At The Fifth Land: The Land of Snakes
Third Person Point of View
“Ano kamo?” kunot na tanong ni Raciero sa kanyang kamay na si Den.
Nakaluhod naman si Den habang nag – uulat ng mga nabalitaan niya sa malayang kalupaan ng mga tao.
“Bali balita nga sa kalupaan ng mga ibon ang patungkol sa Valeeryan,” ani ni Den sa kanyang panginoon. “Iyon ang sabi sa akin ng mga ipinadala kong espiya. Sinasabi nila na magtatayo ng malaking kaharian ang Valeeryan na namumuhay ngayon sa malalayang lupain ng mga tao. Patatalsikin nito ang mga La Casa at River na nagtraydor sa kanila dati-”
Malakas na hinampas ni Raciero ang kanyang upuan dahil sa kanyang mga narinig kaya naman napatigil sa pag – uulat si Den sa kanyang panginoon.
“Mga lapastangan!” mariin na ani ni Raciero. “Sino ang mga hampaslupang nagsasabi ng mga walang balita?! Putulan sila ng mga dila! Imposibleng may nabubuhay pang mga Valeeryan! Nakita ba siya n gating mga espiya?!”
“Ipagpatawad niyo panginoon ngunit balita pa lamang ang nasagap nila,” ani ni Den. “Wala silang alam kung saan nagkukubli ang babaeng tinutukoy niyo.”
“Maaring may ganid na nilalang ang nais makakuha ng trono at korona,” ani ni Raciero at tumayo sa kanyang upuan. “Mga nagpapanggap na Valeeryan upang subukan na lansiin ang ating mga ulo para subukan na yanigin ang ating mga paa!”
Lumakad si Raciero sa may bulwagan at nag isip isip.
“Akala ba nila ay mapapatumba nila ang mga La Casa ng ganoon lamang? Dadaan muna sila sa libo libong mga mandirigma at kawal!” mariin na ani ni Raciero. “Magsulat ka kila Mercier. Kung kinakailangan ay magpadala siya ng kanyang isang hukbong kawal mahanap lamang ang nagpapanggap na Valeeryan na iyan! Dalhin niyo sa akin siya ng buhay at pupugutan ko siya ng ulo sa harap ng maraming tao upang malaman nila na hindi nila dapat kinakalaban ang isang La Casa!”
“Ama,” tawag ni Kester na nasa isang gild at nakikinig lamang sa isang tabi. “Ipadala mo ako sa malayang lupain ng mga tao at ako mismo ang maghahanap sa nilalang na hinahanap mo. Bilang gantimpala ay hindi mo na ako ipapakasal kay Adira.”
Tinignan naman ni Raciero ang kanyang anak. Sa totoo lamang ay ayaw niyang ipadala ito roon pagka’t alam niyang mapanganib ang lupain ng mga malalayang tao. Hindi ito magiging ligtas doon.
“At ano ang gagawin mo roon?” tanong ni Raciero sa ank. “Mag – iinom at mamumuta? Baka ulo mo na lamang ang bumalik sa akin kung pupunta ka roon. Ikaw pa naman ay hindi kasing talino ng iyong mga kapatid na babae. Mabilis mapaikot ang iyong ulo kaya naman hindi ako tiwala sa iyong kakayahan. Bibigyan mo lamang ako ng sakit ng ulo.”
Humakbang naman si Kester upang makalapit sa kanyang ama.
“Hayaan mong patunayan ko ang aking sarili sa iyo, ama,” ani ni Kester. “Patutunayan ko na karapat dapat din ako ng iyong pagkilala bilang iyong anak. Patutunayan ko na ako ang pinaka mainam sa aming mga magkakapatid.”
Gagawin ni Kester ang lahat huwag lang siya maipakasal ‘kay Adira. Kailanman ay hindi niya matatanggap ang babaeng iyon sa kanyang buhay. Isang kahihiyan para sa kanya ang pakasalan si Adira. Isa pa ay nanumpa na rin siya sa harap nito na huwag na itong umasa dahil hinding hindi niya pakakasalan ang dalaga. Ayaw niyang matapakan ang kanyang kapurihan.
“Itigil mo na ang iyong kahibangan! Ang gawin mo ay magsanay ka na lamang!” malakas ang boses na ani ni Raciero. “Isa pa ay nakalimutan mo na ba na dadalo tayo sa kasiyahan sa kaharian. Kasama kitang magtutungo sa ikalawang kalupaan. Ayusin mo ang iyong sarili at bihisan mo ng maganda ang iyong mapapangasawang si Adira ng hindi naman kayo kahiya hiyang dalawa!”
“Bakit kailangan ko pang isama ang babaeng iyon?!” inis na tanong ni Kester. “Putulin mo na ang ugnayan namin sa isa’t isa. Hindi mo naman kailangang ipakasal pa sa akin ang babaeng iyon! Parang awa mo na ama! Bawiin mo ang mga sinabi mo ng isang araw! Ayokong magpakasal sa kanya. Ayos lamang sa akin ang inirereto mo sa akin noong nakaraang buwan. Mas ayos sa akin na siya na lamang ang aking maging asawa.”
Napasinghap naman si Raciero sa sinabi ng kanyang anak. Wala pa siyang balak bawiin ang kanyang sinabi. Nais niyang matuto muna ito sa kanyang mga kapabayaan.
Sa pamamagitan ni adira ay sigurado siya na mapapatino nya ang anak pagka’t nanaisin nito na mawala ang babae sa kanyang buhay.
“Sa nakikita ko ngayon ay bagay na bagay kayo, Kester,” ani ni Raciero. “Pareho kayong basura at mababa. Baguhin mo muna ang iyong sarili at lumipad ka. Baka sakaling magbago pa ang isip ko.”
Napakuyom ng kamao si Kester sa sinabi ng kanyang ama.
“Kung wala ka ng sasabihin sa akin ay umalis ka na rito,” ani ni Raciero sa kanyang anak. “May kailangan kaming pag usapan at hindi ko gusto na narito ka pagka’t kay sakit mo sa aking mga mata.”
Inis naman si Kester na umalis doon.
Puno siya ng galit na dumiretso sa kanyang silid at doon niya naabutan ang kanyang dapat na mapapangasawa na si Adira.
Nagsusuklay ito sa harap ng salamin at napatigil ito noong mapansin siya.
Sa timpla ng mukha ni Kester ay alam niyang hindi maganda ang kalooban nito kaya naman nanatli siyang tahimik dahil ayaw niyang mabuntunan ng galit.
Ngunit kahit wala siyang gawin ay nasa kanya na ang bunton ng galit ni Kester. Nagpunta ito sa silid upang mapabuntunan siya nito ng inis.
Mabilis na lumapit si Kester kay Adira at hinatak ang mahabang buhok ng dalaga. Napasigaw ang dalaga sa sakit ng pagkakasabunot sa kanya ng binata.
“Alam mo bang ikinumpara ako ng aking ama sa iyo?! Tinawag niya akong basura katulad mo!” mariin na sabi ni Kester habang hatak hatak ang buhok ng dalaga.
“Kataas taasan! Nasasaktan ako!” ani ni Adira habang nakatingin ang nakatihayang mukha sa binata.
“Siguro ay plinano mo ang lahat! Alam mong mahuhuli ako ng aking ama at kinuha mo ang pagkakataon na iyon! Kay baba talaga ng iyong lipad!” madiin at galit na galit na sabi ni Kester. “Kay taas ng iyong pangarap! Sa tingin mo ba ay aangat ka?! Kahit damitan mo pa ang isang basura ng magagarang damit ay basura pa rin ito! Mangangamoy at mangangamy ka pa rin!”
“Wala akong alam sa ibinibintang mo,” tanggi ni Adira habang naluluha sa sakit na kanyang nararamdaman.
Bukod sa pambubugbog ni Kester sa kanya ay sobra sobra ng natapakan ang kanyang kapurihan. Kahit saan siya magpunta ay may nanlalait at nangmamata sa kanya.
Katakot takot na pang mamaliit ang kanyang naramdaman sa ika – apat na kalupaan noong dumalo sila sa kasal ni Tyrell Carlsen at Ember La Casa. Tila nawalan siya ng mukha habang naroon siya.
Kaya naman ngayon ay nais niya na lamang manatili sa silid maghapon hanggang sa gabi. Lumalabas lamang siya kapag siya ay aalis.
“SINUNGALING!” malakas na sigaw ni Kester at hinagupit ito.
Napalunok ang mga kawal na nakabantay sa labas ng silid habang naririnig ang mga sigaw at panahaw ng dalagang si Adira mula sa silid nila ni Kester
***
At the Fourth Land: The Land of Wealth
Sunod sunod na hinataw ni Addison ang punong nasa harap ng kanyang espada. Kahapon pa siya nagsasanay ngunit hanggang ngayon ay hindi niya pa mapalubog ng buo ang kanyang espada sa katawan ng puno.
Mas lalo siyang nanlulumo sa katunayan na iyon pagka’t patunay lamang ito na sya ay isang mahinang nilalang at walang kalaban laban.
Inipon niya ang kanyang lakas at malakas na tinira muli ang puno ngunit siya ay napasaldak dahil hindi niya ito naibaon bagkus ay bumalik sa kanya ang kanyang pwersa.
Sa malayo ay pinagmamasdan ni Marcella ang binatang nagsasanay. Alam niyang noong isang araw pa ito nagsasanay at maghapon itong humahawak ng espada.
Nilapitan niya ito dala ang isang puto at inuming tubig para sa meryenda ng binata.
Agad na napatayo si Addison noong makita niya si Marcella na paparating sa kanyang kinalalagyan.
“Ano ang ginagawa mo rito?” tanong ni Addison sa dalaga. “Hindi ba dapat ay nasa trabaho ka. Siguradong magagalit sa iyo ang iyong amo sa oras na malaman niyang nilisanan mo ag iyong trabaho.”
Ngumiti naman si Marcella sa binata at iniabot ang puto at tubig na kanyang dala dala.
Napatingin si Addison sa putong ibinigay sa kanya. Hindi siya kumakain ng putong iyon pagka’t para lamang ito sa mga mahihirap. Naninibago siya sa mga pagkaing inihahain ni Marcella sa kanya. GTayunpaman ay alam niyang wala siyang karapatang magreklamo pagka’t lahat ng ito ay libre at wala siyang binabayaran.
Hindi niya lang talaga lubos maisip na ang isang maharlikang dugong bughaw na tulad niya ay sasaldak ng malalim sa putikan. Hindi niya inisip sa tanang buhay niya na magiging ganito ang kanyang kalalagyan pagdating ng araw.
Nais niyang maghiganti sa mga Carlsen na walang utang na loob sa kanyang pamilya. Kaya siya nagsasanay upang maghiganti sa mga ito. Nais niyang mabawi ang trono ng kanyang abuelo.
Sisiguraduhin niya na mapapatay niya ang mga Carlsen gaya kung paano nito patayin ang kanyang mahal na lolo.
Maghihiganti siya at sa tamang panahon ay muli siyang magbabalik upang bawiin ang mga bagay na sa kanila.
“Kumain ka muna at magpahinga,” ani ni Marcella. “Huwag mong intindihin ang aking trabaho. Alam ko kung paano ako makakalusot sa aking amo. Kamusta ang iyong pagsasanay?”
Isinaksak ni Addison ang espada sa lupa at tumayo.
“Walang pagbabago,” ani ni Addison. “Ganoon at ganoon pa rin. Pakiramdam ko ay hindi ako dumudusog sa kung ano ako kahapon. Hindi ako gumagaling.”
“Huwag mong sabihin iyan,” ani ni Marcella at pinagmasdan ang mga luntiang mata ng payat na binata. “Sigurado akong mas magaling ka sa kahapon . Ngunit batid ko na hindi ka matututo ng mag isa. Kailangan mo ng isang maestro na magtuturo sayong humawak ng sandata.”
“Maestro?” tanong ni Addison.
“Tulad ng ginoong Rey,” ani ni Marcella. “Maaari kang magpaturo sa kanya. O kaya naman ay humanap ka sa lupain ng mga talim. Maraming magagaling na mandirigma noon.”
“Matuturuan ba nila ako kaagad na gumaling?” tanong ni Addison sa dalaga.
“Hindi ka nagiging tanyag sa isang araw lamang,” ani ni Marcella. “Ang kagalingan ay hinuhubog ng mahabang panahon. Huwag kang magmadali, Addison. May takdang oras sa lahat ng bagay.”
“Ngunit gusto ko na agad maghiganti!” madiin na sabi ni Addison. “Hindi ako papayag na masaya sila roon habang ako ay nagluluksa rito.”
“Kung mamadaliin mo ang lahat ay mabilis ka ring babagsak,” ani ni Marcella. “Hayaan mo at magtatanong ako sa aking trabaho kung may kilala silang magaling na maestro.”
“Talaga , Marcella?” nagagalak na ani ni Addison. “Maraming salamat!”
Ngumiti si Marcella sa binata.