CHAPTER FOUR

1323 Words
ANONG oras na ay hindi pa rin makakatulog si Eunice, hindi dahil iniisip niya ang pagtatangka ni Nikko kundi dahil sa muling pagkikita nila ni Jonathan. Ngayon nagkalinawan na sila ng kaibigan at masasabi niya nga na may unawaan na sila. Siya na yata ang pinakamasayang babae sa mundo dahil sa sobrang saya sa pagbabalik ni Jonathan sa buhay niya. Akala niya hindi niya na masasabi sa lalaki ang tunay niyang nararamdaman. Nakangiti siyang nakatitig sa kisame ng kanyang silid. Maliit lamang ang silid niya pero hindi na iyon mahalaga. Ang importante ay may bahay pa siyang tinutuluyan. Mahirap man ang buhay ay nalalagpasan nilang mag-anak. Kontento siya sa buhay na meron siya. Muli siyang napangiti. Yakap-yakap ang kanyang unan. Napapakagat siya sa labi niya. Ramdam niya pa ang labi ni Jonathan sa labi niya. Ramdam niya pa ang maiinit na halik na pinagsaluhan nila. Ang mga yakap at haplos nito. “Ano kaya ang ginagawa ngayon ni Jonathan? Iniisip kaya siya nito kaya hindi siya nakakatulog?” tanong niya sa sarili. Parang mababaliw siya sa sobrang saya. Gusto niyang sabihin kanina sa ina niya ang unawaan nila ni Jonathan. Alam niyang matutuwa ito sa kanila pero hindi niya na nasabi dahil pagod na pagod ito sa paglalako ng kakanin sa maghapon. Agad itong nakatulog sa silid ng mga ito. Ang ama niya naman ay hindi umuuwi at sa bukid na muna ito pumirme dahil nagpapaani ang tatay ni Jonathan. Ang tatay niya ang isa sa mga tauhan ng papa ni Jonathan. Malayo din kasi ang bahay nila sa bukid kaya para hindi mapagod ang ama niya ay doon nalang ito natutulog kaya silang dalawa lang ng ina ang magkasama. Isa iyon sa dahilan niya kung bakit nagsisikap siya sa pag-aaral. Siya lang ang pag-asa ng mga ito na maiahon sa hirap ang kanilang buhay. Dahil nag-iisa lang siyang anak. Pinangako niya sa sarili na kapag makapagtapos siya ay magsisikap siya upang maging maayos ang buhay ng mga magulang. Pinananabikan niya ang muli nilang pagkikita ni Jonathan. *************************** LABIS ng nagtataka si Eunice dahil hindi pa rin dumadalaw si Jonathan sa kanila. Bago kasi ito umalis sa kanila ay nangako ito sa kanya na dadalawin siya pero linggo na ngayon. Kahapon niya pa ito hinihintay pero kahit anino nito ay hindi niya nakita. Napaisip tuloy siya na baka pinagloloko lang siya nito. Gusto niyang maiyak sa naisip. Mukhang pinaglalaruan lang siya ni Jonathan at ngayon ay ginagantihan. “Eunice anak kanina pa kita kinakausap nakikinig ka ba?” tanong sa kanya ng ina na hindi niya namalayan na kanina pa nasa harapan niya. Agad niya tuloy pinunasan ang mga mata niya pero alam niyang huli na dahil nakita na nito ang pag-iyak niya. Umiwas siya ng tinngin sa ina. “Huwag kang mag-alala at babalikan ka ni Jonathan,” wika ng nanay niya na ikinagulat niya. Napatingin siya sa ina. “Hindi naman si Jonathan ang iniisip ko,” pagkakaila niyang mabilis na pinunasan ang luha. “Bakit si Nikko ba iniiyakan mo ng ganyan?” dagdag pa ng nanay niya na tila takang-taka. “Nagkabati na kayo, tama ba ako?” “Nakakainis ka naman Nay eh, wala na akong maililihim sayo,” maiyak-iyak niyang sagot. “Sabi niya kasi darating siya kahapon tapos hanggang ngayon wala pa rin. Ano nga po pala ang sinasabi ninyo kanina?” tanong niya ditong napapakamot sa ulo. “Talagang wala kang maililihim sa akin, anak. Ako kaya ang Nanay mo at sa akin ka nanggaling kaya alam ko kung kailan ka masaya at kung kailan ka malungkot at alam ko rin kong sino ang nagpapasaya sa’yo. Matagal na!” mahabang wika ng Nanay niya niya na natatawa. “Wala na akong sinabi,” natatawa niyang sagot sa ina. Natawa rin ang inay niya. Niyakap siya nito ng mahigpit at tinugon niya naman. “Pupuntahan ko ang tatay mo sa bukid. Dadalhan ko ng pangangailangan niya. Baka dalawang araw ako doon dahil ako ang magluluto sa kanila. Dito ka’na muna sa bahay at walang magpapakain sa tatlong baboy natin. Isa pa ‘wag ka ng malungkot. Noon pa ay alam kong mahal ka rin niya. Mga bata pa kayo kaya dapat maging matatag kayo. Huwag maging padalos-dalos,” payo pa sa kanya ng ina kaya tumango siya. Hindi niya nagawang sumagot sa sinabi ng ina dahil aminado siyang tama ito. Marami pa silang pagdadaanan ni Jonathan. Tulad nga ng sabi sa kanya ni Jonathan. Magtiwala lamang siya sa pagmamahalan nila. Niyakap niya ang ina. Alam niyang nasa likod lang ito para gabayan sila ni Jonathan. Hinatid niya pa ng tanaw ang papalayong ina. May dalang bag ito sa likod na ang laman ay damit ng mga ito. May dala rin itong isang malaking bayong. Kitang-kita niyang nahihirapan ito sa mabigat na dalang kamoteng kahoy. Sa tingin niya ay gagawa ito ng kakanin sa bukid para maibenta. Napaluha siya habang tanaw ang ina. Kaya pinapangako niya sa sarili na gagawin niya ang lahat maiahon niya lang sa hirap ang pamilya. Sobrang nadudurog ang puso niya sa awa sa mga magulang lalo na kapag nakikita niya ang tatay niya na halos hindi na tumatayo sa kakatanim ng palay at pag-aararo sa bukid na halos araw araw nitong ginagawa. Bihira niya na rin makasama ang ama dahil sa trabaho nito sa bukid. Lalo na ngayon, malapit na siyang magkolehiyo. Doble ang kayod ng mga magulang niya para matustusan ang lahat ng pangangailangan niya sa eskwelahan. Upang malibang ay naglinis na lamang siya ng buong bahay para libangin ang sarili. Ayaw niyang mag-isip ng kung anu-ano dahil pakiramdam niya ay malapit na siyang mabaliw. Si Jonathan at ang kahirapan nila ang laging laman ng isip niya. Pumasok na siya sa maliit niyang silid at hinanap ang bag. May kinuha siya sa bag. Mabuti na lang at pinahiram siya ng pinsan ng mga nabili nitong pocketbook sa bayan. Napabuntong hininga na naman siya ng matitigan ang libro. Mabuti pa ang pinsan niya lumaking nabibili ang gusto samantalang siya kahit pocketbook ay hindi niya mabili. Isang kahig, isang tuka lamang ang kanilang pamumuhay. Sabagay di bale na hindi niya mabili ang gusto niya basta sama-sama silang lahat hindi tulad ng pamilya ng pinsan niya. Kailangan pang mangibang bansa ng ama nito para kumita ng malaki. Alam niya rin na kahit nabibili ng kanyang pinsan lahat ng kailangan nito ay hindi ito masaya. Sana malakas pa ang mga magulang niya kapag dumating ang araw na kaya niya nang ibigay ang lahat ng mga naisin ng mga ito. Wala na ring makakaapi sa kanila tulad ng ginagawa ng nanay ni Jonathan. Napakamatapobre nito. Naalala niya tuloy ang sinabi nito sa kanya ng ipakilala siya dito ni Jonathan bilang isang kaibigan nang minsang dumalaw ito sa taniman. Nagkataon na magkasama sila ni Jonathan. Sinabihan siya nitong pera lang ang habol niya kaya nakikipagkaibigan siya sa anak nito at kahit na nasaktan siya ay hindi siya nagpahalata sa kaibigan dahil ayaw niya itong magalit sa ina. Alam niya naman sa sarili niya kung anong klase siyang tao kaya hindi isya nagpaapekto. Nilihim niya ang panlalait ng ina nito sa kanya. Hindi niya matapos-tapos ang binabasa dahil hindi maalis sa isip niya si Jonathan. Paulit-ulit niyang sinasabi sa sarili na hindi na siya mahalaga sa lalaki dahil kung mahalaga siya dito dapat ay may isa itong salita tulad noong magkaibigan pa sila. Kailanman kasi ay hindi sumisira sa usapan si Jonathan. Never itong sumira sa usapan nila. Ngayon lang. “I hate you, Jonathan. Kung hindi na ako mahalaga sayo mas lalong hindi ka na mahalaga sa akin,” pagkakausap siya sa sarili pero agad din siyang nanahimik. Sarili niya lang ang lolokohin niya kapag sabihin niyang hindi na ito mahalaga sa kanya at lalong hindi niya ito basta bastang makakalimutan. Sabi nga first love never dies alam niyang totoo ang kasabihan na yun at naniniwala siya dun. Minabuti ni Eunice na itago nalang ang librong binabasa.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD