I - The twins
At Last Land also known as the Abandoned Kingdom:
Old Name: The Land of Gods
"Usque fetens si nos ire manere in his foraminis rat? Cur non imus in arce, vesci licitum est illic?" tanong ng isang magandang babae na nakasuot ng purong asul na kapa.
(Hanggang kailan tayo mananatili sa mabahong tahanan ng mga daga? Hindi ginagamit ang kaharian sa itaas bakit hindi tayo roon manirahan?)
Nasa loob sila ng maliit na abandonadong tubo na daan ilalim ng kaharian.
Madilim ang paligid at tanging isang kandila lang ang nagbibigay ilaw sa kapaligiran.
"In arce desolata est tibi tutum non est ut illic grace it," sagot sa kanya ng binatang nakasuot ng itim na damit at may espada na nakasandal sa pader sa gilid nito.
(Ang kaharian ay matagal ng inabandona kamahalan. Hindi mabuting manirahan doon dahil lubhang mapanganib.)
"Quando ego prohibere usura illud?" dagdag na tanong ng babae habang nakaturo ang kamay sa isang maliit na bote.
(At hanggang kailan ko rin gagamitin ang gamot na iyan?)
"Ubi venit plenitudo temporis," sagot ulit ng binata sa kanya.
(Sa pagdating ng tamang panahon.)
"Tempus ubi est illud?" tanong ulit nito na ngayon ay nakatingin na sa kandila.
(At kailan ang tamang oras na iyon?)
Sumasayaw ang apoy at sumasalamin sa pulang mata ng dalaga. Wala itong pinapakitang emosyon.
"Satis Meira." Pigil sa kanya ng kanyang kakambal na lalaki.
(Tama na ang tanong, Meira.)
"Fiat ei a, Erebus," sabi ng binata sa kakambal ni Meira.
(Hayaan mo lang siyang magtanong mahal na prinsipeng Erebus.)
Napakagandang pagmasdan ng magkapatid kahit sa dilim. Kitang kita ang pulang mga mata nila. Magkamukhang magkamukha ang dalawa pero may mga ibang parte na hindi sila nagkatulad. Tulad na lamang ng kulay ng kanilang buhok.
Ang buhok ni Meira ay kasing liwanag ng araw habang ang kay Erebus naman ay kasing dilim ng gabi. Habang patagal ng patagal ang pagtitig mo sa dalawa ay makikita mong nakuha nila ang ganda ng dalawang lahing pinagsanib. Mahahabang mga pilikmata, matatangos na ilong, mapupulang mga labi, mapuputing mga balat, ang bawat korte ng mga katawan nila ay perpekto. Ano pa nga ba ang aasahan mo kung sila ay nagmula sa lupain ng mga diyos kundi mga maladiyos na mga itsura.
Humina ang apoy ng kandila. Lumiit ito ng lumiit hanggang sa mamatay. Ngayon ay puno na ng kadiliman ang paligid ngunit sanay sila sa dilim. Sanay ang mga mata nila. Sa gabing iyon ay wala kang makikita kundi dalawang pares ng pulang mga mata at isang pares na kulay asul.
At Firstland : The Land of Dragons
"Imbitasyon mula sa kaharian galing sa hari upang ipagdiwang ang ikalabinlimang taong pamumuno niya sa lahat ng kalupaan," wika ni Emilia - ang asawa ng namumunong lider ng unang kalupaan habang hawak hawak ang maliit na papel sa kanang kamay.
Hinawakan ni Emilia ang kamay ng asawa. Nakaupo ito sa higaan habang nakatanaw sa kanilang bintana.
"Magpapadala ako ng ibon sa kaharian upang ipabatid sa kanila na hindi tayo makadadalo sa imbitasyon ng hari," dagdag pa ni Emilia.
Tinignan naman siya ng asawang si Gregor. Kitang kita ni Emilia ang napakagandang moradong mga mata ng asawa.
"Hindi natin pwedeng tanggihan ang imbitasyon ng hari Emily. Siya ang pinuno ng anim na kalupaan. Pupunta tayo sa kanilang paanyaya" sabi ni Gregor
"Pero maiinit ang mga mata ng reyna sa atin Gregor. Marami siyang pwedeng gawin sa atin kapag tumapak tayo sa kanyang kaharian," nag - aalalang sabi ni Emilia.
Noon pa man ay galit na sa pamilyang Aragon ang reyna. Lalong lalo na kay Emilia na siyang napangasawa ni Gregor.
"Mas makapangyarihan pa rin sa kanya ang hari. Nasa atin ang panig ng hari Emily hindi niya hahayaang may mangyaring masama sa kanyang mga bisita," sabi ni Gregor.
"Pero asawa siya ng hari Gregor. Makapangyarihan ang hawak hawak niyang posisyon. Mas maiging manatili tayo sa sarili nating lupain," mungkahi ni Emilia sa asawa.
"At paparatangan tayong mga taksil. Sisibol ang mga balitang tayo ay gumagawa ng hakbang laban sa kaharian yun ba ang gusto mong mangyari Emily?" tanong ni Gregor sa kanyang asawa.
Napahinga ng malalim si Emilia sa sinabi ng asawa. Mukhang walang balak makinig si Gregor sa kanya.
"Papayag ako na pumunta sa kaharian ngunit maiiwan dito ang ating mga anak," sabi ni Emilia na wala ng opsyon pa.
"Ang imbitasyon ay para sa lahat, Emily. Sa buong pamilya. Pupunta tayo lahat," madiin na sabi ni Gregor sa asawa
Ayaw niyang makipagtalo pa.
"Natatandaan mo pa ba ang dating hari na si Beumont Valeeryan. Inimbitahan lang sila ng pamilyang La Casa pero hindi na nakabalik si Haring Beumont sa lupain nila dahil pinatay siya ng mga ito. Kaya sumibol ang digmaan sa pagitan ng mga Valeeryan dahil pinatay ng mga La Casa ang buong pamilya ng hari. Isang pagpatay ng patalikod at maaari ring mangyari ito sa atin," pag-papaalala ni Emilia kay Gregor.
"Pero hindi tayo mga Valeeryan, Emily," sabi ni Gregor sa asawa. “Tayo ay mga Aragon.”
"Yun na nga, Gregor,” paliwanag ni Emilia. “Tayo ay mga Aragon. Alam mo ang pamilyang Aragon! Kaibigan ni Devos si Beumont pero imbis na pumanig siya sa mga Valeeryan ay sinamahan niya ang mga La Casa na lumaban sa mga Valeeryan. Pagkatapos ay pinakasalan niya si Mercier na isang La Casa. Ang punto ko dito Gregor ay kilala ang pamilyang Aragon sa lahat ng lupain. Isang banta sa trono ang mga Aragon at kahit kaibigan ka pa ng hari ay hindi siya mag aatubili na pugutan ka ng ulo para sa kanyang korona. Siguradong ito ang ipanlalaban ni Mercier upang pabagsakin tayo."
Napahinga naman ng malalim si Gregor.
"Nagkaroon ng hindi pag kakaunawaan si Beumont at Devos dahil sa iisang babae Emily. Yun ay ang kapatid mo. Pinag-aagawan nila si Erissa Chevor ngunit si Beumont ang pinili ni Erissa kaya nagkaroon ng hidwaan sa kanilang dalawa," sabi ni Gregor.
"Iba talaga ang alindog ng mga matang kunig. Pinag-aagawan ng mga hari," dagdag pa nito
Medyo namula si Emilia sa sinabi ng kanyang asawa dahil galing rin siya sa angkan ng mga Chevor. Kulay kunig din ang pares ng kanyang mga mata. Kilala ang lahi nila sa pagiging maganda.
"Isa rin akong Chevor, Gregor baka nakakalimutan mo," malungkot na sabi ni Emilia.
"Hindi pinatay ng haring Devos ang mga Chevor. Pinababayaan niya kayong maghari pa rin sa ikaanim na lupain dahil na rin sa pagmamahal niya sa iyong kapatid. Galit ang hari kay Beumont pero hindi sa mga Chevor," sabi ni Gregor dito.
"Pero galit ang La Casa sa buong Chevor at sa mga Aragon,"sabi ni Emilia.
“Naniniwala akong hindi tayo sasaktan ni Mercier,” sabi ni Gregor na may kahulugan. "Habang humihinga pa ako ay hindi ko hahayaan na saktan kayo ng nino man Emily kaya huwag ka nang mag - alala pa."
Ngumiti na lang si Emilia tanda ng pagtitiwala niya sa kanyang asawa.