KABANATA 6

2160 Words
Sa medyo maputik na lubluban ng kalabaw ako napadpad matapos na madapa ng hindi sinasadya sa tae ng kalabaw. Ito lang ang maaari kong pagbanlawan upang malinis ang kamay at braso ko. Natatawa pa rin ako sa sarili. Gusto kong sisihin ang Dominic na iyon dahil siya ang naging dahilan ng pagkakawala ko ng balanse. Masyadong mataas ang pride ko para amining tatanga-tanga lang talaga ako. "Ok ka na ba?" natatawang tanong ni Mang Crisanto sa akin. Tumango naman ako bilang tugon. "Manong, pwede po bang pakikuha naman yung bote ng tubig sa bag ko at pakibuhos na rin po sa braso ko. Ipambabanlaw ko lang po," malumanay na paki-usap ko sa kanya. Mabilis naman siyang sumunod at tinulungan akong linisan ng maagi ang mga kamay at braso ko. "Medyo malayo pa tayo sa tuktok. Lagpas tanghalian na. Hindi ka pa ba nagugutom?" tanong niya sa akin. "Akyat pa tayo ng konte, Manong. Hindi naman sa pag-iinarte pero-- Puro tae po kasi ng kalabaw dito. Naaalala ko lang lalo yung nangyari kanina." natatawang pahayag ko sa kanya habang tinutuyo ng towel ang kamay ko. "O, siya. May malaking puno sa banda roon, pwede tayo doon magpahinga at kumain. Pag lampas natin sa bakod na 'yan, mararating na natin ang maliit na kumunidad ng mga kapatid nating Aeta." mahabang paliwanag niya habang nakaturo sa mataas na bahagi ng bundok. Mabato ang daanan paakyat doon. Napansin ko din ang mga kahoy na itinusok tusok lang sa lupa ang nagsisilbing bakod. Napatango na lang ako sa narinig ko. Medyo may kataasan pala ang lugar nila. Hindi ko maisip na araw araw ganoon kataas ang nilalakbay nila makababa lang sa Nayon. "Tayo na ho, Manong," sabi ko habang isinusuksok pabalik sa bag ang towel ko. Tumango naman ito at nagpatiuna na sa pag-akyat. Kung hindi ako magkakamali ay isang puno ng Narra ang pinaghintuan namin. Namangha ako sa laki nito at lapad. May makakapal itong dahon na nagsisilbing panangga sa mainit na sinag ng araw. Agad akong naupo at sumandal sa katawan ng puno. Hiningal ako sa pag-akyat. Literal na mataas iyon. Kung bababa ka ay delikado din dahil pabulusok talaga. Siguradong sasaluhin ka ng naglalakihang mga bato kung hindi magiging maingat. "May sabi sabi na maraming ginto sa paligid ng punong ito." narinig kong sambit ni Manong Crisanto. "Talaga ho? Sino po ang may sabi?" interesadong tanong ko sa kanya. "Matagal na 'yon. Pero walang naglakas loob na suyurin ang paligid ng punong ito. Sabi din kasi nila may nangunguha daw ng buhay. O, pwedeng may kapalit na buhay ang mga ginto." Lumabi ako sa narinig. Maaaring totoo, pero bihira akong naniniwala sa mga kwento at paniniwalang makaluma. Hindi na lang ako umimik pero tumango pa rin ako bilang tugon sa kanya. Kinuha ko na ang baon kong pagkain na in-order ko din carinderya kanina. Pandalawang tao ang in-order ko pero nagulat ako dahil may sarili na din pa lang baon si Manong Crisanto. "Itabi mo na yang isang baon mo, Andriette. Malayo ang bilihan. Kung doon ka sa lupain ng mga Asusacion dadaanan, siguradong mapapabilis ka. Pero suntok sa buwan iyon." naiiling na pahayag niya. "Marami naman din po akong goods na baon sa bag, siguradong kakasya yun sa akin kahit tatlong araw pa. Saka, kaya ko din naman po maghanap ng pagkain sa mga lugar na gaya nito." Nakita ko ang pagkamanghang rumihestro sa mukha ni Manong. "Talaga, marunong ka mag-hunt?" di makapaniwalang tanong niya sa akin. "Oho," simpleng sagot ko sa pagitan ng pagsubo ko. "Mabuti naman kung gano'n, hindi ka magugutom dito. Sagana ang lugar na ito dahil marunong din ang mga taong magbalik sa kalikasan." Napangiti ako sa narinig ko. Isa ang bagay na 'yon sa inaasam kong gawin ng bawat tao. 'Yon nga lang, hindi naman lahat ng tao ay pare-pareho ang isip. "Nakakatuwa naman kung gano'n, Manong. Huwag kayong mag-alala, hindi naman din ako abusado sa kalikasan." malumanay na sambit ko. "Alam ko naman. Ang isang maganda at adventurous na taong gaya mo, siguradong marunong magpahalaga sa inang kalikasan." nakangiting saad niya. Napangiti naman ako ng kimi sa sinabi niya. "Sus, inuto n'yo pa ako, Manong." "Naku, hindi kita inuuto. Ang totoo, sopistikada kasi ang dating mo. Noong una nga, akala ko maarte ka din e. Sino ba namang mag-aakala na marunong ka sa kabundukan? Aba, yung iba e saksakan ng arte sa katawan. Marami na akong naging costumer na gano'n. Umaakyat lang sa bundok para may maipost sa social media. Walang ibang ginawa kung hindi ang magpiktur piktur." iiling iling na sabi niya. "Karamihan sa kanila, bumababa ng pilay na dahil puro dutdot sa selpon ang alam gawin habang naglalakad." Naaaliw naman ako kay Manong. Hindi ka talaga maboboring kapag kausap siya. Propesyunal na propesyunal. Alam niya kung paano i-entertain ang isang tao. Marami yata talaga siyang baon na mga kwento. Nakikita ko pa kung paano tumalsik ang kanin sa bibig niya habang nagsasalita ng mabilis. May mwestra pang kasama na mas lalong bumuhay sa kwento niya. Hindi lang ako makatawa dahil ayokong mabastusan siya sa akin. "Marami nga talagang gano'n, Manong. Mas ini-enjoy ko kasi ang kalikasan lalo na kung may pagkakataon na gaya nito," sambit ko na lang. "Napansin ko nga, e." Mabilis ko ng tinapos ang pagkain ko at ibinalik sa bag ang styrofoam na pinaglagyan ng pagkain ko. Nakita ko din na patapos na si Manong. Muli kong isinandal ang likod sa katawan ng puno at panandaliang ipinikit ang mga mata. Hindi ko naman narinig na nagsalita pa si Manong Crisanto. Malamang ay hahayaan niya muna akong magpahinga. Hindi ko namalayan na nakaidlip na pala ako. Mahihinang yugyog sa balikat ang gumising sa akin. Napabalikwas ako ng bangon. Mukha ni Manong Crisanto ang namulatan ko. "M-manong, anong oras na ho?" pupungas-pungas na tanong ko sa kanya. "Alas dos na. Hahayaan sana kitang magpahinga lang. Ang kaso, aakyat pa kamo tayo sa tuktok. Nag-aalala ako kasi baka abutin na tayo ng gabi," paliwanag niya. "Gano'n ho ba. Pasensya na po kayo. Ang lamig kasi ng hangin at ang sariwa. Mabilis akong nakatulog," pahayag ko habang pinapagpag ang sarili. "Kung hindi ho aabutin, kahit siguro bukas na tayo tumuloy. May tent ba kayong dala, Manong?" "Naku, hindi problema ang tutuluyan dito, Andriette. Nandiyaan lang ang lugar nila Akay at Inang," aniya habang tinuturo ang mababang parte ng kabundukan. Agad na nabaling ang paningin ko doon. Hindi ko napansin kanina ang bubong na kugon ng mga nakatayong munting kubo doon. Agad akong nakaramdam ng excitement. "Sila ho ba yung mga Aeta na sinasabi n'yo kanina?" Tumango siya sa akin, "Sila nga. Mababait ang mga 'yan. Kahit ikaw ay pwedeng tumuloy sa kanila," nakangiting sambit niya. "Talaga po? Sana nga, Manong," umaasam na sambit ko. Sinundan ko ang malalaking hakbang ni Manong. Iniiwasan ang mga magagandang bulaklak na nadadaanan namin. Pababa na ang binabaybay namin at makitid ang daanan. May sapa kasi sa magkabilang side nito. Medyo malakas din ang agos na nanggagaling siguro sa mas mataas pang parte ng lugar. "Magdahan-dahan ka, Andriette. Medyo madulas ang putik." narinig kong sabi ni Mang Crisanto. Kanina ay tuyo pa ang daanan na binabaybay ko, habang tumatagal ay nagiging basa ito. Napansin ko din na sadyang madulas iyon. Dahan dahan akong naglakad at siniguro sa sarili na sa pagkakataon na 'to ay hindi na magpapakalampa. Maayos ko namang natawid ang makitid na daan. Wala ng isyu sa akin kung maputikan o mabasa man ang sapatos ko. Si Mang Crisanto ay nakabota, pero mukhang may kalaliman ang magkabilang sapa kaya hindi rin maaaring tumapak doon ng basta basta. Nang makatawid ay saka ko pa lang napansin ang ilang kabataang Aeta na masayang nagtatampisaw sa mababaw na parte ng sapa. May mga kababaihan din silang kasama na marahil ay mga nanay nila at kasalukuyang naglalaba doon. Masaya ang awra ng mga ito habang nagkukwentuhan. "What a simple life," naibulong ko sa sarili ko. Hindi ko namalayan na kusa pala akong huminto habang tinatanaw ang magandang tanawin kasama na ang mga simpleng tao na naroon. Nagulat pa ako ng maramdaman ang presensya ni Mang Crisanto sa tabi ko. "Hindi nababayaran ang ganyan kagandang ngiti, hindi ba?" Kimi akong tumango at napangiti sa kanya. "Sila ang sumasalamin sa masaya at kuntentong pamumuhay kasama ang kalikasan, Manong." Hindi ko maaaring palampasin ang napakagandang tanawin na iyon, agad ko silang kinuhaan ng litrato. Iba-ibang anggulo subalit lahat 'yon ay masasaya. Naiinggit ako sa kanila, araw araw nilang nakikita ang ganda ng lugar dito gayundin ang sariwa at malamig na hangin. Sariwang prutas at gulay maging ang mga hayop sa kagubatan. "Halika na, ipapakilala kita kina Akay at Inang." yaya ni Manong Crisanto sa akin matapos kong kuhanan ng litrato ang mga bata at nanay na nandoon. Masayang sinalubong ng mga bata si Manong Crisanto, nakita ko na may inilabas mula sa kanyang bulsa si Manong at iniabot iyon sa mga batang walang paki-alam sa paligid. Nakahubad silang lahat. Napakainosente at walang bahid ng anumang pagkailang kahit na nakaharap na ang mga ito sa amin. Ilang pirasong lollipop pala ang binigay ni Manong sa kanila. Tig-iisa lang sila pero abot hanggang mata ang ngiti ng mga bata. Masaya silang lumapit sa kani-kanilang mga magulang at pinabukas ang lollipop. Bago makarating sa kabahayan ay may tinawid pa kaming tulay na kahoy, pabilog ito at lumulundo kapag tinatapakan. Dalawang dipa ang layo nito, tinawid iyon ni Manong Crisanto na parang wala lang habang naiwan naman ako sa hulihan at dulong bahagi. Hindi naman ako matatakutin at aminado akong adventurous. Duda lang ako sa sarili ko kung kaya ko pa dahil matagal tagal na din akong walang praktis sa mga ganitong bagay. "O, halika na," natatawang tawag ni Manong Crisanto sa akin. "A- oho," kinakabahang sagot ko. Bago ko pa man ihakbang ang paa ko ay isang batang lalaki na ang sumasalubong sa akin habang nakalahad ang isang kamay niya. Pamilyar ang mukha niya sa akin, hindi ko lang matandaan kung saan ko siya nakita. Lumakas ang loob ko na humakbang. Gaya ng inaasahan ay lumundo ang pabilog na kahoy, agad namang nahawakan ng bata ang kamay ko at iginiya ako patawid. Kabado ko namang natawid ang kahoy kahit pa nga para akong robot na naglalakad dito kanina. "Masasanay ka din sa katagalan," sabi ng batang lalaki. Parang matanda ito kung magsalita bagama't kitang kita sa hitsura nito ang inosenteng awra. Maya maya pa ay may lumapit sa amin na isang batang babae, "Kuya, 'diba siya yung mabait na ale na bumili ng mangga natin?" tanong niya sa batang lalaki. "Oo, siya nga 'yon." nakangiting tugon niya sa batang babae. Naalala ko na, sila nga 'yon. Masaya akong ngumiti sa kanila bago ko ginulo ang pino at kulot na buhok ng batang lalaki. "Thank you." "Mababait na bata talaga ang dal'wang to, Andriette. Masisipag pa," pagmamalaki ni Manong Crisanto. "Kilalang kilala n'yo ho talaga sila, ano?" nakangiting tanong ko sa kanya. "Aba, oo naman! Ninong ako ng mga batang 'yan, e." masayang sambit ni Manong Crisanto. Maya maya ay napansin ko ang papalapit na babae sa gawi namin. Ng malapit na siya ay natitigan ko ang hitsura niya, nakakunot ang mga noo nito at kung hindi ako nagkakamali ay may galit sa mga mata niya. Maganda at balingkinitan, bagama't di maitatanggi ang purong lahi nito ay mas tumingkad pa ang ganda niya sa kulay itim na balat. "Sino yan, Angkel Cris? Isa ba yan sa tauhan ng pamilya Asusacion?" inis na tanong ng babae. "H-hin.." Pero hindi pa man nakakasagot si Manong Crisanto ay bumaling na siya sa akin. "Pipilitin mo din ba kami na pumirma para ipagbili ang lupain namin at pumayag sa ipapatayo niyong Dam para sa ibang mga tao?" hindi na maitatanggi ang galit sa tinig ng babaeng kaharap ko. Kusa namang kumunot ang noo ko sa narinig. "Dam?" takang tanong ko. "Iha, iha." Agad na lumapit si Manong sa galit na babae. inakbayan niya ito at tinapik tapik ang braso. "Hindi siya tao ng Pamilya Asusacion. Taga-manila siya at bago lang siya dito," malumanay na paliwanag niya. "At naniwala kayo?" inis pa din na sagot nito bago padabog na umalis. Nakita ko na bumuntung-hininga si Manong Crisanto habang naiiling. Maya maya ay tumingin siya sa gawi ko. "Pasensya ka na kay Amihan ka?" Tumango naman ako at ngumiti. Hindi pa rin naaalis sa isip ko ang sinabi ng babae. Maya maya ay iginiya na ako ni Manong Crisanto. Habang naglalakad patungo sa isang medyo malaking Kubo ay hindi ko naiwasang magtanong kay Manong. Tuluyan ng nilamon ng kuryusidad ang isip ko. "Manong Crisanto. Ano yung sinasabi niya tungkol sa Dam?" Wala akong narinig na tugon mula kay Manong. Tahimik lang itong naglalakad subalit kita ko ang lungkot sa mga kilos niya. "Manong?" ulit ko. "Tena sa loob at doon ko ipapaliwanag sa 'yo," aniya bago binuksan ang kawayang pintuan…
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD