KABANATA 2
“Mama, gutom na po ako.” Hindi ko na mabilang kung ilang beses nang sinabi sa ’kin ‘yon ni Julliane.
“Sandali na lang, malapit na tayo,” sagot ko, at saka ko hinimas ang kanyang ulo.
Awang-awa ako sa kalagayan ng mga anak ko. Ang bunso kong kaiisang taon lang noong nakaraang buwan, nakatulugan na ang pag-iyak sa sobrang gutom. Gusto ko man siyang pasusuhin, wala namang lumalabas na gatas sa dibdib ko. May nakapagsabi sa akin normal lang daw iyon. May mga inang hindi talaga nakakapag-produce ng sarili nilang gatas. Napakamalas. Libreng gatas na sana, nawala pa.
Sakay ng luma at may kabagalang pampasaherong jeep ay bumyahe kami papunta sa kabilang bayan kung saan nakatira ang Tiya Susan, nakababatang kapatid ng namayapa kong ama.
“Kuya, para po!” sigaw ko nang mamataan ang tindahan sa may kanto na siyang palatandaan ko na malapit na kami kina Tiya Susan.
“Julliane, gising na. Nandito na tayo.” Hinawakan ko siya sa kamay upang alalayang maglakad palabas ng jeep. Pupungas-pungas pa siya at halata sa mga mugtong mata niya ang pag-iyak niya kanina.
Mula sa tindahan sa kanto, binaybay namin ang daan papunta sa bahay ni Tiya Susan. May pedicab namang bumabyahe papasok pero pinili kong maglakad na lang kami. Itatabi ko na lang ang natitira kong pera para may pamasahe ako bukas papasok sa trabaho.
“Mag-ingat ka, mabato ang daan baka matalisod ka,” paalala ko kay Julliane. Hindi pa kasi sementado ang kalsada at hindi pa rin bukas lahat ng ilaw sa mga poste. Alam kong pagod at gutom na gutom na ang aking anak kaya hindi malayong nanghihina na siya dahilan para madali siyang matumba sakaling matisod siya sa mga batong sumisilip sa lupa.
Halos labinlimang minuto rin siguro kaming naglakad hanggang sa marating namin ang maliit na barong-barong ni Tiya Susan. Mag-isa lamang siyang naninirahan sa naturang bahay dahil ang nag-iisa niyang anak na si Lucia ay may sarili nang pamilya at malayo ang probinsya ng napangasawa nito kung saan nila napiling manirahan. Samantala, ang asawa naman niya ay matagal nang namayapa.
“Tiya Susan!” tawag ko sa kanya kasabay ng pagkatok sa pinto. Patay na ang ilaw sa loob ng barong-barong kaya posibleng tulog na si Tiya Susan. Alas-otso na rin kasi ng gabi at para sa mga taong nakatira sa probinsya, masyado nang gabi ang naturang oras at maaga sila kung matulog
Ilang saglit pa, nakita kong bumukas ang ilaw sa loob, bumukas ang pinto at bumungad sa amin si Tiya Susan. Nanliit pa ang mga mata niya at pupungas-pungas akong kinilala. “O, Magda, ikaw pala. Teka, kasama mo rin ang mga anak mo? Hala pasok,” anyaya niya sa ’min. Habang nakasunod kami papasok sa loob ng bahay niya, “Ano’ng pakay n’yo at naparito kayo ng ganitong oras? At bakit kayo lamang mag-iina? Nasaan si Lito?”
Inilapag ko sa sahig ang bag na bitbit ko at naupo sa mahabang kahoy na upuan habang kandong ko si Let-let. Umupo naman sa tabi ko si Julliane habang ang Tiya ay nakaupo naman sa katapat na upuan.
“Iniwan ko na po ang walang-kwenta kong asawa. Hirap na hirap na po ako sa kalagayan namin Tiya,” mangiyak-ngiyak na sabi ko. Hindi naman lingid sa kaalaman ni Tiya ang matinding pagtitiis ko sa ugali ni Lito. Alam niyang isang taon na ring walang trabaho ang asawa ko at panay pa ang bisyo.
“Hala, sige dumito muna kayo tutal mag-isa lamang ako rito. Kumain na ba kayo?” tanong ni Tiya.
“Hindi pa nga po,” mabilis na sagot ko. Sa katunayan, kanina ko pa naririnig ang pagkalam ng sikmura ko. Napatingin ako sa mga anak ko. Kung ako nga na nagtanghalian ganito ang nararamdaman, paano pa kaya sila?
“Tara sa kusina at ipaghahain ko kayo. Isda at talbos ng kamote lamang ang mayroon ako rito. Ayos lang ba iyon sa inyo?”
“Oo naman po.” Tatanggi pa ba ako at magiging maarte sa grasya? Kinapalan ko na rin ang mukha ko at nagtanong kung may gatas ba siya, para sa bunso ko. Mayroon naman daw siyang gatas pero kondensada. “Ayos lang po ‘yon Tiya, gatas pa rin naman ‘yon.”
Sa kabila ng matinding gutom na nararamdaman ko, mas pinili kong unahin ang pagtitimpla ng gatas para kay Let-let. Habang nagtitimpla ako, hindi ko maiwasang maiyak sa kalagayan namin, ng aking mga anak. Kondensada sa mainit na tubig, anong sustanya kaya ang maibibigay nito sa anak ko? Kung may pera lang ako, bibilhan ko siya ng mamahaling gatas. Gatas na nararapat para sa isang sanggol na tulad niya.
Habang abala ako sa pagpapadede sa aking bunso, ang panganay ko nama’y panay ang kain na halatang gutom na gutom. Sunod-sunod ang subo niya ng kanin. Buti na lang at ‘di siya maselan sa pagkain. Pagkatapos niyang kumain, agad siyang dinapuan ng antok kaya sabay na silang natulog ni Tiya Susan habang ako naman ay naghuhugas ng pinagkainan namin.
***
Nakakaisang linggo pa lamang kami sa bahay ni Tiya Susan nang may matanggap akong masamang balita. Nasa trabaho pa ako at kasalukuyang nagiimbentaryo nang humahangos na lumapit sa ’kin ang kasamahan kong si Romalyn.
“Magda, may masamang nangyari sa asawa mo!” hingal niyang sabi.
“Ano?!” Kahit galit ako kay Lito, hindi ko naman kailanman hinangad na may mangyaring masama sa kanya.
“Isinugod sa San Jose Hospital ang asawa mo, nagtangka raw magpakamatay!”
Hindi ko maipaliwanag ang kaba na naramdaman ko nang mga oras na ‘yon. Basta ko na lang ibinigay kay Romalyn ang ballpen at folder na hawak ko kung saan nakalista ang mga kailangan kong iimbentaryo. Ni hindi ko na nagawang magpasalamat pa sa kanya dahil wala ako sa sariling umalis ng opisina. Kahit ang magpaalam sa boss ko ay hindi ko na rin nagawa. Siguro naman ay maiintidihan niya ‘ko at kung hindi man, ihahanda ko na lang ang mga tenga ko sa sermon niya bukas tutal sanay na naman ako sa kanya. Sa totoo lang, hindi ko alam kung ano’ng galit ng matandang ‘yon sa ‘kin. Sa katunayan, parang pagkain ko na nga ang sermon niya. Hindi pwedeng wala.
Hindi ako mapakali habang nakasakay ako sa jeep papunta sa ospital. Ang alam ko lang, dalawang bagay ang pinangangamba ko--ang kalagayan ng asawa ko at ang gastos na nag-aabang sa ‘min. Pambili nga ng pagkain wala kami, pambayad pa kaya sa ospital?
“Lito, ano ba namang ‘tong naisipan mong gawin? Puro na lang problema,” bulong ko sa sarili ko.
Nang makarating ako sa ospital, nadatnan ko ang asawa kong si Lito na nakahiga sa isang kama. Nasa may pasilyo ang kama niya, kasama ng iba pang pasyente. Wala siyang sariling kwarto dahil puno na raw ang lahat ng silid sa ospital. Wala nang mapaglagyan ang ibang mga pasyente, at sa kagustuhan na ma-accommodate ang lahat, kahit pasilyo ng ospital ay ginamit na rin nila. Ganito ang ospital naming mahihirap.
May dalawang bagay na nakakabit sa magkabila niyang braso. Ang isa ay nakakonekta sa plastic na boteng may lamang dextrose, habang ang isa naman ay sa plastic bag na may lamang dugo. Naglaslas pala ang asawa ko kaya may balot ng gasa ang magkabila niyang pulso.
Nang makita kong ayos na siya at humihinga pa naman, napalitan ng inis ang kabang kanina’y nararamdaman ko dahil nangibabaw sa isip ko ang gastos na babayaran namin. Saang kamay ng Diyos ako maghahagilap ng pambayad? Kahit na sabihin pang pampublikong ospital ito, hindi lingid sa akin na hindi lahat ng bagay dito ay libre. Maka-diskwento man, may babayaran at babayaran pa rin.
“Lito.” Pagkasabi ko noon ay agad naman niyang iminulat ang mga mata niya.
“Magda!” Maluha-luha siyang yumakap sa ‘kin. Dahil doon, agad kong naamoy ang espiritu ng alak sa kanya. Hindi pa rin siya nagtatanda, hindi pa rin niya binibitawan ang bisyo niya kahit na iniwan namin siya ng mga anak niya. Dahil sa inis ko, kumawala agad ako sa pagkakayakap niya sa ‘kin.
“Tiningnan lang kita kung ayos ka na, aalis rin ako agad at maghahanap ng pambayad dito sa ospital,” walang gana kong sagot sa kanya.
Biglang dumungaw ang lungkot sa mga mata niya dahil sa malamig kong pagtrato sa kanya. Pero ano bang mangyayari kung lalambingin o iiyakan ko siya dahil sa muntikan na niyang pagtapos sa buhay niya? May malalaglag bang pera sa harapan ko? Ikayayaman ba namin ‘yon? Hindi naman, ‘di ba? Mas makakatulong sa ’min kung aalis ako at maghahanap ng perang pambayad sa ospital. Alam kong kapag tumagal pa ang pamamalagi niya rito, mas lalo kaming mababaon sa utang. Kapag nangyari ‘yon, baka pati kaluluwa ko maisangla ko na, makabayad lang.
Kahit walang kasiguraduhan kung saan ako pupunta, naglakad pa rin ako palabas ng ospital. Sa kabila ng pangangasim ng sikmura ko dahil sa gutom, pinilit ko pa ring tatagan ang loob ko. Tanging isang kendi lang ang laman ng bulsa ko at ang tig-bebenteng natira sa isang daang pisong hiniram ko kay Tiya Susan para lang makapasok sa trabaho.
Upang kahit papaano ay mapatid ang gutom na nararamdaman ko, kinain ko ang nag-iisang kending nasa aking bulsa. Pagkasubo ko noon ay naghanap agad ako ng basurahan at may nakita naman ako malapit sa may tabing kalsada. Nang itatapon ko na ‘yon ay may nahagip ang mga mata ko. Parang isang libro o notebook? May cover ito na gawa sa leather na kulay dark brown. May sarahan din itong tulad sa buckle ng isang sinturon. Hindi ako nagdalawang isip na pulutin ‘yon at tingnan nang malapitan. Naisip kong maari ko itong ibenta dahil mukhang magandang klase ng balat ang ginamit dito. Siguro naman kahit papaano ay may halaga ito. At dahil nasa tabi na ito ng basurahan, siguro naman ay wala nang nagmamay-ari dito.
Kung sino man ang nagtapon nito, salamat sa kanya. Marahil kahit papaano ay makatulong ang bagay na ito sa ‘min. Barya man ang halaga nito, ang maghalaga ay pera pa rin.