko ang diary dahil kahit mawalan ako ng trabaho, wala akong proproblemahin pagdating sa pera. Pagkagaling sa opisina, kina Tiya Susan agad ako dumeretso para sunduin ang mga anak ko. Ngayon na may pera na ako, makukuha ko na sila. Mababayaran ko na rin ang mga perang hiniram ko kay Tiya at sosobrahan ko pa dahil sa ginawa niyang tulong sa amin. “Napakalaki naman nito Magda,” sabi ni Tiya Susan nang abutan ko siya ng limang libo. “At paano ka nagkapera?” tanong niya. “Nag-resign na po ako sa trabaho at nakakuha po ako ng medyo malaking halaga dahil sa limang taong kong serbisyo sa kanila,” pagsisinungaling ko. “Ay ganun ba. Pero sigurado ka bang ibibigay mo sa ’kin ‘to? Baka naman gipitin kayong mag-iina?” “Hindi po Tiya, ayos lang po talaga.” “O, sige, tatanggapin ko na ito,” saka niya inilagay sa bulsa ng kanyang daster ang perang ibinigay ko. “Mama, uuwi na po ba tayo? Babalikan na po natin si Papa? Babalik na po ako sa school?” sunod-sunod na tanong ni Julliane sa ‘kin. Nang dalhin ko kasi sila dito kina Tiya Susan ay pansamantala siyang napatigil sa pag-aaral. “Oo, babalik ka na sa school,” nakangiti kong sagot sa kanya. *** Hapon na nang makaalis kami kina Tiya Susan at bago kami umuwi sa bahay, dumaan muna kami sa ospital para magbayad ng bill at nang makauwi na rin si Lito. Sabi naman ng doktor, pwedeng sa bahay na siya magpagaling. Binili ko na lang ang mga gamot na inireseta sa kanya pati na rin mga panlinis sa mga sugat niya. “Mahal, saan ka nakakuha ng pera? Paano mo nabayaran ‘yung bill sa ospital, pati ‘yung upa natin dito sa bahay?” tanong ni Lito habang naghahapunan kami sa bahay. Bumili ako ng litsong manok at pansit kaya naman subsob sa pagkain ang panganay ko samantalang ibinili ko naman ng mamahaling gatas ang aking bunso na kasalukuyan kong kandong-kandong habang dumedede. “Nag-resign na ‘ko, back pay ko ‘yan,” matipid na sagot ko. Nanlaki ang mga mata ni Lito dahil sa sinabi ko. Alam ko ang tumatakbo ngayon sa utak niya. Kung wala na akong trabaho, eh di wala na ring sweldo. Paano kami? “Bakit? Hindi ba sabi mo maghahanap ka na ng trabaho? Ngayong wala na akong trabaho, ikaw naman ang kumayod para sa pamilyang ‘to,” dire-diretso kong sabi at tumango-tango lang naman siya. Pagkatapos kumain, nagligpit na ako at naghugas ng mga pinagkainan namin. Matapos kong magligpit, nakita kong nagpapahinga na si Lito sa kwarto namin kaya naman pumunta akosa kwarto ng mga anak ko. Tulog na ang bunso ko habang ang panganay ko naman ay naglalaro ng bahay-bahayan niyang mula sa pinagtagpi-tagping plywood na si Lito mismo ang gumawa. Habang abala ang anak ko sa kanyang ginagawa, inilabas ko mula sa bag ko ang diary para isulat ang pangalawa kong kahilingan.   Dear Diary, Salamat sa biyayang ibinigay mo. Bukas plano kong tumaya sa Lotto. Sana manalo ako. Ang laki pa naman ng jackpot price ngayon, baka umabot na raw sa 40 Million. Sana bukas milyonarya na ako. Magda   “Mama, ano po ‘yan?” pang-uusisa ni Julliane sa isinusulat ko. Agad ko namang isinara ang diary at ini-lock ito. “Wala ‘to anak.” Tumabi siya sa akin at hindi pa rin tumigil sa  pang-uusisa. “May assignment ka rin Mama?” tanong niya uli. Akala niya siguro assignment ang ginagawa ko dahil nagsusulat ako sa notebook. “Oo, may assignment din si Mama.” Sumakay na lang ako sa sinabi niya. “Excited ka na bang bumalik sa school? Gagawa ka na uli ng mga assignments mo?” “Opo Mama! ‘Tsaka gusto ko na po uli makita ‘yung mga classmates ko, ‘tsaka si Teacher Anna!” “Kung gano’n, dapat matulog ka na dahil bukas papasok ka na uli sa school.” “Talaga Mama? Yehey!” sabi niya saka yumakap sa ‘kin. Nang tuluyan nang makatulog si Julliane, kinuha ko uli ang diary at binasa ang ilan sa mga nakasulat doon.     Pebrero 21, 1902 Ipagpaumanhin mo kung ngayon na lamang ako muling nakasulat sa iyo. Naging abala kasi ako sa pagiisang-dibdib namin ni Federico. Napakasaya ko ngayon. Walang mapagsidlan ang nag-uumapaw kong kaligayahan at pag-ibig para kay Federico, lalo na at mabibiyayaan na kami ng supling. Napakalaking piging ang ginanap dito sa aming tahanan kanina upang ianunsyo sa buong pamilya ang pagdadalang-tao ko. Nais ni Papa ng lalaking apo, samantalang babae naman ang nais ni Mama. Pero sa amin ni Federico, hindi na iyon mahalaga. Basta malusog ang sanggol, maligaya na kaming mag-asawa. Josefa   Marso 1, 1902 Ako’y nalulumbay ngayon. Ilang linggong mawawalay sa akin si Federico. May bagong negosyo si Papa at sa kanya ipinaubaya ang pag-aasikaso rito. Nais ko sanang sumama sa kanya ngunit maselan ang pagdadalang-tao ko. Kaya mo pa rin bang tuparin ang kahilingan ko sa iyo? Sana’y makauwi ng ligtas ang mahal ko. Josefa   Iyon na ang huling sulat ni Josefa dito sa diary. Dahil doon, hindi ko na nalaman kung ligtas bang nakauwi si Federico. Hindi ko na rin nalaman kung ano’ng naging anak nila. Babae kaya? Lalaki? O kambal? Sa bagay, ‘di na mahalaga ‘yon pero sana naman ligtas siyang nakapanganak. Sana ligtas silang mag-ina pati na rin ang mahal niyang si Federico.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD