Chapter 1
Makulimlim ang mga ulap at mukhang uulan na naman. Kanina pa kumukulog at nagbabanta na paparating na ang ulan. Nagsiuwian na ang ibang mga estudyante at ang ibang mga guro. Sa isang gusali ay mayroon pa rin na nagka-klase at bakas sa mga estudyante ang pagkayamot habang nakikinig sa kanilang guro.
"Okay class, pakipasa ang mga project niyo next week. Make sure na gagawa ang lahat para hindi ko kayo mabigyan ng tres," sabi ni David sa kaniyang mga estudyante na pinapaalalahanan ang mga ito.
"Yes, sir," sagot ng mga estudyante at muling nakinig sa kaniya.
"Dismissed," sabi ni David na tinatapos na ang oras ng kaniyang subject. Mabilis naman nagtayuan ang mga estudyante at nag-unahan sa paglabas ng silid-aralan. Ang iba sa kanila ay nangangamba dahil wala silang dalang payong habang ang iba naman sa kanila ay sabik na makagala kasama ang mga kaibigan nila.
Napailing si David dahil sa mga asal ng estudyante niya. Naisip niya na darating din ang araw at maiisip ng mga batang iyon na kailangan nilang seryosohin ang mga bagay dahil hindi madali ang mabuhay.
Inayos niya na ang kaniyang mga gamit at lumabas na sa silid-aralan. Naglalakad siya sa pasilyo nang biglang bumuhos ang malakas na ulan. Kukuhain niya na sana ang payong na palagi niyang dala-dala sa kaniyang bag pero naalala niya na hiniram nga pala kanina ng kaniyang kaibigan na si Enver dahil may biglaang lakad ito.
Wala siyang nagawa kung hindi ang tumambay muna sa faculty habang pinapatila ang ulan. Nasa loob lamang siya nakaupo habang nagbabasa ng libro at kung minsan ay nagsusulat para sa susunod niyang ituturo.
"Akala ko nakauwi ka na. Bakit hindi ka pa umuuwi?" tanong ni Charlotte mula sa kaniyang likuran. Napalingon siya rito bago niya ito sagutin.
"Hiniram ni Enver ang payong ko," sagot niya at nagpatuloy na sa pagbabasa at pagsusulat. Napailing si Charlotte sa kaniya dahil hindi man lamang siya kinukumusta nito. Matagal nang may gusto si Charlotte kay David mula pa noong nag-aaral palang sila sa kolehiyo pero kahit anong gawin niyang pagpapapansin kay David ay hindi pa rin siya nito pinapansin.
Bahagyang binuksan ni Charlotte ang tatlong butones ng kaniyang uniporme habang nakatingin pa rin kay David.
"Mainit dito ano?" tanong niya kay David na hindi siya tinitignan pero alam ni David ang kaniyang ginagawa. Alam ni David na may gusto sa kaniya si Charlotte pero hindi niya magawang suklian ang nararamdaman ng dalaga dahil wala naman siyang nararamdaman para rito. Maganda si Charlotte, masipag at matalino pero kung sa ugali, minsan ay masungit pero mabait naman at maaasahan.
"Malamig dahil maulan," tipid na sagot ni David sa kaniya. Napairap sa hangin si Charlotte at nagpasya siyang lapitan si David. Nang makatapat niya si David, iginalaw niya ang upuan nito paharap sa kaniya at mabilis pa sa alas kuwatro na kumandong siya sa mga hita ni David. Nainis si David dahil sa ginawa niya dahil hindi siya natutuwa sa ginagawa ng dalaga.
"Puwede ba Charlotte, tigilan mo ako?" inis na sabi niya habang pilit na tinatanggal si Charlotte sa pagkakakandong sa kaniya.
"Paano kung ayaw ko?" panunukso niya kay David at saka ipinulupot ang mga kamay niya sa batok nito.
"Marami pa akong trabaho na gagawin kaya please lang tigilan mo ako," masungit na sabi sa kaniya ni David. Humagikhik nang mahina si Charlotte dahil kahit sinusungitan siya nito ay ang kisig niya pa rin tingnan. Nilapit niya ang kaniyang mukha sa kanang tainga ng binata at saka siya nagsalita sa mapang-akit na tono.
"Ako muna ang trabahuhin mo," sabi niya at hinahaplos-haplos ang mukha ni David habang napapakagat sa kaniyang mga labi.
"Umalis ka na diyan, dahil baka may makakita pa sa atin," nagpipigil ng inis na sabi sa kaniya ni David. Napairap si Charlotte at akmang tatayo na siya nang biglang may pumasok sa opisina ng mga guro at nakita sila na gano'n ang sitwasyon. Sa gulat ni David ay naitulak niya nang bahagya si Charlotte paalis sa kaniya, dahilan para mapaupo si Charlotte sa sahig.
"Teka! Easy, dude. Hindi ko naman kayo isusumbong, eh," natatawang sabi ni Enver habang pinapanuod ang dalawa. Tiningnan siya nang masama ng dalawa at tumayo na si David para ayusin ang mga gamit niya.
"Hindi mo ba ako tutulungan na tumayo?" inis na sabi ni Charlotte sa walang pakielam na si David.
"Tulungan na kita," sabi ni Enver sa kaniya na nilahad pa ang kaniyang kamay para abutin ito ng dalaga. Tinignan siya nang masama ng dalaga at imbis na tanggapin ang alok niya ay tinapik niya lang ito at pilit na tumayo. Inayos niya pa ang pagkakasuot ng kaniyang Peep Toe Pump at saka kinuha ang shoulder bag sa kaniyang lamesa at iniwan ang dalawa sa loob ng walang pasabi.
"Ano'ng nangyari do'n pare? Nabitin?" natatawang tanong ni Enver kay David.
"Tss, ewan ko ba ro'n sa babaeng iyon kung ano ang nakain," sabi ni David sa kaniya at sabay na silang lumabas ng opisina.
"Bakit ba kasi ayaw mo ro'n kay Charlotte?" pagtatanong ni Enver sa kaniya habang naglalakad sila.
"Nakita mo ba ang ginawa n'on sa akin kanina? Pinupuwersa niya ako!" gigil na sabi ni David at inagaw ang kaniyang payong na hawak ni Enver at binuksan ito. Sinugod nilang dalawa ang ulan habang naghahati sa pagsilong sa kaniyang payong.
"Wow pre, ikaw pa ang pinupuwersa ng mga babae, iba iyan hahahaha!" sabi ni Enver.
"Magdala ka nga sa susunod ng payong mo pahirap ka talaga!" pag-iiba naman ni David sa kanilang usapan.
Nang makalabas sila ng paaralan ay nagtungo na sila sa terminal ng mga dyip papunta sa Cubao. Parehas silang guro sa isang unibersidad sa Cubao dito sa Maynila. Math teacher si David at Science teacher naman si Enver.
Parehas din sila na nangungupahan sa boarding house sa Crossing. Medyo may kalayuan sa kanilang tinutuluyan ang pinapasukan nila pero ito lang ang nakikita nilang mura ang renta. Pinakamababa na ang 2,700 pesos para sa isang tao kada buwan. Hindi naman sila estudyante dahil kapag estudyante ay nasa 1,500 pesos lang ang renta kada buwan.
Nang makarating sila sa Cubao ay nakiabang na rin sila sa mga tao ng bus na kanilang sasakyan. Nakipagsiksikan sila sa mga tao at halos magsitayuan na silang lahat sa loob ng bus para lang makauwi. Alas sais na nang gabi kaya marami na rin ang nag-uuwian at tiyak din na puno ang lahat ng kanilang masasakyan. Natiis nila ang tumayo habang pinapanuod ang pila-pilang mga sasakyan dahil sa trapiko. Minsan may mga bumababa at nagkakaroon sila ng pagkakataon para makaupo pero dahil mga lalaki sila ay mas pinipili nila itong ibigay sa mga babae, bata at matatanda.
Araw-araw tinitiis nila ang gano'ng sitwasyon matapos lang nila ang araw na iyon. Wala namang madali kapag nabubuhay. Lahat may kalakip na paghihirap kaya dapat ay magsumikap para sa gano'n ay matupad ang kanilang mga pangarap.
Pagdating ng Ortigas ay naging mabilis na rin ang pagdaloy ng mga sasakyan pero ang mga tao sa loob nito ay nananatili pa rin na nakatayo. Lumipas ang ilang minuto at nakarating na rin sila sa Crossing.
"Hays! Nakakapagod! Dinaig pa ang trenta minutos na biyahe tapos bente pesos na pamasahe mula Sampol hanggang Tungko sa Bulacan," sabi ni Enver nang makababa silang dalawa sa bus na sinakyan.
"Haha, ayaw mo n'on mas mura pamasahe natin dito? Trese lang pero ilang oras ang biyahe haha!" sabi naman ni David habang naglalakad sila. Napailing si Enver sa kaniya at may nakita silang nag-iihaw ng mga dugo, laman, isaw at iba pa. Napatigil si Enver para ayain sana si David na bumili doon.
"Pre, wala pa yata tayong ulam. Bumili muna tayo," sabi ni Enver sa kaniya. Lalapit na sana si Enver doon pero pinigilan siya ni David sa pamamagitan nang paghawak nito sa kaniyang braso. Napatingin naman siya rito at hinintay itong magsalita.
"Mahal diyan tapos hindi pa masarap, halika may pares akong alam na bagong bukas mukhang masarap subukan natin," pag-aya sa kaniya ni David.
"Sige sabi mo, eh," sabi ni Enver sa kaniya at nagpunta na sila sa bagong tayo na pares.
"Ano kumusta? Sahod na natin bukas a-kinse na, eh," sabi ni Enver kay David habang kumakain silang dalawa.
"Tss, bayaran din ng tuition nila Denise at pangbaon pa ng dalawa kong kapatid na maliit," sabi ni David sa kaniyang kaibigan.
"Hays! Parang dadaan na naman sa atin ang sahod natin, ah? Hinihingian na naman nga ako ni Mama ng pera para daw sa materyales na pampagawa sa bahay namin," sabi ni Enver sa kaniya.
"Buti ka pa nga kapag may gastusin lang kayo ikaw magbibigay tapos tatlo pa kayo na nagtratrabaho, eh, ako kami lang ni Papa tapos may sakit pa si Mama," sabi naman ni David sa kaniya at tinapos na ang pagkain. Kumuha siya ng tubig at uminom. Inabutan niya rin ng tubig si Enver nang matapos din itong kumain.
"May gastos tayo sa wala, eh, parehas pa rin tayong nagtratrabaho at gumagastos. Ang hirap kayang magtrabaho rito sa Maynila," sabi niya at saka nagpatuloy. "Ang mamahal ng mga bayarin at bilihin."
"Haha! Ang 20,000-25,000 pesos na kikitain mo, eh, 10,000 lang doon sa Bulacan kaya wala tayong choice kung hindi ang magtipid at magtiyaga," sabi ni David sa kaniya. Nagbayad na silang parehas at sabay na naglakad pauwi sa boarding house nila.
Lahat sila ay puro mga lalaki lang sa loob at bawal sila magpapasok ng hindi tagaroon at lalong-lalo na ng mga babae. Pero kapag wala ang may-ari ay kaniya-kaniya ang iba ro'n ng dala ng mga babae, katulad na lamang ngayon. Nadatnan nila ang mga kasama nila sa bahay na nasa sala at may kandong na mga babae. Nag-iinuman din sila, bagay na hindi rin pinapayagan ng may-ari. Wala namang nagsusumbong dahil lahat sila ay walang mga paki sa isa't isa.
Pumasok na sila sa loob ng kuwarto nila. Apat sila ro'n sa kuwarto. Ang dalawa ay hating-gabi kung umuwi at madaling araw naman umaalis dahil sa dami ng pinasok na trabaho. Ngayon ay kumpleto sila dahil day-off ng dalawa.
"Oh, nandito na pala kayo. Kumain na ba kayo?" tanong ni Vincent sa kakapasok pa lamang na dalawa.
"Oo, sa parisan," sabi ni Enver sa kaniya at naghubad na ito ng damit. Ngumiti naman sa kanila si David at pumasok na sa banyo nila sa loob ng kuwarto. Naliligo siya habang nakikinig sa usapan ng tatlo.
"Birthday mo na pala bukas. Ano'ng balak mo, pre?" tanong ni Shaun kay Enver.
"Bahala na bukas," sagot naman ni Enver habang nagbibihis.
"Pre, bilisan mo nga nangangati ako gusto ko rin maligo," sabi ni Enver kay David.
"Oo, maghintay ka!" sagot naman ni David at nagtapis na palabas ng banyo.
"Ikaw, David. Kumusta buhay mo?" tanong naman sa kaniya ni Vincent habang nagbibihis siya.
"Ito, kayod is life pa rin," natatawang sabi niya.
"Wala ka pa rin shota?" nang-uuyam na tanong ni Shaun sa kaniya. Napangisi naman siya at saka umiling.
"Shota? Pera ang kailangan ko!" sabi niya at nagsuklay na ng buhok matapos niyang magbihis.
"Pera pambili ng shota," natatawang sabi ni Vincent kaya nagtawanan silang tatlo. Lumabas si Enver sa banyo at nakisali na rin sa usapan nila.
"Habulin iyan ng chicks si David, siya lang ang tumatanggi sa grasya," pagsabat ni Enver nang makalabas ito sa banyo habang nakatapis.
"Wow! Langit na nagpapadala sa iyo ng anghel tapos tumatanggi ka pa," sabi ni Shaun at nagtawanan silang apat.
"Wala, eh, wala pa akong pambili ng gatas," natatawang sabi ni David.
"May itsura ka David. Bakit hindi ka mag macho dancer?" panghihikayat sa kaniya ni Vincent. Isa kasi ito sa mga sideline nito kaya marami palagi itong pera.
"Ayaw ko haha! Sige maglalaba muna ako," sabi ni David at iniwan na ang tatlo ro'n. Ganito lang ang ganap niya sa buhay. Magtratrabaho, maglalaba, kakain, magbabayad at magpapadala sa kanila. Nawawalan na rin siya ng oras sa sarili dahil sa sobrang pagka-abala niya kaya hanggang ngayon ay wala pa siyang nagiging kasintahan. Dalawampu't walong taong gulang na siya pero hanggang ngayon ay hindi pa siya nagbabalak mag-asawa. Wala pa ito sa mga plano niya.
Ang hindi niya alam ay magbabago ang takbo ng buhay niya kinabukasan dahil nagplaplano ang kaniyang mga kaibigan na magpunta sa isang hindi kilalang Bar dito sa Manila para magsaya.