Jonathan’s POV
KAHIT NA MASAKIT ang buong katawan ay pilit siyang bumabangon kahit na nahihirapan. Nag-aalala siya kay Eunice. May usapan sila nito at hindi siya sumipot. Alam niyang galit na ito sa kanya ngayon dahil sa hindi niya pagsipot sa usapan nila. Kilala pa naman siya nito na may word of honor at aminado siya doon iyon nga lang habang pauwi na siya pagkatapos niya itong ihatid ay nakita niyang nag-aabang ang Mama Amelia niya sa kanya at bakas sa mukha nito ang galit.
Hindi na siya nagtaka dahil magkaibigan ang mama niya at ang tatay ni Nikko na si Vice Mayor Rigor. Minsan niya ng nakita ang mama niya na kasama si Vice Mayor Rigor. Nang una ay nagtaka siya kung bakit magkasama ang dalawa lalo na at galing sa magkaibang partido ang ama niya at si Vice Mayor Rigor. Magkaaway sa pulitika ang kanilang mga magulang.
“Pumasok ka ng silid mo!” bulyaw nito sa kanya. Kinakabahan man ay sumunod pa rin siya sa utos nito. Mama niya pa rin ito. Sinundan siya nito hanggang sa silid niya. Nagulat pa siya ng bigla siyang pag sasampalin nito sa magkabilang pisngi. Hindi ito tumigil hanggat hindi siya natumba. Hindi pa ito nakontento dahil pinagtatadyakan siya ng ina. Sipa at tadyak ang ginawa nito sa kanya. Napapakagat siya sa kanyang labi sa tuwing na tumatama sa buto niya ang takong ng sapatos ng ina.
“Bakit po ba Ma?” daing niyang tanong dito. Dumudugo na kasi ang mga labi niyang pumutok dahil sa sampal nito at alam niyang may mga sugat na rin siya dahil sa pagtadyak nito sa kanyang katawan. Sinubukan niyang magmakaawa pero bingi ito sa kahit anong pakiusap niya. Para itong dragon na nagbubuga ng apoy sa labis na galit.
“Kulang pa’ yan dahil sa ginawa mo sa anak ni Vice! Pasalamat ka at hindi ka pinakulong!” bulyaw pa nito sa kanya na alam niyang hinihinaan lang boses sa takot na may makarinig na kasambahay at magsumbong sa ama niya.
“Hindi siya magdedemanda dahil kasalanan niya. Muntikan niya ng gahasain si Eunice. Pinagtanggol ko lang ang kaibigan ko,” sagot niya sa ina habang sinasabunutan nito ang maikli niyang buhok. Nalalasahan niya na rin ang sariling dugo. Nagtataka siya kung bakit siya nito kailangang saktan ng sobra. Parang hindi siya nito anak. Bihira nga lang ito umuwi dahil parating nasa Manila ito. Ngayon nga lang umuwi pagkatapos ay sinaktan pa siya. Hindi niya mapigilang magtanim ng galit sa ina. Hindi niya maintindihan ang ginagawa nito sa kanya. Marami siyang mga tanong na hindi niya mabigyan ng kasagutan.
“Yan!” sigaw ng Mama Amelia. “Yang Eunice na ‘yan ang dahilan! Ano ba kasi ang pakialam mo sa kanila eh magnobyo naman ang dalawang yon? In the first place bakit siya nakipagnobyo kung hindi niya kilala si Nikko? Ang sabihin mo malandi yang kaibigan mo! Pagkatapos ka niyang pagsawaan ay ibang lalaki na naman ang papatulan niya!” wika pa ng ina na nanlalaki ang mga mata. Dinuduro siya nito habang nakahiga pa rin siya sa sahig at namimilipit.
“Hindi ‘yan totoo! Hindi ganyang klase ang kaibigan ko!” sigaw niya sa ina. Bahagya niyang naitulak ang ina kaya napaatras ito. Hindi niya na pigilan ang damdamin dahil sa narinig na paratang sa babaeng minamahal. Sa galit ng ina niya ay muli siya nitong tinadyakan. Napangiwi na lamang siya sa sakit.
“Malandi siya! Malandi siya! Makikita mo kapag sawa na siya sayo ay iiwan ka rin niya! Mark my word!” ulit pa ng ina. “Ang mga ganyang klase ng babae ay oportunista. Kilalang-kilala ko ang mga ganyan, Jonathan. Golddigger!”
Napaluha na lamang siya dahil sakit na tinamo mula sa ina.
“Pasalamat ka at nakiusap ako kay Vice dahil kung hindi ay tiyak na sa kulungan bagsak mo!” sigaw pa nito sa kanya bago siya binigyan ng isang malakas ng tadyak at tinalikuran.
Naiwan siyang duguan. Hindi niya alam kung ano ang uunahin na punasan.
Pilit niyang kinakayang tumayo kahit masasakit ang katawan. Masakit din ang tagiliran niya. Maging ang pisngi niyang paulit-ulit na sinampal ay tila namanhid. Ramdam niya rin ang bigat ng singsing ng ina na tumatama sa pisngi niya kanina. Paika-ika siya habang palapit sa kanyang kama. Alam niyang magsisinungaling ang ina kapag nakita siyang bugbog sarado ng ama. Sanay na siya sa ina kapag napagbubuhatan siya ng kamay. Uutusan lang siya nitong sabihin niya raw sa ama na nakipag-away siya at ngayon ang utos nito ay wag siyang magpapakita sa ama kapag may pasa pa siya sa mukha.
Lihim ang galit na nararamdaman niya ng mga oras na iyon. Punong-puno siya ng katanungan kung bakit ganito ang trato ng ina niya sa kanya. Sa tingin niya sa itsura niya ngayon ay hindi niya maililihim sa ama ang bugbog na natanggap sa ina. Hirap nga siyang makalakad. Siguradong aabutin ng ilang araw ang pasa niya sa mukha at hindi ito maniniwala sa dahilan niya.
Mamayang gabi ay darating ang ama niya kaya kinakabahan siya. Alam niyang kinakabahan din ang mama niya dahil pabalik-balik ito sa kanyang silid. Hindi ito palagay. Nagbilin pa ito na ‘wag niya raw pagbuksan ang ama kapag kumatok sa silid niya. Alam niyang mahirap gawin ang inuutos ng ina dahil may duplicate key naman ang kanyang ama sa lahat ng silid sa bahay nila. Kahit bihira lang din umuwi ang ama ay ramdam niya na mahal na mahal siya nito. Hindi tulad ng ina niya. Kunwaring mahal lang siya kapag kaharap ang ama niya pero kapag lumawas na ng Maynila ang ama niya ay hindi rin ito umuuwi ng bahay. Hindi niya nga lang alam kung saan ito pumipirme. Isa pa ay pabor sa kanya kapag wala ito sa bahay. Tahimik ang buhay niya kapag wala ito. Walang nakikialam. Maging ang mga katulong ay pinagmamalupitan din ng ina. Walang pwedeng magkamali sa kanilang lahat. Batas rin ang bawat sabihin nito. Lahat ay bawal dito lalo na ang mag-ingay. Pinapagalitan nito ang mga maids nila kapag nahuhuli nitong nagdadaldalan. Magaan din ang kamay ng ina, konting pagkakamali ay nanghahampas na ito at naninigaw pero ang lahat ng iyon ay lingid sa kaalaman ng ama.
Ibang-iba ang Mama Amelia kapag kaharap ang Papa niya. Napakalambing nito at pinapakitang mahal na mahal siya at asikasong-asikaso. Nahiling niya nga minsan na sana ‘wag ng umalis ang ama para masaya siya palagi. Pinipilit niya ring intindihin ang ina dahil laging busy ang ama sa mga negosyo nila at sa tungkulin nito sa bayan nila bilang isang mayor. Pero sa ginawa ng ina sa kanya ay hindi niya na maintindihan. Kulang na lang ay patayin siya ng ina. Hindi man lang ito naawa sa kanya kahit pa nakita na nito na duguan siya. Hindi ganun ang isang ina na mahal ang anak. Maliwanag pa sa sikat ng araw na hindi siya nito mahal. Wala itong pakialam sa kanya.
Tanging pangalan ni Eunice ang nasambit niya habang iniinda ang masakit na katawan. Dumudugo ang mga sugat na humiga siya ng kama. Hindi niya alam kung ano ang uunahin na gamutin. Tinalo niya pa ang walang pamilya. Oo at nasa kanya naman ang lahat. Pera at luho pero kailanman ay hindi siya naging masaya sa bahay nila. Mula pagkabata pakiramdam niya ay hindi siya kabilang sa buhay ng mga magulang. Palaging abala ang mga ito at walang oras sa kanya.
Si Eunice lang naman ang dahilan ng lahat kung bakit siya masaya na muntikan na rin nawala sa kanya.