KABANATA 8

2179 Words
Maaga akong nagising kinabukasan. Alas singko pa lang ay nag-aasikaso na ako. Gising na din naman si Inang. Paglabas ko upang magsipilyo sana ay naipagtimpla niya na pala ako ng kapeng gawa sa sinangag na bigas. Agad na napukaw ang atensyon ko ng mabangong aroma na nanggagaling sa kape. Agad ko iyong tinikman. Saktong sakto lang. Masarap sa malamig na panahon. Ipinagpaliban ko muna ang pagsisipilyo at naupo sa mahabang upuan habang nagkakape. "Ang aga n'yo naman pong magising, Inang," sabi ko. Naupo na din siya sa katabing upuan at humigop ng mainit na kape. "Alam mo, Iha. Sa idad kong ito, masaya na ako sa apat na oras na tulog. Pagising-gising din talaga ako." paliwanag niya sa akin. Ngumiti naman ako sa kanya bago muling humigop ng kape. Maya maya ay tumayo si Inang. "O, pano. Maiwan muna kita dito, ha? May sisilipin lang ako sa likod-bahay," pagpapaalam niya sa akin. "Sige po, Inang. Mag-iingat po kayo." Nang matapos ko ang pagkakape ay naghilamos na ako ng mukha at nagsepilyo. Parang may yelo ang tubig na nandoon. Mas malamig pa sa araw araw na pinanliligo ko sa Manila. Binasa ko na lang ang towel ko na siyang ipangpupunas ko sa katawan ko. Hindi ko yata kakayaning ipanligo ang napakalamig na tubig doon. Plano kong ituloy na muna ang pag-akyat sa tuktok ng bundok habang nandoon pa si Manong Crisanto. Kailangan niya na din daw palang umuwi sa kanila ngayong araw. Sasabay na lang siguro ako sa kanya sa pagbaba mamaya upang makabili ako ng mga dapat kong bilihin. Nakagayak na ako ng lumabas ng bahay. Apat na oras na trekking daw ang kailangan namin bunuin bago marating ang pinakamataas na parte ng Sierra Madre. "Ate, gusto namin sumama sa inyo," excited na sabi ni Mayumi. Sinalubong ako ng kambal paglabas ko ng pintuan. "Sigurado ba kayo? Ok lang kaya kina Inang at Akay?" nag-aalalang tanong ko. "Naku, wala pong problema sa kanila. Madalas po naming inaakyat ang dulo lalo na kung maghahanap kami ng baboy ramo," ani Lakan. "Ganun ba. O, sige. Pero magpapaalam pa rin tayo sa kanila." Akma akong tatalikod upang hanapin sina Inang at Akay para makapag-paalam pero nagulat pa ako ng makita sila sa likuran ko at matamang nakikinig lang sa amin. Hindi ko namalayan ang paglapit nila. Napahawak pa ako sa dibdib ko sa labis na pagkagulat. "Nandiyan na ho pala kayo," gulat na sambit ko. "Ay, kanina pa, Iha." natatawang sagot ni Akay. "Sige na at baka tanghaliin kayo ng husto sa pag-akyat. Huwag mong intindihin ang dalawang 'yan. Sanay na sanay na sila doon," dagdag pa ni Inang. Wala naman akong nagawa kung hindi ang tumango sa dalawang matanda. Nakaakbay si Akay kay Inang. Tila mga binata at dalagang nagsisimula pa lamang magmahalan. Kinilig ako ng bahagya sa hitsura nilang dalawa. Mababakas sa anyo ng dalawa ang tunay at wagas na pag-ibig. Walang halong biro at purong puro. Pag-ibig na inaasam ko ring maramdaman balang araw. "Huwag kang mag-alala, Iha. Ang pag-ibig mo ay nasa paligid lang," makahulugang sambit ni Akay na labis kong ikinagulat. Tila nababasa niya ang iniisip ko. "H-ho? nako, Akay. Wala pa ho sa isip ko 'yan," mabilis na tanggi ko pero ramdam ko ang pamumula ng magkabilang pisngi ko. "Nakakatuwa lang ho kayo pagmasdan ni Inang. Mahal na mahal n'yo ang isa't isa." Nahihiya akong aminin sa kanila ang katotohanang nais ko na din maramdaman ang tunay na pag-ibig. Sa edad na dalawampu't anim, ni minsan ay hindi ko pa naranasan magkanobyo man lang. "Syempre naman, si Inang n'yo ang nag-iisa, tunay at wagas na irog ko." mabulaklak na litanya ni Akay. Hindi naman nakaligtas sa mga mata ko ang matamis na ngiti ni Inang. "O, ano? Ready ka ba, Andriette? Mas matarik ang aakyatin natin ngayon," si Manong Crisanto. Mukhang handa na rin siya sa pag-akyat. Mabilis akong tumango sa kanya at nag-paalam na rin sa dalawang matanda. Tila balewala naman kay Manong Crisanto ang pagsama ng kambal sa amin. Mukhang sanay na rin siya sa presensya ng mga ito. Alas singko 'y media ng magsimula kaming maglakbay. Sa kalagitnaan ay may mga hagdan na tila sadyang ginawa sa lupa. May kataasan din iyon. Hindi ko nabilang kung ilang baitang ang nalampasan ko pero aminado akong nanakit ang binti at tuhod ko sa sobrang haba. Nang malampasan namin ang may kataasang hagdanan, malalaking bato naman ang sumalubong sa amin. May ilog din sa bandang 'yon na hanggang tuhod ang taas at kailangan naming tawirin iyon. Napakalinaw at napakalinis ng tubig! Hindi ko maiwasang mamangha. Malamig at sariwa, may kalakasan din ang ragasa no'n. Pinili kong hubarin ang sapatos ko para mas makatawid ako ng maayos. Nakaalalay naman sa akin ang kambal habang nauuna si Manong Crisanto sa amin. Masayang kausap ang magkapatid na Kambal. Hindi ako naboring kahit pa mahirap at madulas ang dinadaanan namin. Naaliw ako sa mga kwento nila. Ni minsan ay hindi nila nabanggit ang tungkol sa Dam na nais ipatayo sa lugar nila. Siguro ay walang ideya ang mga bata tungkol doon. Mas maigi na din siguro ang gano'n dahil sigurado akong malulungkot ng husto ang mga ito kapag nalaman nila ang tungkol bagay na 'yon. Matapos ang dalawang oras ay narating namin ang mapunong parte ng kabundukan. Matatas at tuwid ang matataas na punong naroon. Iginala ko ang paningin ko sa paligid. Napakaganda! Puro tuyong dahon na iba iba ang hugis ang tinatapakan namin, nagkalat ito sa malawak na parte ng gubat na 'yon. Nauna akong maglakad sa kanila. Para kasing nagpahuli talaga sila sa akin. Akma akong hahakbang ng mapansin ko ang manipis na lubid sa lupa. Agad ko iyong iniwasan. Alam kong isa ito sa patibong na maaaring ginawa ng magkapatid para sa baboy ramong sinasabi nilang hinuhuli nila doon. Nagulat pa ako ng magpalakpakan ang tatlong kasama ko matapos kong lampasan ang manipis na lubid. Kung iba iba lang ay hindi iyon mapapansin agad at malamang na lumambitin na ito ng una ang paa sa ere. "Nakakabilib ka naman, Ate." Masayang lumapit sa akin si Mayumi. "Teka, inaasahan niyo ba na mahuhuli ako ng patibong na 'yan?" natatawang tanong ko. "Sasabihin sana namin sa 'yo kanina. Pero sabi ni Mang Crisanto. Alam mo daw 'yon kasi mahusay ka din sa bundok. Kaya hindi na namin sinabi," nakangiting tugon ni Lakan. Agad na nabaling ang tingin ko kay Manong Crisanto. Nagtatanong ang mga mata ko ngunit nagkibit-balikat lamang ito habang nakangiti ng ubod laki sa akin. "Paano pala kung nahuli ako?" di mapigilang tanong ko sa kambal. "Edi ibababa ka namin," mabilis na sagot ni Mayumi. "Hmm, kayo ha. Marami na siguro kayong nahuli diyan, no?" "Opo, ate. Karamihan mga turistang umaakyat din dito," sinabayan iyon ng halakhakan nilang tatlo. Maging ako ay di napigilan ang pagtawa. Tila magkakasabwat ang mga ito sa gano'ng gawain. "Ay, ang bad," bulalas ko. "E, kasi nauuna sila sa amin, e. Mga nagmamagaling naman madalas ang napapatibong diyan, Ate. Yung mga hindi marunong makinig kay Mang Crisanto," pagkaklaro ni Lakan. "Kadalasan ay hanggang dito lang kami umaabot para manghuli. Minsan ay sumama kami kay Mang Crisanto hanggang sa Dulo," dagdag ni Mayumi. Napatango tango naman ako sa narinig ko. "Hay nako. Tena at may dalawang kilometro pa tayong lalakbayin," singit ni Manong Crisanto. Nauna na itong maglakad sa amin. Agad naman kaming sumunod sa kanya. Mas naging mapagmatyag pa ako sa paligid. Pamilyar naman ako sa mga patibong na madalas ginagamit sa bundok. Maliban na lang siguro kung may kakaiba silang ginagamit para sa paghaha-hunting. Di naman maitatangging mas mahuhusay sila kaysa sa akin dahil sila talaga ang tunay at purong mga Pilipino. Alas diyes na ng marating namin ang tinatawag nilang Dulong bahagi ng Mount Bintuod. Wala akong masabi. Tila hindi ako makahinga ng bumungad sa akin ang kabuoang sakop ng kabundukan. Breathtaking, Instagrammable, at tunay na kamangha-mangha! Hindi ko mapigilang maluha sa ganda ng tanawin. Kahinaan ko talaga ang kalikasan. Hinayaan kong manawa ang paningin ko, wala akong pinalampas hangga't naabot ng mga mata ko. Pero mukhang hindi nakakasawa ang napakagandang tanawin na naroon. Parang nasa paanan ko ang ulap. Pinuno ko ng magagandang litrato ang camera ko. Sigurado akong walang tapon sa mga iyon. "Ilang oras tayo pwedeng manatili dito, Manong?" Naupo si Manong Crisanto sa tabi ko. Kasalukuyan akong nagpapahinga matapos kumuha ng napakaraming litrato sa buong paligid. Ang kambal ay masayang uma-akyat ng mga puno at nangunguha ng mga prutas. "Mas mabilis naman ang pagbaba. Kailangan alas tres ay nakababa na tayo kila Inang at Akay. Aabutin kasi ako ng dilim pababa sa bayan kapag nagkataon," paliwanag niya sa akin. Sinipat ko ang relo ko, alas onse na. Tinantya ko ang oras at nagpasyang bumaba pagtuntong ng alas onse 'y media. Agad namang sumang-ayon si Manong Crisanto. "Siya nga ho pala, Manong. Sasabay sana ako sa pagbaba n'yo sa bayan." Gulat na nilingon niya naman ako pero tumango din pagkatapos. "Walang problema. Pero sino ang kasama mong aakyat?" nag-aalalang tanong niya. "Ilang oras ho ba ang mababawas kapag sa private Residence ng mga Asusacion tayo dadaan?" Agad na nag-iwas ng tingin si Manong Crisanto. Inaasahan ko na ang gano'ng reaksyon n'ya. "Halos kalahati din," simpleng sagot niya sa akin. "Kung gayon, ituro n'yo ho sa akin ang daanan mamaya, Manong." "Pero-paano kung.." hindi niya maituloy ang sasabihin. "Ako ho ang bahala," tiwalang sambit ko sa kanya. Nakita ko naman ang pagkibit niya ng balikat. Ilang minuto ko pang pinagmasdan ang ibabang bahagi na tanaw mula sa kinauupuan namin. Narealize ko na napakaliit lang pala talaga ng mga tao dito sa mundo. Tunay na may kakayahan tayong magmanipula ng mga bagay bagay higit lalo na ang kalikasan pero wala tayong magagawa kapag binalikan tayo nito. Nakakalungkot isipin na maraming nadadamay dahil sa kasakiman ng iilan. "Nakikita mo ba ang mababang parte na iyan?" dinig kong sambit ni Manong. Nakaturo siya sa lugar na batuhan at may malawak na sapa. napapalibutan din iyon ng mga punong kahoy. Tumango ako sa kanya. "Virgin forest 'yan. Maraming hayop ang nariyan. Mawawala yan kapag itinayo na ang proyekto nilang Dam," malungkot na pahayag niya. Muling nabuhay ang lungkot sa damdamin ko. "Hindi maaari!" may diing sambit ko sa kanya. Nagtatakang lumingon siya sa akin. "Totoo bang may magiging laban tayo?" may bahid ng dudang tanong niya sa akin. Nilingon ko siya at tinitigan sa mata. "Meron ho, Manong. Basta't magkakaisa ang lahat ng tao na tutol sa proyekto. Maaari din tayong humingi ng tulong sa ibang tao gamit ang social media. Malakas ang laban ng nagkakaisang tinig, Manong. Ako ho ang bahala. Tutulong ako sa abot ng makakaya ko," buong tiwalang sagot ko. Gusto ko silang mapanatag at magkaroon pa ng lakas ng loob. Tila nahiya naman siyang nagyuko ng tingin. "Umaasa ako, Andriette. Sana ay hindi tayo mabigo." malungkot pa rin ang tinig niya. Hindi na ako kumibo. Agad na napukaw ang atensyon namin ng lumapit na ang kambal. May dala silang chesa at duhat na nakabalot lamang sa suot-suot nilang damit. Bagay na madalas ko ding ginagawa noong maliit pa ako. "Wow! Ang dami naman," di mapigilang bulalas ko. "Marami pa nga doon, Ate. Kaso alam kong bababa na rin tayo." magiliw na saad ni Mayumi. "Aba at malakas din pala ang pakiramdam mo, ha?" manghang sambit ko. "Oo naman ate, kami pa!" sabay na sambit ng dalawa. Natawa naman ako sa kanila bago kumuha ng ilang pirasong duhat. Agad ko iyong nilantakan at tumayo na pagkatapos. Pinagpag ko ang suot na leggings at naghanda na para sa aming pagbaba. "Ate," mahinang tawag ni Lakan. Kasalukuyan kong isinusukbit sa likod ko ang bagpack na dala dala ko. "Ha?" takang tanong ko. "Sshh. Wag kang malikot ate. Wag kang gagalaw!" Pabulong na sabi din ni Mayumi. Nagtataka man ay sinunod ko sila. Pero agad kong naramdaman na may kung anong pumatong sa balikat ko. Mula sa gilid ng mga mata ko, nakita ko ang isang mabalahibo, maitim at medyo malaking gagamba. Nagulat pa ako sa mabilis na pagkilos ni Lakan. Gamit ang damit na hinubad na ibinalot sa kanyang kamay ay nakuha niya ang gagamba sa balikat ko. Ang akala ko ay napatay niya iyon pero hindi. Nang malapitan ko iyon ay doon ko lang napagtanto na isa pala itong Black Widow Spider. Isa sa pinakadelikadong gagamba na nandito sa Pilipinas! Agad naman namin itong pinakawalan. Di naman lingid sa akin na may kakambal na disgrasya ang pagiging mahilig ko sa Natural na ganda ng kalikasan. Higit lalo na kapag sinusubukan kong pasukin ang mga Virgin Forest. Tiwala naman ako sa sarili ko. Alam kong kaya kong pangalagaan ang sarili ko. "Thank you, Lakan. Ang tapang mo pala," magiliw na sabi ko sa batang lalaki. Ngumiti lang siya sa akin at tumango. Maya maya ay may natanaw kaming gumagapang. Nakatalikod ito sa gawi namin. Para itong buwaya pero alam ko na isa itong bayawak! Isang malaking bayawak at ito ay nakaharang sa daraanan namin pababa..
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD