Madilim pa ang paligid nang makarating ako sa tabing dagat. Mabuti na lamang at walang nangingisda ngayon kaya mag-isa lang ako sa lugar. Gayunpaman ay siniguro kong walang nakasunod sa aking sirena at walang ibang nakakakita sa akin ngayon.
“Sa tingin ko ay ligtas na ako.”
Agad kong binuksan ang bote na aking dala. Nagliwanag ang mga enerhiya ng tao na nakalagay doon. Kumuha ako ng isa at isinubo upang lunukin ang bagay na iyon. Ang totoo ay wala akong nararamdaman na kakaiba sa tuwing nilulunok ang enerhiya. Para lamang itong hangin na pumasok sa aking katawan.
Pagkatapos gawin ang bagay na iyon ay agad kong inunat ang aking buntot na hanggang ngayon ay nababasa pa rin ng tubig dagat. Nagsimula ng umepekto ang nilunok kong enerhiya. Unti-unti ay nawawala ang aking buntot bilang sirena. Saglit na oras lamang at napalitan na iyon ng dalawang pares ng paa. Ilang beses ko ng ginawa ang bagay na ito kaya hindi na bago sa akin ang ganitong pakiramdam. Nakamamangha talaga pagmasdan kapag nagkaroon kami ng hiram na paa dahil malaya kaming nakakapaglakad gaya sa mga tao. Saglit akong natigilan nang may bigla akong naisip.
“Kung ganun ay hindi ko na ito muling mararanasan lalo at magtatago ako ngayon mula sa aking kaharian.”
Bahagya akong nakaramdam ng lungkot. Muli akong naguluhan sa aking naging desisyon. Wala na akong magagawa dahil nandito na ako. Gaya ng aking sinabi ay hindi na ulit ako magkakaroon ng ganitong pagkakataon kapag naisip ko na muling bumalik sa Sirelle.
Minabuti ko ang tumayo na at magsimulang maglakad. Hindi ko na nilingon ang dagat upang hindi na magawang isipin ang kaharian na aking iniwan. Magsisimula na ako sa bagong yugto ng aking buhay. Hindi bilang sirena, hindi din bilang tao ngunit isang nagtatagong nilalang.
Sumilay na ang haring araw ng makarating ako sa pinaka sentro ng Adira. Wala akong kakayahan na lumayo dahil ito lamang ang distrito na aking napuntahan. Sa halip na makapagtago ay baka mapahamak pa ako kapag lumayo sa lugar. Isa pa ay kakailanganin ko ang dagat kung sakaling hindi ako magtagumpay sa aking plano.
Hindi na ako nag-aksaya ng panahon. Bawat tindahan, bahay o kahit anong establisyimento na aking nakikita ay mariin kong pinagmamasdan. Tiyak kong sa mga oras na ito ay batid na ni Queen Nereida ang aking pagkawala sa kaharian. May nakita akong malaking lugar na maaari kong pagtaguan ngunit madalas na madaming tao doon kaya tiyak na hindi ako tatagal sa lugar. Mayroon din maliit ngunit hindi ko masikmura ang kalagayan nito dahilan upang patuloy akong maghanap ng aking mapagtataguan.
Kanina pa ako naglalakad at pakiramdam ko ay nawawalan na ng epekto ang enerhiya na aking nilunok kanina. Mabilis kasi itong mawala lalo kung walang tigil itong ginagamit ng isang sirena. Mas tinalasan ko pa ang aking paningin dahil malapit na akong maubusan ng oras. Hindi ko nais na muling lumunok ng enerhiya.
Napatingin ako sa kanang bahagi ng kalsada at napukaw ang aking tingin sa simpleng tindahan. Katamtaman lamang ang laki nito at malinis s'yang tignan. Nilapitan ko ang tindahan at mas lalo akong naengganyo na pumasok dahil sa mapanghalinang amoy na nagmumula sa loob nito.
Hindi ko na napigilan ang aking sarili at tuluyan ng pumasok sa loob. Nanlaki ang aking mata sa mga nakikita. Sa tagal na panahon kong pagpunta sa Adira ay ngayon lamang ako nakapasok sa ganitong klase ng tindahan. Pakiramdam ko ay nagniningning ang aking mga mata dahil sa magagandng bagay na aking nakikita. Napakadaming palamuti sa paligid. May iba't-ibang bagay na ngayon ko lamang din nakita. Hindi nakaligtas sa aking paningin na halos lahat ng mga gamit na doon ay may kinalaman sa dagat.
May makukulay na perlas. Mayroon din mga patay na coral kung saan ang iba ay may pinta ng iba't-ibang kulay. Hindi din mawawala ang magandang buhangin na nagmumula sa tabing dagat. Katulad sa mga koral ay may kulay din ang iba sa mga ito. Nakalagay sila sa magagandang bote na may kasamang magagandang palamuti. Tiyak na madami akong kukunin sa tindahan na ito kung sakaling babalik ako sa Sirelle. Nakalulungkot na hindi iyon ang aking pakay ngayon.
Tapos na akong pagsawain ng tingin ang magagandang mga bagay. Ngayon naman ay kailangan kong mag-isip kung paano makakapagtago sa lugar na ito. Dalawang bagay lang ang naiisip kong paraan. Una ay gamitan ng mahika ang may-ari ng tindahan upang pahintulutan ako nitong makapagtago sa lugar. Gayunpaman ay hindi ako maaaring magtago dito sa ganitong anyo. Agad akong makikilala ng mga sirena kahit kumilos ako na gaya sa mga tao.
Pangalawa, kung gugustuhin ko at kakayanin ng aking mahika ay malaki ang posibilidad na makapagtago ako ng maayos sa lugar. Hindi ko nga lang tiyak kung paano ko iyon gagawin. Muli akong napatingin sa makukulay na perlas at tila naghahanap ako ng kasagutan mula doon. May nakita akong malaking salamin sa isang tabi at pinagmasdan ang aking sarili. Umikot ako at hindi ko sinasadyang matabig ang maliit na lamesita sa kanang bahagi ng salamin. Mula doon ay nahulog ang isang maliit na kahon. Binuksan ko ito at tumambad sa akin ang isang napakagandang salamin na may hawakan.
Agad ko itong kinuha at tinignan ang aking mukha dahil iyon lang ang kasya doon na maaaring tignan. Gawa sa kahoy ang hawakan maging ang pinagdikitan ng salamin. Napakasarap nitong amuyin kaya iyon ang aking ginawa. Gusto kong kunin ang salamin dahil tiyak na magagandahan ang aking mga kaibigan sa bagay na ito. Simple lang ang hitsura nito at wala masyadong dekorasyon. Sa tagal ng aking pagtitig ay tila nagkaroon ako ng ideya.
Pinakiramdaman ko ang aking sarili upang masiguro na may sapat akong enerhiya upang gumamit ng mahika. Tahimik ang tindahan kaya batid kong abala ang may-ari sa kung anong ginagawa nito. Binitbit ko ang kahon at naghanap ng puwesto kung saan maaari akong gumamit ng mahika na walang makakakita sa akin. Agad kong sinimulan ang dapat kong gawin. Ito na lamang ang maari kong maging solusyon upang magtagumpay sa aking plano. Ibinuhos ko ang lahat ng aking enerhiya upang masimulan ang mahika. Pumikit ako upang mas mapabilis ang aking ginagawa.
Hindi nagtagal ay binalot ng kung anong usok ang aking buong katawan. Bigla din akong nanghina bilang epekto sa pagkaubos ng enerhiya na aking ginamit. Nanghihina ang aking mga tuhod kaya tuluyan akong napaluhod sa aking kinatatayuan. Mahigpit ang aking pagkakahawak sa salamin upang masiguro na hindi ito mababasag.
Ang usok na bumalot sa akin ay lalong kumapal hanggang sa tuluyan akong namanhid. Pagkatapos ay unti-unting naglaho ang parte ng aking katawan. Hindi man kapani-paniwala ngunit ginawa kong perlas ang aking sarili. Maayos pa rin ang aking paningin at pag-iisip. Ang kaibahan lang ngayon ay wala akong katawan.
Sa tulong ng mahika na aking gamit ay tuluyan kong idinikit ang sarili sa hawakan ng magandang salamin na aking hawak kanina. Hindi na ito masama dahil maganda naman ang bagay na aking pinagtataguan. Nais ko sanang ibalik ang salamin sa kahon na pinaglalagyan nito ngunit nakarinig ako ng mga yabag palapit sa aking puwesto dahilan upang mawalan ng bisa ang aking mahika.
Tumigil ang naglalakad sa aking kinatatayuan kanina. Napansin nito ang salamin na aking pinagtataguan ngayon. Sinipat pa nitong mabuti ang malaking perlas sa hawakan. Tila inaalala nito sa sarili kung ganoon ang hitsura nito kanina. Sa huli ay ipinagwalang bahala nito ang iniisip. Dinampot nito ang kahon at maingat na ibinalik ang salamin sa pinaglalagyan nito.
"Anong ginagawa ng salamin na ito dito? Halika at ibabalik kita sa iyong puwesto."
"Sa wakas ay nagtagumpay ako sa aking plano."
Tuluyan nang nawalan ng kinang ang malaking perlas sa hawakan ng salamin at nagsilbi na lamang itong palamuti sa bagay na iyon. Tanging ako lamang ang nakakaalam kung ano ang perlas na iyon.