Kahit Sa Isang Saglit - K2

1188 Words
TULAD ng inaasahan ng dalawa, sermon ang salubong sa kanila ni Doña Rosenda; lalo na kay Domingo na napuruhan. Tila hindi naman ito ininda ng dalawa dahil may panahon pa silang magtinginan sabay ang ngiti sa isa't isa. Hanggang sa magpaalam na ang abwela niya't iniwan silang dalawa sa teresa. "Magmeryenda daw muna kayo sabi ng lola mo, Serene." Nilapag ni Ella ang pagkain nilang dalawa sa round table na nasa gitna nilang dalawa ng kapatid nito. "Oo nga pala, Serene, tumawag nga pala ang mommy mo bilin niyang mag-ayos ka raw ng mabuti dahil may darating na bisita." Nagkatinginan sila ni Domingo, kapwa nagtatanong ang isa't isa dahil hindi naman sila nagkakaroon ng bisita. "Bisita? Sino naman?" "Walang sinabi ang mommy mo, basta ang bilin niya mag-ayos ka lang... ay hindi kailangan mong maligo dahil ang dungis niyo na namang dalawa," komento nitong natatawa. "Dapat si Domingo din, Ate Ella ha." "Oo naman. Ako ang magpapaligo sa batang 'yan." "Ay bata raw..." natatawang biro ni Serene sa kaibigan. "Ate, hindi na ako bata," naiinis namang pagtatama nito sa kapatid. "Kuh! Bilisan niyo nang dalawa at panay talaga ang pasaway niyo kapag walang pasok ha." "Syempre po, hindi naman namin magagawa 'to kapag may pasok na, Ate. Naiintindihan mo naman 'di ba?" "Naiintindihan ko, pero sana naman maintindihan niyo ang lola niyo kapag sinisermunan kayong dalawa." "Naiintindihan po namin, Ate. Hindi ba, Domingo?" Tumango lang si Domingo habang sumusubo ng kakanin na hinanda ng kapatid nito. "Salamat dito, Ate. Maliligo na ako pagkatapos nito. Swimming tayo, Domingo?" "Ayan ka na naman! Kakasermon lang sa inyong dalawa. Mag pa good shot kaya muna kayo bago magpasaway." Tawa na lang ang naging tugon ng dalawa sa sinabi ni Ella. Sabay din silang kumindat dito tanda ng pagsang-ayon sa suhestiyon nito sa kanila. Nagpaalam na ito sa kanila at naiwan sila sa paborito nilang tambayan sa terasa kapag nasa bahay lang. "Sino naman kaya ang bisita ni mommy?" tanong ni Serene kay Domingo nang makalayo si Ella. Wala naman kasi itong sinabi sa kaniya nagdaang gabi. "Sundin mo na lang ang bilin ng mommy mo. Makikilala mo naman mamaya 'yon kapag dumating na." "Wala kang clue?" "Baka isa sa mga pinsan mong umuwi na ng bansa." "Ka-viber ko lang sila kahapon." "Huwag ka na masyado mag-isip, kumain na lang tayo." Tinanggap niya ang bigay na kakanin ni Domingo, ngumiti siya rito nang ngumiti ito sa kaniya. Hindi pa rin kasi mawala sa isip niya ang bisitang tinutukoy ni Ella at kung bakit niya pa kailangan mag-ayos. Ibig sabihin hindi lang sa mga magulang niya ang panauhin nila kung hindi damay pa siya. Napataas kilay na lamang siya. Tulad nga ng sabi ni Domingo malalaman nya naman mamaya kung sino ang mga ito. Masaya na lamang silang pinagpatuloy ang meryendang pinahanda ni Doña Rosenda kasama si Domingo. ILANG oras nang tapos mag-ayos si Serene; tumawag na ang mommy niya na parating na ang mga ito kasunod nga ang bisitang sinasabi ni Ella kanina. Pinili niyang magsuot ng maluwag na pantalon at ang paborito niyang crop top shirt na kulay berde. Kanina niya pa gusto bumaba para ipakita kay Domingo ang ayos niya; chat siya nang chat dito kanina pa pero hindi man lang ito nag-re-reply sa message niya. 'Nasaan kaya ang lalaking iyon? Dinededma niya na naman ako ah. Nasermunan siguro ang bata,' natatawang sabi ni Serene sa sarili. Babawi na lang siya mamaya kay Domingo, hindi naman siguro magtatagal ang bisita nila magkakaroon pa sila ng oras mamaya ng kaibigan niya. PANAY ang sulyap ni Domingo sa bahay nina Serene. Inaabangan niya ang pagbaba nito dahil sa may terasa lang nagpahanda ang mommy nitong parating na raw. Tapos na rin sila ng Ate Ella niya maglinis sa harap ganoon din ang ilang katiwala ng abwela ni Serene. Hindi pa rin ito bumababa mula nang magpaalam sa kaniyang mag-ayos na ayon sa utos ng mommy nito. "Domingo, pagkatapos mo diyan ayusin mo iyong mga halaman natin sa harap at marami na namang mga ligaw na damo." Napalingon si Domingo sa boses ni Doña Rosenda, hindi niya man lang namalayan na nasa likuran niya na pala ito. Sinundan niya ng tingin ang sinasabi nitong halamanan nito. "Opo. Ako na po ang bahala, Lola," magalang na tugon ni Domingo. "Wala pa ba si Serene?" tanong nito sa kaniya. Sabay nilang tiningnan ang bahay nina Serene sa may 'di kalayuan lang. "Wala pa nga po eh. Nag-aayos na ho siguro," tugon niya. "Oh siya. Tapusin mo na diyan at isunod mo na ang garden para makapagpahinga ka na rin.' "Sige po. Salamat po." Tumalima naman ito matapos magpaalam sa kaniya na may gagawin na raw. Ihahanda siguro ang pinaluto nitong meryenda. Nang matapos siya agad niyang ginawa ang inuutos ni Doña Rosenda nang matamaan niya ang dalawang sasakyan na magkasunod sa labas ng gate. Nagmadali si Domingo na buksan ito magulang ito ni Serene at ang isang sasakyan sa likuran ng mga ito ay hindi pamilyar sa kaniya. "Salamat, Domingo," ani ng mama ni Serene nang tulungan niya itong makababa sa van na minamaneho naman ng asawa nito. "Nasaan si mama? Sabihin mo nandito na ang bisita namin, Domingo." "Masusunod po." Tumalikod si Domingo para sundin ang utos ng mommy ni Serene, nang namataan niya ang kaibigang pababa ng hagdan sa kabilang bahay. Mag-isa ito. Hindi man lang ito nag-abalang tumawag ng katiwala para samahan siya. Ngumiti sa kaniya si Serene, pero kailangan niyang dedmahin ito dahil nasa likuran lang ang magulang nito. Bumalik agad si Domingo kung saan naroon ang pamilya ni Serene para ihatid ang inutos ni Doña Rosenda; kakanin at juice para sa mga ito. Hindi nakaligtas sa mga mata ni Domingo ang katabi ni Serene na bagong mukha sa villa. Kung hindi siya nagkakamali hindi magkakalayo ang edad nilang tatlo ng kaibigan niya. Muli siyang umiwas sa tingin ni Serene sa kaniya nang napansin niya ang sobrang pagkakalapit ng mga ito sa upuang pahaba paharap sa magulang ni Serene. "Salamat, Domingo," ani ni Sir Romualdo ang daddy ni Serene nang ibaba niya ang tray na may lamang meryenda. "Victor, kumain ka lang ha. Huwag kang mahiya, Hijo. Siguradong na-miss mo ang mga pagkain dito sa Pilipinas..." Natatawang alok ng mommy ni Serene sa tinawag nitong Victor. "Nandito na pala kayo. Mabuti naman at nakabalik ka na ng bansa, Victor. Kamusta ka, Hijo? Ang mga magulang mo?" Tumabi si Domingo nang sumulpot sa tabi niya si Doña Rosenda. Lumapit ito agad kay Victor, tumayo naman ang huli at humalik sa pisngi ng matanda. "They are fine, Lola. Gusto nga sana sumama ni mama dito sa Pilipinas... hindi lang pumayag si papa." Narinig niyang sagot nito. Muli itong umupo matapos makapagbeso-beso kay Doña Rosenda. "Oh, Domingo. Tapos mo na ba ang pinapagawa ko sa iyo sa hardin? Gawin mo na. Wala naman yatang kailangan dito." Halos napatingin ang lahat sa kaniya nang sabihin iyon ni Doña Rosenda. Yumuko siya't magalang na nagpaalam sa mga ito— katulad kanina sadyang iniwas ni Domingo ang mga tingin sa kaibigang si Serene. Walang lingon-likod nang tumalikod siya tuloy-tuloy sa hardin na sinasabi ng abwela ni Serene.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD