Chapter 7

1390 Words
"Ano iyon? Ano 'yan?" Naguguluhan na tanong ni Eve kay Lyka. Nahihiyang napatungo si Lyka bago sumagot habang hawak-hawak ang envelope na binigay sa kaniya ni David. "Sorry, Ate. Nagsinungaling ako sa 'yo. Ang totoo kasi niyan, eh. Hinanapan ako ng trabaho ni David. Gusto niya lang naman ako tulungan," nahihiyang tugon nito. Napahilamos sa mukha si Eve bago magsalita. "Mamaya na tayo mag-usap at may kliyente pa ako na naghihintay sa akin," sabi ni Eve sabay labas ng locker room. May kukuhain lang sana siya ro'n pero iba ang nadatnan niya kaya nagmamadali siyang bumalik sa table kung nasaan ang kliyente niya. Umupo siya sa tabi nito at hinayaang gumala-gala kung saan ang malikot nitong kamay. "Bakit ang tagal mo?" Masungit na sabi ng lalaki habang hinahalikan siya sa kaniyang leeg. "Sorry, napaghintay ba kita? Gagalingan ko mamaya," mapang-akit na tugon ni Eve. Agad-agad ay nagbago ang hitsura ng lalaki at napalitan ito ng isang mala-manyak na ngiti. "Iyan ang gusto ko sa 'yo," sabi pa ng lalaki bago halikan sa mga labi si Eve. Wala nang nagawa pa si Eve kundi hayaan ang lalaking nasa harapan niya ngayon. Kahit pa amoy sigarilyo ang hininga nito ay wala siyang pakielam. Sanay na sanay na siya sa ganitong trabaho kaya wala na siyang pag-iinarte pa. * Mabilis na binuksan ni Lyka ang envelope at tiningnan ang laman nito. Hindi na siya nagulat pa nang makita ang pagkarami-raming papel na naglalaman ng shop na nag-aalok ng trabaho para sa mga working student. Nang makita niya lang si David na muling bumisita sa kaniya ay alam niya na kaagad ang pakay nito sa kaniya. Minsan ayaw niya nang paniwalaan ang mga sinasabi ni Eve na ang lahat ng lalaki ay masama lang ang intensiyon sa mga babae. Naniniwala pa rin siya na may iilan pa ring may mabubuting hangarin. Napalunok si Lyka ng sarili niyang laway bago itago sa kaniyang locker ang envelope at lumabas ng locker room para maghanap ng kliyente ngayong gabi. Naguguluhan at hindi makapag-isip nang maayos. Ayaw niyang iwan ang trabaho niyang ito dahil kumikita siya ng libo kada sasapit ang gabi. Kung tatanggapin niya naman ang alok ni David ay kakarampot lang na salapi ang kaniyang sasahurin dito plus pagod na pagod pa siya pagkatapos ng trabaho. 'Nakakapagod din naman ito. Nakakapagod din maging bayarin. Iba't ibang lalaki, iba't ibang karanasan. Pero ano pa nga ba ang magagawa ko? Wala na rin naman akong pinagkaiba sa mga narito dahil isa na akong bayarin.' 'Ang pagpapagamot ni Inay. Ang kakainin at pag-aaral namin ng kapatid ko. Mas mabuti pa na isakripisyo ko ang dangal ko kaysa mawala sila sa akin.' Bawat haplos ng mga lalaki sa kaniyang katawan ay katumbas ng isang pag-iyak gabi-gabi. Naguguluhan na si Lyka sa takbo ng buhay niya hanggang sa may makabanggaan siyang lalaki. Mabilis itong napaharap at gulat nang makita ang kaniyang kaklase na lalaki. Gulat din ang lalaki na makita siya habang diretso lang ang tingin sa kaniyang mga mata. Kaagad kasing rumehistro sa paningin ng lalaki na kaunting hila lang ng damit ni Lyka ay mahuhubaran na kaagad ito. Hindi inaasahan ni Lyka na makikita niya si Paul. Kilala kasi itong nerd at tahimik sa klase nila. Si Paul naman ay hindi rin makapaniwala na makita si Lyka sa bar. Ang pagkakaalam niya ay masipag itong mag-aral at matalino. Tahimik din ito at mahinhin pero hindi niya inaakalang nagtatrabaho ang dalaga dito sa bar na gano'n ang pananamit. Naputol ang tinginan nilang dalawa nang may humatak kay Lyka na lalaki. "Hindi pa pala ako nauubusan ng babae rito," sabi ng lalaki na minamanyak si Lyka. Wala naman nang nagawa pa si Lyka kung hindi ang iwasan si Paul at sumama sa lalaking humatak sa kaniya. Nahihiya man siya dahil may nakakita na sa kaniyang kakilala niya, eh, wala na siyang magagawa pa. Kinakabahan din siya dahil baka ipagkalat ni Paul na isa siyang bayarin. Naikuyom ni Paul ang kaniyang kamao habang pinagmamasdan si Lyka. "Bakit siya pumasok sa ganitong trabaho? Bakit siya pumapayag na magsuot ng gano'n? Bakit?" Bulong niya sa kaniyang sarili habang naguguluhan pa rin. * Nang matapos ang trabaho nina Lyka at Eve ay sabay silang naglakad pauwi. Tahimik lang silang dalawa habang malalim ang kanilang iniisip. "Tungkol sa nangyari kanina. Sorry, napahiya kita sa harap nila David," pag-uumpisa ni Lyka. Alam niya sa sarili niya na siya ang mali kaya dapat lang na humingi siya ng tawad. Hinihiling niya rin na sana bumalik ulit sila David para makahingi siya rito ng tawad. "Ayos lang. Alam ko naman kung gaano ka nahihirapan sa problema mo. Pero tama ka. Pabor din naman ako sa alok ng lalaking iyon. Dahil bata ka pa at malayo pa ang mararating mo. "Huwag mong sayangin ang buhay mo, Lyka. Maraming babae ang nasira ang buhay bago pumasok sa trabahong ito. Ang sa 'yo walang kasira-sira kaya huwag mo nang umpisahan pa. "Isipin mo ang mararamdaman ng Nanay mo na may sakit. Ang kapatid mo. Sa tingin mo ba matutuwa sila sa 'yo? Ang Tatay mo na binabantayan kayo sa taas. Sa tingin mo ba hahayaan ka niya na maging isa sa amin?" Mahabang litanya ni Eve sa kaniya. Napatahimik si Lyka dahil sa sinabi ni Eve. Tama siya, pero ayaw niya pa rin talagang bitiwan ang trabahong ito. Dahil dito sa trabahong ito ay hindi na siya nahihirapan kung sino ang uutangan para lang makaraos silang mag-iina. "Hindi ko hawak ang buhay mo. Choice mo iyan, Lyka. Nandito lang ako para pangaralan ka," nakangiting sabi ni Eve bago sila maghiwalay ng landas na dalawa. Napaisip si Lyka sa mga nangyari ngayong araw. "Ano ba ang dapat kong gawin? Bumitaw o magpatuloy?" * Makalipas ang ilang oras nang pagpapahinga ay nag-asikaso na rin si Lyka para pumasok sa school. Ayaw niya sanang pumasok dahil makikita niya lang si Paul pero ano nga ba ang paki niya? Buhay niya, desisyon niya. Tatanggapin niya na lamang ang panghuhusga ng mga tao basta ang mahalaga ay ang Nanay at ang kapatid niya. Habang naglalakad siga sa hallway ay nakayuko lang ito at hindi sinasalubong ang mga tingin ng tao. Pakiramdam niya ay alam na ng buong school nila na isa siyang bayarin. Ang kaninang malakas niyang loob ay humina na naman dahil sa kaba at lungkot. Akala niya ay kaya niyang harapin ang mga problema niya nang matapang at malakas. Pero hindi pala. Napatigil si Lyka sa paglalakad nang may mabangga siyang pigura ng isang lalaki at mabilis na nagsibagsakan ang mga librong hawak niya. "Sorry po, sorry po," paulit-ulit na sabi ni Lyka habang dinadampot ang mga librong nagkalat. Lumuhod ang lalaki at saka tinulungan siyang magpulot ng mga libro. Nang magtama ang dalawa nilang kamay ay sabay silang napatingin sa isa't isa. Gulat na gulat si Lyka nang makita si Paul na seryoso lang ang tingin sa kaniya. Nang makabawi ay mabilis siyang tumayo at tumakbo palayo sa binata. Namumula siya sa hiya dahil si Paul pa talaga ang nakabanggaan niya. Napayuko siya nang makita si Paul na pumasok sa classroom at naupo sa likuran. Nasa harapan si Lyka habang dalawang upuan lang ang pagitan nila sa likuran. Habang nagkaklase ay hindi makapag-focus si Lyka dahil ramdam niya ang isang pares ng mga mata na nakatitig sa kaniya. Hindi niya rin alam kung papansinin niya ba ang mga kaklase niya o hindi. Pero mukhang wala namang alam ang mga ito. Dahil kung mayroon may ay kumalat na sa buong school nila ang bali-balitang bayarin siya. Nang matapos ang major subject nila ay lunch na. Kasalukuyang nag-aayos si Lyka ng mga gamit niya nang dumaan si Paul at napansin niyang may nilagay itong papel sa kaniyang table. Napatingin siya sa binata pero dire-diretso lang itong lumakad palabas ng classroom. Nagtatakhang dinampot ni Lyka ang isang pirasong papel at nakakunot ang noo na binasa ang nakasulat dito. "Meet me at the library," pagbasa niya sa nakasulat. Hindi niya alam kung ano ang pumasok sa isip ng binata dahil ito ang kauna-unahang beses na ayain siya nito. Kahit minsan ay hindi sila nagpapansinan na dalawa na akala mo ay hindi nila nakikita ang isa't isa. Ayaw man pumunta ni Lyka pero naku-curious siya sa kung ano ang kailangan sa kaniya ni Paul. Napaisip pa siya na palagi na lang may mga kailangan ang mga lalaki sa kaniya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD