KABANATA 6

932 Words
KABANATA 6 Hulyo 4, 1932 Ang unang kahilingan ko ay hindi para sa sarili ko, kundi para sa kaisa-isa kong anak na si Manuel. Masakit man sa aking kalooban ngunit labing-walong taon ko na siyang ikinukulong sa kanyang kwarto habang naka-kadena ang isa niyang paa sa kama upang hindi siya makatakas. May problema sa pag-iisip ang aking anak. Minsan ay nagsasalita siyang mag-isa kahit na wala naman siyang kausap. May mga panahon ring nagsisisigaw siya at iniuumpog ang ulo sa pader dahil sa mga boses na diumano’y bumubulong sa kanya. Ang pinakamalala ay nang pagtangkaan niya ang buhay ng aming kasambahay na si Carmencita. Linggo noon at kagagaling lang namin sa bayan nang madatnan naming mag-asawa na sinasakal ni Manuel si Carmencita. Buti na lamang at napakiusapan namin si Carmencita na ilihim ang pangyayaring iyon kapalit ng  isang hektaryang  lupa at tatlong kalabaw na maaaring magamit ng kanilang pamilya sa pagsasaka. Nag-iisa kong anak si Manuel at nag-iisang taga-pagmana ng lahat ng aking ari-arian. Nais ko rin siyang sumunod sa yapak ko bilang Alkalde dito sa San Isidro. Dahil dito, hinihiling ko na malunasan na ang kanyang karamdaman. Pedro Crisostomo   Hulyo 5, 1932 Totoo nga na ikaw ay mapag-milagro. Ang binatang dating laging nakasiksik sa sulok ng kwarto, ngayon ay napakatikas ng tindig at punong-puno ng kumpyansa sa sarili. Hindi makapaniwala si Rodora sa mabilis na pagbabago ng anak naming si Manuel. Masyado akong maligaya ngayon at wala akong maisip na hilingin sa’yo, ngunit sayang naman ang pagkakataon. Kaya naman bigyan mo na lamang ako ng mga lupain kapalit ng lupang ibinigay ko kay Carmencita. Pedro Crisostomo   Hulyo 6, 1932 Tila kahapon lang ay napakatiwasay ng bayan ng San Isidro, ngunit bakit bigla na lamang may kumalat na epidemya? Mga kabataang mula edad lima hanggang disi-otso ang tinubuan ng mga kumakatas na bukol sa buong katawan na sinabayan pa ng mataas na lagnat. Halos kalahati tuloy ng mga kababayan ko ay lumapit sa akin upang ibenta ang kanilang mga lupain at mga alagang hayop upang makapunta sila ng Maynila at makahanap ng lunas sa karamdaman ng kanilang mga anak. Kagagaling lamang ng aking anak mula sa karamdaman, kaya para sa huling kahilingan ko, iligtas mo sana ang buong pamilya ko laban sa hindi malamang sakit na ito. Pedro Crisostomo   Nakakapangilabot naman ang nangyaring ‘yon sa bayan nila. Napatingin tuloy ako sa mga anak ko na mahimbing na natutulog sa tabi ko. Buti na lang at malulusog sila at walang sakit. Pero kung sakaling mangyari ‘yon sa isa sa mga anak ko, hindi rin ako magdadalawang-isip na humiling sa diary na ito gumaling lamang ang mga anak ko. Itutuloy ko pa sana ang pagbabasa ng diary nang mapatingin ako sa nakaawang na pinto ng kwartong kinaroroonan ko. Parang may nakita kasi akong dumaang lalaki papunta sa direksyon ng kwarto naming mag-asawa. Kung hindi lang naka-pula ang lalaking nakita ko, iisipin ko na si Lito ‘yon. Pero tandang-tanda ko kasi na naka-puti si Lito dahil ako pa mismo ang naghanda ng damit niya kanina. Hindi kaya pinasok kami ng magnanakaw? Dahan-dahan akong bumaba ng kama, kinuha ko ang bag ni Julliane at kinuha ang gunting sa loob ng pencil case niya. Hindi kalakihan ang gunting na ‘yon pero mabuti na ring proteksyon kung sakaling magnanakaw nga ‘yung nakita ko. Habang ginagawa ko ‘yon, nanatiling nakatutok ang paningin ko sa nakaawang na pinto namin sa pag-aalalang baka biglang pumasok sa kwarto ang kung sinumang lalaking ‘yon. Mabuti nang nakahanda ako kung sakaling atakihin niya ‘ko. Nakayapak akong naglakad palabas ng kwarto at ingat na ingat akong huwag makagawa ng ingay. Nakita kong nakabukas ang pinto ng kwarto namin ni Lito at nakapatay ang ilaw sa loob. Dahan-dahan kong binuksan ang pinto nang biglang may malamig na hanging sumalubong sa akin. Kinilabutan tuloy ako. Parang ganito rin ‘yung naramdaman ko kahapon. Binuksan ko agad ang ilaw at napatingin ako sa bukas na bintana sa loob ng kwarto kaya naisip ko na marahil doon ‘yon nanggaling lalo na’t gumagalaw ang kurtinang nakasabit doon na tila nilalaro ng hangin. Nakahiga si Lito sa kama at mahimbing pa ring natutulog. Nang makapasok na ako sa kwarto, nakita kong wala namang tao. Tiningnan ko rin ang mga cabinet pati ilalim ng kama at wala naman akong nakita. Pero sigurado ako na may nakita talaga akong lalaki kanina  at imposibleng bigla na lang siyang mawala dahil wala naman siyang ibang dadaanan. Kung bababa siya ng hagdan, makikita ko siya mula sa nakaawang na pinto ng kwarto ng mga anak ko. Kung nasa loob naman siya ng kwarto naming mag-asawa, wala rin siyang lalabasan dahil may mga bakal ang bintana. Kung lumabas naman siya mula sa loob ng kwarto, imposibleng hindi ko siya makasalubong, maliban na lang kung hindi pala tao ‘yung nakita ko. Tila biglang napigil ang paghinga ko sa takot. Unti-unti na namang gumapang ang kilabot sa buong katawan ko. Kasalukuyan akong nakaharap sa may pintuan at nang mapatingin ako roon, bigla akong napa-urong at napaupo sa kama, dahilan para magising si Lito. May lalaking naka-pula na nakasilip sa may pintuan. Kalahati lamang ng katawan niya ang nakita ko dahil madilim sa may pasilyo at hindi ko naaninag ang mukha niya bago pa siya mawala sa paningin ko. “Magda! Magda!” narinig kong sigaw ni Lito habang niyuyugyog ako. “Magda! Anong nangyayari sa ’yo?! Kanina ka pa tulala diyan!” Hindi ko na nakuhang sumagot pa kay Lito dahil dali-dali na akong tumakbo pabalik sa kwarto ng mga anak ko.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD