CHAPTER 1: Pregnancy Test
Shynelle
"D-Dalawang linya?"
Ganun na lamang ang gulat ko nang madagdagan pa ng isang pulang linya ang linyang gumuhit dito sa pregnancy test na hawak ko. Napatakip akong bigla sa bibig ko kasabay nang pagkabog ng malakas ng dibdib ko.
"s**t. Buntis ako?" Nangatal ding bigla ang mga kamay ko.
Napatingin ako sa dalawa pang pregnancy test na nakapatong sa ibabaw ng takip ng drum. Kasalukuyan ako ngayong naririto sa banyo at nakaupo sa toilet bowl na walang takip. Kaagad kong dinampot ang dalawa pang pregancy test at binuksan. Tinanggal ko ang removable cap nito at itinubog muli sa urine sample ko na nasa isang cup. Pinagsabay ko na lamang silang dalawa.
Ipinatong ko ang cup sa ibabaw ng takip ng drum. Naghintay ako ng ilang minuto habang nakatitig sa test window nito. Hindi nagtagal ay namasa na rin ito at nagsimulang gumuhit ang isang pulang linya. Naghintay pa ako ng ilang sandali, hanggang sa gumuhit pa ang isa pang linya.
"Oh, s**t. Buntis nga ako."
Muli akong napatakip sa bibig ko. Hindi ako makapaniwala. Buntis nga ako. Magkaka-baby na kami ni Chase.
Hinugot ko mula sa cup ang dalawang pregnancy test. Pinagsama-sama ko na ang mga ito at muling tinitigan. Sampung araw na akong delayed sa menstruation ko at may kakaiba na akong nararamdaman sa sarili ko na hindi ko maipaliwanag. Ilang araw nang humihilab ang tiyan ko tuwing umaga, lalo na kapag nakakalanghap ako ng mga nilulutong ulam ng mga kapitbahay. Nasusuka ako pero wala naman akong maisuka. Malalagkit na laway lamang ang lumalabas mula sa bibig ko.
Nakakaramdam din ako madalas nang panghihina at parang gusto ko ay matulog na lamang buong maghapon. Kaya naisipan ko nang mag-pregnancy test.
Hindi ko maipaliwanag ang nararamdaman ko ngayon. Masaya ako pero kinakabahan at natatakot ako. Matutuwa kaya si Chase kapag nalaman niya ito?
Dalawang linggo na lamang at kasal na naming dalawa. Oo, kasal... Pero hindi kami katulad ng karamihan na mahal na mahal ang isa't isa. Hindi kami lovers in the moonlight o kung anu pa man. Walang date. Walang chocolate and flowers. Walang tamis na pwedeng langgamin. Walang ganun.
Nagsimulang kumirot ang puso ko.
Huminga ako ng malalim.
Magpapakasal ako sa kanya dahil sa malaking pagkakautang ko sa kanya. Isa akong secretary ng nakatatanda niyang kapatid na si Chloe Delavega sa C.D building office sa loob na ng dalawang taon. Siya naman ay chief operating officer o COO ng kanilang kumpanya. Ang pamilya nila ang nangungunang pinakamayaman sa buong bansa.
Barya lang naman para sa kanila ang utang kong 'yon, pero para sa amin ay buwis-buhay bago kitain iyon. Mamamatay na lang kami pero hindi pa kami nakakatikim ng milyon. Bukod doon, nasira ko rin ang tiwala niya.
Mayroon akong ex-boyfriend, si Al Naval na nagtatago--hindi ko alam kung saan apat na buwan na hanggang ngayon dahil sa pagnanakaw na ginawa niya at sinangkot pa ako sa katarantaduhan niya.
Nagmula iyon nang utusan ako ni Chase na kunin ang importanteng papeles sa condo unit niya. Ibinigay niya sa akin ang passcode ng pinto niya. Pero bago ako nakarating doon ay nagkausap kami ni Al sa phone. Nanghihiram na naman siya sa akin ng pera at sinabi ko sa kanya na magkita na lamang kami sa labas ng La Grande Homes. Isa ito sa mga condo building na pag-aari ng mga Delavega at kung saan mayroong unit si Chase at ang mga kapatid at pinsan niya.
Pero pinaghinalaan niya akong may kikitaing lalaki sa lugar na 'yon. Ayaw niyang maniwala na inutusan lamang ako ng isa sa mga boss ko. Sumama siya sa loob ng gusali at hanggang sa makapasok kami sa loob ng unit. Marami siyang pinakialamang gamit doon. Nagtalo pa kami dahil sa pananaway ko sa kanya.
Paglabas namin ay naghiwalay na rin naman kami. Binigyan ko siya ng isang libong piso na tanging laman na lamang ng wallet ko. Hindi ko na nga mabilang kung gaano ka-rami na ang utang niya sa akin simula noong maging boyfriend ko siya. Dalawang taon din akong nagtiis sa kanya.
Bumalik ako noon ng office at ibinigay kay Sir Chase ang mga papeles. Ngunit kinabukasan ay nagulat na lamang ako sa galit na isinalubong niya sa akin. Pinagbintangan niya akong nagnakaw ng pera sa condo unit niya na umabot daw ng isang milyon.
Ipinakita pa niya sa akin sa mga kuhang pictures ang mga nagkalat niyang gamit sa loob ng unit niya. Pero sa pagkakaalala ko ay wala namang nagulo na kahit ano doon bago kami umalis ni Al. Nakita sa mga CCTV camera sa hallway ang pagpasok ng tatlong lalaki sa loob ng unit niya noong gabing 'yon. Lahat sila ay kapwa nakasuot ng black bonnet at sarado ang mga mukha. Malaya nilang nabuksan ang pinto gamit ang passcode.
Sa mansion daw nila si Chase umuwi noong gabing 'yon. Wala siyang ibang pinagbintangan kundi ako lang dahil tanging sa akin lamang daw niya ipinagkatiwala ang passcode niya. Kahit anong sabihin ko ay hindi siya nakinig sa akin. Pinagbatayan niya ang madalas kong pag-utang ng pera kay Sir Chloe at sa mga kasamahan kong empleyado ng opisina.
Pina-imbestigahan niya rin ang lugar kung saan ako nakatira at doon niya nalaman na ang mahahabang listahan ng mga utang ko sa mga tindahan ay bayad ko na. Noong umaga kasing 'yon bago ako pumasok sa opisina ay bigla akong binayaran ni Al sa mga utang niya. Pinasobrahan daw niya 'yon dahil nanalo daw siya sa sugal.
Sa sobrang tuwa ko ay ibinayad ko kaagad ang mga 'yon sa mga utang ko sa tindahan. Wala na akong pakialam pa kung galing 'yon sa sugal. Pero doon na pala magsisimula ang kalbaryo ng buhay ko.
Hindi ako pinaniwalaan ni Sir Chase. Araw-araw niya akong ginugulo at pinahihirapan sa pagtatrabaho ko sa opisina nila. Maraming beses na rin niyang inangkin ang katawan ko. Wala siyang patawad kahit saan niya iyon magustuhan.
Gusto niya akong pagbayarin sa ginawa kong pagnanakaw sa kanya. At ito ang naisip niyang solusyon. Magpapakasal ako sa kanya at pagsisilbihan ko siya habambuhay.
Dapat ay noon pa ito nangyari pero naaksidenteng bigla si Sir Chloe sa mismong araw ng engagement party nila ng asawa na niya ngayong si Ma'am Alwena. Na-coma si Sir Chloe noon sa loob ng dalawang buwan. Nang magising ay kaagad silang umuwi ng Mindoro upang sundan doon ang mag-iina niya. Doon na rin sila nagpakasal at ngayon ay kami naman ni Chase ang susunod.
Muli akong huminga ng malalim. Itinapon ko na ang sample urine ko pati na rin ang cup at mga basura ko dito sa banyo. Lumabas ako na bitbit ang tatlong pregnancy test. Inilagay ko ang mga ito sa isang supot at dadalhin ko ang mga ito ngayon sa trabaho.
Mabilis na akong naligo at nagbihis. Kailangan kong pumasok ng maaga kahit masama na naman ang pakiramdam ko. Susurpresahin ko si Chase. Baka sakaling dito ay magbabago na ang pakikitungo niya sa akin.
***
MAHIGIT ISANG ORAS ang binyahe ko bago ako nakarating sa C.D building.
"Good morning!" masiglang bati ko sa mga kasamahan kong empleyado.
"Good morning, Shy. Ang ganda ng mood natin, ah!" nakangiting bati din sa akin ni Jeremi.
"Shynelle." Kaagad namang lumapit sa akin si Beth. "Baka naman may extra ka na dyan. Bigyan mo muna ako kahit 500 lang muna. Sa sunod mo na bayaran 'yong iba. Kailangan ko nang pambili ng gamot ng anak ko, eh."
"Naku." Bigla akong napakamot sa ulo. Ang iba sa mga babaeng kasamahan namin dito ay kakaiba na rin tumingin sa akin dahil may mga natitira pa rin akong utang sa kanila. "Wait, sisilipin ko kung may laman ang wallet ko." Kaagad kong inilabas ang wallet ko mula sa bag ko at binuksan ito. May nakita naman akong 300 sa loob. "300 lang ito, eh. Pangkain ko pa mamayang tanghali at pamasahe pauwi. 200 na lang muna, pwede ba?"
"Sige, okay na 'yan. Baka naman bukas madagdagan mo pa ito. Wala na talaga akong makuhanan, eh. Naaawa na ako sa anak ko. Mataas na naman ang lagnat niya kanina."
Nakaramdaman naman akong bigla ng awa sa kanila, lalo na ngayong nalaman kong buntis na ako at magkakaanak na rin. Mahirap siguro ang maging ina, lalo na kung salat sa buhay.
"Sige, susubukan kong magdilihensiya sa amin bukas. Gagawa ako ng paraan. Pasensiya ka na rin, ha."
"Sige, okay lang. Malaking tulong na ito. Salamat din."
"Hoy, Shy." Napalingon naman ako kay Madelyn na lumapit na rin sa amin. "Bilisan mo, pumasok ka sa office ni Sir Chase. Nandyan na siya kanina pa, pero biglang may dumating na magandang babae at sexy."
"Oo nga, nakita ko rin kanina. Wala kang panama," dagdag pa ni Beth.
"Huh? Sino?" Napanganga naman akong bigla sa sinabi nila. Nainis akong bigla kay Beth. Wala akong panama? Bawiin ko kaya 'yang 200 ko.
"Hindi namin kilala, pero shocks! Ang ganda talaga. Maputi na, ang kinis pa," sagot naman ni Madelyn.
Bigla akong kinabahan. "Hindi ba si Ma'am Hershey?" Si Ma'am Hershey ay best friend ni Chase at mahal na mahal niya ang babaeng 'yon.
"Hindi. Kilala naman namin si Ma'am Hershey, no," sagot naman ni Beth.
"S-Sandali lang." Kaagad ko na silang nilampasan at tinungo ang kinaroroonan ng opisina ni Chase. Hindi naman lingid sa kanila na ikakasal na ako sa boss namin dahil matinik silang mga Marites at Maritos. Kaya nga ang iba sa kanila ay parang sinasaniban ng mga Espiritu dahil tumitirik ang mga mata nila sa tuwing nakikita ako.
Hay, kung alam lang nila.
Ibinaba ko ang bag ko sa ibabaw ng table ko. Inilabas ko mula dito ang supot na kinalalagyan ng mga pregnancy test ko. Bumuntong-hininga muna ako ng malalim. Humugot ako ng maraming lakas ng loob.
Naisipan ko munang magtungo sa pantry at ipinagtimpla ng kape si Chase. Favorite niya ang black coffee na matapang. Kaagad din akong bumalik. Nasa bulsa ko naman ang supot ng mga pregnancy test.
Sino kaya ang babaeng kasama niya sa loob. Kaagad na rin akong nagtungo sa pinto nito at marahang kumatok.
Wala akong narinig na sagot mula sa loob kaya naisipan ko na itong buksan at pumasok sa loob. Kaagad na dumiretso ang mga mata ko sa kinaroroonan ng office table niya. Ngunit laking gulat ko sa naaktuhan ko doon.
Isang babae nga ang ngayon ay nakaupo sa kandungan ni Chase. Nakayakap ito sa leeg niya at parehong hinahalikan ang mga labi ng isa't isa.
Ganun na lamang ang paninigas ko sa kinatatayuan ko.
Nanghina akong bigla at wala sa sariling nabitawan ang tasa ng kape. Narinig ko na lamang ang pagbagsak nito sa sahig at pagdampi ng napakainit na likido sa mga paa ko. Lumikha ito ng malakas na ingay at pagkabasag dahilan upang maagaw ko ang atensyon nila at mapalingon sila sa akin.
Gulat ang lumarawan sa kanilang mga anyo, lalong-lalo na kay Chase.
"Shynelle?"