KABANATA 9
Nakaramdam ako ng matinding kaba nang dahil sa nakita ko sa mga braso ko. Napahawak rin ako sa mga mata ko dahil napaluha pala ako nang dahil sa aking panaginip. Bumangon agad ako at binuhat si Let-let. Gulong-gulo ang isip ko. Hindi ko na malaman kung anong nangyayari sa ’kin. Panaginip lang ang nangyari kanina, pero anong ibig sabihin ng mga marka sa braso ko?
Mabilis pero maingat akong bumaba ng hagdan dahil buhat- buhat ko si Let-let. Pinipilit kong iwaksi sa isipan ko ang mga nangyari. Ayokong mag-isip ng masama, ayokong mag-isip ng negatibo. Hindi ito panahon para maging duwag ako.
Sa may sala ay nadatnan ko si Julliane, naka-upo sa sahig, nakayuko at may isinusulat sa notebook niya na nakapatong sa lamesita na nasa gitna ng sala.
Malamig ang pakiramdam ko sa ibaba ng bahay, lalo na at bukas pa ang mga bintana kaya naman tuloy-tuloy ang pasok ng hangin. Napansin kong nakabukas ang electric fan, pero hindi naman ito nakatutok kay Julliane. Nakatutok ito sa isa sa mga upuan sa sala na malapit sa may bintana. Sa lamesita ay napansin ko rin na may dalawang basong tubig. Ang isang baso ay tubig lamang ang laman at kalahati na lang ito, habang ang isa ay puno pa ng tubig na may kasamang napakaraming yelo. Nagpapawis na ang baso sa sobrang lamig nito kaya pansin na rin ang pagkabasa ng kahoy na lamesita kung saan ito nakapatong.
“Julliane, malamig naman pero bakit binuksan mo pa ang electric fan? Tapos hindi naman ito nakatutok sa ’yo,” sita ko sa kanya. Naglakad ako palapit sa electric fan at pinatay ko ito. “At bakit dalawa ‘yang baso mo? Nandito na ba ang Papa mo?” Inilibot ko pa ang tingin ko sa loob ng bahay pero wala namang bakas ni Lito akong nakita.
“Eh Mama, sabi po kasi ng kaibigan ko naiinitan daw po siya, kaya binigyan ko po siya ng malamig na tubig ‘tsaka tinapat ko po ‘yung electric fan sa kanya. Naawa po kasi ako sa kanya Mama.”
“Sinong kaibigan?” Nagtaka ako sa sagot niya dahil wala naman kaming ibang kasama.
“’Yung bago ko pong kaibigan Mama.”
“Sinong bagong kaibigan, Julliane? Nasaan siya? Nasa banyo ba?” Naisip ko kasi na baka nagbabanyo ang kaibigan niya. Naglakad ako papunta sa banyo na nasa kusina, pero bukas naman ang pinto nito kaya sigurado akong walang tao. “’Tsaka bakit ka nagpapapasok ng ibang tao nang hindi sinasabi sa ’kin?”
“Eh Mama, hindi ko naman po siya pinapasok, ‘tsaka sabi niya po sa ’kin, kilala mo na daw po siya. Ikaw daw po ang nagpapasok sa kanya. ‘Tsaka Mama huwag ka po magalit kasi naririnig ka po niya.” Kinabahan na ako sa mga isinagot niya sa ’kin. Nakaramdam ng matinding pangingilabot ang buong katawan ko. Hindi ko maintindihan ang sinasabi ni Julliane.
“Ano bang sinasabi mo Julliane? Sinong kaibigan? Nasaan ba siya?” Sa puntong ‘yon ay medyo napapataas na talaga ang boses ko.
“Ayun po siya Mama,” sagot niya habang nakaturo sa upuan kung saan nakatutok ang bukas na electric fan kanina.
Sa takot ko, nasigawan ko na si Julliane. “Halika dito Julliane!” Dahil dito ay nagtatakbo siya palapit sa ’kin habang umiiyak.
“Mama, bakit po? Sorry na po, hindi ko naman po talaga siya pinapasok eh,” umiiyak pa rin niyang sabi sa ’kin habang nakaupo kami dito sa may kusina. Pahikbi-hikbi siya at parang kakapusin sa paghinga sa sobrang pag-iyak.
“Sorry, sorry na anak. Hindi galit si Mama. Gutom ka na ba? Kumain na tayo kahit wala pa ang papa n’yo,” sabi ko habang hinihimas ang likod niya para tumahan na siya. Hindi tamang sa kanya ko ibunton ang takot na nararamdaman ko at ang kaguluhan ng aking isip. Kailangang maging normal ako sa harapan niya. Hindi niya dapat malaman na may mali dito sa bahay namin.
Habang nag-hahain ako, napatingin ako sa orasan, alas-syete pa lang. Dalawang oras pa bago ko malaman kung nanalo ba ang numerong itinaya ko kanina sa Lotto. Gusto ko nang hatakin ang oras para malaman ko na ang resulta. Kailangang manalo ako para makaalis na kami sa bahay na ito at malayo sa mga kababalaghang nangyayari. At sa oras na manalo nga ako, ‘yon na rin ang huling hiling na isusulat ko sa diary. Kahit ayoko kasing isipin, minsan sumasagi sa isip ko na may posibilidad na dahil din sa mahiwagang diary na ito kaya may nangyayaring ganito sa amin, lalo na at naging palaisipan sa akin ang sinabi ni Julliane kanina, na ako raw ang nagpapasok sa sinasabi niyang bagong kaibigan niya.
Nang matapos akong maghain, sakto namang dumating na si Lito kaya sabay-sabay na kaming kumain.
“Kumusta ang lakad mo?” tanong ko kay Lito.
“Wala. Malas. Wala raw maibibigay na trabaho sa ’kin si Pareng Julio. Wala daw bakante sa pinagtratrabahuhan niya. Sinubukan ko ring pumunta sa ibang mga kaibigan ko, pero wala rin. Hayaan mo, bukas, susubukan ko uling maghanap.” Medyo matagal siyang napatitig sa ‘kin. “Ikaw kumusta? Bakit parang ‘di ata maganda ang pakiramdam mo?”
“Hindi, wala lang ‘to. Napagod lang siguro ako.” Hindi ko sinabi kay Lito ang nangyari sa ’kin dahil baka ‘di na naman niya ako paniwalaan tulad nang nangyari kagabi.
Pagkatapos naming kumain, pumanik na ang mag-aama ko at naiwan akong mag-isa sa ibaba para maghugas ng mga pinagkainan namin. Sa kalagitnaan ng ginagawa ko ay bigla na lang nawalan ng kuryente. Sa sobrang dilim ay wala akong makita. Hindi ako makakilos sa kinatatayuan ko. Kung walang nangyayaring kakaiba dito sa bahay namin, marahil ay madali lang akong makakakilos para maghanap ng kandila at posporo, pero hindi ganoon ang sitwasyon. Dito sa bahay namin, hindi ko na alam kung may lugar pang ligtas para sa ’min.
Malalim ang bawat paghinga ko. Naalala ko ang panaginip ko kani- kanina lamang. Ganitong-ganito iyon. Madilim at hindi ko makuhang kumilos. Pakiramdam ko’y maraming matang nakatingin sa ’kin. Mga matang nagtatago sa kadiliman.
“Magda…” May bumulong sa ’kin, bulong na sobrang lapit lang sa tenga ko. Pakiramdam ko’y tila katabi ko lang ang tumawag sa akin.
‘Guni-guni ko lang ‘yon’, sabi ko sa aking sarili. Tinatapangan ko ang aking sarili kahit na ang totoo’y gustong-gusto ko na talagang sumigaw at tawagin si Lito. Bakit nga ba hindi sila bumaba, para kumuha ng kandila? Pero naalala ko na mayroon nga palang kandila at posporo sa bawat kwarto para sa mga ganitong pagkakataon. Wala na sanang bumulong uli ng pangalan ko dahil baka mapasigaw na talaga ako.
Pinilit kong kumilos. Nakakatatlong hakbang pa lang ako nang bumalik ang kuryente. Nakahinga na ako nang maluwag at kahit papaano ay nabawasan ang kaba ko. Subalit pagtalikod ko, bigla akong nawalan ng ulirat dahil may lalaki palang nakatayo sa likuran ko. Isang lalaking nakapula na masamang-masama ang tingin sa ‘kin.
***
Nang magising ako, nakahiga na ako sa sofa sa sala namin at wala pa ring ilaw.
“Mahal, gising ka na pala.”
“Ano’ng nangyari sa ’kin?” tanong ko habang inaalalayan akong bumangon ni Lito.
“Nang mawalan ng kuryente kanina, bigla ka na lang sumigaw at pagkababa ko, naabutan kitang walang malay sa kusina.”
“Bakit madilim pa rin?” tanong ko kay Lito.
“Wala pa ring kuryente.”
“Pero ‘di ba nagkaroon na uli kanina.” Nagtaka si Lito sa sinabi ko.
“Simula nang mawalan ng kuryente kanina, hindi pa bumabalik. May nasira raw na poste na medyo malapit dito sa ’tin.”
“Sigurado ka? Hindi pa uli nagkaroon ng kuryente, kahit saglit lang?”
“Oo, hindi talaga.”
“Nasaan pala ang mga bata?”
“Nasa taas, tulog na pareho.” Pagkasabi ni Lito noon, napatingin ako sa may pintuan namin at nakita kong bukas ‘yon.
“Bakit bukas ang pinto?” Hindi pa nakakasagot si Lito sa ’kin nang marinig namin ang malakas na sigawan sa labas ng aming bahay.
“’Yung bata! Nabundol ‘yung bata!” Dahil sa narinig ko, dali-dali akong napatakbo papanhik sa itaas ng bahay namin. Huwag naman sanang tama ang kutob ko. Sana pagpanhik ko, makita kong mahimbing na natutulog ang mga anak ko.