VII - Chevor

1784 Words
At SixthLand: The Land of Beauties Third Person Point of Vew "Kailangan nating magpadala ng sulat kay Emilia. Hindi siya dapat dumalo sa darating na kasiyahan sa kaharian. Labing - limang taon na ang nakalipas pero siguradong hindi pa nakakalimutan ng mga La Casa ang mga nangyari sa pagitan nila at ng mga Chevor at lalong hindi ko makakalimutan ang ginawa nila kila Erissa at sa angkan ng asawa nito na dating hari," sabi ni Ellysa sa anak na si Efren. Nasa loob sila ng kwarto ng anak habang hindi mapakali si Ellysa sa kanyang mga naiiisip. Palakad lakad siya at pabalik balik Napahawak naman si Efren sa sentido niya dahil sa pabalik balik ng ina. "Hindi na tayo ang magdedesisyon doon ina kundi ang asawa niya na si panginoong Gregor. Nasa kamay ni panginoong Gregor kung dadalo ba sila o hindi," sabi ni Efren. “Ang panginoon ng unang kalupaan ay ang kanyang asawa. Desisyon na nila iyon. May sarili na silang pag – iisip upang magdesisyon kaya naman huwag ka ng masyadong mag – isip pa.” "Siguradong dadalo ang panginoon ng unang lupain na si si Panginoong Gregor dahil si Devos ang nag imbita," sabi ni Ellysa. “Magkaibigan sila at hindi niya gugustuhin na mapahiya ang hari sa kanyang imbitasyon.” "Normal lang iyon ina upang hindi sila maparatangan na mga traydor," sabi ni Efren. “Alam naman natin ang batas sa buong mundo. Kahit hindi naman ay paparatangan ka ng isang bagay dahil lamang hindi ka sumunod.” "Wala akong pakielam kung paratangan silang mga traydor dahil wala silang karapatan! Sila ang dapat na tawaging mga traydor simula ng traydorin nila ang dating hari na si Beumont at ang iyong kapatid na si Erissa!" sabi ni Ellysa at hindi mapakali habang dala dala ang inis sa mukha. “Mga walang hiya!” "Iba ang panahon ngayon sa noon ina. Sa oras na hindi dumalo ang mga panginoon na inimbitahan ay mas lalong iisipin ng mga ito na wala sa kanila ang panig ng mga iyon. Buong pwersa silang susugod sa lupain upang sakupin ito," sabi ni Efren habang napapailing. “Ano ba ang nais mo? Gapiin nila ng pwersa ang pamilyang Aragon? Mas mapapahamak lamang sila Emilia kapag nangyari iyon. Kapag hindi sila dumalo ay iyon ang mas ipag alala mo.” Siguro ay hanggang ngayon ay hindi parin matanggap ng kanyang ina ang nangyari sa mga Valeeryan at kay Erissa na kanyang kapatid kaya ganito ito magi sip. Alam niyang kaaway nila ang mga ito pero kailangan nilang lumuhod upang mas magtagal pa ang kapayapaan. Kailangan nilang makipag alyansa dahil wala silang laban dito. Malalakas ang pwersa ng La Casa at River lalo na kapag pinaghalo sila. "Hindi niyo naiintindihan ng inyong ama ang sinasabi ko. Mag kaaway na ang Chevor at mga La Casa hindi sila pwede magsama sa iisang lugar. Mga ahas! Ang mga walanghiyang mga iyan! Tutuklawin ka ng mga ito ng biglaan," sabi ni Ellysa sa anak. “Hindi mo ba kilala ang mga ahas, Efren? Alam mo naman na lubhang delikado ang mga pesteng ito. Sila nga ang sumisibolo sa pagtratraydor kaya naman hinding hindi ako nagtititiwala sa kanila. Baka ano pang gawin ni Mercier sa aking anak na si Emilia!” Labis labis na ang nasaksihan niya noon at kahit gatiting na pagtitiwala ay hindi niya kayang ibigay sa mga ito. Kung lahat ay maniniwala sa mga pangako na binitawan ng mga La Casa na wala ng digmaan na magaganap siya ay hindi. Alam niya sa oras na maramdaman ng mga ito na may gumagapi sa kanilang kapangyarihan ay walang awang papatayin ito ng pamilyang La Casa pagka’t sila ay lahing ganid! Nangangamba siya na sila ay pamilyang Chevor. Ang natitira niyang anak na babae na si Emilia ay isang Chevor. Ang asawa nito ay isang Aragon. Ang Aragon ay isang makapangyarihang angkan na nakikipagsabayan sa kapangyarihan ng mga La Casa. Siguradong may binabalak din na katrayduran ang mga La Casa laban sa mga Aragon. "Ina gaya niyo ay nawalan din si ama ng isang anak. Nawalan kami ni Emilia ng kapatid. Masakit sa amin ang nangyari pero may mga bagay na kailangan nating tanggapin kahit masakit. May mga bagay na kailangan nating gawin kahit hindi natin gusto," sabi ni Efren at lumapit sa kanyang ina. "Magpahinga ka na siguradong pagod ka ngayon," sabi ni Efren. Napahinga naman ng malalim si Ellysa at lumabas ng silid. Paglabas nito ay nakasalubong nito ang asawa ni Efren. Si Olivia Blancheffeur- isang babaeng may maharlikang dugo. Kulay tsokolate ang mga mata nito. Maganda si Olivia. Maalon alon ang buhok nito na kulay tsokolate din ngunit mas maliwanag sa kulay ng kanyang mata. Galing ito sa lupain ng mga malalayang tao. Doon siya nakilala ni Efren. "Domina Ellysa," pagbati ni Olivia. (Lady Ellysa) Naglakad si Ellysa hanggang sa magkatapat sila ni Olivia. Si Olivia ang asawa ng kanyang anak na si Efren. "Gawin mo ang lahat upang hindi makasama sa kasiyahan si Efren at ikaw. Naiintindihan mo ba?" bulong na pagliliwanag ni Ellysa kay Olivia. “Ikaw ang asawa ng anak ko at responsibilidad mo siya. Huwag mong hahayaan na tumungtong siya sa kaharian dahil kung hindi ay mawawala siya sa ating piling.” "Naiintindihan ko po," sabi ni Olivia at nang marinig iyon ni Ellysa ay lumakad na paalis si Ellysa palayo sa silid ng mag – asawa. Napagusapan na nilang dalawa ang tungkol dito. Sang ayon si Olivia na huwag dumalo sa kasiyahan kaya naman ayos lang sa kanya ang bagay na hinihiling ni Ellysa. Kilala niya ang mga La Casa. Nasaksihan na niya ang mga bagay na kayang gawin nito para sa kapangyarihan kaya naman hindi na siya magtatanong pa kung bakit walang tiwala ang ginang na si Ellysa sa mga ito. Pumasok naman si Olivia sa silid nilang mag asawa at naabutan don si Efren na nakaupo habang nakaharap sa mesa. Nilapitan niya ito ng nagagalak at hinalikan sa pisngi. "Ano ang iyong isusulat?" tanong ni Olivia at yumakap sa kanyang asawa mula sa likuran. May hawak ang asawa niya ng papel at pluma. Napatigil naman si Efren at ibinaba ang pluma. "Sinabi sakin ni ina na sulatan ko si Emilia. Isang kasulatan na pinipigilan siyang dumalo sa kasiyahan sa kaharian pati na ang pamilya niya pero ang sulat rin na ito ay hindi tama. Para na rin kaming nagplaplano ng pagrerebelde laban sa kaharian. Ang kasiyahan ay pagdiriwang sa ikalabinlimang paghahari ni Haring Devos at ang sino man na hindi dumalo ay mapaparatangang traydor," sabi ni Efren na nagdadalawang isip kung itutuloy niya pa ang pagsusulat ng liham para sa kapatid. Hinawakan naman ni Olivia ang kamay ng asawa. Natuwa si Olivia ng makita ang singsing nila sa kamay. Isang bagay na nagpapatunay na mag asawa silang dalawa. "Kung sakaling totoo ang sinasabi ng iyong ina ay hindi maganda ang mangyayari sa kanila kapag dumalo sila sa kasiyahan. Sasaksakin sila sa likod ng walang kalaban laban ngunit kung sila ay mananatili sa kanilang lupain ay may pagkakataon silang ipagtanggol ang kanilang sarili," sabi ni Olivia ‘kay Efren. "At paano kung hindi tama si ina? Ipinapahamak ko ang aking kapatid pati na ang buong pamilya niya!" sabi ni Efren na hindi alam kung ano ang dapat gawin. "Gawin mo ang dapat," sabi ni Olivia. "Tama ang gagawin ko. Tama na dumalo kami sa kasiyahan," sabi ni Efren dito. "At kailangan ding paalalahan mo ang kapatid mo para sa panganib na naghihintay sa kanila sa kaharian," sabi ni Olivia sa asawa. "Pero kailangan kong mamili sa dalawa. Isa lang ang dapat kong gawin," sabi ni Efren at napahawak muli sa kanyang sentido. Hinilot niya ito. Sumasakit ang kanyang ulo at hindi niya alam kung ano ba ang dapat niyang gawin. Nais niyang sulatan ang kapatid ngunit natatakot siya na maging mitsa lamang ito ng panibagong digmaan. Isang digmaan na madugo at nakakatakot. Hindi niya nais iyon. Mahal na mahal niya ang kapatid niya at ayaw niya itong ipahamak ngunit naiisip din niya ang sinabi ng kanyang ina. Paano kung tama ito? Magiging nasa huli ang kanyang pagsisisi na hindi niya ito binalaan. Nahihirapan siyang mamili. "Hindi lahat ng tama ay tama dahil ang tama ay pwedeng maging mali at masama ngunit ang mabuti'y kailanman hindi magiging mali," paalala ni Olivia sa asawa. Napaisip naman si Efren. Tama ang dumalo pero mas mabuti ang handa. Anim ang hawak na lupain sa palad ng hari. Isang reyna ang anak ni Raciero La Casa at Mercolita Octavin. At ang reynang iyon ay si Mercier La Casa na asawa ng hari at may hawak hawak na malaking kapangyarihan. Ang Chevor ang namumuno sa ika anim na lupain at ang mga Aragon naman ang namumuno sa ika unang lupain. Kung magsasanib ang dalawang ito ay magagapi pa rin ito pagkat ang natitirang apat na lupain ay sanib pwersa na gagapiin sila. Kung sana ay kasama nila sa pwersa ang lupain ng mga malalayang tao at ang ikahuling lupain ay may pag asa silang manalo ngunit malabo ito. Walang pinuno ang buong lupain ng malalayang tao at abandonado na rin ang ikahuling lupain. Iba't ibang mga uri ng tao at pamilya ang naninirahan sa mga lupang ito at mahirap na itong pagsamasamahin. Kung ang mga Valeeryan na tinuturing na pinakamalakas ng angkan noong kapanahunan ng mga ito ay nagawang pabagsakin ng mga River at La Casa ay paano pa kaya ang mga Chevor na tulad nila? Nanghina na rin ang kanilang pamilya mula ng mangyari ang digmaan na iyon ilang taon na ang nakalipas. Mariing napa isip si Efren kung ano ba ang dapat niyang gawin. Ano man sa kanyang pagpipiliian ay may mabigat na kapalit. Wala siyang magagawa para iwasan ang dalawang iyon. Ang kailangan niya lamang gawin ay pumili ng mas magaan at mas pabor sa kanilang panig. Kung magkakamali sya sa pagpili ay tila isang mitsang sasabog silang lahat at mamamatay ng walang kalaban laban. Niyakap ni Olivia ng mas malapit ang asawa. “Naisip mo na ba ang magiging desisyon mo?” tanong ni Olivia sa asawa habang ang mukha ay nakalapit dito. "Minsan ang kabutihan ay hindi ka kayang sagipin sa kamatayan," sabi ni Efren at hinalikan ang kamay ng asawa saka tumayo at lumabas ng silid. Napatitig naman si Olivia sa naiwang pluma at papel sa lamesa nito. Kung ganon ay pinili nito ang tama kesa sa mabuti ngunit hindi siya papayag. Nais niya ring protektahan ang kanyang asawa laban sa dugong mga ahas na tulad ng La Casa. Tumingin si Olivia sa pinto upang makasigurado bago niya kinuha ang pluma na nakahiga sa itaas ng lamesa. Siya na ang nagpatuloy magsulat ng mga naputol na mensahe ng kanyang asawa.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD