KABANATA 7
“Ano bang nangyayari sa ’yo Magda?” tanong ni Lito habang nakasunod siya sa ’kin papunta sa kwarto kung saan natutulog ang mga anak ko. Pagpasok ko sa kwarto, nakita ko na walang tao at mahimbing pa ring natutulog sina Julliane at Let-let. Maluha-luha akong tumabi sa kanila. “Magda ano bang problema?!” Dahil sa malakas na boses ni Lito ay nagising si Julliane.
“Mama…” Bumangon siya at tumingin sa ’kin. “Mama, bakit po?” Nakita niya siguro na umiiyak ako. Niyakap ko naman siya.
“Lito, bumaba ka nga at i-check mo ang buong bahay. Parang may nakita akong lalaki kanina. Baka pinasok tayo ng magnanakaw.”
“Ano?! Ba’t ngayon mo lang sinabi?!”
“Nataranta ako at hindi ko alam kung totoo ba ‘yung nakita ko o hindi. Basta tingnan mo na lang kung may tao ngang nakapasok dito!” sigaw ko sa kanya.
Mabilis naman siyang kumilos, lumuhod at sumilip sa ilalim ng kama. Nakita kong may kinuha siya sa ilalim ng kama--isang mahabang kahoy. Nasa tatlo o apat na dangkal siguro ang haba noon at halos kalahating dangkal naman ang lapad. Ngayon ko lang nalaman na may itinago palang gano’n si Lito sa ilalim ng higaan ng mga anak namin.
“Dito lang kayo, i-lock n’yo ‘yung pinto paglabas ko.”
Lumabas si Lito ng kwarto at sumunod naman ako sa kanya hanggang sa may pintuan. “Mag-ingat ka,” sabi ko sa kanya. Tumango siya at ini-lock ko naman ang pinto at pinabalik si Julliane sa pagtulog.
Parang ang bagal ng oras. Pakiramdam ko’y ilang oras na ang lumipas mula nang umalis si Lito kahit na ilang minuto pa lang naman ang nakakaraan. Kasabay ng bawat kaluskos na naririnig ko ay ang malalakas na pagkabog ng dibdib ko.
Ilang sandali pa’y may kumatok na sa pinto. “Magda, ako ito,” ani ni Lito. Nakabalik na siya.
Binuksan ko ang pintuan, “Ano, may nakita ka ba? May tao ba?” tanong ko sa kanya.
“Wala. Wala namang tao eh. Naka-lock pa rin lahat ng pinto. Pati ‘yung mga kandado na sa loob ang sarahan, naka-lock pa rin. Pati mga bintana tinignan ko, sarado naman. Chineck ko rin ‘yung mga bakal ng bintana, ayos naman. Kahit bakas ng tangkang pagpasok dito, wala akong nakita.”
“Sigurado ka?” ‘di mapakaling tanong ko pa rin.
“Oo, siguradong-sigurado. Baka naman nananaginip ka nang gising d’yan Magda.”
“Pero may nakita talaga ako. Nakapulang lalaki, nakasilip siya sa kwarto kanina, kaso biglang nawala,” sabi ko kasabay ng pag-upo ko sa gilid ng kama.
“Baka guni-guni mo lang ‘yun. Baka namamalik-mata ka lang o baka sobrang antok lang ‘yan. Itulog mo na lang ‘yan Magda.” Kakamot- kamot sa ulo si Lito nang lumabas ng kwarto. Samantala, humiga naman ako sa tabi ng mga anak ko.
Dahil sa nangyari kanina at sa mga nakita kong hindi ako sigurado kung totoo o hindi, hindi agad ako dinapuan ng antok. Magdamag ko lang munang pinagmasdan ang mga anak ko habang natutulog sila, hanggang sa bumigat na rin ang mga talukap ko at tuluyan na akong dapuan ng antok. Nang nasilip kong sikat na ang araw at nang marinig ko na ang pagtilaok ng mga tandang ng kapitbahay namin, bumangon na ako para gisingin si Lito, pero pagpunta ko sa kwarto niya, wala na siya sa kanyang higaan.
Pababa pa lang ako ng hagdan nang maka-amoy ako ng ginigisang bawang. Pagdating ko sa kusina, nagulat ako nang makita kong nandoon pala si Lito. “O, mahal, gising ka na pala,” nakangiti niyang sabi at muli niyang ibinalik ang kanyang atensyon sa niluluto niya.
Totoo ba itong nakikita ko? Si Lito, nagluluto? Tinototoo na nga kaya niya ang mga sinabi niya kahapon? Ito na ba ang umpisa ng pagbabago niya?
“Kaya mo na bang magluto? Hindi na ba masakit ang sugat mo?” tanong ko sa kanya.
Nilingon niya ako. Nakatalikod kasi siya sa ‘kin dahil nasa may lamesa ako’t nakaupo habang siya naman ay nakaharap sa kalan na nakapatong sa may lababo. “Ayos lang ako. May binili nga pala akong pan de sal d’yan kung nagugutom ka na, pero kung hindi pa naman, hintayin mo na lang ‘tong sinangag. Bumili nga rin pala ako ng sardinas.”
“Saan ka kumuha ng pera?”
“Gigisingin sana kita kanina para humingi ng pera…” Mukhang nahihiya siya dahil napakamot siya sa kanyang batok. “Kaso ang himbing ng tulog mo, kaya kumuha na lang muna ako ng pera sa pantalon mo na nakasabit sa likod ng pinto. Kumuha ako ng isang daan, ‘yung sukli inilagay ko sa ibabaw ng tokador sa kwarto ni Julliane.” Tumango lang naman ako. “Pagkakain pala natin aalis ako, maghahanap ako ng trabaho. Pupuntahan ko si Pareng Julio, baka sakaling may alam siya na pwede kong pasukan,” mukhang excited niyang sabi. Marahil ay totoong nagbabago na nga siya at handa na uling maging padre de pamilya.
Bago matapos sa pagluluto si Lito ay ginising ko na si Julliane para makapaghanda na sa muli niyang pagpasok sa school. Sabay-sabay kaming nag-agahan ni Lito at ng mga anak ko.
Matapos naming kumain, si Lito na ang naghatid kay Julliane sa school. Naiwan naman kami ng bunso ko sa bahay. Tulog si Let-let sa loob ng kuna niya habang naglalaba naman ako sa likod bahay namin. Sa kalagitnaan ng paglalaba ko ay bigla ko siyang narinig na umiyak. Dali-dali akong naghugas ng kamay, ipinunas ‘yon sa tagiliran ng daster ko at pumasok sa loob ng bahay.
“Let-let, gutom na ba ang bunso ko o baka naman basa na ang lampin mo?” sabi ko habang palapit sa kuna niya. Tuloy pa rin siya sa pag-iyak niya. Tiningnan ko ang lampin niya, tuyo naman ‘yon kaya ipinagtimpla ko na lang siya ng gatas para padedehin, pero ayaw naman niya. Tuloy pa rin siya sa pag-iyak habang nakatingin sa likuran ko. “Let-let, bakit? May masakit ba sa ’yo? Kinakabagan ka ba?” Binuhat ko siya at inilagay sa tapat ng dibdib ko at hinimas ang likod niya para makadighay siya, pero wala pa rin siyang tigil sa pag-iyak.
“Magda!” May tao sa labas. “Magda!” sigaw nito kasabay ng pagkatok.
“Nand’yan na, saglit lang,” sabi ko habang papalapit sa may pintuan at bitbit si Let-let. Binuksan ko ang pinto at si Aleng Puring pala na nanay ni Rodrigo ang tumatawag sa ‘kin. “Aleng Puring, bakit po?” Hindi niya sinagot ang tanong ko, sa halip ay hinatak niya ako palabas ng bahay. Halatang kinakabahan siya dahil malamig ang kamay niya at nanginginig pa. “Aleng Puring, sandali lang po. Bakit ho ba? Saan po tayo pupunta? May kailangan po ba kayo?” sunud-sunod na tanong ko.
“Mag-ingat ka Magda…” bulong niya na tila takot na takot na may makarinig sa pag-uusap namin.
“Ha? Bakit po?”
“May mga kasama kayo sa bahay n’yo na hindi niyo nakikita,” pabulong niyang sabi habang nakatingin pa sa bahay namin.
“Po?!” Pagkatapos ng mga nangyari nitong mga nakaraang-araw, hindi ko naiwasang matakot sa mga sinabi ni Aleng Puring.
“Basta mag-iingat ka Magda.” At bigla na lang umalis si Aleng Puring. Samantala, bumalik naman ako sa loob ng bahay, isinarado ang lahat ng mga bintana at pinto at muling lumabas at umalis kasama si Let-let. Lubos akong natakot sa sinabi ni Aleng Puring kaya minabuti ko munang umalis.
Ano kayang ibig niyang sabihin? Na may mga multo nga sa bahay namin?
***
“Magda! Magda!”
“P-po?!”
“Tulala ka d’yan? Bakit ang lalim ng iniisip mo?” tanong ni Manang Siling habang inaayos ang mga garapong naglalaman ng iba’t-ibang kendi. Kasalukuyan kasi kaming nandito ni Let-let sa harapan ng tindahan niya. Tumahan na si Let-let at mukhang ayos na ulit ang pakiramdam niya. Mahimbing na siyang natutulog sa mga braso ko.
“Iniisip ko po kasi ‘yung…sinabi ni Aleng Puring sa akin kanina.”
“Ano naman ‘yun?”
“Na may mga kasama raw kami sa bahay na hindi namin nakikita.” Nanlaki ang mga mata niya sa sinabi ko.
“Magda, atin-atin lang ‘to ha,” bulong ni Manang Siling. Lumapit pa siya sa butas ng tindahan niya para mas magkarinigan kami.
“Ano po ‘yon?”
“Huwag mong sasabihin kay Josie na ako ang nagsabi nito sa ’yo ha?”
Tumango ako, “Opo, pangako.”
“May namatay na kasi sa bahay na inuupahan n’yo ngayon. Kaya mura lang ang sinisingil na upa ni Josie kahit na medyo may kalakihan ‘yang bahay niya, kasi nga may namatay na. Sa tuwing nalalaman kasi ng mga umuupa dyan na may namatay na, palaging umaatras.”
“Ibig sabihin po…”
“Baka nagmumulto ‘yung namatay doon. Baka ‘yun ang nakita ni Aleng Puring kaya nasabi niya ‘yun sa ’yo. Eh kayo, may nararamdaman ba kayong kakaiba sa bahay na ‘yun?”
“Meron nga po.”
“Naku… Kung ako sa inyo, lumipat na kayo ng bahay. Malas ang may mga kasamang ganun. Mabigat sa pamumuhay. Kaya nga siguro nawalan ng trabaho ‘yung asawa mong si Lito at nagkabaon-baon kayo sa utang. Kaya habang sinuswerte ka pa ngayon, umalis na kayo doon.” Nakabayad na kasi ako ng utang sa kanya kaya nasabi niyang sinuswerte na uli ako.
Pagkatapos ng pag-uusap naming ‘yon ni Manang Siling, sa tayaan ng Lotto ako dumiretso. Kung lilipat man kami ng bahay, kailangan mayroon kaming pera. Kung mananalo ako sa Lotto, makakabili kami ng sarili naming bahay. ‘Yung amin talaga, ‘yung bahay na wala pang namamatay para walang anumang kababalaghan kaming mararanasan.
Hindi ko alam kung anong mga numero ang itataya ko kaya basta ko na lang ginuhitan ‘yung mga numerong unang nakapukaw ng pansin ko.
6 – 51 – 33 – 42 – 15 – 24
‘Yan ang mga numerong tinayaan ko. Sana manalo.