KABANATA 8

1298 Words
KABANATA 8 “Kuya anong oras na po?” tanong ko sa lalaking kasalukuyang tumataya na nasa tabi ko. Tumigil siya saglit at tumingin sa relo niya. “Alas-dose na,” sagot niya. “Salamat po.” “Miss, ito na ‘yung ticket mo,” sabi ng babaeng kahera. Kinuha ko ang ticket ng Lotto na iniabot niya sa ’kin kasama na rin ang sukli ko. Alas-dose na at tapos na ang klase ni Julliane kaya mula sa tayaan ng Lotto, dumeretso na ako sa school ni Julliane para sunduin siya. “Mama!” masayang sigaw ni Julliane nang makita niya ako sa loob ng tricycle na huminto sa harapan ng gate ng school niya. Kinawayan ko siya at sinenyasan na sumakay na rin sa tricyle. “Mama! Hindi tayo maglalakad ngayon?” tanong niya nang makasakay na siya. Sa tuwing papasok at uuwi kasi siya galing sa school, lagi siyang naglalakad. Napatingin tuloy ako sa sapatos niya. Pudpod na ang swelas nito at medyo nawawala na ang dikit ng rugby na inilagay ko rito noong nakaraang linggo. “Ngumingiti na naman ‘yang sapatos mo,” sabi ko sa kanya. Kapag nalulungkot kasi siya sa tuwing isinusuot niya ang sapatos niya, sinasabi ko sa kanya na siya lang ang kaisa-isang batang may ngumingiting sapatos, kaya hindi siya dapat malungkot. “Inaasar nga po ako nung kaklase kong si Kyla eh, sabi niya bulok na raw ‘yung sapatos ko.” “Ano’ng sinabi mo sa kanya?” “Sabi ko, mas maganda ‘yung sapatos ko, kasi naka-smile! ‘Di ba ‘yun ang sabi mo, Mama?” nakangiti niyang sagot sa ‘kin. Tumawa ako at maging si Let-let na kandong-kandong ko, nakihagikgik rin sa amin na animo’y naintindihan ang pinag-uusapan namin ng ate niya. “Kaso, napapagod na ‘yung sapatos mo kakangiti, kaya bibilhan na kita ng bago. Gusto mo ba ‘yon?” “Talaga Mama?! Yehey!” *** “Wooowww… Ang laki-laki pala talaga ng loob nito Mama!” manghang-manghang sabi ni Julliane habang papasok kami sa loob ng nag-iisang supermarket dito sa bayan namin. Kahit kailan kasi ay hindi pa siya nakakapasok dito dahil sa palengke lang kami palaging namimili. “Kunin mo lang ang gusto mo at bibilhin ni Mama para sa ’yo.” “Yehey!”  Nagtatakbo  siya  papasok  at  bawat  estante  ata  ay hinintuan niya para tingnan ang lahat ng nakalagay roon. Kumuha naman ako ng cart na mayroong upuan kung saan pwede kong isakay si Let-let para hindi ko na siya kargahin habang namimili kami. Iba’t-ibang klaseng tinapay, de lata, chichirya, karne, gulay, gatas at vitamins para sa kanilang dalawa at iba pang mga kailangan sa bahay ang binili ko. Dumaan din kami sa bilihan ng sapatos para makapili si Julliane ng gusto niya. Tinernuhan ko na rin ng bagong medyas ang bago niyang sapatos. Nang napadaan kami sa bilihan ng mga laruan, napansin kong napapasulyap doon si Julliane. Pero nang mapadaan na kami sa estante kung saan naka-display ang iba’t ibang doll house, doon na siya napahinto. “Gusto mo ba ng bagong doll house?” ‘Yung doll house niya kasi, pinagtagpi-tagping plywood lang na gawa ng tatay niya. Wala itong anumang kulay at wala ring palamuti sa labas at loob. Umiling si Julliane, saka ako hinatak. “Hindi na po Mama, okay na po ako sa bago kong sapatos at medyas,” nakangiti niyang sabi, kahit na alam kong gustong-gusto talaga niya ‘yung doll house. Sa murang edad niya, naintindihan na niya ang hirap ng buhay namin kaya mas pinili na lang niyang huwag magpabili. Tila nakaramdam naman ako ng pinaghalong awa at tuwa dahil sa ginawa ng anak ko, kaya naman bumalik ako sa estante ng mga doll house at kumuha ako ng isa. “Kaya namang bilhin ni Mama ‘to para sa ’yo.” Ngumiti siyang muli sa ‘kin. Mas maliwanag at mas masaya ‘yon ‘di tulad ng ngiti niya kanina. Yumakap siya nang mahigpit sa may tagiliran ko, at saka nag-thank you at sinabi pang ako daw ang ‘The Best Nanay’ sa lahat. Kumain muna kami ni Julliane ng tanghalian bago umuwi ng bahay at nang makauwi na kami, inayos ko na agad ang mga pinamili ko at nagsimula namang magluto para sa hapunan namin. Si Julliane ay pumanhik na sa itaas dahil gagawa raw siya ng assignment. Si Let-let naman ay inilagay ko na sa kunang nilagay ko malapit sa kusina. Habang naghihiwa ako ng gulay, narinig kong tumatawa si Julliane at parang may kinakausap. Siguro tapos na siyang gumawa ng assignment at nilalaro na niya ang kanyang bagong doll house na may kasamang maliliit na manika. Siguro ay naglalaro siya ng bahay- bahayan kahit mag-isa. Ala-singko na nang matapos akong magluto. Wala pa si Lito at maaga pa naman para maghapunan kaya pumanhik muna ako sa itaas habang bitbit si Let-let para makapag-pahinga. Habang paakyat ako ng hagdan ay nakasalubong ko si Julliane at nagpaalam sa ‘kin na manunuod daw muna siya ng TV sa ibaba, na pinayagan ko naman. Humiga ako sa kama at itinabi ko si Let-let sa ‘kin. Mahimbing na mahimbing pa rin ang tulog niya. Mabilis naman akong dinapuan ng antok hanggang sa nakatulog na rin ako. Nang magising ako, wala na sa tabi ko si Let-let at sobrang dilim na rin ng paligid. Patay ang mga ilaw at tanging ilaw sa mga poste sa labas ang nagbibigay liwanag sa loob ng kwarto. Dali-dali akong bumaba para tingnan kung nasa baba ba si Let-let at kasama si Julliane, pero wala ang mga anak ko sa ibaba ng bahay. Pumanhik uli ako sa itaas sa pagbabakasakaling nandoon sila sa kwarto namin ni Lito. Baka nakauwi na ang tatay nila at magkakasama silang mag-aama, pero tulad sa ibaba ng bahay, wala ring tao roon. Nagtatakbo akong muli pababa ng hagdan at tumakbo papunta sa likod bahay, pero wala rin sila roon. Dali-dali akong tumakbo palabas ng bahay. Nakakapanibago ang buong paligid, napakatahimik at wala ni isang tao akong nakikita. Biglang namatay ang mga ilaw sa poste at tanging liwanag ng buwan na lang ang kinakapitan ko para hindi ako tuluyang lamunin ng takot. Maglalakad sana ako papunta sa may kalsada, pero hindi ko na maigalaw ang mga paa ko. Hindi ako makakilos. “Magda…” May narinig akong tumawag sa pangalan ko, pero hindi pamilyar sa akin ang boses na ‘yon at tila nanggagaling sa malayo. “Magda…” “Sino ‘yan?!” sigaw ko. “Magda…” Parang hindi na lang isang tao ang tumatawag sa pangalan ko, parang parami nang parami. “Sino kayo?!” “Magda…” Kung kanina ay malayo ang pinanggagalingan ng boses, ngayon ay parang palapit na ito nang palapit. “Magda…” Parang nanggagaling ‘yon sa likuran ko. Palapit nang palapit. Parang mahigit sa sampung tao na ang tumatawag sa ‘kin at nakakahilakbot ang pinagsama-samang boses nila. “Sino ba kayo?! Ano’ng kailangan n’yo sa ’kin?!” Biglang naging tahimik muli ang paligid, pero pakiramdam ko’y may mga nakatayo sa likuran ko. Sobrang lamig ng hangin sa paligid. Kinikilabutan na ang buong katawan ko sa takot kaya pumikit na lang ako sa pagbabaka-sakaling pagdilat ko ay bumalik na sa dati ang lahat. Subalit sapilitan akong napadilat nang bigla na lang may humawak sa magkabila kong braso. Napakainit. Nakakapaso. Pagdilat ko’y nasa loob na uli ako ng kwarto at katabi ko pa rin si Let-let na mahimbing pa ring natutulog. Pagtingin ko sa mga braso ko, nakita kong may namumulang bakas ng mga kamay na tila mula sa mahigpit na pagkakahawak.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD