KABANATA 7

2150 Words
Napakaganda ng Sierra Madre. Hindi maitatanggi na napakalaki ng naitutulong nito sa ating lahat lalong lalo na kung may malalakas na bagyo. Lungkot na lungkot ako sa narinig ko kanina mula kina Akay at Inang, gayundin mula kay Manong Crisanto. Hindi ko masisisi si Amihan kung ganoon na lang ang galit niya sa Pamilya Asusacion. Ang mga ito kasi ang unang pumayag sa kagustuhan ng pamahalaan. Sila din ang pumipilit sa mga maliliit na tao doon para pumirma na sa kasulatan upang mapaalis na sila sa lugar na 'yon at mailipat sa relocation area sa lalong madaling panahon. Pero sadyang matitigas at hindi sila basta pumapayag. Hanggang ngayon daw ay ipinaglalaban nila ang karapatan nila bilang may ari ng nasabing lupain at hindi daw nila ito magagawang iwan. Napag-alaman ko rin na ang malaking parte ng kamaynilaan ang susuplayan ng itatayong Dam na iyon. Bagay na lalo kong ikinainis dahil napaka-unfair no'n para sa mga taong nagmamalasakit lang naman sa kalikasan. Siguradong napakalaki ng mapipinsala kung gagawing Dam ang napakalaking parte ng kabundukan. Hindi ko mapigilang mag-alala. Kasabay ng kalungkutan ang inis at galit sa mga sakim na tao. Mga walang paki-alam sa kalikasan masuportahan lamang nila ang kanilang pangangailangan at kagustuhan. Tumayo ako mula sa higaan. Masaya pa rin ako dahil maayos akong tinanggap nila Akay at Inang dito sa kanilang munting kubo. Sa isang maliit na kwarto na pagmamay-ari daw ng kanilang yumaong anak na babae ako naka-stay ngayon. Namatay daw ito habang nanganaganak sa kanyang kambal, hindi nito kinaya at hindi rin nila nagawang dalhin sa hospital dahil na rin sa taas at layo ng kanilang lugar. Ang kambal ay sina Lakan at Mayumi, mga apo nila Akay at Inang. Ang dalawang bata na pinagbilihan ko ng mangga at magiliw na sumalubong sa akin kanina. Bagama't malamig ang panahon ay naisipan ko pa ring buksan ang maliit na bintana. Sumalubong sa akin ang sariwa at malamig na hangin. Nakita ko sina Akay at Manong Crisanto na masayang nagkukwentuhan sa labas. Bilog na bilog ang buwan, tanging sinindihang mga kahoy lamang ang nagsisilbi nilang liwanag sa labas. Muling humangin ng may kalakasan, Napapikit ako at hinayaang sumabay sa hangin ang aking nakalugay na buhok. Si Manong Crisanto ay pansamantala na ring makikitulog doon. Hindi ko pa nasasabi sa kanila na plano kong manatili doon ng kahit dalawang buwan at kalahati. Sana ay pumayag sila at hayaan nila akong manatili muna dito. Mula sa bintana ay kitang kita ko ang kalangitan na pinalalamutian ng makikinang na bituin. Hindi nakikita sa Manila ang ganda ng mga iyon dahil na rin sa katotohanang napakaliwanag na doon at halos hindi na yata natutulog ang mga tao. Walang oras na nagiging tahimik at payapa ang kalsada sa dami ng sasakyan mapaumaga man o gabi. Natanaw ko na kumakaway si Akay sa akin. Natanaw niya yata ako mula sa bintana at sa liwanag na nanggagaling sa kwarto ko mula sa lampara. Gumanti ako ng kaway sa kanya. Nakita kong niyayaya niya ako na lumabas doon. Hindi naman ako nagdalawang isip na pagbigyan si Akay. Tutal ay hindi rin ako makatulog kahit pa nga napagod akong umakyat dito kanina. Siguro ay dahil nakaidlip din ako ng higit isang oras kanina sa ilalim ng puno. Nadaanan ko si Inang na nagpupunas ng lamesa. Katatapos lang siguro nilang kumain. Nakita ko na nakatambak sa lababong kawayan ang mga platong hugasin na pinagkainan namin kanina. Nahuli silang kumain nila Manong Crisanto samantalang pinauna na ako kanina kasabay sina Lakan at Mayumi. Nilapitan ko iyon at akmang huhugasan pero mabilis akong pinigil ni Inang. "Ay, ano ka bang bata ka? Hayaan mo na 'yan diyan at ako na ang bahala," malumanay na saad niya. Ngumiti ako at hinarap siya. "Nay, magpahinga na po kayo. Kayang kaya ko na po ito." Pero hindi siya umalis, hinila niya ako at saka pinaupo sa upuang gawa sa slab. "Bisita ka dito. Kahit si Mayumi ay kayang gawin 'yan. Bakit nga pala hindi ka pa natutulog, mainit ba?" Umiling ako at ngumiti ng bahagya sa kanya. "Malamig nga po, Inang. Baka po namamahay lang ako." "Kumportable ka ba doon? Hindi talaga malambot ang higaan namin dito. Sana makatulog ka ng maayos," tila nahihiyang sambit niya sa akin. Sa narinig ay sunod sunod akong umiling. "Naku, ako nga po ang nahihiya sa inyo, Inang. Saka, wala pong problema ang higaan ko. Siguradong makakatulog po ako ng maayos mamaya. Sanay naman po ako sa gano'ng higaan at sanay din po ako sa buhay sa bundok," May pagmamalaki sa tinig ko. Nakita ko ang amusement sa mga mata niya. "Mabuti naman kung gano'n, hindi ko kasi inasahan ang mga sinabi mo," nakangiting pahayag niya sa akin. Maya maya ay lumapit si Mayumi sa amin. "Inang, ako na po ang maghuhugas. Magpahangin po muna kayo sa labas ni ate Andriette," magalang na saad niya sa amin. Kusa akong napangiti sa narinig ko. Napakasarap sa tainga na marinig ang isang magalang na salita mula sa bata para sa nakatatanda sa kanya. Ginulo ko ang buhok niya. "Napakabait mo naman, Mayumi. Sige, ako na ang bahala kay Inang. Tapos tutulungan kita maghugas." matapos ay kinindatan ko siya. Ang akala ko ay pipigilan niya din ako pero masaya lang siyang tumango sa akin. Inalalayan ko na si Inang na tumayo at sabay na kaming naglakad palabas. Bakas sa hitsura ni Inang ang katandaan ngunit buhay na buhay ang mga mata niya. Tila wala din itong iniindang sakit sa katawan. Hindi maitatanggi na malakas pa ito gayundin din si Akay. Habang palabas ay hindi maiwasan na langhapin ko ang pinagsamang amoy ng lampara at sariwang hangin na nanggagaling sa labas. Nakaka-miss ang amoy ng lampara at ang malamlam na sinag mula doon. Gano'n na gano'n kasi ang karanasan ko sa bahay nila lolo at lola noon. Inabutan namin na nagtatawanan sina Mang Crisanto at Akay. Agad na naupo si Inang sa tabi ni Akay. Nasa tapat lamang nila ang tila bonfire na patuloy pa ring nag-aapoy. May init na dulot iyon sa balat, tama lamang sa malamig na simoy ng hangin. May ilang bata rin ang nagkumpulan sa kabilang banda at tahimik na nagkukwentuhan. May lenggwahe silang binibigkas na hindi ko maintindihan pero isang bagay ang maliwanag sa akin, sila ay masaya. Tumayo ako at dumeretso ulit sa loob ng bahay. Nakita kong nagsasabon na ng pinggan si Mayumi. Nakangiti akong lumapit sa gawi niya at nagsalin ng tubig sa isang bakanteng palanggana mula sa mataas na drum na nasa gilid lang ng mahabang kawayan na nagsisilbi nilang lababo. "Hindi po ba nakakahiya sa iyo, ate?" alanganin niyang tanong sa akin. Mariin akong umiling. "Bakit ka naman mahihiya? Napakadali lang naman nito, e." Tila nahihiya naman siyang nagyuko ng ulo. "Wala naman po. Kayo lang po kasi yung naging bisita namin na tumutulong pa sa gawaing-bahay." Natawa ako ng bahagya sa sinabi niya. "Wala ito." Masaya naman siyang sumulyap sa akin at nagpatuloy na sa pagsasabon ng mga plato. Patapos na kami ng may naisipan akong itanong sa kanya. "Buti magaling ka magsalita ng tagalog? Narinig ko kasi sa labas na iba ang salita ng mga bata." "Opo, yun po ang nakasanayan naming salita dito lalo na yung ibang bata. Pero dahil madalas kaming makihalubilo ni kuya sa mga turista sa bayan, tinuruan din kami nila Inang at Akay na magsalita ng tagalog. Para hindi daw kami mahirapan at para hindi kami maloko," mahabang paliwanag niya sa akin. "Gano'n ba. Teka, nag-aaral ba kayo? Sa nakita ko kasi, masyado kayong malayo sa bayan." curious na tanong ko sa kanya. Napansin ko na nalungkot ang maamong mukha niya bago umiling sa akin. "Sinubukan po namin ni Kuya Lakan. Pero no'ng natuto na kaming magbasa at magsulat, huminto na rin kami. Masyadong malayo ang eskwelahan. Naisipan nalang namin na kami na rin ni kuya ang magtuturo sa mga bata dito araw araw." tila proud na sagot niya. Totoong humanga ako sa sinabi niya. Nalulungkot ako para sa kanila. Nakikita ko ang pagpupursige niya at ang kagustuhan talagang matuto. Sadyang maramot lang ang kapalaran sa musmos na gaya nila. "Mahusay! Hayaan mo, sasamahan ko kayo ni Lakan na magturo sa mga bata dito. Gusto mo ba 'yon?" masayang tanong ko sa kanya. Nanlaki ang mga mata niya at nagningning sa narinig. Kahit sa malamlam na sinag ng lampara ay malinaw kong nakita ang saya na bumakas sa buong mukha niya. "Wow! Talaga, ate? Ang saya saya naman." pumapalakpak na bulalas niya. Muli kong ginulo ang buhok niya. "Oo naman!" Nagulat pa ako ng magtatakbo siya sa labas at pinuntahan ang mga batang nagkukumpulan sa gilid ng apoy. Masaya niyang ibinalita sa mga ito ang sinabi ko. Nakita ko din kung paanong mamangha ang mga bata kasabay ang bulungan na may halong tawa. Sinipat ko ang oras sa relo na nasa braso ko. Mag-aalas otso pa lang pala ng gabi. Napag-isip isip ko na baka ilang araw mula ngayon ay bababa ako sa bayan upang bumili ng ilang pangangailangan para sa pagtuturo sa mga bata. Siguradong mai-enjoy ko ang pagtuturo sa kanila. Sumunod ako sa labas at nagpunta din sa gawi ng mga bata. Tila nahihiya ang mga ito. Bilib din ako sa tibay ng katawan nila sa lamig. Ang iba kasi sa kanila lalo na yung mga batang lalaki ay wala pa ring pang-itaas na kasuotan. Nakiupo ako sa kanila, ngumingiti naman sila sa akin pero lamang ang hiya sa hitsura nila. Kinakausap sila ni Mayumi sa lenggwahe nila at tila masaya at excited naman ang mga ito at nagtanguan. Maya maya ay bumaling si Mayumi sa akin. "Excited daw sila, Ate." Nakangiting sambit niya. Tumango naman ako sa kanya. "Sige, sandali lang Mayumi, ha? May itatanong lang ako kay Manong Crisanto," sabi ko bago tumayo. "Sige po, ate." Nakita ko naman na tumayo si Manong Crisanto at pumasok sa loob ng bahay. Tila may kinuha ito doon. Inabangan ko ang paglabas niya para itanong ang isang bagay. Nakita ko naman na lumabas din siya kaagad. "Manong, may itatanong sana ako," panimula ko. "O, Andriette. Sige, ano ba 'yon?" "Maaari bang dumaan bukas sa shortcut? Bababa sana ako para bumili ng ilang school materials para sa mga bata." Napahinto siya sa paglalakad at takang lumingon sa akin. "Bababa ka ulit bukas? Teka, hindi ka pa nakakarating sa tuktok, diba?" Tumango naman ako at lumabi. Nag-iisip kung ano ang uunahin. "Ang totoo kasi niyan, Manong. Gusto ko sana manatili dito ng 2 months and a half," deretsong saad ko. Lalong nangunot ang noo ni Manong Crisanto sa pagtataka. "Ano kamo? dalawang buwan mahigit. Sigurado ka ba, Iha?" medyo napalakas ang pagkakabanggit niya. Siguro ay dahil sa pagtataka niya. "Siguradong-sigurado po ako, Manong. 'Yon talaga ang plano ko sa tatlong buwang bakasyon ko. Naaawa kasi ako sa mga bata." "Paano yung pag-akyat mo sa tuktok? Yung tungkol naman sa pagdaan mo sa Private Property ng mga Asusacion, hindi ko masasagot 'yan. Pwedeng personal kang magsabi sa kanila kapag nando'n ka na. Pero sasabihin ko na sayo ngayon na hindi ako sigurado kung papayag sila," walang kumpyansang paliwanag niya sa akin. "Gano'n ho ba. Wala naman sigurong mawawala kung susubukan ko. Hayaan n'yo ho, gagalingan ko nalang ang pakikipag-usap sa kanila." nakangiting sagot ko sa kanya. Tumango naman siya sa akin pero nandoon pa rin ang pagdududa sa mga mata niya. Naki-upo na rin ako kila Inang. Ilang saglit pa ay may nagmamadaling lalaki ang lumapit sa gawi namin. Naupo ito malapit kay Manong Crisanto. "Akay, Inang. Umalis na daw ang mag-asawang Asusacion patungong Manila kaninang hapon para sa pakikipag-ugnayan nila sa gobyerno tungkol sa itatayong Dam dito sa atin," humahangos na bulalas niya. Parang natataranta pa ito at hindi mapalagay sa kinauupuan niya. Napatayo naman si Akay sa narinig. "Ano?! Hindi 'yan maaari," galit na sambit niya. Agad naman siyang hinawakan ni Inang sa mga kamay at pilit na pinakalma at pinabalik sa pagkakaupo. "Anong gagawin natin, Akay? Mawawala na ba sa atin ang lupaing ito?" malungkot na pahayag ng lalaki. Mariing umiling si Akay, "Hindi ako papayag! Magkakamatayan muna kami bago nila maangkin ang lupaing ito." Maging ako ay nagulat. Pero alam ko na hindi basta basta ang pagtatayo ng Dam. Inaaral mabuti ang bagay na 'yon bago simulan. May oras pa ang mga katutubong ito na ipaglaban ang kanilang karapatan at kinakailangan siguro nila ang tulong ng isang may alam lalo na kung maagrabyado sila. Hindi naman ako abogado pero may kakayahan akong kumuha noon. Hindi kakayanin ng konsensya ko ang hayaan na lamang sila at panuoring nalulungkot ng husto... "Huwag ho kayong mag-alala. Tutulungan ko kayong magkaroon ng boses," hindi napigilang sabat ko sa usapan nila. Agad na napokus ang atensyon nilang lahat sa akin. Tila inaarok ang katotohanan sa binitawan kong mga salita at kung totoo ba 'yon o hindi…
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD