Mayor Jonas pov
HINDI niya alam kung bakit siya pinatawagan ni Jonathan at kung bakit hindi ito ang tumawag sa kanya. Nag-aalala tuloy siya sa anak lalo pa at parang bagong iyak ang kausap niya kanina na si Eunice. Kilala niya si Eunice. Matalik itong kaibigan ng kanyang anak. Lalo pa siyang nagtaka dahil sa bilin nito na ‘wag niyang ipaalam sa asawa na si Jonathan ang pupuntahan niya. Nakonsensiya tuloy siya sa butihing asawa na walang ginawa kundi ang intindihin siya at alagaan ang anak niya. Agad siyang bumaba ng sasakyan ng dumating siya sa bahay ni Eunice.
Kaagad siyang sinalubong ng kaibigan ng anak na si Eunice.
“Nasaan si Jonathan?” tanong agad niya rito ng hindi niya napansin ang anak.
“Nasa loob po. Puntahan niyo na lang siya,” sagot sa kanya ni Eunice.
Nauna na itong pumasok sa maliit na bahay ng mga ito at tinuro sa kanya ang maliit na silid.
“Nandoon po siya sa loob ng silid ko,” wika ni Eunice.
Lalo siyang kinabahan. Ang lakas ng kaba ng dibdib niya. Hindi niya alam kung ano ang nangyayari. On the first place bakit nasa loob ng silid nito si Jonathan? Ang dami niyang tanong pero hindi niya maisatinig hanggat hindi niya nakikita ang anak.
Dahan-dahan siyang humakbang sa loob ng bahay. Yumuko pa siya bago nakapasok sa loob ng silid dahil maliit lang ang pintuan. Natigilan siya ng makita ang anak. Halos hindi niya makilala ang mukha ni Jonathan ng makita niyang namamaluktot na ang tanging sapin ay banig lamang. Puro pasa ang mukha nito at putok ang pang-ibabang labi. Halos maiyak siya sa nakita. Habag na habag siya sa anak.
“Jonathan,” tawag niya sa pangalang ng anak.
Hinaplos niya ang mukha nito. Tulog ito kaya hindi nito alam na nasa harapan siya nito. Napahawak siya sa dibdib. Parang sasabog ang puso niya sa nakikita niyang sitwasyon ng kanyang anak.
“Kailangan po siyang dalhin sa hospital. Kanina pa po siya nanginginig. Hindi ko po alam ang gagawin dahil wala dito sina Tatay,” Umiiyak na ring wika ni Eunice sa kanya.
Umupo siya sa hniihigaan ng anak at pinilit niya itong ibangon para madala sa hospital pero nagising ito.
“Masakit,” daing ni Jonathan na hindi pa rin maimulat ang mga mata na halos pikit na ng dahil sa sugat. Sa unang tingin ng makakakita dito ay talagang iisipin na binugbug ito ng husto. Kulang na lang ay patayin. Biglang pumasok sa isip niya na baka sumali sa fraternity ang anak kaya nagkaganoon ang hitsura nito pero kilala niya si Jonathan. Matino itong bata. Umiiwas din ito sa gulo.
Tiningnan niya ang sinasabi nitong masakit. Inalis niya ang kumot na nakabalot sa katawan nito at inangat ang suot nitong tshirt kung saan nakahawak ang kanyang kamay. Muntikan na siyang atakehin sa puso sa nakita. Black and blue ang katawan nito. May mga sugat pa na dumudugo. Tuluyan na siyang napaiyak sa nakikitang sakit na nararanasan ng anak ngayon. Naisip niya na kaya siguro ayaw nitong ipaalam sa ina ang nangyari dahil tulad niya ay mabibigla din si Amelia. Pinunasan niya ang luha at maingat na pinatayo ang anak pero napapangiwi pa rin ito sa bawat paghakbang nito.
“Sumama ka na sa amin Eunice dahil kailangan ko ang paliwanag mo,” wika niya sa kaibigan ng anak na umiiyak rin sa tabi ni Jonathan. Gusto niyang magalit sa babae. Pakiramdam niya ay ito ang may kasalanan kung bakit nasasaktan ang anak. Gusto niyang magbayad kung sinuman ang gumawa nito sa kanyang anak.
****************************
Eunice pov
DAHAN-DAHAN nilang naipasok sa loob ng sasakyan si Jonathan panay lang ang daing nito kapag nasasagi nila ang mga sugat nito. Hindi mapakali si Eunice sa loob ng sasakyan. Kinakabahan siya na makasama ang papa ni Jonathan pero mas kinakabahan siya sa kalagayan ng lalaking minamahal. Gusto niyang madala ito kaagad sa hospital upang mabigyan ng lunas.
Binasag niya ang katahimikan sa pagitan nilang dalawa.
“Kasalanan ko ang lahat Mayor kung bakit sinaktan si Jonathan. Kung hindi niya sana ako pinagtanggol sana ay hindi niya nararanasan ang lahat ng ito,” wika niya kay Mayor Jonas.
Alam niyang kanina pa nito gustong malaman kung sino ang nanakit sa anak nito. Nararamdaman niya ang galit nito kanina habang pinagmamasdan si Jonathan. Napansin niya ang mahigpit na hawak nito sa manibela. Hindi man lang siya nito pinansin dahil panay ang tingin nito kay Jonathan sa likuran ng sasakyan. Panay kasi ang daing nito.
Hindi na siya muling nagsalita hanggang sa makarating sila sa pinakamalapit na ospital. Agad na sinuri ng mga doctor si Jonathan at naiwan silang nag-aabang sa resulta ng mga test na ginawa ng mga doctor. Kapwa sila hindi mapakali habang naghihintay. Hindi niya tuloy alam kung paano niya kakausapin ang ama ni Jonathan. Mukha kasi itong galit sa kanya.
Nagulat pa si Eunice ng magsalita si Mayor Jonas.
“Ang gusto kong malaman Eunice ay kung sinong demonyo ang nanakit sa anak ko,” galit na wika ni Mayor Jonas sa kanya. “Kailangan magbayad siya. Wala siyang karapatan para saktan ang anak ko ng ganito.” galit na wika ni Mayor Jonas sa kanya.
Napakagat siya sa labi. Hindi niya alam kung ano ang isasagot.
“Sino ang may gawa sa kanya nito?” galit ulit pa nitong tanong sa kanya.
“Kasi Mayor----” atubili niyang sagot. Nag-aabang ito sa kanyang sasabihin. “Huwag po sana kayong mabibigla,” huminga siya ng malalim. Ang lakas din ng kabog ng kanyang puso. “A---ng ang may gawa nito kay Jonathan ay ang asawa po ninyo. Binugbog niya po si Jonathan,” pag-amin niya.
Kitang-kita niya ang pagkabigla sa mukha ng Mayor nila. Gulat na gulat ito at tila hindi naniniwala sa kanya. Napailing ito. Hindi ito makapaniwala.
“Ang asawa ko ba ang tinutukoy mo Eunice na nambugbog sa anak ko?” nanlalaki ang mga mata na tanong sa kanya kaya tumango siya.
“Opo Mayor Jonas, sinabi sa akin ni Jonathan kanina na ang Mama Amelia niya ang nanakit sa kanya. Tumakas lamang siya sa bahay ninyo dahil pinuntahan niya ako at may usapan kami. Ayaw niya lang kasing isipin ko na wala siyang isang salita,” paliwanag niya kay Mayor.
Natigilan si Mayor Jonas sa kanyabng sinabi. Alam niyang gulong-gulo ito sa nalaman at hindi makapaniwala. Ikwenento niya rin dito ang tungkol kay Nikko at kung sino ang dahilan kung bakit pinagbuhatan ng kamay si Jonathan. Lahat ay sinabi niya dahil galit din siya ngayon sa Mama ni Jonathan. Hindi makatao ang ginawa nito.
Napaupo si Mayor Jonas sa nalaman.
“Hindi ko lubos maisip na kayang gawin ni Amelia sa anak ko ang lahat ng ito at ang ipinagtataka ko ay kung bakit kailangan niyang kampihan ang anak ng kaaway ko sa pulitiko samantalang hindi naman sila magkakilala,” sagot ni Mayor. “Wala akong matandaan na magkakilala sila ni Vice Mayor Rigor.”
Napansin niyang hirap na hirap ang kalooban nito sa nalaman.
“Yan nga rin po ang pinagtataka ko. Ang kwento ni Jonathan sa akin ay kaibigan daw ng Mama niya ang ama ni Nikko. Kahit rin po ako ay nagtataka kung bakit niya sinaktan ng sobra si Jonathan,” sagot niya rin.
“Tingin mo ito lang ang unang beses na sinaktan ni Amelia si Jonathan?” tanong pa nito sa kanya.
“Sa pagkakaalam ko po ay hindi lang ito ang unang beses na sinaktan niya si Jonathan. Yun nga lang ay kayang dalhin ni Jonathan ang sakit, hindi tulad ngayon na kulang nalang ay patayin siya,” kwento niya pa.
“Tatanungin kita Eunice noong hindi pa sinaktan ng ganyan ng asawa ko si Jonathan ano ang pagkakakilala mo sa kanya?” tanong sa kanya na ikinagulat niya. “Sabihin mo sana sa akin ang totoo. Anong klaseng tao si Amelia? Hindi ako magagalit. I just want to know,” dagdag pa nitong tanong sa kanya.
Bahagya siyang natahimik. Hindi niya alam ang sasabihin.
“Please,” pakiusap pa ng ama ni Jonathan sa kanya.
Huminga siya ng malalim.
“Huwag mo sana kayong magagalit pero po ang tingin ko sa kanya ay matapobre po at masamang tao. Ayaw niya pong nakikihalubilo sa mga tao na sa tingin niya ay mababang tao,” pagsabi niya ng totoo. “Sana po hindi kayo magalit sa akin Mayor. Gusto ko lang sabihin ang lahat ng hinanakit ko sa asawa ninyo at hindi lang ako kundi halos lahat ng taong nagtratrabaho sa asyenda ninyo. Minsan niya na akong nilait ng sobra. Patay gutom daw ang pamilya namin at hindi ako nababagay na maging kaibigan ng anak niya dahil pera lang daw ang habol ko kung kaya ako nakikipagkaibigan kay Jonathan. Kung naaalala niyo po at binigyan ninyo ako ng scholarship noon highschool hanggang senior high school. Lahat po yun ay binawi niya. Hindi ko na rin po nabanggit kay Jonathan ang tungkol sa scholarship dahil ayaw ko pong magalit siya sa Mama niya. Minabuti na lang namin nina tatay na igapang ang pag-aaral ko para walang masabi ang pamilya ninyo,” pag-amin niya ng katotohanan dito.
Napailing si Mayor Jonas sa narinig mula sa kanya.
“Sa akin ano ang pagkakakilala mo?” muling tanong nito.
Tiningnan niya ang mukha nito at direktang sinagot. “Kung ako po ang tatanungin ninyo ay iisipin kong plastic kayo dahil mabait kayo sa aming mahihirap. Akala ko rin ang pagpapakita mo ng kabaitan ay parte ng buhay pulitiko mo. Isa pa po, mas madalas pang nakikita ng mga tao ang asawa ninyo kaysa po sa inyo,” walang pag-aatubiling sagot niya rito.
“Humihingi ako ng tawad kung ganyan ang interpretasyon mo sa akin. Akala ko kasi ay sapat na binibigay ko ang lahat ng para sa bayang ito. Nagtiwala ako na gagampanan ng kabiyak ko ang pagiging katuwang sa pamumuno sa bayan natin. Kampante ako na hindi niya sisiraan ang pangalan ko. Nakita mo naman siguro na halos lahat ay binigyan ko ng trabaho,” sagot ni Mayor Jonas sa kanya.
Umiling siya sa huling sinabi nito. Bahagya siyang natawa.
“Trabaho na pinagtratrabahuan ng mga tao. Kayod kalabaw po ang ginagawa nila para sa kakarampot na perang kinikita. Lahat ng benipisyo ay hindi natatanggap ng mga manggagawa ninyo,” wika niya. Iyon kasi ang madalas na sinasabi ng ama niya sa kanya. Maraming empleyado sa sakahan at tubuhan ang hindi nakakakuha ng sapat na benipesyo. “Lahat ng pinangako niyo na bibigyan niyo ng trabaho at magandang benepisyo ang lahat ng mga manggagawa ay hindi natupad,” dagdag niya pa. Bakas sa mukha ng mayor ang pagkagulat. Kung nabigla man ito sa mga inamin niya ay wala siyang magagawa. Iyon ang totoo.
Sunod-sunod ang pagtanggi ni Mayor Jonas sa lahat ng kanyang sinabi.
Labis ang paghingi ng tawad ni Mayor Jonas sa kanya. Hindi ito makapaniwala na all this time pala ang alam nito ay naibibigay ni Amelia ang lahat ng binepisyo na para sa mga magsasaka.
“Salamat Eunice. Ngayon alam ko na ang lahat. Itatama ko lahat ng mga pagkakamali ko,” sagot ng Mayor sa kanya.
“Mas kailangan po kayo ni Jonathan. Matagal niya ng sinasabi sa akin na matagal niya ng pangarap ang maramdaman na mahal mo siya at sana rin daw maipakita mo sa kanya na mas higit mo siyang mahal kaysa sa trabaho, negosyo at obligasyon mo sa bayan natin,” dagdag niya pang wika ng nakangiti.
“Akala ko sa pamamagitan ng pagsunod ko sa luho niya ay naipapakita ko sa kanya kung gaano ko siya kamahal. Hayaan mo babawi ako at maraming salamat sayo iha dahil binuksan mo ang mga mata ko sa tunay na ugali ng asawa ko,” nakangiting wika ni Mayor Jonas sa kanya kaya tumango na lang siya.
“Wala po ‘yon, ang mahalaga sa akin ay si Jonathan. Mangako po sana kayo na hindi na ito mauulit pa. Sana po ay hindi na siya saktan ng asawa ninyo,” hiling niya pa.
“Hindi ko na hahayaan na maulit ang lahat ng ito. Pinapangako ko sayo ‘yan,” nakangiting wika sa kanya ni Mayor Jonas kaya kahit papano ay napanatag siya.
Mahal na mahal niya si Jonathan. Lahat ay gagawin niya rin para maprotektahan ang lalaking minamahal.