Sirelle Kingdom, Siren Clan
Sirelle Kingdom 1870
Napakasarap pagmasdan ng dagat dahil sa kumikinang nitong tubig. Maliwanag ang paligid gawa ng bilugan at matingkad na buwan. Masaya ang lahat dahil makikita sa kanilang mga mukha ang pagkamangha sa paligid. Karamihan sa kanila ay panay ang kwentuhan upang ibida ang mga narating nila sa buhay. Hindi naman maialis sa mukha ng may kaarawan ng gabing iyon ang ngiti sa kanyang mapulang labi. Tiyak na hindi niya makakalimutan ang masayang gabi na kasalukuyang nangyayari ngayon.
Sa kabilang banda ay hindi lamang pala sila ang nagsasaya ngayong gabi. Hindi nila batid na ang masayang gabi ay mapapalitan ng nakakapangilabot na pangyayari. Tiyak na wala kahit isa sa kanila ang makakauwi ng kanilang mga tahanan.
Mula sa ilalim ng karagatan ay matatagpuan ang isang kaharian kung saan naninirahan ang mga nilalang na hindi natin nakikita sa lupa. Mga nilalang na kalahating tao at kalahating isda. Sila ang tinatawag na mga sirena. Hindi man kapani-paniwala ngunit totoong kasama sila ng mga tao na naninirahan dito sa mundo.
“Magsihanda ang lahat dahil malaki ang ating kokolektahin ngayong gabi.” Malakas na anunsyo ni Queen Nereida. Siya ang matagal ng reyna ng kanilang lahi. Makikitaan mo na ng katandaan ang sirena ngunit maganda pa rin ang itsura nito. May malaking korona na nakapatong sa kanyang ulo. May iba’t-ibang kulay ng perlas ang nakadikit sa bagay na iyon bilang palamuti ngunit kapansin-pansin ang malaking kulay itim na perlas sa gitnang bahagi nito. Mahaba ang kulay ginto nitong buhok na napapalamutian din ng iba’t-ibang kulay ng perlas. Kapansin-pansin din na siya ang may pinakamalaking mermaid flukes.
Lahat ng nasasakupan ni Queen Nereida ay walang pag-aalinlangan na sinusunod ang kanyang mga utos. Nakatakda silang mangolekta ngayong gabi ng pangunahin nilang pangangailangan bilang mga sirena. Sakto ang gabing ito dahil kasalukuyang may barko na nakatigil sa kalagitnaan ng karagatan.
Nang marinig ang anunsyo ng kanilang reyna ay mabilis silang kumilos upang ihanda ang paglalagyan ng kanilang mga makokolekta. Hindi sila magkamayaw at halos lahat ay nagmamadali. Alas-dose na ng gabi kaya oras na para simulan ang dapat nilang gawin.
“Simulan na natin ang ating tungkulin!”
Nanguna si Queen Nereida sa pag-awit. Nakakabighani at napakasarap sa pandinig ang malamyos nitong tinig. Sinundan naman agad iyon ng kanyang mga nasasakupan. Malakas ang tugtog na nagmumula sa barkong sinasakyan ng mga nagdiriwang. Gayunpaman ay hindi nakaligtas sa kanilang pandinig ang kahali-halinang awit.
Ang malamyos na awit ay tila may mahikang taglay kung saan unti-unting nawawala sa sariling ulirat ang mga taong nakakarinig nito. Ang kaninang nagsasayang mga tao ay tumigil na sa kanilang ginagawa. Tuluyan na silang tumahimik upang namnamin ang ganda ng musika na kanilang naririnig.
Patuloy lamang nila itong pinapakinggan at wari nila ay isinasayaw sila sa alapaap. Wala kahit isa sa kanila ang nakakapansin sa tunay na pangyayari. Mayamaya lang ay nagsimula ng lumubog ang unahang bahagi ng barko. Nawasak na din ang ilang parte ng barko na kanilang sinasakyan dahilan upang pasukin ito ng tubig. Ang ilan sa mga nakasakay ay bumalik na sa kanilang sariling katinuan kaya nagsimula na ang tensyon sa paligid.
Ang saglit na katahimikan ay muling napalitan ng ingay. Malakas na sigaw upang humingi ng tulong. Makikita sa kanilang mga mukha ang labis na takot, pangamba at pagnanais na makaalis sa malagim na trahedya. Bawat isa ay naghahabol ng kanilang hininga at pilit na inaangat ang sarili sa tubig. Tuluyan ng lumubog ang kanilang barko at lahat sila ay walang nagawa upang iligtas ang kanilang mga sarili.
Tumigil na sa pag-awit ang mga sirena dahil kailangan nilang maging handa para sa susunod nilang gagawin. Saglit na oras lamang ang kanilang hinintay at tuluyan ng nawalan ng buhay ang mga taong nakasakay sa barko. Mapapansin na ang bawat katawan ay unti-unting nagiging kulay berdeng bula at humahalo iyon sa tubig dagat.
Mabilis na kumilos ang mga sirena. Para silang mga hayok na isda kung saan kailangan nilang makuha agad ang kanilang pagkain. Ang kaibahan lamang ay itinuturing nilang enerhiya ang katawan ng mga tao na naging bula.
“Bilisan ang kilos at siguraduhin na makukuha n’yo ang lahat ng kanilang enerhiya.”May diin na utos ni Queen Nereida.
Ganun nga ang ginawa ng lahat ng mga sirena. Wala silang pinaglagpas kahit isang katawan. Lahat ng kulay berdeng bula ay awtomatikong pumapasok sa tila bote na kanilang lalagyan. Hindi nagtagal ay wala ng makikitang katawan ng tao sa kailaliman ng dagat. Pagkatapos ng trahedya ay muling maririnig ang makabagbag damdamin na mga tinig sa ilalim ng dagat na umaawit bilang pagdiriwang sa tagumpay ng kanilang tungkulin.
“Magaling mga mahal kong sirena.” Hindi mawala ang ngiti sa labi ni Queen Nereida. Iwinagayway ng mga sirena ang bote na kanilang hawak kung saan puno ng mga kulay berdeng bula.
“Tagumpay na naman ang lahat sa ating tungkulin. Maari na kayong magpahinga at gawin ang inyong mga nais.” Nagsigawan ang mga sirena dahil sa magandang anunsyo ng kanilang reyna. Mabilis na nawala sa pagtitipon ang kanyang mga nasasakupan pagkatapos nilang ilagay sa kanilang sisidlan ang mga nakolektang enerhiya. Isang maliit na silid iyon na naglalaman ng mga nakolektang enerhiya at tanging ang reyna lamang ang may hawak sa susi nito.
Nagniningning ang mga mata ni Queen Nereida habang pinagmamasdan ang maayos na pagkakasalansan ng mga enerhiyang nasa bote. Tila ginto ang katumbas ng mga iyon sa tao na nagbibigay ng ibang kasiyahan sa kanilang mga sirena.
Ang enerhiya ng mga tao na kanilang pinapatay ay malaki ang papel sa kanilang mga sirena. Ito ang nagbibigay sa kanila ng kakayahan upang magkaroon ng dalawang paa na kanilang kailangan sa tuwing nagtutungo sa mundo ng mga tao. Napapitik pa ng daliri si Queen Nereida nang mapagtanto na sapat ang dami ng kanilang nakolekta para sa kanyang pansariling pangangailangan.
“Mukhang labis ang saya na iyong nararamdaman ngayon mahal kong ina.” Saglit na natigilan si Queen Nereida at hinarap ang may-ari ng boses na kanyang narinig.
Nasa kanyang likuran ang nag-iisa niyang anak na si Princess Sereia. Malaki ang pagkakaiba nilang dalawa at hindi mo agad mababatid ang kanilang tunay na relasyon. Ang buhok ni Sereia ay mahaba, medyo kulot at matingkad na kulay abo. Gaya sa kanyang ina ay napapalamutian din iyon ng iba’t-ibang perlas. Mayroon din siyang korona sa ulo ngunit katamtaman lamang ang laki nito. Malaki ang agwat ng kanilang edad kaya mapapansin na sariwa pa ang prinsesa ng mga sirena.
“Maayos na ba ang iyong pakiramdam?” Nag-aalala na tanong sa kanya ni Queen Nereida. Hindi nila kasama si Princess Sereia sa ginawang pangongolekta dahil hindi mabuti ang pakiramdam nito.
“Opo Ina, tila madami kayong nakolekta ngayong gabi.” Bahagyang naningkit ang mga mata ni Sereia upang sipatin ang mga nadagdag na bote sa kanilang sisidlan. Mabilis niya itong binilang gamit ang kanyang isip. Tama nga ang kanyang hinala dahil lampas sa sampung bote ang nadagdag sa kanilang sisidlan.
“Tama ka dyan, kaya kahit sa susunod na buwan pa ulit tayo mangolekta ay magiging sapat pa din ang ating naipon.” Inakbayan ni Queen Nereida ang kanyang anak palayo sa kanilang sisidlan.
Hindi na muling nagsalita si Sereia at saglit na pinasadahan muli ng tingin ang sisidlan bago tuluyang nagpahila sa kanyang ina palayo doon. Halos lahat ng sirena ay nagsasaya sa naging tagumpay ng kanilang tugkulin ngunit kabaligtaran iyon para sa kanya.
“Hindi ito maaari.”