Episode 4

2277 Words
Tanya's POV Nasa loob kami ng Juliano Cuisine ni Michelle ng bigla na lamang kumabog ang aking dibdib. Agad akong napahawak sa aking kaliwang dibdib at napainom ng tubig. Bakit ganoon na lamang ang pagkabog ng aking dibdib na tila ba may mangyayaring hindi maganda sa mga oras na ito. "Okay ka lang bestie?" Nag-aalala n'yang ani sa akin habang hindi inaalis ang kaniyang tingin sa aking mukha. "Oo, okay lang ako." Wika ko sa kaniya. "Tara na tapusin na natin ang pagkain natin at pagkatapos ay mamamasyal tayo." Sambit n'ya at itinuloy na namin ang pagsubo ng pagkaing nakahain sa aming lamesa. Habang kumakain kami ay napatingin ako sa dalawang taong papasok ng restaurant at lalong kumabog ang aking dibdib na animo'y may nagtatambulang drum sa loob ng aking ribcage at halos hindi na ako makahinga pa. Napayuko ako ng makita kong papalapit na sila sa may gawi namin upang hindi n'ya ako mapansin ngunit mukhang huli na ang lahat dahil nararamdaman ko na ang kanilang presensya na nakatayo sa harapan ko. Hindi ako nag-aangat ng ulo kahit alam kong may dalawang tao na nakatayo sa aming harapan at kahit nakayuko ako ay alam kong si Sir Isaac ito at isang lalake na hindi ko kilala. Ayokong magtaas ng ulo dahil natatakot akong baka ipahiya na naman niya ako tulad ng ginawa niya sa akin nuong ipinagtabuyan niya ako sa kaniyang Cafe. "What are you doing here?" Matigas n'yang ani sa akin kaya napaangat na ako ng aking ulo at nagpalingon-lingon kung may nakikiusyoso ba sa amin. Nakahinga ako ng maluwag ng makita ko na ang lahat ay busy sa kanilang pagkain kaya't napatingin na ako sa dalawang taong nakatayo pa rin sa harapan ko. "Bakit, bawal ba kaming kumain dito?" Pakli ni Michelle na walang kagatol-gatol na nakataas ang isang kilay. "Kilala mo ba sila bro?" Wika ng kasama n'yang lalake na hindi ko kilala ngunit kung titignan mo ito ay may pagkakahawig sila, maliban na lamang sa kanilang buhok, si Sir Isaac ay medyo wavy na may kahabaan na ng kaunti hindi katulad nuon na maigsi lang ang buhok nito, samantalang ang kaniyang kasama ay clean cut naman pero sa wangis naman ng kanilang mukha ay iisa lamang ito kaya nakakasiguro akong magkadugo ang mga ito. "S'ya lang naman ang sinasabi ko sa iyong babae kuya, na muntikan ng sumira sa relasyon ni Rye at Raine, ang babaeng dahilan ng muntik ng pagkamatay ng aking kaibigan. Ang desperadang gustong pumikot sa isang multi billionaire!" Wika n'ya na sa akin nakatingin. Pagkarinig ko ng sinabi n'ya ay nakaramdam ako ng pagkapahiya sa aking sarili at muli ko na namang naalala ang kagagahang nagawa ko nuon kay Rye. Desperada? Siguro nga ay naging desperada ako pero matagal ng nangyari 'yon at maayos na ngayon ang pamilya ni Rye. Gusto ko sanang magsalita upang ipagtanggol ko ang aking sarili ngunit mas pinili ko na lamang ang manahimik upang hindi na kami makagawa pa ng eksena at baka pag-piyestahan pa kami ng mga chismoso at chismosa sa paligid. "Isaac, hindi dapat ganyan tratuhin ang mga babae." Wika ng lalaking tinawag n'yang kuya. "Pero kuya..." He cut him off. Nararamdaman ko ang masamang titig sa akin ni Sir Isaac kaya hindi ko magawang mag-angat ng aking paningin, natatakot akong mapahiyang muli kaya nananatili lamang akong nakayuko. Hindi ko inaasahan na magkikita kaming muli ni sir Isaac, sa lahat ng kaibigan ni Ryven ay siya ang kinatatakutan ko, marami na akong narinig tungkol sa ugali nito, kung gaano ito ka-arogante at kung paano ito magalit kapag ang sangkot ay ang kaniyang mga kaibigan. Kaya totoong takot na takot ako sa kanya kaya kung maaari nga lang sana ay ayokong makita n'ya ako sa kahit na saang lugar. Pero heto ngayon siya sa aking harapan at nararamdaman ko ang nagbabaga niyang mga mata na nakatingin sa akin. "Hayaan mo na sila, hindi mo ba nakikita na tahimik silang kumakain dito? Sumunod ka na sa aking opisina at may mahalaga pa tayong pag-uusapan." Wika pa ng tinawag n'yang kuya. Kuya? Kapatid pala n'ya ito kaya may pagkakahawig sila. "I'm sorry, you may continue your sumptuous meal. Pagpasensyahan n'yo na ang aking kapatid, pero mabait naman 'yan." Nakangiting ani sa amin ng kapatid n'ya at tuluyan na itong umalis. Nakatayo pa rin sa harapan namin si Sir Isaac at matamang nakatitig lamang sa akin at wala yatang balak umalis, matinding takot ang aking nararamdaman sa mga oras na ito. Maya-maya ay bahagya siyang dumukwang sa aking harapan at nginisihan ako na animoy parang demonyo na ikinakaba ko at matinding takot ang naramdaman ko. "Kahit baguhin mo pa ang ayos mo at kahit ibuhos mo pa sa katawan mo ang lahat ng klase ng pabango ay hindi pa rin magbabago ang katotohanan na bulok pa rin ang pagkatao mo Tanya." Bulong n'ya sa akin at maanghang na ngumisi bago ito sumunod na sa kanyang kapatid. Sa sinabi n'yang 'yon ay bigla na lamang tumulo ang aking mga luha at napayuko ako dahil pilit kong itinatago kay Michelle ang kirot na aking nararamdaman. Matagal na nangyari ang kasalanang nagawa ko, pinagsisihan ko din ang lahat ng 'yon ngunit bakit hindi nila magawang magpatawad sa taong nagkasala sa kanila? Inaamin ko naman ang aking pagkakamali, pero bakit kailangan n'ya pa akong insultuhin ng ganoon? Halos madurog ang puso ko sa mga sinabi sa akin ni Sir Isaac. "Asshole!" Sambit ni Michelle na ikinalingon ni Sir Isaac at binigyan kami ng parang nakalolokong ngisi. "I know and thank you very much!" Sarkastiko n'yang ani at tuluyan na siyang lumakad papalayo sa amin. "Ta-Tara na bestie ayoko na dito, pag-aari pala nila ito." Agad akong tumayo at tumakbo palabas ng restaurant at hindi ko na hinintay pa ang sasabihin ni Michelle. Sobra na akong nasaktan at nainsulto sa mga sinabi ni Sir Isaac sa akin kaya't hindi ko na kaya pang magtagal sa lugar na iyon kahit na isang segundo. "Bestie, hintayin mo ako!" Sigaw naman ni Michelle at nagmamadali n'ya akong hinabol. Inabutan n'ya ako sa labas ng restaurant na umiiyak at halos hindi ako makahinga sa matindi kong paghikbi. Awang-awa ako sa sarili ko dahil hanggang ngayon ay nakakatanggap ako ng pang-iinsulto kay Isaac. "Huwag mong intindihin ang asshole na 'yon bestie, makakaganti ka rin sa kanya." Wika ng aking kaibigan ngunit umiling lamang ako. Ayokong maghiganti kahit na kanino dahil kasalanan ko naman kung bakit nangyayari sa akin ito. Kung sana ay nanahimik na lamang ako sa Calatagan at hindi ko na sana sinundan pa si Rye, hindi ko sana nararanasan ngayon na mainsulto ang aking pagkatao. "Hindi ko naman kailangang maghiganti bestie, tama naman kasi s'ya na kahit anong gawin ko ay bulok pa rin ang pagkatao ko, at dahil 'yun sa ginawa ko kay Ryven na matagal ko ng pinag-sisisihan. Naging bulag lang ako sa pag-ibig nuon bestie at nagsisisi na ako." Umiiyak kong wika sa kaniya kaya't niyakap n'ya agad ako. "Hindi totoo 'yan, simula ngayon tutulungan kita, hindi ka na rin magtitinda ng kakanin at d'yan sa hotel na 'yan ka na magtatrabaho, nagkakaintindihan ba tayo?" Wika n'ya habang turo-turo n'ya ang hotel na pag-aari ng kaniyang asawa. "Pe-Pero wala naman akong alam gawin." Wika ko sa kaniya dahil hindi rin naman ako nakatapos ng kolehiyo, hanggang highschool nga lang ang narating ko kaya paano naman ako magtatrabaho sa lugar na iyan kung wala naman akong pinag-aralan. "Akong bahala sa iyo, basta simula ngayon ay hindi ka na maglalako ng paninda at ikukuha ko kayo ng maayos na matitirhan ng nanay at kapatid mo." Wika n'ya pang muli at lalo ko pang hinigpitan ang pagkakayakap ko sa kaniya at tuluyan na nga akong napahagulgol sa kaniyang balikat. Naikwento ko kasi sa kaniya na dito na rin nakatira si nanay at si Boyet kasama ko sa isang maliit na barong-barong dahil binawi na ng gobyerno ang lupang aming tinitirhan sa Calatagan at si Tatang Ben naman ay kinuha na ni Kuya Carlo, ang nag-iisang anak ni Tatang Ben na bumalik upang kuhanin ang kaniyang ama at isama na niyang manirahan sa America. "Salamat bestie, hindi mo alam kung gaano mo ako napasaya ngayon. " Umiiyak kong ani sa kaniya. "Sumama ka muna sa akin sa bahay namin upang makilala mo ang aking asawa at ang nag-iisa n'yang kapatid. Mababait sila at sigurado akong matutuwa silang makilala ka dahil matagal na kitang ikinukwento sa kanila." Wika n'ya at iginiya na n'ya ako papunta sa kaniyang sasakyan na naghihintay kasama ang mga bodyguards n'ya. Nakarating kami sa kanilang tinatawag na bahay, kung bahay pa nga ba itong matatawag dahil sa sobrang laki nito. "Di-Dito ka nakatira?" Mangha kong ani sa kaniya habang nililibot ng aking mata ang napakagandang tanawin at ang napakalaking bahay na akala mo ay palasyo. "Oo, halika pasok tayo sa loob." Wika n'ya at iginiya na n'ya ako papasok sa loob ng kanilang napakalaking bahay. "Si Justin?" Tanong n'ya sa isang kasambahay nila na naka uniporme. Agad akong napatingin sa kabuuan ng loob ng mansion at para akong isang inosenteng humahanga sa isang napakagarang tahanan, at aaminin ko na ngayon lamang ako nakapasok sa ganito karangyang bahay. "Ay senyorita kayo po pala! Nasa itaas po at kauuwi lang din po n'ya kasama ang kaniyang kapatid." Wika ng kasambahay habang pinapaupo naman ako ni Michelle sa sofa. "Diyan ka lang at tatawagin ko ang aking asawa at para mapag-usapan na rin kung ano ang magiging trabaho mo." Wika n'ya at agad na umalis at tinungo ang napakahabang hagdanan paakyat sa ikalawang palapag. Hindi rin nagtagal ay bumalik s'yang may kasamang dalawang pagkagwapo-gwapong mga lalaki ngunit sa tantiya ko ay mas gwapo si Sir Isaac. Bigla akong natigilan, bakit ko ba iniisip pa si Sir Isaac eh wala naman alam gawin ang taong 'yon kung hindi ang insultuhin ang pagkatao ko. "Tanya, meet my husband Justin Wilson, and his brother Jacob Ace Wilson." Nakangiti n'yang pagpapakilala sa akin sa dalawang taong nakangiting nakaharap sa akin. "Finally meet you!" Wika ng nakangiti n'yang asawa at sabay-abot ng kaniyang kamay sa akin na inabot ko din naman. "Nice to meet you, beautiful lady! I have heard a lot about you. Bukang-bibig ka kasi halos araw-araw ng hipag ko." Wika naman ni Jacob at iniabot ang aking kamay sabay-halik sa likod ng aking kamay na ikinagulat ko. Pagtingin ko sa kaniyang mukha ay tila ba ito nang-aakit kaya halos mamula na ang aking mukha at napatingin ako sa aking kaibigan na nakasibangot na pala at masamang nakatingin kay Jacob. "Hoy Jacob! Tumigil ka bestfriend ko 'yan!" Galit na asik ni Michelle at inirapan agad ang kanyang bayaw. Agad na inalis ni Michelle ang pagkakahawak sa akin ni Jacob at pumagitna pa sa aming dalawa na ikinatawa ng kaniyang asawa. Nakahinga ako ng maluwag ng inalis ni Michelle ang kamay ni Jacob na nakahawak sa aking kamay dahil sa tingin ko ay mukhang pilyo ang kaptid ng kaniyang asawa at ayokong maging isa sa mga biktima niya. "Ate Mitch, ang damot mo talaga." Wika n'yang nakanguso na parang bata. Agad na kinunotan siya ng noo ni Michelle at muli itong pinagsabihan. "Huwag ang bestfriend ko Jacob, marami ng pinagdaanan 'yan kaya huwag mo ng dagdagan pa, naikwento ko sa inyo lahat kaya huwag kang magkakamaling paglaruan ang damdamin n'ya dahil hindi kita mapapatawad." Asik n'ya habang nanlalaki ang kaniyang mga mata at tinawanan lamang s'ya ni Jacob sabay-akbay kay Michelle at ginusot-gusot pa ang buhok nito. "Huwag kang papauto d'yan bestie, dahil kung may hari ng mga playboy wala ng iba kung hindi si Jacob lang 'yon." Wika n'ya na mabilis na kinontra ni Jacob at tumatawa lamang si Justin na para bang ang cool lang n'ya. Nakakatuwang isipin na napaka swerte ng aking kaibigan dahil nakatagpo siya ng lalaking mahal na mahal siya at tanggap siya ng buong pamilya nito. Sana isang araw ay makahanap din ako ng isang tao na mamahalin ako at tatanggapin ako ng buong-buo. "Ate Mitch ang aga mong manira." Muli ay nakanguso n'yang ani na kahit pati ako ay natatawa na rin dahil para siyang bata kung umasta. Halos ayaw patalo sa isa't-isa si Jacob at Michelle hanggang sa inawat na sila ni Justin. Nuong una ay ayaw pang tumigil ni Michelle hanggang sa siniil na s'ya ng halik ng kaniyang asawa para lamang mapatigil siya at gulat na gulat ako sa ginawang iyon ni Justin pero napangiti din ako dahil nakikita ko kung gaano kamahal ni Justin ang aking kaibigan. Napaka swerte n'ya at hinahangaan ko ang pag-ibig na inaalay sa kaniya ng kaniyang asawa. Matapos ang mahabang kwentuhan at paliwanagan sa mga bagay-bagay na nangyari nuon ay natutuwa ako na simula bukas ay mayroon na akong magiging maayos na trabaho, hindi ko na kailangan pang mag-lako sa kalsada ng mga kakanin sa tirik na tirik na araw. Laking pasasalamat ko sa muli naming pagkikita ni Michelle dahil tinulungan n'ya ako na mabago ang pamumuhay namin ng aking ina at kapatid. Sa condo ni bestie na muna n'ya kami patutuluyin hangga't hindi pa kami naihahanap ng maayos na titirhan na malapit lamang sa hotel ng mga Wilson. Malaki ang utang na loob ko kay Michelle, nang dahil sa kaniya ay mabibigyan ko na ng magandang buhay ang aking ina at kapatid. Matutustusan ko na rin ang pangangailangang gamot ni nanay kaya nagpapasalamat talaga ako sa kabutihan ng puso niya. Lahat ng mga nagawa kong pagkakamali nuon ay naging aral sa aking pagkatao, natuto akong tumanggap ng pagkatalo at nagkaroon ako ng respeto sa aking kapwa at lalo na sa aking sarili. Ayoko ng maulit ang mga kasalanang nagawa ko nuon kaya nangangako ako na bagong Tanya na ang makikilala nila.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD