Shynelle
"Shyn, kanina ka pa tulala. Okay na ba 'yong mga lapnos mo?"
Bigla akong nagising mula sa pagkatulala sa table ko nang bumungad sa harapan ko si Marife. Kinatok pa niya ang mesa ko.
"Snack time na. Kain tayo."
"Hindi pa ako gutom. Mamaya na lang. Saka may hinihintay ako."
"Sino? Si Sir Chase ba? Yiieehh--"
"Hindi. Kapalit ko."
Nakita ko naman ang paghinto niya. "Kapalit mo? D-Dito sa table mo? Kapalit mo bilang secretary?"
"Oo, darating daw ngayong araw ayon kay Sir Chloe." Nararamdaman ko na naman ang paghilab ng sikmura ko. Wala sa sarili akong napahaplos sa tiyan ko. Ang baby ko.
"Naku, ibig sabihin ay last day mo na pala ngayon. Nakakalungkot naman. Wala na akong kakulitan dito."
Natawa naman akong bigla sa sinabi niya at sa hitsura niyang parang sinakluban bigla ng langit at lupa. "Akala ko ba dapat ay hindi na ako pumapasok dahil malapit na ang kasal ko?"
"Oo nga, pero nakakalungkot pa rin, no. Paano nga pala 'yong mga utang mo?"
Napakamot akong bigla sa panga. Iyon yata ang inaalala niya. Wala naman akong utang sa kanya. "Ikakaltas na lang daw ni Sir Chloe sa back pay ko. Siya na ang magbabayad sa kanila."
"Wow! Ang bait talaga ni Sir Chloe. Parang mas mabait talaga siya kaysa kay Sir Chase, no. Kung minsan kasi ay napakasungit niya," bulong niya sa akin.
Nginitian ko na lamang siya. Sa akin lang naman 'yon masungit.
"Good morning po. Hello po sa inyo."
Napalingon naman kaming bigla sa babaeng dumating. Naka-business attire siya. Naka-black shoes. Alon-alon ang kulay itim niyang buhok at naka-reading glasses. May sakbat siyang black bag sa balikat at may yakap-yakap na brown envelope.
"Hello! Sino po ang hanap niyo?" tanong kaagad sa kanya ni Marife. Hindi kaya siya na ang papalit sa akin?
"Dito po ba 'yong office ni Sir Chloe? Ako po 'yong nag-apply bilang secretary?"
"Oh, anong pangalan mo?" Kaagad akong tumayo.
"Rosalinda Zamayla po."
"Maupo ka muna. May dala ka bang requirements?" tanong ko sa kanya.
"Meron po. Heto po." Kaagad niyang inilabas mula sa brown envelope ang mga documents niya.
"Ako naman si Shynelle. Sa akin ka papalit." Inilahad ko ang kamay ko sa harapan niya.
"Kayo po pala. Hello po." Tinanggap din naman niya kaagad ang kamay ko.
"Kukunin ko muna ang mga requirements mo at ipapaalam ko kay Sir Chloe."
"Opo, sige po."
Binitbit ko ang mga requirements niya at saka ako lumabas ng table ko. Nagtungo ako sa pinto ng opisina ni Sir Chloe at kumatok muna sandali.
"Ilang taon ka na?" tanong naman ni Marife kay Rosalinda.
"22 po."
Tuluyan na rin akong pumasok sa loob ng opisina. Naaktuhan kong abala pa rin sa laptop si Sir Chloe sa office table niya.
"Excuse me, Sir. Dumating na po 'yong papalit sa akin." Lumapit ako sa kanya at inilapag sa tabi niya ang mga documents. "Heto po ang requirements niya." Hindi ko pa rin mapigilang mapasimangot. Talagang aalis na ako sa opisinang ito na napamahal na rin sa akin.
"What's with the face?" Sinulyapan niya ako. Kaagad din niyang tiningnan ang mga papel.
"Tinanggal niyo na kasi ako agad-agad. Wala man lang pa-warning o pasabi man lang. Masama ako magulat, Sir!"
Tinawanan niya lang ako. "What will you do?"
"Baka magtatambling akong bigla dito."
Mas lalo naman siyang tumawa. "I-briefing mo muna siya bago ka umalis."
"Sir!" Gusto ko nang maiyak sa harapan niya. "Paano 'yong mga utang ko?! Matagal pa naman 'yong back pay. Baka sabihin nila, tatakasan ko na sila."
Bumuntong-hininga naman siya ng malalim na parang nauubusan na ng pasensiya sa akin. "Magkano ba ang utang mo sa kanila?"
Napahinto naman ako. "B-Bakit?"
"Nagtatanong ka pa. Kwentahin mo na lang. Give me the list."
"Sigurado ka, Sir?"
"Hurry up. Papasukin mo muna dito 'yong papalit sa iyo."
"O-Okay." Kaagad na rin akong tumalikod at lumabas ng opisina niya. Nakaupo pa rin naman sa silya ang babae pero wala na dito si Marife. Natanaw ko na itong naglilinis sa kaliwang bahagi nitong malawak na opisina. "Pumasok ka na raw sa loob," nakangiti kong turan kay Rosalinda.
"Sige po." Kaagad din naman siyang tumayo at isinakbat sa balikat niya ang bag niya.
"Bumati ka na lang kay Sir, ha. Mabait naman 'yon."
"Opo." Kaagad na rin siyang tumalikod at pumasok sa loob ng opisina.
Kaagad naman akong bumalik sa swivelchair ko at sinimulang gumawa ng listahan ng mga utang ko. Kabisado ko naman silang lahat. Sinimulan ko ito sa mga empleyado dito sa opisina at isasama ko na rin ang mga utang ko sa tindahan sa amin.
Aba, eh, paano ko mababayaran ang mga 'yon kung wala na akong sasahurin? Wala na akong trabaho. At saka mangungutang pa akong muli para sa dalawang linggo naming pagkain ni Mama. Kasal naman na kami ni Chase pagkatapos ng dalawang linggo. Hindi na ako mamomroblema pa sa pagkain niyon. Eh, paano naman si Mama?
Oo nga pala, maiiwan na siyang mag-isa sa bahay namin. Hindi ko naman siya pwedeng isama dahil baka hindi pumayag si Chase. Haayst. Hindi ko rin nga alam kung saan kami titira pagkatapos ng kasal namin. Sa condo unit ba niya o sa mansion nila.
Bahala na nga.
Beth - 1,300
Rose - 600
Evelyn - 400
Reynan - 1,000
Jinky - 150
Garry - 300
Virgie - 1,500
Rector - 2,000
Ito 'yong mga utang ko sa mga ka-trabaho ko dito sa opisina. I,500 ang utang ko kay Beth at nabawasan na ito ngayon ng 200 kaya 1,300 na lang ang natitira. Umabot din pala silang lahat ng 7,250. s**t, ang laki pa. Plus 'yong mga utang ko pa sa mga tindahan sa amin. Mga limang tindahan lang naman 'yon.
Manang Puring - 1,200
Aling Marissa - 950
Aling Mira - 650
Manang Carmencita - 1,400
Ka Linda - 500
Umabot naman sila ng 4,700. A total of 11,950. Tsk. Kulang pa ang isang sahod para mabayaran ang mga ito. Sa kanila lang talaga mapupunta ang buong back pay ko.
"Parang bet ko ang shabu shabu ngayon."
"Sa labas na lang tayo kumain."
Bigla akong napatunghay nang marinig ko ang mga boses na 'yon. Natanaw ko kaagad sila Chase at Misty na lumabas ng opisina. Pareho silang nakangiti sa isa't isa. Kaagad akong yumuko nang mapansin kong lilingon sa kinaroroonan ko si Chase.
Naisipan ko nang likumin ang mga gamit ko. Isinilid ko na silang lahat sa isang bakanteng box na naririto sa ilalim ng table ko. Nagkunyari akong hindi sila napapansin.
"Just a moment," dinig kong turan ni Chase hanggang sa makita ko sa gilid ng mga mata ko ang paglapit niya sa akin.
Bigla na lamang bumilis ang t***k ng puso ko, pero hindi ko pa rin siya nilingon.
"What are you doing?"
"Huh!" Kamuntik pa rin akong mapatalon sa gulat dahil sa tanong niya. Napasapo ako sa dibdib ko. Doon ko pa lamang siya nilingon. Nasa mismong harapan na siya ng table ko ngayon at pinagmamasdan ang mga nililigpit kong gamit.
"Ahm, dumating na po 'yong papalit sa akin bilang secretary ni Sir Chloe, kaya ipapasa ko na rin po sa kanya ang table na 'to."
Kumunot bigla ang noo niya. "Agad-agad?"
"Opo."
Hindi naman siya sumagot. Maya-maya'y bumuntong-hininga siya ng malalim at kaagad na ring tumalikod. Lumapit siyang muli kay Misty at humawak sa likod nito. Nginitian pa ako ni Misty pero hindi ko siya pinansin.
Napatitig na lamang ako sa kanila na ngayo'y naglalakad na palabas ng opisina.
Parang wala siyang pakialam. Buntis ako, Chase. Dala ko na sa sinapupunan ko ang anak mo.
Napabuntong-hininga na lamang ako ng malalim at muling inayos ang mga gamit ko.
Paglabas ni Rosalinda mula sa office ni Sir Chloe ay ako naman ang pumasok sa loob at ibinigay sa kanya ang listahan ng mga utang ko. Nangunot naman ang noo niya habang pinagmamasdan ito.
"Saan mo ginamit ang mga 'to?" tanong niya.
"Sa mga gamot po ni Mama. Marami na kasi siyang sakit."
"Sa kanya ba talaga?" Tiningnan niya ako nang may pagdududa.
"Saan pa po ba, Sir? Hindi ko naman na nakakausap pa 'yong ex ko, no." Hindi ko napigilang sumimangot. Noon kasi sa tuwing nangungutang ako sa kanya ay nasasabi kong bigla na para sa boyfriend ko ang hinihiram kong pera.
Ang ipinagtataka ko ay mukhang walang nakakaalam sa pamilya niya nang tungkol sa nangyari sa condo unit ni Chase. Mukhang inilihim niya ito sa lahat. Tanging ang mga security guard lang ang nakaalam ng mga 'yon at binigyan pa niya ng 2nd chance ang mga ito na ayusin ang mga trabaho nila.
"I'll provide you with a referral letter. Take your mom to the VM Health Center in Angono, Rizal, for her checkup. My uncle, Damien, owns the hospital. It's completely free of charge. You won't have to pay for anything, not even the medicine."
Namilog namang bigla ang mga mata ko sa sinabi niya. "T-Talaga po, Sir? Naku, thank you so much po, Sir! Hulog ka po talaga ng langit sa akin! Sana katulad mo rin po si Cha--"
"At itong ibabayad ko sa mga utang mo ay ibabawas ko na sa dapat ay regalo ko sa inyo sa kasal."
Bigla naman akong napanganga sa sinabi niya. "B-Bakit naman doon, Sir? Hindi ba malas 'yon?"
"Mas malas kung hindi ka magbabayad ng mga utang."
Napangiwi na lamang ako sa sinabi niya. Pero may naisip akong bigla. "S-Sir, pwede bang dagdagan niyo pa 'yan ng 10K? Ibawas niyo na lang din sa regalo niyo--"
"What?" Bigla namang nagsalubong ang mga kilay niya habang nakatitig sa akin.
"K-Kung pwede lang naman. Wala kaming pangkain ni Mama sa loob ng two weeks, eh."
Mas lalo pa siyang ngumanga.
Hindi ko naman na malaman kung paano ngingiti sa kanya. "P-Pag-isipan niyo na lang muna, Sir. Lalabas na po muna ako. Tuturuan ko po 'yong bago. Bye po!"
Nagmadali na ako sa paglabas bago pa niya bawiin ang pagbabayad niya sa mga utang ko! Sayang din 'yon!