Princess Sereia

1167 Words
Nag-aagaw pa ang dilim at liwanag ngunit maririnig na ang balita sa buong distrito ng Adira. Halos kalahati sa mga nakatira doon ay may alam na tungkol sa trahedyang nangyari kagabi. Hindi na bago sa kanila ang tungkol sa misteryong pagkawala ng mga taong naglalayag sa kalagitnaan ng karagatan. Gayunpaman, tila may mahika na bumabalot sa buong lugar kung saan makakalimutan nila ang tungkol sa malagim na trahedya.  Ilang dekada na ang nkalipas at walang nagbabago sa ganoong set-up. Patuloy pa rin na may nagtutungo sa gitnang bahagi ng dagat. Walang nakakaalam sa maaaring mangyari sa kanilang mga buhay pagsapit ng alas-dose ng gabi. “May problema ba Sereia?” Makikita ang pag-aalala sa mukha ni Queen Nereida. Hinawakan pa nito ang mukha ng kanyang anak upang siguraduhin na maayos nga ang pakiramdam nito. “Wala naman po Ina, medyo masakit lamang ang aking ulo.” “Kung ganun ay magpahinga ka na lamang ulit.”  “Sige po mahal na reyna.” Hindi na nito hinintay ang magiging sagot ng reyna at agad ng iniwan ang kausap.  Hindi ko na matandaan kung gaano katagal ng ganito ang aking pakiramdam. Hindi ko na maatim ang ginagawa ng aming lahi. Mas nanaisin ko pa ang gumawa ng dahilan upang hindi ako makasama sa tuwing nangongolekta sila. Pakiramdam ko ay mas lalong sumasakit ang aking ulo kapag nakikita ang mga tao na walang kalaban-laban at unti-unting nawawalan ng buhay.  Simula ng magkaroon ako ng malay ay ganito na ang aming gawain. Hindi ko maintindihan ang sarili kung bakit hindi ito ang tungkulin na gusto kong gawin. Malakas ang pakiramdam ko na magiging mabuting kaibigan ang mga tao ngunit sigurado akong hindi ko kayang gawin ang bagay na iyon. Kami ang dahilan kung bakit patuloy na may nawawalang tao sa gitna ng karagatan. Paano ko maaatim na maging kaibigan sila kung sa huli ay kikitilin lang din namin ang kanilang mga buhay.  Umupo ako sa malaking bato kung saan ako madalas magpahinga. Tahimik kong pinagmamasdan ang aking mga kaibigan. HIndi ko maintindihan kung bakit tila ako lamang ang may ganitong pag-iisip samantalang matagal na panahon na kaming magkakasama.  Idagdag pa na may mahigpit na bilin ang mahal na reyna sa aming lahat na kanyang nasasakupan. Wala kahit isang sirena ang maaaring kumalas at magrebelde sa aming layunin. Magkakaroon ng karampatang parusa ang sinuman na magnais lumabag sa pinakaimportanteng utos ng aming lahi.  Napahawak ako sa aking ulo dahil pakiramdam ko ay mas lalo itong sumakit. Naguguluhan na ako sa aking sarili. Alam kong darating ang panahon na magiging pinuno ako ng aming lahi ngunit sigurado akong matagal pa bago iyon mangyari. Hindi kami imortal ngunit matagal na panahon kaming nabubuhay. Idagdag pa na may enerhiya kami na nagmumula sa mga tao.  “Ang tagal ko ng hindi nakakapunta sa mundo ng mga tao.”  Napailing ako dahil sa aking naisip. Hindi ko akalain na nakikinabang din ako sa enerhiya ng mga tao. Kailangan ko iyon upang magkaroon ako ng mga paa na magagamit ko sa tuwing nagpupunta sa distrito ng Adira. Nagpupunta ako doon pagkatapos namin mangolekta ng enerhiya upang balutin ng mahika ang mga tao at makalimutan nila ang tungkol sa lumubog na barkong naglayag sa karagatan.  Mabuti na lamang at masama ang aking pakiramdam kaya hindi ako ang inatasan na magtungo sa Adira ngayon. Habang tumatagal ay mas sumisidhi sa aking puso ang pagnanais kong sumuway sa aming tungkulin. Tinignan ko ang aking mga palad at tila nandidiri ako sa aking sarili.  “Ano ba ang nangyayari sa akin ngayon?” May kung anong ideya ang biglang pumasok sa aking isipan. Alam ko kung ano ang aking magiging parusa sakaling gawin ang bagay na iyon. Gayunpaman, tiyak ko na ito lang ang magiging paraan upang makalaya ako sa nakakahilakbot na tungkulin ng mga sirenang gaya ko.  “Sigurado na ba ako sa aking gagawin?”  Hindi pa din ako sigurado sa aking naisip. Patuloy kong tinitimbang sa aking sarili kung ano ang aking magiging desisyon. Hindi ko ba pagsisisihan ang aking gagawin? Nakapagdesisyon na ako at ito ang aking gagawin. Sa ngayon ay ito ang mas matimbang sa aking puso.  Lumangoy ako palayo sa aking puwesto kanina. Sinilip ko ang aking ina upang tiyakin na hindi nito mapapansin ang aking gagawin. Muli akong napatingin sa kanyang puwesto dahil kailangan kong makuha ang susi sa aming sisidlan. Labag sa aking loob ang mangolekta ng enerhiya ngunit kakailanganin ko ang bagay na iyon sa aking gagawin ngayon.  Dahan-dahan at tahimik akong lumangoy palapit sa lalagyanng susi. Kasalukuyang nagpapahinga si Queen Nereida kaya maingat ako sa aking ginagawa. Nag-isip na din ako ng maaaring maging dahilan kung sakaling mapansin nito na kinukuha ko ang susi sa kanyang lalagyan.  Maingat kong binuksan ang maliit na kahon kung saan nakalagay ang susi. Mabuti na lamang at nasa ilalim kami ng dagat kaya hindi maririnig ang ginagawa kong pagbukas sa lalagyan. Agad na nagliwanag ang lalagyan dahil sa kinang na taglay ng susi. Mabilis ko itong kinuha at walang pag-aalinlangan na lumangoy patungo sa sisidlan ng mga bote.  Pakiramdam ko ay nakikisama ang tadhana sa aking ginagawa ngayon. Wala kahit isang sirena ang nagbabantay sa sisidlan kaya magiging madali para sa akin ang makakuha ng enerhiya. Maingat kong binuksan ang pintuan ng malaking sisidlan. Agad kong kinuha ang isang bote na naglalaman ng halos sampung kulay berdeng bula.  Sapat na iyon para sa akin dahil hindi ko plano ang magliwaliw sa distrito ng Adira. Tiyak na hahanapin ako ng reyna kapag nalaman nitong wala na ako sa dagat. Hindi iyon papayag na magtagumpay ako sa aking pagtakas.  Binilisan ko ang kilos upang makaalis na ako sa poder ng aking Ina at mga kaibigan. Ang totoo ay hindi ko tiyak kung anong mangyayari sa akin sa mundo ng mga tao ngunit saka ko na lamang iyon iisipin. Ang mahalaga ngayon ay maisagawa ko ng ayos ang aking plano. Hindi ako maaaring magkamali dahil tiyak na hindi na ako muling magkakaroon ng ganitong pagkakataon.  Lumangoy ako pabalik sa aking sariling silid upang ayusin ang aking sarili. Handa na ako sa aking gagawin na pagtakas. Naghintay pa ako ng ilang sandali kung saan tahimik na ang lahat ng mga sirena. Wala kahit isa sa kanila ang makakaalam sa aking pagrebelde. Nang masigurong oras na para sa paglayo ay mabilis ngunit tahimik akong lumangoy palayo sa aming kaharian.  Iniwan ko ang korona na aking suot dahil hindi na iyon nararapat sa akin. Hindi ko din magagamit ang bagay na iyon sa gagawin kong pagtatago sa Adira. Hinubad ko din ang mga palamuting dekorasyon sa aking buhok na magbibigay lamang ng kakaibang atensyon sa mga tao na makakakita sa akin. Medyo malayo na ako sa Sirelle Kingdom bagaman naaaninag ko pa din ang liwanag sa kaharian. Naging matigas ang aking puso at hindi man lang ako makaramdam ng lungkot sa aking nakikita. Mas nangingibabaw sa aking puso ang saya na nakawala ako sa aming tungkulin.  “Paalam Queen Nerida. Paalam Sirelle Kingdom. Paalam sa mga kaibigan kong sirena.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD