Episode 6

2232 Words
Tanya's POV Inaya ako ni Jacob na bumili ng bagong suit niya at dahil sekretarya naman niya ako ay pinaunlakan ko naman ito. Kinabahan ako ng malaman ko na sa mall pala ng mga Vance kami mamimili ng suit niya. Sabi kasi ni Jacob ay duon niya binibili ang kaniyang mga suit na ginagamit niya sa kaniyang opisina kaya naman wala na din akong nagawa kung hindi ang sumunod sa aking boss at nananalangin na lamang ako na hindi ko makita si Rye. Pumasok kami sa isang store sa loob ng mall na may mamahaling brand ng mga suit at manghang-mangha kong nililibot ng tingin ang magagarang kasuotan na nakasuot sa mga mannequin. Nanlalaki ang mga mata ko habang tinititigan ang mga presyo nito dahil hindi akalaing ganito pala ito kamamahal. "Seryoso ba ang mga presyo nito Jacob, ang isang ito ba talaga ay nagkakahalaga ng 30K? Itong pang-itaas pa lang ay ganito na talaga ang presyo nito?" Gulat na gulat kong ani dito na ikinatawa naman niya. "Mura pa nga ang mga iyan." Ani naman nito kaya naman mas lalong nanlaki ang aking mga mata. Para sa mga mayayaman talaga ay barya lang ang halagang 30k samantalang para sa katulad ko ay kayamanan na ito. Pumasok si Jacob sa loob ng isang fitting room na may dalang terno ng suit na nagkakahalaga ng humigit kumulang sa walong pung libong piso. Paglabas nito ay nanlaki ang aking mga mata dahil bagay na bagay sa kaniya ito at lalo siyang gumwapo. Habang pinupuri ko ito ay isang baritonong boses ang gumulat sa amin at kahit nakatalikod ako ay alam kong si Isaac ang nakatayo sa aming likuran na iniinsulto ako. Halos manginig ang buo kong katawan dahil sa mga sinasabi niya, napayuko na lamang ako at pilit na pinipigilan ang mga luhang nais maglandas mula sa aking mga mata. Hindi ako makapagsalita at hinayaan ko na lamang siya na insultuhin ang pagkatao ko dahil ayoko ng pahabain pa ang mga oras niya na nakatayo sa harapan namin. Ang gusto ko lamang ay umalis na siya upang makaalis na din ako, ngunit tila ba ito naliligayahan pa sa pang-iinsulto niya sa akin kaya naman nakatawag na kami ng pansin sa mga taong nasa loob ng store na ito, kaya naman malalakas din na bulungan ang maririnig mula sa mga ito na dumudurog ngayon sa aking pagkatao. Panay panghuhusga na lamang ang narinig ko sa kanila kahit hindi naman nila ako kilala. Paalis na sana si Isaac kasama ang kaniyang kaibigan ngunit huminto ito sa paglalakad at muling nagsalita, mga matatalim na salitang unti-unting tumatarak sa aking puso kaya naman ng tuluyan na silang nakalabas ng store ay mabilis naman akong tumakbo palayo sa mga ito. "Tanya, wait for me!" Malakas na ani ni Jacob ngunit patuloy lamang akong tumatakbo habang hilam na hilam na ng luha ang aking mga mata. Bakit ba ako umiiyak ng ganito at bakit ba ako nasasaktan ng ganito? Bakit ba apektadong-apektado ako sa galit ni Isaac sa akin? Pakiramdam ko tuloy ay marumi akong babae dahil sa mga binitawang salita ni Isaac sa akin. Sa labas na ako ng mall inabutan ni Jacob at agad niya akong niyakap ng mahigpit kaya naman humagulgol na ako sa kaniyang balikat at gumanti na rin ako ng yakap dito. "Shhhh... Tama na ang pag-iyak mo, huwag mong intindihin ang sinabi ng tarantadong 'yon okay." Ani nito sa akin ngunit hindi ko naman mapigilan ang pagtulo ng aking mga luha. Nasasaktan kasi ako, hindi ko rin alam kung nasasaktan ba ako dahil pinagsalitaan niya ako ng masasakit o nasasaktan ako dahil galit ito sa akin. Iginiya na ako sa loob ng sasakyan ni Jacob at pagkatapos ay sa halip na sa kaniyang opisina niya kami tumungo ay nagpunta kami sa isang park. Napatingin ako dito ng pumarada ito sa park at nguniti naman ito sa akin at pinunasan ang umalpas na luha sa aking mga mata. "Gusto mo kwek-kwek? Kain tayo ng kwek-kwek at inom tayo ng gulaman ha." Ani niya sa akin kaya naman gulat akong napatingin dito. "Sabi mo sa akin dati hindi ka kumakain ng kwek-kwek?" Nagtataka kong ani dito sabay taas ng isa kong kilay, minsan kasi ay inaya ko siyang kumain ng fish balls at kwek-kwek sa isang vendor na napadaan sa tapat ng kanilang hotel, pero ayaw niya dahil ang sabi niya sa akin ay hindi siya kumakain ng mga ganuong klase ng pagkain, pagkatapos ngayon ay nandito kami at inaaya niya akong kumain ng kwek-kwek. Nakakatuwang isipin na kapag malungkot ako ay may taong pilit akong pinapasaya katulad ni Jacob na kahit kailan lang naman kami nagkasama at naging magkaibigan ay napakabuti na niya agad sa akin. "Kakain ako niyan kung ipapangako mo sa akin na ngingiti ka na." Ani nito sa akin kaya naman isang matamis na ngiti ang namutawi sa aking labi. "Ayan! Sige dito ka lang at bibili agad ako ng kwek-kwek at gulaman." Wika nito sa akin kaya naman sumalampak na ako sa pinong damo at hihintayin ko na lamang dito si Jacob. Habang naghihintay ako sa pagbabalik ni Jacob ay nagulat na lamang ako ng may mga paang nakatayo sa aking harapan kaya naman nag-angat ako ng aking ulo at halos mapaatras ako sa aking kinauupuan ng makilala ko ito. "I-Isaac?!" Ani ko dito at biglang nagtambulan ng mabilis ang pagtibok ng aking puso kaya napalingon ako sa kinaroroonan ni Jacob na busy namang tumutusok ng kung anong binibili niya. Nakaramdam ako ng matinding takot dahil alam ko namang hindi siya nandirito upang makipag-kuwentuhan lang sa akin, alam kong nandirito siya dahil hindi pa siya tapos sa pang-iinsultong ginawa niya sa akin kanina. Ngumisi ito sa akin at umiling-iling ng kaniyang ulo, nakakatakot ang mga ngising sumilay sa kaniyang labi kaya halos naiiyak na naman ako. "Pagkatapos ba nito ay sa hotel naman ang tungo ninyo ni Mister. Wilson?" Mapang-insultong ani nito sa akin kaya naman nagmamadali akong tumayo at dahil sa sobrang pagkataranta ko at panginginig na rin ng aking tuhod ay bumagsak lang ako sa kinauupuan ko. "Tama 'yan Tanya! Manatili kang lugmok sa lupa." Ani nito at muli akong napatingin sa kinaroroonan ni Jacob at ng mapatingin ito sa akin ay bigla niyang binitawan ang hawak niya at mabilis na tinakbo ang kinaroroonan ko. "Mister. Howard, mukha naman yatang sinusundan mo ang aking sekretarya. Matindi naman yata masyado ang pagkagusto mo sa kaniya upang hanggang dito eh sundan mo kami." Mapang-inis na ani ni Jacob habang dahan-dahan akong itinatayo. Tumawa ito ng pagak at pagkatapos ay muling nagsalita. "Sekretarya o s*x-retarya mo? Kung sabagay, nagawa nga niyang maghubad para kay Rye upang pikutin ito bakit naman hindi niya magagawa sa iyo hindi ba?" Nakangising ani nito kay Jacob sabay tingin sa akin ng may panunuri at ngumisi ng nakakaloko, kaya sa galit ni Jacob ay isang malakas na suntok ang pinaigkas nito na mabilis namang nailagan ni Isaac. "Jacoooob." Malakas kong sigaw dito ng makita ko ang ginawa niya pero nailagan naman ito ni Isaac at hindi ako makapaniwala sa bilis na pagkilos nito. Muli ay isa pang suntok ang ibinigay ni Jacob kay Isaac na nailagan nitong muli dahil sa sobrang bilis ng kaniyang pagkilos ng hindi halos tumitinag sa kaniyang kinatatayuan. Ganoon na lamang ang gulat ko ng makita ko kung gaano ito kabilis kumilos at tila ba napaka-kisig niya sa aking paningin habang iniilagan niya ang mga suntok nito. Ngumisi ito kay Jacob na tila ba nanghahamon kaya mas lalo kong nakikita ang galit ni Jacob at pagkapikon dito. "Ang bagal mo. Hahaha!" Pang-aasar nito sabay tawa ng malakas kaya muling umunday ng malakas na suntok si Jacob na halos sinabayan ng isang flying kick na mabilis na namang nailagan ni Isaac. Bakit ganito ang nararamdaman ko? Bakit hinahangaan ko ang bawat pagkilos ng kaniyang katawan? Isang malakas na suntok na naman ang pinakawalan ni Jacob na hindi na naman tumama at muntik pa nitong ikasubsub ng biglang malakas na tawanan ang maririnig sa mga kaibigan ni Isaac na pinapanuod na pala kami kaya napatingin ako sa mga ito. Ganoon na lamang ang gulat ko ng makita kong muli si Rye, hindi ito nakikitawa sa kanila at nakatingin lamang ito kay Isaac. Hindi rin ito nakatingin sa akin ngunit mababakas pa rin ang galit nito sa kaniyang mga mata. Hindi ko alam kung ang galit ba na nababasa ko sa kaniyang mga mata ay inuukol para sa akin o dahil sa gulong nangyayari ngayon. Hindi ko alam at ayokong alamin pa dahil alam ko naman sa sarili ko na ang lahat ng nangyayaring ito ay ako ang dahilan. "Enough! Let's go!" Malakas na ani ni Rye kaya naman kumaway pa si Isaac kay Jacob na tila ba nang-aasar at nagsimula na itong lumakad papalayo sa kinaroroonan namin. "Isaac." Tawag ko dito ngunit hindi naman niya ako nilingon at patuloy lamang ito sa kaniyang paglalakad hanggang sa tuluyan na silang nakalayo. My heart is pounding uncontrollably, my eyes are weeping, and I'm filled with sadness and repentance. "Bakit mo ba tinatawag pa ang hayop na 'yon ha?" Naiinis na ani ni Jacob sa akin. "Gusto ko lang sanang mag-sorry sa kanila. Gusto ko ng matigil ang galit nila sa akin Jacob. Masyado na akong napapagod, masyado na akong napapahiya, gusto ko ng matapos ang lahat ng ito." Ani ko naman dito na ikinasalubong ng kaniyang mga kilay. "Mag-sorry? Wala kang kasalanan sa tarantadong 'yon Tanya, kaya hindi mo kailangang humingi ng sorry sa kaniya. Makakarma din ang hayop na lalaking 'yon." Galit na ani nito at hindi na rin ako kumibo pa at pinahid ko na lamang ang luhang naglandas sa aking mga mata. "The show is over, magsilayas kayo!" Sigaw ni Jacob sa mga taong nag-uusisa sa mga nangyari na hanggang ngayon ay nakatayo at nakatingin pa sa amin. Muli akong napatingin sa mga magkakaibigang naglalakad papalayo sa amin hanggang sa tuluyan na silang magsisakay sa kanilang mga sasakyan. Nang makita ko kanina si Rye ay nakaramdam na naman ako ng pagsisisi sa aking mga nagawa nuon sa kaniya. Gusto ko siyang kausapin kanina upang humingi ng kapatawaran ngunit nanaig ang takot na bumabalot sa aking katawan ng dahil kay Isaac. Natatakot ako na baka kapag sinubukan kong lumapit kay Rye ay itulak naman ako palayo ni Isaac o ng kaniyang mga kaibigan. Napatingin ako kay Jacob at nababanaag ko sa kaniyang mga mata ang matinding pag-aalala sa akin at ang pagkahabag na nararamdaman niya sa akin kaya naman para akong nauupos na kandila na dahan-dahang napapaupo sa damuhan at tuluyan na naman akong napaluha. Naramdaman ko ang pagtabi sa akin ni Jacob at inakbayan ako nito at isinandig ang aking ulo sa kaniyang dibdib kaya naman ang mabibini kong pagluha ay tuluyan ng nauwi sa paghagulgol. Hindi rin naman kami nagtagal pa sa park dahil hindi ko na rin nagawa pang kumain, pakiramdam ko ay may malaking bikig na nakabara sa aking lalamunan. Hindi mawala sa isip ko si Isaac at hindi ko alam kung bakit. Nasasaktan ako sa tuwing nagkakaharap kami at ang tingin niya sa akin ay isang mababang uri ng babae lamang. Gusto kong ipamukha sa kaniya na mali ang pagkakakilala niya sa akin ngunit hindi ko alam kung paano dahil natatakot ako sa kaniya sa tuwing nakikita ko siya. Inihatid na ako ni Jacob sa amin at pagkatapos ay nagkulong lamang ako sa aking silid. Ayoko kasing makita ng aking ina ang lungkot sa aking mga mata. Bakit nga ba ako malungkot? Bakit ako naaapektuhan sa galit sa akin ni Isaac? Bakit pakiramdam ko ay gusto kong mabago ang pagtingin sa akin ni Isaac? Ano ba talaga ang nangyayari sa akin? Muling nagbalik sa isipan ko ang mga katagang sinabi niya sa akin kanina at para itong punyal na unti-unting tumatarak sa aking puso. Bakit ganito kasakit ang nararamdaman ko sa tuwing naiisip ko ang malaking galit sa akin ni Isaac, bakit pakiramdam ko ay gusto kong puntahan ito upang magpaliwanag sa kaniya. Bakit kanina ay ganoon na lamang ang pagtibok ng puso ko ng pinagmamasdan ko ang kaniyang mukha at ang paghanga ko kung paano niya iwasan ang mga suntok ni Jacob ay tila ba isang magandang tanawin ng aking puso. Ayokong isipin na nahuhulog ako kay Isaac dahil mortal na kaaway lamang ang tingin niya sa akin at isang mababang uri ng babae. Pero bakit ganoon ang nararamdaman ko kanina? Naguguluhan na ako, hindi ko na alam ang gagawin ko. Tumingin ako sa kisame at muli na namang naglandas ang mga luha mula sa aking mga mata. Iba na nga ba ang itinitibok ng puso ko? Itinitibok na ba ng puso ko ang lalaking may malaking galit sa akin? Ito na ba ang kaparusahan sa mga nagawa kong pagkakamali nuon kay Rye? Pero imposible, bakit si Isaac? Matagal ko ng narealize na hindi ko na mahal si Rye pero ngayon, pakiramdam ko ay muli na namang tumitibok ang puso ko at sa isang tao pa na sukdulan ang galit sa akin. Nakakatawang isipin na para bang wala yata akong karapatang maging maligaya sa taong mamahalin ng puso ko. Umiyak ako ng umiyak dahil nasasaktan ako, gusto kong mabago ang pagtingin sa akin ni Isaac ngunit hindi ko alam kung paano. Dahil na rin sa sobrang lalim ng aking pag-iisip at sa sobrang pag-iyak ay hindi ko na namalayan na unti-unti ng bumabagsak ang talukap ng aking mga mata.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD