At the Land of Birds: The land of Free Men
Third Person Point of View
Napatingin sila Greco sa isang malaking templo sa kanilang harapan. May anim na palapag ito at kulay itim ang mga bloke na bumubuo sa templo.
Bawat palapag ay may isang pinto ito sa gitna na paliit ng paliit tulad ng bawat palapag ng templo. Ang tuktok nito ay may tatlong malalaking simbolo na gawa sa itim na bato. Ang pinakagitnang simbolo nito ay isang mata.
Bawat pinto ng bawat palapag ay mga rebultong nakatayo sa magkabilang paligid. Ang bawat rebulto ay kasing laki ng pintong kinatatayuan nila at may iba’t iba silang pustura na hindi mo maintindihan.
“Ito na ba ang templo kung nasaan ang balon ng pinagpala?” tanong ni Greco sa kanyang mga kasama.
“Mukhang ito na nga, mahal na prinsipe,” sagot ni Gin.
“Kung ganoon ay tayo na,” ani ni Greco at humakbang.
“Mahal na prinsipe,” tawag ni Yvonne dito. “Mapanganib ang templo na iyan base sa aming mga nakalap na impormasyon. Marami ang nagsabi na isa ito sa mga pinakamapanganib na lugar dito sa malayang lupain ng tao dahil nagkukubli ang isang itim na mangkukulam sa loob ng templo.”
“Ano man ang nagkukubli sa templong ito ay handa akong harapin,” ani ni Greco. “Hindi ko nais na mahuli sa kasiyahan na magaganap sa kaharian. Kailangan nating makabalik agad.”
Hindi naman na sumagot pa ang dalawa.
Naglkakad na sila patungo sa may pinto. Naunang pumasok si Greco. Napaatras sila Gin at Yvonne ng biglang magsara ang templo.
Maging ang mga pinto nito sa itaas ay nagsara rin.
“MAHAL NA PRINSIPE!” tawag ni Gin kay Greco at pilit binuksan ang pintong gawa sa matigas na buhangin.
Lumingon naman sa kanyang likuran si Greco.
“Manatili na lang muna kayo sa labas,” ani ni Greco. “Ayos lamang ako. Ako na lang ang papasok. Maaring hindi gusto magpapasok ng templo ng higit sa isa.”
Nagkatinginan naman si Gin at Yvonne habang si Greco naman ay naglakad sa kalagitnaan ng malawak na templo.
Walang laman ang templo kundi mga iba’t ibang rebulto na maayos na nalagay sa bawat pwesto nito.
Napatingin siya sa isang babae na mahaba ang buhok. Nakasuot ito ng itim at nakatalikod sa kanya.
“Ano ang adya ng isang prinsipe sa aking templo na naglakbay pa ng napakalayo mula sa kanilang kaharian patungo sa akin?” tanong ni Irashiba at tumingin sa prinsipe.
Napatingin si Greco sa babae. Mahabang mahaba ang buhok na itim nito na lagpas pa hanggang bewang. Ang mata nito ay malamig ang mga tingin. Ang kalahati ng mukha nito ay mula ilong hanggang leeg ay nakatakip ng malambot na tela ngunit tanaw na tanaw niya pa rin ang kulay itim na lipistik nito sa bibig.
Malamig itong nakatingin sa kanya habang nakataas ang kilay.
“Kailangan ko ng tubig mula sa balon ng pinagpala,” ani ni Greco La Casa. “Maari mo ba akong makasalok sa balon na iyong binabantayan. Kailangan ko ito upang makilala na ako bilang isang River.”
Napatawa naman si Irashiba sa sinabi ni Greco.
“Nais mong maging isang River na sunod sa hari?” tanong ni Irashiba. “Napakarami mong magiging apilido kung ganoon. Ngunit bakit naman kita pagdadamutan ng tubig sa aking balon. Sumalok ka mahal na prinisipe.”
Umalis si Irashiba sa kanyang kinalalagyan at nakita ni Greco ang balon sa dulo ng templo.
May nakasabit na metal na timba sa taas nito.
Napalunok si Greco at napatingin ‘kay Irashiba.
“Nasabi sa akin na humihingi ka ng kapalit para sa tubig ng balon,” ani ni Greco rito. “Ano ang kapalit na hihingin mo?”
“Magaling,” ani ni Irashiba at napangiti. “Tama ka, mahal na prinsipe. Ang lahat ng hihingin mo sa akin ay may kapalit.”
Hinintay ni Greco ang sasabihin ni Irashiba.
“Ano ang maibibigay mo sa akin kapalit ng tubig?” tanong ni Irashiba.
“Itong aking espada,” sagot ni Greco. “Gawa ito sa pinakamatibay na metal at ilang taon na rin ang edad nito. Ibibigay ko ito sa iyo.”
Napatawa naman si Irashiba sa sinabi ni Greco.
“Mahal na prinsipe,” tawag ni Irashiba sa binata. “Hindi kayang tumbasan ng iyong espada ang tubig sa aking balon. Kung wala kang maisip ay ako na ang magbibigay ng presyo na magiging kapalit.
“Sa akin ang iyong huling pag ibig.”
Napakunot naman ng noo si Greco.
“Ang aking huling pag ibig?” tanong ni Greco at pinagmasdan si Irashiba. Wala naman siyang nakikitang mali sa itsura ng babae ngunit ang aura nito ay madilim at isa itong mangkukulam. “Sinasabi mo ba na iibigin kita at pakakasalan kapalit ng tubig sa balon?”
Muling napatawa si Irashiba sa sinabi ng lalaki.
“Mahal na prinsipe kahit isa ka pang hari ay wala akong interes sa iyo,” ani ni Irashiba. “Hindi ako nagpapatali sa kahit na sino. Hindi ako umiibig ng lalaki. Ang ibig kong sabihin ay sa akin ang buhay ng babaeng huling iibigin mo.”
Sumilay ang isang pilyong ngiti kay Irashiba.
“Ayos ka ba roon, mahal na prinsipe?”
Sandaling napaisip si Greco.
“Isang buhay para sa isang tubig? Masyado atang mataas ang iyong presyo,” ani ni Greco.
“Magaling,” ani ni Irashiba. “Kung ganoon ay bibigyan natin ng mga tuntunin ang hinihingi ko. Kung iibig sya sa iyo ay mapapasa akin ang kanyang buhay. Pwede na ba iyon?”
Napaisip si Greco.
“Paano kung wala akong ibigin?” tanong ni Greco sa babae.
“Maswerte ka pagka’t walang mangyayari sa aking hinihingi at libre mong nakuha ag tubig,” sagot ni Irashiba.
“At paano kung hindi niya ako inibig?” tanong ni Greco.
“Ikaw ang magiging kapalit,” sagot ni Irashiba sa prinsipe.
Mas lalong napakunot ang noo ni Greco sa sinabi ng mangkukulam.
“Hindi ko nais ang iyong presyo,” sagot ni Greco. “Palitan natin ng iba.”
“Kung hindi mo nais ang aking hinihingi ay maaari ka ng lumabas ng aking templo mahal na prinsipe,” ani ni Irashiba. “Tapos na ang usaping ito.
“Hindi patas ang iyong hinihingi,” ani ni Greco.
“Walang patas sa mundo,” sagot ng mangkukulam sa kanya.
Malalim na napahinga si Greco. Sa tansya niya ay hindi papayag ang mangkukulam ng iba pang iaalok niya. Iniisip niya na kung hindi naman siya iibig ay walang mangyayari.
Isa pa ay wala siyang interes sa babae. Ang nais niya lamang ay maging isang River at maging isang magiting na prinsipe. Kung sakali man na kailangan niyang magpakasal ay hindi niya naman kailangan na mahal niya ang kanyang pakakasalan.
Sa kanilang mga posisyon, hindi mahalaga kung mahal mo o hindi ang iyong mapapangasawa. Ang mahalaga ay may kakayahan ito at makakatulong sa iyong kapangyarihan.
“Sumasang ayon na ako,” ani ni Greco sa mangkukulam. “Basta ibigay mo sa akin ang tubig at payag ako sa iyong hinihinging kapalit.”
“Magaling!” ani ni Irashiba at lumapit kay Greco. Hinawakan niya ang palad ng binata at gamit ang kanyang matulis na kuko ay hiniwa niya ang palad nito. Isinilid niya sa isang bote ang pumatak na mga dugo. “Sumalok ka na ng tubig at pagkatapos ay maari ka ng umalis.”
Naglakad naman si Greco sa balon at sumalok ng tubig saka inilagay ito sa bote na kanyang dala dala. Kumikinang ang tubig na animo ay may nakalagay na mahika.
Kay ganda nitong pagmasdan.
Noong makasalok ay napatingin si Greco sa mangkukulam. Nakatingin ito sa kanya.
“Ano mang oras ay tatalab na sa iyo ang aking mahika,” ani ni Irashiba. “Malalaman mo na aktibo na an gating kasunduan sa oras na makita mo ang burda sa iyong leeg.”
“Burda?” tanong ni Greco.
“Malalaman mo sa oras na lumabas na ito sa iyong likurang leeg,” sagot ni Irashiba.
Lumakad naman na palabas si Greco. Nagbukas na muli ang mga pintuan.
Agad na lumapit si Gin at Yvonne sa prinsipe.
“Anong nangyari?” tanong ni Gin.
“Mahal na prinsipem nagdudugo ang iyong palad!” ani ni Yvonne na kumuha ng tela sa kanyang dala dalang kustal.
Napatingin naman muli sa loob ng templo si Greco at natanaw niya ang nakangiting si Irashiba habang nakatingin sa kanila.
Tumalikod na siya rito.
“Tagumpay,” ani ni Greco. “Nakakuha ako ng tubig mula sa balon ng pinagpala.”
Itinaas ni Greco ang kanyang kamay na may hawak sa boteng kinalalagyan ng tubig mula sa balon ng pinagpala.
Kumikinang ito.
“Ngunit anong kapalit ang iyong binigay?” tanong ni Greco. “Ang aking huling pag – ibig.”
Binalutan ni Yvonne ang kamay ng prinsipe ng hawak hawak niyang tela.
“Ano ang ibig sabihin niyon, mahal na prinsipe?” tanong ni Yvonne dito.
“Sa kanya ang buhay ng aking huling mamahalin na babae,” sagot ni Greco.
Napatigil naman si Yvonne ng saglit sa kanyang narinig at pagkatapos ay nagtuloy muli sa kanyang pagbebenda.
“Isang buhay ng babaeng mamahalin mo ang kapalit ng tubig na iyan?” tanong muli ni Yvonne.
“Oo,” sagot naman ng prinsipe rito. “Ngunit kung hindi ako iibig sa isang babae ay wala akong magiging problema. Mukhang kaya ko namang hindi umibig. Wala akong interes sa kanila.”
“Ngunit hindi mo mapipigilan ang pagbugso ng isang pag ibig, mahal na prinsipe,” ani ni Yvonne. “Sa palagay ko ay luging lugi ka sa hininging kapalit sa iyo. Hindi mo naiintindihan sa ngayon ngunit sa oras na umibig ka ay malalaman mo kung gaano kabigat ang naging kapalit ng tubig na iyong hawak hawak.”
“Ang mahalaga ay nagtagumpay tayo,” ani ni Greco. “Huwag kang mag – alala. Kaya kong pigilan ang aking sarili. Hindi ko kailangang ibigin ang babaeng mapapangasawa ko.”
“Kay among pigilin at sabihin sa iyong sarili na balewala lang ang iyong nadarama,” ani ni Yvonne at tinapos ang pagbebenda. “Kay among pigilin na huwag sabihin sa kanya. Ngunit ang pagtibok ng iyong puso, mahal na prinsipe, ang nadarama mo sa kanya, kaya mo bang pigilin?”
Napatingin naman si Greco sa kanyang kasama. Ramdam niya na sobrang nag aalala ang dalaga para sa kanya.
“Naiintindihan ko ang pag – aalala mo, Yvonne,” ani ng prinsipe sa dalaga. “Ngunit wala ng mas hahalaga sa akin na makilala ako bilang isang River. Iyon ang pinakamahalagang bagay sa akin. Nais ko rin na tignan ako ng aking mahal na amang hari kung paano niya tignan ang aking mga kapatid. Ipagkakait ko ba iyon sa aking sarili gayong kaya ko namang abutin ang bagay na iyon?”
Hindi naman sumagot si Yvonne at napayuko na lamang.
“Magtiwala tayo sa prinsipe,” ani ni Gin. “Sigurado naman ako na kung ano man ang mangyayari ay kaya n gating prinsipe solusyunan ito.”
Hindi naman sumagot si Yvonne. Itinago ni Greco ang bote sa kanyang bagahe.
“Tara na,” ani ni Greco habang nakangiti. “Magbalik na tayo sa ating kalupaan. Isang magandang balita ang ating dala dala.”
Tumango nama ang dalawa niyang kasama. Naglakad na sila paalis sa lugar na iyon.