CHAPTER 3: Ex-Girlfriend

1882 Words
Shynelle "Naku, mag-ingat ka na sa susunod, ha. Tingnan mo ang balat mo, pulang-pula. Makirot 'ya--" "Ah, d-dahan-dahan," daing ko nang madiinan ng daliri niya ang malubhang parte ng balat ko na nalapnusan ng mainit na kape kanina. Kasalukuyang pinapahiran ito ngayon ni Marife ng ointment. Kaagad niya akong tinulungan sa paggagamot ng mga paso at sugat ko matapos niyang maglinis sa opisina ni Chase. "Naku, sorry, sorry." "Okay lang." Muli niyang ipinagpatuloy ang pagpahid sa mga ito ng ointment. "Sinabi nga pala ni Sir Chase na gamutin daw kita. Yiieeh, nakakakilig!" Napahinto naman ako sa sinabi niya. "S-Sinabi niya 'yon?" "Oo, bago ako lumabas ng office niya kanina. May bisita nga pala siya doong isang magandang babae." "Ano'ng ginagawa nila?" "Nasa sofa 'yong girl. Parang may ka-text sa phone. Nasa swivel chair naman si Sir Chase at nakatutok na sa laptop niya." Hindi na ako sumagot. Lihim na lamang akong napahinga ng malalim. Mukhang magtatagal pa dito ang babaeng 'yon, at maaaring hindi lang halikan ang gawin nila dahil hindi man lang niya ako ipinakilala bilang fiancée niya. Alam naman na ng buong family niya ang tungkol sa akin, kahit si Sir Chloe. Naisama na rin niya ako ng isang beses sa mansion nila. Nagkaharap na rin sila ng ina ko sa isang restaurant. Hindi ko sila magawang isama sa lugar namin dahil sobrang nakakahiya. Nakatira lamang kami sa ibabaw ng Laguna Lake. Oo. Paano? Isang squatters' area ang lugar namin sa C-6--parte ng Taguig. Yari lamang sa mga light materials ang mga bahay doon at ang ilalim ay malawak at malabong tubig. Puro tulay na kahoy at mga kawayan ang madadaanan bago makarating sa bahay namin, at ang tanging ikinabubuhay ng karamihan doon ay pangingisda. Si Mama ay nakiki-ahon lamang ng mga isda at ibinebenta sa gilid ng kalsada sa highway. Namatay naman ang ama ko noong high school pa lamang ako mula sa isang raid dahil naging miyembro siya noon ng isang sindikato. Mayroon akong kuya. Dalawa lamang kaming magkapatid pero hindi namin siya kasama sa bahay. Nasa pamilya siya ngayon ng mga Delavega at Parker. Nagkaroon ng kumplikadong buhay noon ang aking mga magulang na sangkot ang dating Police General ng bansa. Kinuha ang Kuya ko matapos itong ipanganak ni Mama sa isang pribadong hospital at siyang ipinakilalang anak naman ng isang pamilya ng mga Delavega at Parker. Kaya sila ang itinuturing niya ngayong pamilya. Ayon lamang 'yan sa mangilan-ngilang kwento ni Mama sa akin. Hindi ko pa alam ang buong detalye dahil sikreto ang lahat ng iyon at walang ibang dapat na makaalam. Kundi, siguradong patay kami hindi lang sa mga Parker at Delavega, kundi pati na rin sa dating Police General, na lolo ng mga Parker. Si Kuya naman ay bihira magpakita sa amin. Hindi nga namin alam kung ano na ang buhay niya ngayon. Hindi rin naman siya nagkukwento ng tungkol sa buhay niya sa tuwing nakakasama namin siya. Huli pa namin siyang nakasama ay noong pasko. Anim na buwan na rin ang nakalilipas. Kaya kaming dalawa lamang ni Mama ang magkasama sa barong-barong namin. Hindi na kami makaalis doon dahil sarili naman namin ang bahay na 'yon. Hindi na namin kailangan pang magrenta. Gastos lang 'yon. Sanay na rin kami doon. Hindi ko alam kung alam na rin ba ng pamilya ni Chase ang totoong buhay ko at ang tungkol sa isang milyon niyang pera na nawala sa condo unit niya. Mababait naman ang mga magulang niya at inasikaso naman nila ako noong isang beses na magpunta ako sa mansion nila. Napakalaki ng bahay nila. Hiyang-hiya ako noong tumapak sa sahig dahil sa sobrang linis at kintab. Alam ko sa sarili ko na hindi ako nababagay sa ganung klase ng tahanan. Napakarangya at mayroon silang kumpleto at masayang pamilya. Eh, ako? Ano bang maipagmamalaki ko sa sarili ko? Kaya nga tinatapak-tapakan lang ako ngayon ni Chase dahil isa lang akong mababang uri ng tao. Ano pa kaya kapag nalaman niyang dating miyembro ng sindikato ang aking ama at ang tungkol sa aking kuya. Mas lalo lamang lalaki ang paniniwala niyang sangkot ako sa ginawang pagnanakaw ni Al sa condo unit niya dahil nagmula ako sa pamilya ng mga kriminal. Napahinga akong muli ng malalim. Hindi ko akalain na mapupunta ako sa ganitong klase ng sitwasyon. Naipit akong bigla sa isang napakasikip na lugar na kay hirap nang umalis. Kapag tumama ako sa lotto babayaran ko kaagad ang isang milyong nawala sa kanya. Sosobrahan ko pa! "Okay na 'to, Shynelle. Huwag ka na lang munang magsuot ng sapatos mo. Wala naman tayong bisita ngayon dito sa opisina." Binitawan na ni Marife ang mga paa ko. Ang sugat ko naman sa daliri ay nalagyan na rin niya kanina ng band aid. "Thank you, ha. Hindi pa kita malilibre sa ngayon ng mirienda. Nasaid ang wallet ko, eh," ani ko sa kanya. "Naku, okay lang 'yan. Hindi naman ako nanghihingi, ano ka ba?" Tumayo na siya at itinabi ang mga gamot sa drawer. "Hindi ka ba nililibre ni Sir Chase? Dapat nga ay hindi ka na pumapasok dito. Di ba, ikakasal na kayo? Sa kanya ka na ba umuuwi ngayon?" Makiki-marites lang yata ito kaya niya ako tinulungan. "Hindi. Sa bahay pa din namin ako umuuwi." "Hindi ba dapat ay inaasikaso niyo na ngayon ang kasal niyo?" "May nag-aasikaso namang ibang tao at saka simple lang 'yon." "Naku, si Sir Chase pa ba ang ikakasal ng simple lang? Ang bongga nga ng mga kasal ng mga Kuya niya, no. Napanood ko ang mga video nila sa social media, lalo na 'yong kasal ni Sir Charles. Grabe, ipinasara pa niya ang buong bayan ng Socorro sa Oriental Mindoro para lang kay Ma'am April. Napakabongga and how romantic and sweet ni Sir Charles. Sana all talaga! Pero nalaman ko na galing lang din pala sa mahirap na pamilya sila Ma'am April at Ma'am Alwena, katulad mo. Napakaswerte niyo, day! Nakabingwit kayo ng mga napakatatabang isda!" "Shh, hinaan mo ang boses mo. Wala naman akong paki sa yaman nila, no." Tumayo na rin ako mula sa silya. "Oy, kahit sabihin mong wala kang paki sa yaman nila, titira ka pa rin sa isang mala-palasyong tahanan at magbubuhay-reyna. Hindi mo na mararanasan pa ang hirap ng buhay. Hihiga ka na sa isang malambot na kama, kakain ng masasarap na pagkain sa isang napakalinis na mesa, at higit sa lahat ikaw na ang amo. May maid kayo na mauutusan mo anumang oras. Hindi ka na maglalaba, magluluto at maglilinis ng bahay. Hindi mo na kailangan pang magtrabaho dito. Maiaalis mo na rin sa barong-barong niyo ang nanay mo. 'Yon ang importante sa lahat. Hindi na siya mapapagod pa sa katitinda ng isda sa tabing kalsada. Hindi na siya magtitiis pa na masunog sa arawan at malanghap ang malansang amoy ng mga isda. Hindi na rin siya magiging sakitin. May pera ka nang pambili ng mga gamot niya. Pwede mo na siyang ipa-checkup sa mga pribadong hospital na may magagaling na doctor." Natahimik ako at hindi nakasagot sa lahat nang sinabi niya. "Tama ako, 'di ba? Congratulations! Sana makatagpo din ako ng isang tulad nila." Kaagad na rin siyang lumabas at naiwan naman akong tulala dito sa tabi ng pinto. Tama nga naman siya. Pero hindi gatasan si Chase. Hindi ako magpapakasal sa kanya para lang sa maginhawang buhay na 'yan. Gagawin ko ito para magbayad ng utang sa kanya ... at dahil ... tsk, never mind. Huminga akong muli ng malalim dahil sa pamimigat ng dibdib ko. Lumabas na rin ako at nagtungong muli sa pantry. Nagtimpla akong muli ng kape pero sa opisina ko na ito ni Sir Chloe dadalhin. Kaagad na rin akong lumabas at doon na dumiretso. Kumatok lamang ako saglit at kaagad na ring binuksan ang pinto. Naaktuhan ko naman siyang nakaupo na sa swivel chair niya at nagbubukas na ng laptop niya. "Good morning, Sir!" Pilit kong pinasigla ang anyo ko at boses ko. "Morning." Tinapunan lamang niya ako ng isang sulyap at muli nang yumuko sa laptop niya. "Coffee, Sir." Kaagad na rin akong dumiretso sa table niya at ipinatong ito sa gilid. "Nasaan na 'yong mga pipirmahan ko? Ano'ng mga schedule natin today?" "Kukunin ko lang po sa table ko." Muli akong lumabas ng office niya at kinuha ang isang makapal at nakasalansan na mga documents sa table ko, pati na rin ang logbook ko. Kaagad din akong bumalik sa loob at lumapit sa kanya. "Heto na po, Sir." Ibinaba ko ang mga ito sa tabi ng laptop niya. "Parating na nga pala ngayong araw ang papalit sa iyo." "Po?" Napahinto akong bigla sa sinabi niya. "A-Ano pong kapalit?" Tumunghay naman siya sa akin. "Ano pa bang ginagawa mo dito? You should resign and rest." "Eh, S-Sir ... may mga utang pa ako dyan sa labas, eh. Wala pa akong pambayad sa kanila." Napakamot ako sa panga. "Chase will take care of them." "Ayoko pong iasa ang mga 'yon kay Sir Chase. Ako naman po ang gumamit ng mga 'yon, eh." "Ang utang mo ay utang na rin ni Chase." "Naku, hindi, Sir, ha. Hindi pa naman kami kasal, eh. At saka, kahit kasal na kami ang utang ko ay utang ko lang. Ang utang naman niya ay utang niya lang din. Kanya-kanya 'yon, Sir." Ngumiwi naman siyang bigla. "May backpay ka pa namang makukuha. Doon na lang natin ikakaltas." "Sigurado ka ba, Sir? Sayang pa 'yong ilang araw, oh. Kahit isang linggo na lang, pagbigyan niyo na ako." Bigla akong na-stress sa kanya! "What else concerns you? Chase has plenty of money." "Ayoko pong umasa sa kanya. At saka, may mga bayarin pa rin po ako sa amin." "Sentimo lang ang mga 'yan para kay Chase." "Sir, naman. Hindi niyo ako naiintindiha--" "There's nothing I can do about it. Your replacement is coming this morning." "Sir, naman! Para namang tinatanggal niyo na ako niyan, eh." Napapadyak akong bigla sa sahig. "Tinatanggal na talaga kita bilang secretary ko kasi ang dapat sa iyo ay nagpapahinga na lang, nagpapaganda, nagpapa-relax, o kaya ay inaasikaso ang kasal niyo ng kapatid ko." "Pangit po ba ako?" Bigla na lamang siyang tumawa. "Choosy si Chase." Napahinto naman ako at napaisip. "Choosy? Eh, sino po 'yong Misty na nasa office niya ngayon?" "Misty?" Nangunot ang kanyang noo habang nakatitig sa akin. "Opo. Ang sabi ni Sir Chase ay childhood friend daw niya. Maputi 'yong babae, mahaba ang buhok na color chesnut at maganda." Lumarawan bigla ang gulat sa anyo niya. "Oh, Misty Ceron kung hindi ako nagkakamali. Is she here?" "Opo. Nasa office po niya ngayon." Hindi siya sumagot at tila napaisip. "Kaibigan po ba talaga siya ni Chase?" "Yeah, they were classmates from kindergarten through high school. After graduation, they went their separate ways because Misty's family moved to Las Vegas. Doon na siya nag-aral ng college... Bumalik na pala siya." "Naging girlfriend po ba siya noon ni Chase?" Napatitig naman siyang muli sa akin. Tumighim siya bago muling nagsalita, "siya na lang ang tanungin mo. Besides, past na siya ni Chase. You're his present and his future now." Natigilan akong bigla sa sinabi niya. Parang may mga kamay na bigla na lamang nanakal ng puso ko sa mga sandaling ito. K-Kung ganun ... ex-girlfriend niya pala ang babaeng 'yon. At na-miss nila ang isa't isa kaya sila naghalikan?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD