CHAPTER 8: Misty Ceron

2476 Words
Shynelle PARANG TINADYAKANG bigla ang puso ko sa eksena nilang 'to. Napakaganda nang pagkakangiti ni Chase habang nakatitig kay Misty, na para bang in love na in love pa rin siya sa ex-girlfriend niya. Bago pa ako bumigay sa kinatatayuan ko ay kaagad na akong tumalikod at tumakbo papalayo sa kanila. Parang dinudurog ang puso ko sa mga sandaling ito. Kung mahal pa niya ang ex niya, mas mabuti pang siya na lang ang pakasalan niya. Hindi ako magiging hadlang sa pag-iibigan nilang dalawa! Makakaya kong buhayin ang anak ko ng mag-isa! Kaagad kong pinunasan ang mga luha ko sa pisngi nang malapit na ako sa kinaroroonan ni Mama. Huminto ako sa pagtakbo at paulit-ulit na huminga ng malalim. Napahaplos na lamang ako sa tiyan ko. I'm so sorry, baby. Maiintindihan mo naman siguro si Mama kung bakit lalabas ka sa mundong ito na walang ama. Patawarin mo sana si Mama. "Okay lang po ba kayo, Ma'am?" Isang saleslady ang lumapit sa akin. Muli kong pinunasan ang mga luha ko sa pisngi at nginitian siya. "Okay lang. Magiging okay din ako." Kaagad ko na rin siyang tinalikuran at nilapitan si Mama na ngayo'y may hawak na wedge sandals. Mukhang gustong-gusto niya 'yon. "Mama, isukat niyo po." Pilit kong pinasigla ang boses ko. "Naku, huwag na. Hindi naman 'yan bagay sa akin." "Hindi niyo malalaman kung hindi niyo susukatin." Kaagad ko itong inagaw sa kanya at umupo sa harapan niya. "Isukat mo na, Mama." "Sige na nga. Wala naman tayong pambili niyan." "Huwag na kayong maingay. Maririnig na naman kayo ng mga tao, eh." Kaagad din naman niya itong isinuot, at saktong-sakto nga lang talaga ito sa paa niya. "Ang ganda, Ma! Saktong-sakto sa inyo. Bagay sa mga daliri niyo. Buti na lang nakapaglinis kayo ng kuko." "Oo nga, pero wala tayong pambayad dyan, anak. Ibalik mo na. Tinitingnan ko lang naman." Kaagad din niya itong hinubad. "KJ ni Mama, oh." Sinilip ko ang tag price na nakadikit sa talapakan ng sandals. 199 lang naman ang nakalagay dito. Tumayo na ako at kinuha ang kapares nito. "Halika na, Ma. Labas na tayo. Nagugutom na ako, eh." Kaagad ko na rin siyang hinila sa braso. "Eh, saan mo dadalhin 'yan?" "Babayaran ko po muna sa counter, tapos ay lalabas na tayo." "Hindi ko kukunin 'yan at ang mahal." "Mama, 199 lang po 'to. Murang-mura na 'yon." "Sayang pa ang 199--" "Tumigil na nga kayo. May pambayad naman ako, eh." "Sapatos na lang ang bilhin natin para sa kasal mo." "Okay na 'to, Ma." Hindi na rin naman matutuloy ang kasal. Muli na namang biniyak ang puso ko sa isiping 'yon. Pero kailangan kong magpakatatag para sa anak ko at kay Mama. Okay na rin ito. Hindi ko na maiiwan pa si Mama. Kaagad ko nang binayaran sa counter ang sandals, pero bago kami tuluyang lumabas ng department store ay nasulyapan ko pa sa gitna ng ladies' shoes department ang kinaroroonan nila Chase at Misty. At nakita kong hawak na ni Chase ang bridal shoes na gustong-gusto ko. Pinagmamasdan niya ito ng mabuti. Oo nga, mas bagay 'yan kay Misty kaysa sa akin. Hindi ko napigilang humikbi. Tuluyan na akong tumalikod at lumabas ng department store. SA CHOWKING kami ni Mama nag-lunch pero pinilit ko na lamang kumain dahil nawalan na ako ng gana. "Akala ko ba, gustong-gusto mo ng siomai? Bakit parang ang tamlay mo?" tanong ni Mama. Mauubos na kasi niya ang pagkain niya pero itong sa akin ay halos wala pa sa kalahati ang nababawas. May in-order din kasi kaming kanin. "Parang busog pa kasi ako sa nakain kong lugaw kanina, Ma." "Kaninang umaga pa 'yon. Tanghali na. Nalusaw na 'yon dyan sa tiyan mo. Ubusin mo na 'yan." "Opo." Pa-simple kong hinaplos ang tiyan ko sa ilalim ng mesa. Kailangan kong kumain ng marami para sa baby ko. Hinding-hindi ko siya gugutumin. Mukhang gusto naman niya ang siomai. Napakabango nga nito, eh. Napakasarap din nitong meaty wanton mami nila, lalo't mainit pa ang sabaw. Masarap sa sikmura. Nababawasan ang hilab nito. Bigla tuloy bumalik ang gana ko sa pagkain, kaya mabilis ko din itong naubos. "Parang gusto ko pang mag-takeout nito, Mama. Ang sarap ng sabaw at ng siomai." "Mag-order ka na lang ulit. Hindi ako marunong magluto niyan." "O-order na lang po ulit ako, Mama." Matapos naming kumain ay nag-takeout na nga lang akong muli ng katulad ng mga kinain namin. Dinalawang order ko na ito. Ngayon lang naman ito, at saka 10 thousand pesos 'yong ibinigay sa akin ni Sir Chloe na allowance namin ni Mama. May sasahurin pa naman ako at back pay kaya sasapat naman siguro 'yon sa amin. Wala na rin naman akong mga utang kaya wala na akong iisipin pa sa kanila. Lumabas na rin kami ng mall at nagpahatid na sa driver pauwi ng bahay. Hindi ko na nakita pa sila Chase at Misty. Ayaw ko na rin silang isipin pa. *** KINAGABIHAN "Mama, huwag na po muna kayong magtinda bukas, ha? Magpahinga na muna kayo," ani ko kay Mama nang mahiga na rin ako sa tabi niya dito sa maliit naming kwarto. Alas nuebe na ngayon ng gabi. "Paano tayo kakain--" "Mama!" napasigaw na ako. Gusto ko nang mainis sa kakulitan niya! Hindi naman siya sumagot. Nakatulala lamang siya sa kisame. "Gusto niyo ba talagang lumala 'yang sakit niyo? Gusto niyo na ba akong iwan?" "Pagkatapos ng kasal mo, aalis ka na rin dito." "Kaya ba pinalalala niyo ang sakit niyo?" Bigla akong naiyak sa sinabi niya. Nilingon naman niya ako. "Huwag mo na akong isipin pa." "Pwede po ba 'yon? Ayaw niyo po bang makita ang apo niyo?" Ngumiti naman siya. "Alagaan mo 'yang anak mo. Gawin mo ang lahat para sa kanya. Unahin mo palagi ang ikabubuti niya... Alam kong may mali sa inyong dalawa ni Chase, pero mas mapapabuti ang anak mo kung nasa poder niya kayo." Napahinto ako sa sinabi niya. Mukhang alam na niyang buntis ako. "Katulad nang ginawa niyo kay kuya noon? Kahit hindi naman siya kaano-ano ng mga Delavega?" tanong ko din sa kanya. "Inisip lang namin ang kapakanan niya. Mas magiging maayos ang buhay niya sa mga taong 'yon." "Pero tinanggalan niyo sila ng totoong anak, Ma. Alam niyo rin sana ang pakiramdam no'n dahil isa rin kayong ina." "Hindi kami ng Papa niyo ang may kagustuhan no'n. Hindi kami ang kumuha sa sanggol nila. Inipit lang din kami ni Police General Vincent Parker, at wala kaming ibang pagpipilian. Mamamatay ang kuya mo kung hindi kami papayag sa kagustuhan niya. 'Yon ang hinding-hindi ko kakayanin." "P-Paanong mamamatay?" "Ipinanganak ko ang Kuya mo na dala-dala ang sakit na Hemolytic Disease of the Newborn. Sa tingin mo ba kung ipinanganak ko siya sa kulungan, mabubuhay kaya siya?" Muli akong napahinto sa sinabi niya. "K-Kulungan? N-Nakulong kayo?" Bumuntong-hininga naman siya ng malalim. Bumangon siya at sumandal sa kahoy na pader. "Hindi natuloy dahil nga nakipagkasundo kami kay General." "A-Anong ginawa niyo? Bakit makukulong kayo?" Yumuko siya. "Dahil magkasama kami ng ama niyo sa isang grupo noon. Doon pa nga kami nagkakilalang dalawa." "G-Grupo ng ... sindikato?" Marahan siyang tumango. Nanlumo naman akong bigla. "Nahuli kami noon ng ama niyo, at dalawa din kaming makukulong. Buntis na ako noon sa kuya mo... Nakatikim na rin ako noon ng iba't ibang klase ng droga, bukod pa sa paninigarilyo ko at pag-inom ng alak, kaya ngayon ay sinisingil na ako ng Diyos. Siguradong doon ko nakuha ang sakit kong 'to." "Mama... Paano niyo po nagawa ang mga 'yon?" "Kasi wala akong pamilya. Itinapon lang ako sa kalye ng mga magulang ko. May nakapulot sa akin na miyembro ng mga sindikato. Inampon nila ako, at sinunod ko ang lahat ng mga utos nila... Marami kami sa grupo. Nakakalat lang kami sa buong paligid at kami ang naghahanapbuhay para sa kanila. Namamalimos kami at nagnanakaw... 'Yon na ang nakalakihan namin, hanggang sa makilala ko ang iyong ama na bagong salta lang sa grupo... Nalupig lang ang sindikatong 'yon nang matunton na ng mga pulis ang hideout at pagawaan ng mga droga. Namatay ang drug lord... Nagmakaawa kaming dalawa ng ama mo kay General dahil buntis ako noon. Malaki na ang tiyan ko. Binigyan naman niya kami nang pagpipilian, at ang kuya mo nga ang naging kapalit... Binigyan din niya kami ng Papa niyo ng isang milyong piso noon... Plano na sana naming magbagong-buhay ng ama niyo. Magtatayo na sana kami ng legal na negosyo... Pero biglang dumating ang isa pang grupo ng sindikato na may kaugnayan sa sindikatong kinabilangan namin... May utang daw kami sa kanila. Kinuha nila ang lahat ng pera kaya walang natira sa amin ng ama niyo... Bumalik kami sa hirap ng buhay... Naghanap kami ng Papa niyo ng isang marangal na trabaho. Nag-apply siya bilang construction worker. Naging mangingisda din siya dyan sa Laguna Lake... Nabuntis akong muli sa pangalawang pagkakataon, at ikaw na 'yon... Pero hindi ko akalaing babalik muli ang ama niyo sa illegal na trabaho na 'yon... Siguro ay dahil nahihirapan na siya... Kahit papaano ay nakakakain na tayo ng hindi lang tatlong beses sa isang araw. Nabibili na namin ang lahat ng gusto mo. Nakakapag-aral ka... Pero hindi nagtagal ay nahuling muli ang ama mo, at sa pagkakataong 'yon ay hindi na hinayaan pa ng Diyos na makaligtas siya. Binawi na siya sa atin nang tuluyan." Tumulo na ang mga luha ko sa pisngi. "Mama..." "Ayokong mauwi din ang kuya mo sa sinapit namin noon ng ama niyo dahil sa hirap ng buhay. Ayokong maimpluwensiyahan siya ng mga adik dyan sa labas kung sakaling naririto siya sa atin. Katulad na lang nang dati mong boyfriend. Ilang beses ko na 'yon nahuli na nagbebenta ng droga. Sinaway ko siya noong una pero sa akin pa siya nagalit. Kaya mas mabuting wala dito ang kuya mo. Ayokong matulad siya sa amin ng ama niyo... Ikaw naman ay kayang-kaya ko nang gabayan dahil babae ka. Hindi rin namin alam kung anong mangyayari sa kanya kung sakaling nagmatigas kami noon ng ama niyo kay General at hinayaan ko na lang ang sarili kong manganak sa kulungan. Mas mabuti nang nangyari ito, pero wala kaming kinalaman sa pagkawala ng sanggol nila Mr. Liam at Mrs. Niricka Parker. Hindi kami ang gumawa niyon." Lumapit ako sa kanya at niyakap siya ng mahigpit. "Naiintindihan ko na po, Mama. Sorry po." Hinaplos naman niya ang braso ko. "Nami-miss ko na rin ang kuya mo. Kumusta na kaya siya?" "Hayaan niyo, pupuntahan ko po siya. Baka busy lang po 'yon sa trabaho." "Oo nga. Baka kasi may asawa na rin siya pero hindi pa natin nalalaman." "Isa po siyang Delavega, Ma, kaya malalaman din natin 'yon." "Matulog na tayo." "Opo." Sabay na kaming nahiga. Sahig lamang ang higaan namin pero mayroon naman kaming makapal na mattress. "Paano niyo nga po pala nalaman na buntis ako?" "Nanay mo ako kaya malalaman at malalaman ko kapag may pagbabago sa iyo." Napangiti naman ako. Pero kaagad din itong naglaho nang maalala kong muli si Chase at ang mga sinabi niya kanina. Ayaw niyang hiwalayan ko si Chase para sa anak namin. Mas importante ang anak kaysa sa nararamdaman ko. Napabuntong-hininga na lang ako ng malalim. Bahala na... *** KINABUKASAN ay nakatanggap ako ng tawag mula kay Mrs. Mokalam para sa bridal gown ko. Kailangan ko daw bisitahin ang gown para ma-fit sa akin dahil malapit na daw itong matapos. Para daw maayos ang sukat nito at kung magugustuhan ko ang design o may nais pa akong ipadagdag. Bumuntong-hininga ako ng malalim. Nagdadalawang-isip na akong puntahan ang gown na 'yon. Tutuloy pa ba ako o hindi na? Pero sa tuwing naaalala ko ang mga pinag-usapan namin kagabi ni Mama, pinanghihinaan na ako ng loob. Ano'ng kinabukasan ang ibibigay ko sa anak ko kapag lumayo kami. Bukod doon, paano na ang magiging gamutan ni Mama? Siguradong mahihinto din 'yon. Hindi ko naman makayang ipagamot siya. Muli akong huminga ng malalim dahil sa paninikip ng dibdib ko. Naligo na nga lang ako at mabilis na nagbihis. "Ma, sandali lang po ako, ha. Titingnan ko lang po 'yong gown kay Mrs. Mokalam." "Tinawagan mo ba si Chase? Mas maigi kung kasama mo siyang pupunta doon." "Tatawagan ko na lang po. Sige po, Ma. Huwag po kayong lalabas, ha." "Oh, sige. Mag-iingat ka." "Opo." Kaagad na rin akong lumabas ng bahay. Sinubukan ko pa ring i-text si Chase. 'Tumawag si Mrs. Mokalam. Pinapupunta niya tayo sa shop niya ngayon para sa gown ko.' Kaagad ko itong ni-send sa kanya. Naghintay ako sa reply niya habang naglalakad na palabas ng kabahayan. Tumawid ako ng tulay hanggang sa makaakyat ako sa itaas kung nasaan ang highway. Nilipad ng hangin ang buhok ko dahil sa mabibilis na takbo ng mga sasakyan sa harapan ko. Muli kong ni-check ang phone ko, ngunit sabay na nalaglag ang mga balikat ko nang hindi man lang siya sumagot. Alas nuebe na ngayon ng umaga. Kadalasan ay nasa office na siya ng alas otso ng umaga. Ano kayang ginagawa niya ngayon? At ano rin ang mga ginawa nila kagabi? Hindi naman siya nagpaparamdam sa akin. Naisipan kong i-text si Marife. 'Fe, nasa office ka na ba? Dumating na ba dyan si Chase?' Kamuntik na akong mapalukso sa tuwa nang mabilis akong nakatanggap ng sagot mula sa kaniya. 'Kanina pa ako dito sa office, Shyn! Pero wala pa si Sir Chase dito. Kumusta ka na?' Nagsimula na namang bumigat ang dibdib ko. Wala pa siya sa office. Hindi kaya kasama na naman niya si Misty? Araw-araw na silang magkasama ng babaeng 'yon. Baka naman nagkabalikan na talaga sila? Pupuntahan ko pa ba ang gown? Pinara ko ang taxi na paparating. Kaagad din naman itong huminto sa harapan ko. Mabilis akong pumasok sa loob. "Saan po kayo, Ma'am?" tanong ng may edad na driver habang sinisilip ako sa rearview mirror. "Sa Pasig po, Kuya." Mabilis din niyang pinaandar ang taxi niya. Nakatulala lamang ako sa labas ng bintana sa buong biyahe. Wala pa namang gaanong traffic kaya kaagad din kaming nakarating sa Pasig. Bumaba ako ng taxi at tinungo ang shop ni Mrs. Mokalam. "Shynelle." Ngunit papasok pa lamang sana ako sa loob nito nang biglang may tumawag sa akin. Napalingon akong bigla sa likuran ko, at ganun na lamang ang gulat ko nang si Misty ang bumungad sa akin. Nakangiti itong naglalakad palapit sa akin. Umahon namang bigla ang magkahalong inggit, inis at galit sa dibdib ko para sa kanya. Ano'ng ginagawa niya dito? Mag-isa lang siya at mukhang wala si Chase. Huminto siya sa harapan ko. "Can we talk?" Lumakas bigla ang kabog ng dibdib ko. Usap? Para saan? "Ikaw ba ang naka-receive ng text ko?" tanong ko sa kanya, at hindi ko mapigilang ipakita sa kanya ang inis ko. Muli naman siyang ngumiti. "Apologies." Nagngitngit ng labis ang kalooban ko. Nangating bigla ang mga kamay ko at parang gusto kong manabunot ng tao!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD