ANDRIETTE'S POINT OF VIEW
Alas singko pa lang ay gising na ako. Maaga akong nagshower at nagpalit na ng pang-hiking na kasuotan. Alas-syete ang oras na ibinigay sa akin ng tour guide na sasama sa akin sa pag-akyat. Magkikita daw kami sa paanan ng Mount Bintuod. Ito rin ang pinakamataas na parte ng kabundukan ng Sierra Madre at ang pinili kong destinasyon.
Malapit lang din mula sa pinag-stay-an ko ang meet-up place namin ni Manong Crisanto. Ako din ang personal na pumili sa kanya bilang tour guide ko. Siya kasi ang inirekomenda ng mga taong pinagtanungan ko dahil napakahusay daw nito at isang propesyunal na mountaineer. Sa isyung panseguridad ay hindi naman ako nag-aalala kahit ako lang mag-isa dahil marami din naman akong alam pagdating sa kabundukan. Ang iniisip ko lang ay ang katotohanang posible akong maligaw. Napakalawak ng Sierra Madre at aminado ako na hindi ko kabisado ang daan paakyat sa pinakamataas na parte ng bundok na ito.
Matapos mag-check-out ay humanap ako ng pwede pagkapehan. Sa di kalayuan ay natanaw ko ang isang karinderya, mabilis akong nagtungo doon at um-order ng kape at pandesal. Nasa tapat lang ng karinderya ang usapan naming lugar ni Manong Crisanto. Wala pa ang matanda kaya nirelax ko muna ang sarili at in-enjoy ang kape at malasang pandesal sa harap ko. Sinipat ko ang suot na orasan, alas-sais pasado na din pala.
Maya maya lang ay natanaw ko na ang bultong papalapit na din sa gawi ng karinderya. Si Mang Crisanto nga iyon.
Kaagad na kumaway ito sa akin ng makilala ako. Ginantihan ko naman ang kaway niya, ilang sandali pa ay nakalapit na ito sa pwesto ko. "Nag-almusal na ho ba kayo, Mang Crisanto?"
Ngumiti naman siya sa akin at mabilis na tumango. "Naku, iha. Maagang nagluluto ang asawa ko. Hindi ako maaaring umalis ng bahay nang hindi kumakain." Nakangiti nitong tugon sa akin.
"Oo nga pala, kailangan pa ba kitang I-briefing?" Natatawang tanong niya sa akin.
Sa pagkakataong 'yon ay ako naman ang napangiti. "Nako, Manong Crisanto. Kung hindi n'yo ho naitatanong e hindi naman ako baguhan sa pag-akyat ng mga bundok. Saka tayo lang naman ho, diba? Wala naman akong ibang kasabayan?"
"Wala naman. Pakiramdam ko din naman alam mo na ang mga dapat gawin. Pero kailangan na nating magsimula dahil mamaya ay sobrang init na," aniya.
"Gano'n ho ba. Kung gayon, e tayo na ho pala." tumayo ako at inayos ang pagkakasukbit ng may kalakihang bag sa aking likod. Maging si Manong Crisanto ay may sukbit sukbit na bag sa likuran. Nasa mid 40's na ang idad nito subalit kung titingnan ay medyo bata bata pa ang hitsura nito. May maayos na tindig at kahit papano ay may hitsura din naman. Ayaw nga daw nitong tinatawag siyang manong pero sabi ko doon ako kumportable kaya naman wala na din siyang magawa kung hindi ang pumayag.
Hindi naman naaalis ang ngiti sa mga labi ni Manong Crisanto habang hinihintay ako. Ilang sandali pa ay pinauna ko na itong maglakad. Tumawid siya sa kabilang kalsada matapos magpaalam sa mga taong nangangalaga sa maliit na karinderya. Doon kami magsisimulang umakyat. Excited na may halong kaba ang nararamdaman ko. Sa sobrang tagal na panahong hindi ko nagagawa ang ganitong adventure ay tunay na naninibago na rin ang katawan ko.
Tahimik akong sumambit ng maikling dasal upang gabayan at maging ligtas ang pag-akyat namin bago nagsimulang maglakad.
Humugot ako ng isang malalim na hininga, kusang ngumiti ang labi ko ng sipatin ang pataas na bahaging aakyatin namin. Na-miss ko ng husto ang ganito. Hindi na 'ko nagpatagal pa, sinimulan ko ng sundan si Manong Crisanto.
Mabato at matarik ang binabaybay namin ni Manong Crisanto, may tatlumpung minuto na din kaming nagbabaybay. "Manong, may mga nakatira din ho ba dito?" naisipan kong itanong.
Huminto naman ito sandali. Lumingon siya sa gawi ko. "Ang totoo niyan, may daang maayos doon sa kabilang parte." Itinuro niya sa akin ang kaliwang parte ng gubat. "Kaso lang, ang pamilya Asusacion lang ang may karapatang dumaan doon. Ang mga kapatid na Aeta at ibang tribo na nakatira sa taas ay dito rin mismo dumadaan."
Napakunot naman ang noo ko sa narinig.
"S-sino ho yung pamilyang 'yon dito, Manong?"
Napansin ko ang paglungkot ng mukha ni Manong Crisanto. Lalo tuloy akong nahiwagaan sa sinasabi niya. Nagpatuloy na kami sa paglalakad.
"Ang pamilyang 'yon ang pinakamayaman hindi lang sa buong baryo ng Bintuod kung hindi maging sa mga kalapit na baryo pa. Masasabi ko na isa rin sila sa pinakamakapangyarihan at may kakayahang gawin ano man ang naisin nila." halata ang lungkot sa mga huling tinuran niya.
Hindi naman ako kumibo. Sa likod ng isip ko ay wala naman itong kinalaman sa akin. Binalewala ko ang naramdamang bigat sa mga salitang binitawan ni Manong Crisanto at nagpokus na lang ako sa madudulas na batong tinatapakan ko.
Ilang sandali pa ay naririnig ko na ang lagalas ng tubig. Sa hindi malamang dahilan ay may tuwa akong naramdaman at excitement. Binilisan ko pa ang paglalakad at mas inunahan si Manong Crisanto.
"Teka, mag-iingat ka, Andriette. May ku---"
Sigaw niya sa akin. Ngunit bago pa man niya matapos ang sasabihin ay naramdaman ko ang unti-unting paglubog ng paa ko ng hindi sinasadyang natapakan ko ang malambot na putik.
"Holy- Kumunoy?!" naibulalas ko sa sarili.
Mabilis kong hinubad ang sukbit-sukbit na bag at inihagis ito ng medyo malayo sa gawi ko kasama ang camera na hawak-hawak ko lang.
Mabilis namang kumilos si Mang Crisanto. Nilagpasan niya ako at tinungo ang malaking puno hindi malayo sa gawi ko. Maya maya lang ay nasa itaas na siya ng malaking sanga nito na nakatapat sa gawi ko. "Kumapit ka dito. 'Wag kang gagalaw ng husto para hindi ka lumubog ng mabilis," aniya.
May makapal na lubid ang bumagsak sa tapat ko, agad ko iyong kinapitan. Mabilis ang paghigop sa akin, lagpas beywang na ang nakalubog sa katawan ko. Para akong hinihila pailalim ng dahan-dahan. Hindi ako kumikilos maliban sa hawak ko lang ang makapal na lubid. Mabilis namang nakababa si Mang Crisanto. Hinila niya mula doon ang karugtong na lubid ng hawak ko.
Napansin ko na may lock din ang lubid at may kinakapitan itong matibay na ugat. Siguro ay upang mas madali akong mahihila. Naging maingat at mabilis naman ang pagkilos ni Manong Crisanto, naiangat niya ako ng maayos at ligtas. Yun nga lang, putik putik na ang katawan ko.
"Salamat ho," hingal na sambit ko.
"Ikaw na bata ka, ba't ka ba biglang nagpatiuna?" takang tanong niya sa 'kin.
Nangiti naman ako sa tinuran niya. "Bata?" Bulong ng isip ko. "May narinig po kasi akong ragasa ng tubig. Gusto ko na sanang makita 'yon."
Nailing naman siya sa narinig, "Yun lang ba? 'Wag kang mag-alala, malapit na tayo doon at siguradong maglilinis ka ng katawan mo doon," aniya habang tumatawa.
"Kaya nga ho," tanging nasabi ko. Tumayo na ako at akmang kukuhain ko na sana ang bag ko at camera ng agawin 'yon sa akin ni Manong Crisanto.
"Ako na, marumi ka at ang kamay mo."
"H-hindi ho ba nakakahiya, may kabigatan po 'yan," nahihiyang sabi ko.
Mariing umiling si Manong Crisanto at kunwa'y inilabas ang muscle sa braso niya.
"Naliliitan ka ba dito?"
Napabungisngis naman ako sa ginawa niya.
"Sige na ho, kayo na ang may muscle," sarkastikong sambit ko. Agad naman niyang binitbit ang bag ko at isinukbit sa leeg niya ang camera.
"Oh, dahan-dahan lang, ha?" naninigurong tanong niya. Masaya naman akong tumango at ngumiti sa kanya.
Hinayaan ko na siyang mauna. Ang totoo, para akong naubusan ng lakas kanina. Para akong hinahati habang inaangat ni Manong Crisanto ang katawan ko mula sa kumunoy. Ang lakas kasi ng pwersa na nanggagaling sa ilalim.
Habang tumatagal ay mas lumalakas pa ang ragasa ng tubig na naririnig ko. Pinigilan ko ang sariling damdamin, sobra lang talaga akong nae-excite. Hanggang sa huminto si Manong Crisanto, nakita ko mula sa likuran ang paghinga niya ng malalim at tila may tinatanaw mula sa gawi niya. Dahil maraming malalagong d**o ang humaharang, hindi ko tuloy makita ang tinitingnan niya. Mabilis akong lumapit sa kanya at hinawi ang d**o na humaharang sa mata ko.
Napanganga at napahanga ako sa nakita ko! Hindi maitatanggi ang ganda ng tanawin na iyon. Isang maliliit na talon na kinorteng mala-rice terraces ang bumungad sa amin. Maraming mga punong nakalabas na ang mga ugat sa paligid na mas nagpaganda pa nang lugar ng animo'y marmol na hagdanang dinadaluyan ng malinaw at malinis na tubig.
"O." itinapat ni Manong Crisanto sa mukha ko ang isang panyo.
Agad na nabaling ang paningin ko sa kanya.
"Ano ho ito?" takang tanong ko.
"Pamunas mo sa laway mo, ayan nga at tumutulo na o," aniya habang tinuturo ang bibig ko.
Agad na naramdaman ko ang pamumula ang pisngi ko. Mabilis kong kinuha ang panyo at itinapat sa bibig ko at pinunasan.
"Seryoso ba kayo, Manong?" nahihiyang tanong ko.
Tumawa naman siya nang may kalakasan. Agad na nag-echo 'yon sa buong lugar.
Napasibangot ako sa ginawa niya. "Hmm, tinatawanan niyo ako, Manong!" kunwa'y inis na pahayag ko.
"Ang cute mong bata ka. Hindi 'yon totoo!" natatawa pa ring tugon niya.
Nairap naman ako sa sinabi niya. Kahit may idad na ay may sense kausap si Manong Crisanto. Tunay na hindi ka maboboring kung siya ang kasama mo.
"Hala, sige na at maglinis ka na doon." pagtataboy niya sa akin. Oo nga pala, dahil sa amusement na naramdaman ko kanina ay pansamantala kong nakalimutan na marumi pala ako. Maging ang camera ko ay nawala sa isip ko. Marahan akong bumaba sa mga batong tila literal na inilagay doon upang maging tapakan.
"Mag-iingat ka diyan, madulas diyan," muli niyang sabi sa akin.
"Opo!" sagot ko sa kanya.
"May malalim bang parte dito, Manong Crisanto?" may kalakasang tanong ko habang nakaharap sa gawi niya.
"Meron naman, hanggang beywang lang. Doon banda," aniya at itinuro ang parang maliit na swimming pool sa gawing itaas.
Napatango-tango ako bago marahang umakyat. Hindi ko mapigilang hawakan ang kulay puti at tila marmol na mga batong hindi ko alam kung kusang inukit ng tao o natural na gawa ng kalikasan. Sobrang sarap sa pakiramdam ang ganitong pagkakataon. Hindi ako makapapayag na hindi makuhaan ng larawan sa malapitan ang mga ito mamaya.
Nang marating ko ang tila pang isahang swimming pool ay agad kong napansin ang ganda noon, sobrang linaw ng tubig at ang ilalim nito ay parang bato pa rin. Nakaramdam ako ng panghihinayang kung lulubluban ko lang ito dahil puro putik ang katawan ko.
"Sorry po. Kailangan ko kayo para maging malinis ako." hindi ko mapigilang hindi sabihin ang bagay na 'yon. Sa paraang 'yon kasi gumagaan ang pakiramdam ko.
Maya maya pa ay marahan na akong lumublob doon. Malamig ang tubig at medyo malakas naman ang ragasa noon kaya kusa ding lumilinaw ang tubig ng pinaglubugan ko.
Parang batang pinanuod ko ang unti-unting pagkawala ng mga duming nakakapit sa suot kong pantalon. Kusa ko din iyong nilinis bago ko inilubog ko ng husto ang katawan ko, wala na akong paki-alam kung mabasa man ako ng tuluyan. Ang natural na lamig ng tubig ay totoong nagpaparelaks sa mga kalamnan ko. Hindi naman siguro magagalit si Manong Crisanto kung medyo tumagal ako. Isa pa, gusto ko din muna mag-stay doon.
Mariin kong ipinikit ang mga mata ko, ang tahimik ng paligid. Ugali ko din magmeditate, naniniwala kasi akong ito ay isang paraan ng pagpapakain sa aking kaluluwa at espirito.
Nagpokus ako sa paghinga ko, 'wag lang sana ako abutin ng antok. Natawa ako sa isiping 'yon. Hindi kasi imposible na mangyari iyon lalo pa nga at totoong narerelaks na ako habang nakasandal lang ang ulo ko itaas na bahagi ng mala-cold spring na parte ng lugar na iyon.
Habang nasa kalagitnaan ako ng meditasyon at pagpopokus sa aking paghinga ay may kakaiba akong naramdaman sa paligid. Partikular na sa kanang bahagi ng ulo at tainga ko..
Dahan-dahan kong iminulat ang mga mata ko ngunit pinilit kong hindi makagawa ng anumang kilos.
"Tsss," mahina at mahabang tunog na naririnig ko. Kinabahan ako ng bahagya. Alam ng kahit sino ang uri ng tunog na iyon!
Muli kong narinig ang mahinang tunog at sa pagkakataong iyon ay unti-unti ko na ding nararamdaman ang balat ng nilalang na iyon sa ulo ko…