CHAPTER 7: White Shoes

2570 Words
Shynelle TUWANG-TUWA ang mga kapitbahay ko matapos ko silang bayaran sa mga utang ko sa kanila. Abot-tainga ang ngiti nila nang lumabas sila ng bahay namin. Si Mama naman ay nagising mula sa mahimbing niyang pagtulog sa mahabang upuan namin na kahoy dito sa munting sala namin. "Maaga ka yatang umuwi ngayon?" aniya sa akin. "Huling araw ko na po sa trabaho, Mama. Tinanggal na po ako ni Sir Chloe." Pumasok ako sa loob ng munting kwarto namin at hinubad ang mga damit ko. Bago pa kasi ang mga ito at masakit sa ilong ang amoy. "Tinanggal? Bakit ka tinanggal? May nagawa ka bang kasalanan?" Ramdam ko ang pagtataka sa boses niya. "Wala po, Ma. Nakalimutan niyo yatang ikakasal na ako. Kailangan ko nang magpahinga at asikasuhin na lamang ang mga dapat pang ayusin sa kasal namin ni Chase." Nagtapis ako ng malaking tuwalya sa katawan. "Akala ko naman ay nakagawa ka ng kasalanan sa opisina niyo. Kumain ka na ba? Saan ka kumuha nang pambayad sa mga taong 'yon? Sumahod ka na ba?" Muli akong lumabas ng kwarto. "Kumain na po ako, Ma. Kayo po ba?" Dumiretso ako sa kusina at nagtingin sa mga nakatakip na kaldero sa mesa. "Tapos na akong kumain. May paksiw pa dyan na bangus." Nakita ko nga ang paksiw na bangus. Kaagad kong nalanghap ang amoy nito at nangasim bigla ang sikmura ko. Muli ko rin itong tinakpan. "Wala pa po akong sahod, Ma. In-advance lang ni Sir Chloe 'yong regalo niya sa amin ni Chase sa kasal." "Ha? Ano'ng in-advance?" Nangunot bigla ang kanyang noo. "Eh, baka po hindi na siya magbibigay ng gift sa kasal namin kasi nakuha ko na. Nabayaran ko na rin 'yong mga utang ko sa opisina at saka, madadala na kita sa doctor bukas, Ma. Binigyan niya tayo ng referral para sa hospital nila. Libre na daw ang checkup niyo doon, pati na rin ang mga gamot niyo." "Nakakahiya naman." "Hayaan niyo na 'yang hiya-hiya na 'yan, Ma. Ang importante ay magagamot na natin 'yang mga nararamdaman niyo sa katawan." "Eh, bakit naman nauna na kaagad ang regalo niya? Pwede ba ang ganun?" "Pwede, Ma, kasi naibigay na niya sa akin. Dinagdagan pa niya ng allowance para sa 2 weeks na budget natin. May sasahurin pa naman po akong one week at may back pay pa rin akong makukuha." "Masama ang tumanggap kaagad ng mga regalo na malayo pa naman ang kasal. Baka hindi matuloy." Napangiwi naman ako. "Naniniwala pa rin kayo sa mga pamahiin, Ma?" "Bahala ka. Ano pa bang magagawa natin, eh naririyan na." Napabuntong-hininga na lamang ako ng malalim. "Magbabanyo lang po ako, Ma." Pumasok ako sa loob ng banyo at sinimulang linisin ang buong katawan ko. Naghugas ako ng pwerta dahil nanlalagkit ito sa mga katas. Bukod doon ay naaamoy ko rin ang matapang nitong amoy. Muli ko na namang naalala ang pinagsaluhan naming sandali ni Chase kanina sa loob ng kotse niya. Hindi ko makalimutan kung paano niya ako halikan at kung paano siya manggigil sa akin. Sana nga ay sa akin lang talaga siya. Sana ay hindi niya 'yon ginagawa sa iba. Pero naalala kong muli kung paano sila naghalikan kanina ng Misty na 'yon sa office niya. Paano kung higit pa doon ang gawin nila? Tsk. Kung pwede lang talagang tumanggi kanina, pero napakahina ko. Wala akong magawa. Nag-uumpisa pa lang siyang magalit ay nangangatog na kaagad ang mga tuhod ko. Napabuntong-hininga na lang akong muli ng malalim. Ipinagpatuloy ko na ang paglilinis ng buo kong katawan. *** KINABUKASAN ay hindi ko na muna pinagtinda ng isda si Mama. Sasamahan ko siya ngayon sa Angono Rizal. Nag-text ako kay Chase na magtutungo kami doon ngayon para sa checkup ni Mama. Nag-reply din naman siya kaagad. 'May maghahatid sa inyo doon. Black car with plate number SAA 1234.' Napasimangot akong bigla. Akala ko ay siya ang maghahatid sa amin. Siguro ay papasok siya ngayon sa trabaho. "Okay na ako. Halika na." Lumabas na si Mama mula sa kwarto. Bihis na bihis na siya. Nakaayos na rin naman ako. Nakapag-almusal na rin kami. Lugaw lang ang kinain ko, na binili ko lang sa tindahan ni Aling Mira. Binayaran ko na rin siya sa utang ko sa kanya na 650, pati na rin si Ka Linda na 500 kaya malinis na ako sa mga utang ngayon. Pwede na ulit mangutang! Masarap ang lugaw na kinain ko kanina sa humihilab kong sikmura. Kahit papaano ay kumakalma ito. Mukhang gusto ng baby ko ang lugaw. Hindi ko pa nasasabi kay Mama na buntis na ako. Saka ko na lamang din sasabihin. "Halika na po, Ma. May maghahatid daw po sa atin doon. Nagpadala daw po ng car si Chase." "Nakakahiya naman sa kanya." "Hayaan niyo na po. Puro naman kayo hiya, eh." "Totoo naman." Lumabas na kami ng bahay. Ikinandado ko naman muna ang pinto bago kami naglakad palabas. "Saan kayo pupunta? Mukhang magsa-shopping kayong mag-ina," turan ni Manang Puring nang mapadaan kami sa tindahan niya. Nakadungaw siya sa butas nito at nakahabol ng tingin sa amin. "Ipapa-checkup ko lang po si Mama," malakas ko namang sagot sa kanya. Bigla namang lumabas ng bahay niya si Manang Carmencita. "Naku, eh, kung nag-aasawa ka na lamang bang muli, Ka Nelia, para mag-feeling bata ka ulit. Hindi ka makakaramdam ng sakit!" "Kulang lang 'yan sa iyot, Ka Nelia!" turan naman ni Aling Marissa nang makasalubong namin siya. Naghalakhakan silang lahat. "Kayo talaga. Hayaan niyo at baka gwapong binata ang doctor ko," pabirong sagot din ni Mama sa kanila habang tuloy-tuloy kami sa paglalakad. Muli naman silang naghalakhakan sa likod namin. "Ipakilala mo kami kaagad!" turan pa ni Manang Carmen, pero hindi na sila sinagot pa ni Mama. Kung mag-aasawa lang muli si Mama ay dapat noon pa. May mga nanligaw pa rin kasi sa kanya noon matapos mamatay ni Papa. Pero ayaw na daw niya. Sapat na daw kami ni Kuya para sa kanya. Tumawid kami sa mahabang tulay at umakyat sa bangin hanggang sa makarating kami sa kalsada. Hindi naman kami naghintay ng matagal. Dumating din kaagad ang isang itim na kotseng may plate number na SAA 1234. Huminto ito sa tapat namin at sabay na lumabas mula sa magkabila nitong pinto ang mga naka-black suit na driver at bodyguard. "Ma'am Shynelle." "Good morning po." Sabay silang yumuko sa aming harapan. "Good morning din po," nakangiti ko namang sagot sa kanila. "Kami po ang nautusan ni Sir Chase na maghahatid sa inyo sa VM Health Center." "Opo. Salamat," muli kong sagot. "Sakay na po kayo." Sabay nilang binuksan ang magkabilang pinto sa backseat. Kaagad din naman kaming sumakay sa loob ni Mama. Pumasok nang muli sa unahan ang driver at bodyguard at sinimulan nang paandarin muli ang kotse. Nag-text na lamang akong muli kay Chase at sinabing nakasakay na kami sa pinadala niyang kotse at patungo na ngayon sa Angono Rizal. Sumagot din naman siya, 'Okay.' Naisipan ko siyang i-text ulit. 'Pumasok ka ba sa office? Nag-almusal ka ba? Ingat ka.' Naghintay akong muli ng sagot niya. Ngunit lumipas na ang ten minutes ay wala na akong natanggap. Lihim na lamang akong huminga ng malalim at tumanaw sa labas ng bintana. Di bale, kapag mag-asawa na kami, mababantayan ko na rin ang lahat ng kilos niya dahil magkakasama na kami sa iisang bubong. Mapagsisilbihan ko na rin siya katulad nang gusto niya. WALA PA YATANG 30 minutes ay nakarating kaagad kami sa VM Health Center. Isang napakaganda at mataas na gusali. Sa mismong tapat ng entrance nito kami ibinaba ng driver namin. "Ma'am, sasamahan po kayo ni Lucas sa loob. Hihintayin ko na lang po kayo dito sa labas." "Sige, salamat." Ipinakita ko sa mga security guard sa entrance ang referral namin. Kaagad din naman nila kaming pinatuloy. Ang isa sa kanila ay sinamahan kami sa office ng isang doctor. "Kayo po ba si Miss Shynelle Bernal?" nakangiting tanong sa akin ni doktora. "Opo, doktora." "Ako naman si Dr. Kora dela Peña." Nakipagkamay siya sa amin. "Katatawag nga lang sa akin ni Mr. Chase Delavega kani-kanina lang at sinabing darating nga raw ang fiancée niya at magpapa-checkup si mother." Bumaling siya kay Mama. Hindi ko naman inasahan ang sasabihin niya. Tumawag pa sa kanya si Chase? "Maupo muna kayo. Ano po bang nararamdaman ni mother?" Inumpisahan na kaagad niyang suriin si Mama gamit ang stethoscope niya. Sinabi naman ni Mama ang lahat ng mga nararamdaman niya. Isinalang ni Doktora dela Peña si Mama sa iba't ibang klase ng examination test. Sumailalim din siya sa mga laboratory test. Nagmistula kaming special dahil asikasong-asikaso kami ni Doktora. Napakabait din niya. Nalaman namin na may heart failure si Mama. Kaya naman pala nakakaranas palagi siya nang hirap sa paghinga, pananakit ng dibdib, fatigue, at kung ano-ano pang nararamdamang sakit sa katawan. Maraming cause daw ang pagkakaroon ng heart failure kaya mabusising tinanong siya ni doktora ng mga kung ano-anong bagay tungkol sa nakaraan niya, mga nararanasan niya at mga gawain niya sa buhay. May mga gamot na ibinigay si Doktora kay Mama na kailangan niyang inumin para mapababa ang nakakabahalang sintomas daw nito. Hindi daw nagagamot ang heart disease, pero ang pag-inom daw ng heart maintenance medication kagaya ng anti-coagulants at diuretics ay malaking tulong daw. Marami ring ipinagbawal si Doktora lalong-lalo na sa mga pagkain na kinakain ni Mama. Bawal ang mga matataba, matataas ang cholesterol, at sodium o salt--'yong maaalat. Kailangan na rin ni Mama ng mga tamang ehersisyo pero 'di pwedeng mapagod. Dapat lang siguro na huminto na siya sa pagtitinda ng mga isda. Isa 'yon sa mga nagpapahirap sa kanya. Binubuhat pa niya araw-araw 'yong mga mabibigat na timba na punong-puno ng mga isda at inaakyat pa niya 'yon sa kalsada. Ititinda niya 'yon doon sa loob ng ilang oras. Nililinisan pa 'yon bago ibigay sa mga mamimili. Naaawa na rin ako sa kanya. Ayaw naman kasi niya makinig sa akin. Mabuti na lang at nakalibre kami ngayon ng checkup at gamot. "Mas mabuti kung every month ay nasusuri natin si mother. Huwag kayong mag-alala, dahil wala naman na kayong babayaran pa dito at ako na rin ang magbibigay ng mga gamot para sa kanya," saad ni Doktora sa amin. "Naku, maraming-maraming salamat po, Doktora." "Salamat po." Hindi kami magkamayaw ni Mama sa pagpapasalamat sa kanya. "Huwag po sa akin, kundi sa mga Delavega, sa fiancé niyo, Miss Shynelle. Dapat lang dahil magiging member na rin kayo ng mga Delavega." Napangiti ako pero hindi ako nakasagot. Deserve ba namin ito? Nahihiya ako ng sobra. Nagpaalam na rin kami sa kanya. Masayang-masaya ako dahil sa wakas ay magiging maayos na si Mama. *** "Oh, Ma... tandaan niyo 'yong mga sinabi ni Doktora, ha. Huwag na kayong magtinda ng mga isda," ani ko sa kanya pagpasok naming muli sa loob ng kotse. "Ano ka? Paano naman tayo kakain niyan--" "Kita niyo na, ang tigas ng ulo niyo. Kaya kayo nagkakasakit, eh. Buti na lang talaga libre na ang mga checkup at gamot niyo ngayon." "Paano tayo ngayon? Eh, wala ka na ngang trabaho." "Huwag niyo nang isipin pa 'yon. Ako na ang bahala." May naiisip na akong ibang paraan para kahit papaano ay makaraos kami sa buhay na ito. Si Kuya. Noon ay hindi ko siya madaingan ng mga problema dahil nag-aaral pa lang siya at umaasa sa mga Delavega. Pero siguro naman ngayon ay may trabaho na siya o baka nga boss na rin siya ng negosyo niya. Malay ko ba, baka nagtayo na rin siya ng sarili niyang negosyo. Siguro naman ay pwede na niya kami ngayong tulungan ni Mama. Kahit si Mama na lang. Kahit hindi na ako, tutal ay ikakasal na rin naman ako. "Mama, daan muna tayo sa mall. Magpalamig muna tayo sandali," yaya ko sa kanya. "Lalamigin lang ako doon." "Kaya nga tayo magpapalamig, eh. Doon na tayo mananghalian. Parang gusto ko ng siomai sa chowking. Masarap ang siomai nila doon, Ma." "May pera pa ba tayo?" "May pera pa ako, Ma. Malaki 'yong ipinasobra ni Sir Chloe sa akin kahapon." "Bahala ka." "Yey! Magdi-date kami ni Mama!" Nayakap ko siyang bigla ng mahigpit. Napangiti naman siya. "Ikaw talaga." "Kuya, sa mall na muna tayo, ha," sabi ko sa driver namin. "Sige po, Ma'am." Nagpatuloy naman siya sa pagmamaneho. Na-excite akong bigla. Matagal na rin kasi kaming hindi nakakapamasyal ni Mama. Hindi ko na matandaan kung kailan pa 'yong huli. *** HINDI NAGTAGAL ay huminto ang kotse namin sa tapat ng entrance ng isang mall. "Mga Kuya, kahit hindi niyo na po kami hintayin ni Mama. Bumalik na po kayo sa amo niyo. Salamat po sa inyo," turan ko sa mga bodyguard namin. "Hihintayin po namin kayo, Ma'am. Ang bilin po kasi sa amin ni Sir Chase ay uuwi din namin kayo," sagot naman ni Lucas. "Pero baka kasi matagalan kami sa loob." "Okay lang po." "Oh, sige. Kayo ang bahala. Pero kasi wala akong ipapangkain sa inyo, eh." "May allowance naman po kami, Ma'am." "Ganun ba? Okay, sinabi mo, eh. Halika na, Ma." Kaagad ko na ring hinila si Mama papasok ng mall. "Napakalamig naman dito," aniya sa tabi ko. "Charot ka, Ma. Hindi ka nga nagreklamo sa kotse. Air-con din naman doon." Ngumiti lamang siya at hindi sumagot. Sabi ko na at inaartehan niya lang ako. "Mag-ikot-ikot muna tayo, Ma. Baka may magustuhan ka." "Wala tayong pambili." "Meron naman, Mama. Huwag ka ngang maingay, baka may makarinig sa inyo." Tumawa naman siyang muli. Nag-ikot-ikot na nga kami sa loob ng mall. Dinala ko siya sa isang boutique kung saan medyo mura ang mga bilihin na damit. Binilhan ko siya ng mga magagandang blouse at pants. Pumasok din kami sa loob ng department store at nagtungo sa bilihan ng mga sapatos. Naalala kong bigla ang kasal namin ni Chase. Wala pa kaming shoes na susuotin ni Mama. Kapag may nahanap akong mura ay bibili na ako para sa aming dalawa. "Mama, tingnan mo ito. Ang ganda nito." Isang kumikinang-kinang na bridal shoes ang nakita ko. Marami itong mga silver diamond na palamuti. Nasa 2 inches lang ang heels niya. Hindi ko mapigilang humanga. "Oo nga, napakaganda niyan, anak. Pero ang ganda rin ng presyo," turan ni Mama sa tabi ko. Napasilip naman akong bigla sa presyong nakakabit dito. "9,998?" Bigla na lamang akong nanlumo habang nakatanga dito. Naibalik ko itong bigla sa lalagyanan. "Isang beses ka lang naman susuot niyan. Sayang naman kung itatago lang din pagkatapos," ani Mama bago nagpatuloy sa paglalakad. "Oo nga po, Ma. Titingin na lang po ako sa palengke. Kailangan nating maging wais." Nanghinayang ako ng sobra sa bridal shoes. Sobrang ganda niya, pero hinding-hindi ako makakapagsuot ng ganyan. Sobrang mahal! Nilingon ko si Mama at nakita kong malayo na ito, pero nagtitingin-tingin pa rin ng iba pang mga sapatos ng babae. Kaagad ko na siyang hinabol. "Ma!" "Babe, what about this one? Do you think it suits me?" "Yeah. Kahit ano naman ay bagay sa 'yo." Ngunit bigla akong napahinto sa mga boses na narinig kong 'yon. Kaagad akong luminga sa buong paligid kasabay nang paglakas ng kabog ng dibdib ko. "Isuot mo kaya sa akin." "Sure." Hanggang sa tumama na ang aking mga mata sa dalawang taong nasa kaliwang bahagi nitong ladies' shoes department, napakalapit lang sa kinaroroonan ko. Si Misty ... at si Chase... Nakaupo si Misty sa isang silya habang si Chase ay nakaluhod sa harapan niya at sinusuotan siya ng isang napakaseksing white shoes. Bigla akong nakaramdam nang labis na panghihina...
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD