At The Sixth Land: The Land of Beauties
Third Person Point of View
Kinukutkot ni Ellysa Chevor ang kanyang hintuturong daliri gamit ang hinlalaki niya.
Nakaupo siya ngayon sa kanyang upuan sa kanyang silid at nakaharap sa may mesa.
Mula umaga hanggang sa gabi ay naghihintay siya ng sulat mula sa kanyang anak na si Emilia. Mapa hanggang ngayon ay wala siyang natatanggap.
Nasabi sa kanya ni Olivia Blancheffeur na nakapagpadala ito ng sulat sa unang kalupaan ng mga Aragon ngunit kataka takang wala pang sagot ang anak niya na si Emilia.
Si Emilia at si Efren na lamang ang kanyang natitirang anak. Para sa kanya sila ang buhay niya. Matapos na masaksak siya ng masakit na balita dati sa pagkamatay ng kanyang anak na si Erissa ay lubha na siyang nababahala para sa kaligtasan ng kanyang mga natitirang anak.
Hindi niya hahayaan na mabawasan muli ito. Hindi niya hahayaan na mauna pang mamatay ang mga ito kaysa sa kanya. Siya ang ina at siya dapat ang buhatin ng kanyang mga anak sa kanyang pagkamatay ngunit sa kaso ni Erissa Chevor siya ang bumuhat sa labi nito.
Hindi niya nanaisn pa na muli siyang magmartsa habang dala dala ang abo o labi ng kanyang anak. Tama na ang unang sakt at hindi na dapat madagdagan. Baka hindi na niya kayanin kapag isa pa kila Emilia o Efren ang mawala.
Baka bigla na lamang siyang mabaliw. Baka hindi na niya santuhin ang sino man mapatay lamang sila Mercier at ang pamilya nito na La Casa.
Nagsimulang tumibok ng malakas ang puso ni Ellysa Chevor. Unti unting kumabog ang kanyang dibdib.
Napapikit siya noong maalala niya ang mga nangyari labing limang taon na ang nakalipas. Ang mga pangyayaring naging bangungot niya mapa hanggang sa ngayon.
Walang sino man ang makakapagsabi kung gaano kasakit para sa kanya ang mawalan ng isang anak kundi ang mga katulad niya lamang na ina na nasawian ng isang mahal na mahal niyang anak.
“Anak kong, Errisa,” mahinang ani ni Ellysa habang nakapikit. “Mahal kong anak. Kaawa awa kong anak. Bakit nila ginawa ito sa iyo.”
Itinaas niya ang kanyang mga kamay na animo ay may aabutin na isang bagay o nilalang. Sa kanyang isipan ay naalala niya ang kanyang anak na nakita niya sa sa gitna ng mga patay na mandirigma.
Puno ng dugo ang damit nito at wala ng buhay ng kanyang abutan.
“Anak ko!” tawag ni Ellysa sa anak niyang si Erissa at umakto siya na muli niyang kalong ang bangkay ng namayaning anak.
Pagpasok ni Edward Chevor ay agad siyang napatingin sa kanyang asawa. Nakapikit ito habang humihikbi.
Agad niyang nilapitan ito at hinawakan sa magkabilang balikat. Niyugyog niya ito ng malakas.
“Ellysa! Ellysa! Gumising ka!” ani ni Edward habang niyuyugyog ang kanyang asawa.
Hindi ito dumidilat at humihikbi lamang.
“ELYSSA!” malakas na tawag ni Edward sa asawa na nagpadilat ng mga lumuluhang mata nito.
Hinihingal ito habang gulat na gulat. Napatingin siya sa paligid at wala na ang ala ala sa kanyang isipan kanina.
Nagpakuha ang panginoon ng ika anim na kalupaan ng tubig sa taga silbi ng kanyang asawa upang painumin ito.
“Ayos ka lang ba?” tanong ni Edward dito. “Iniisip mo nanaman ang nangyari noon?”
Inabot ng taga silbi ang tubig kay Ellysa at inabot naman ito ng matanda.
Madalas na mangyari ito kay Ellysa sa tuwing naiisip niya ang nakaraan. Nakukulong siya sa kanyang isipan at pakiramdam niya ay nangyayaring muli ang mga bagay bagay na matagal ng nangyari sa buhay nila.
“ Sinabi ko naman na sa iyong itigil mo na ang kakaisip sa bagay na ito,” ani ni Edward sa kanyang asawa. “Bitawan mo na ang nakaraan at humakbang ka na paabante. Hindi maaaring nariyan ka na lang palagi. Maiipit ka sa nakaraan kung patuloy mong pang hahawakan ito.”
“Matagal na akong naipit sa nakaraan, Edward,” ani ni Ellysa habang nakatitig sa hangin. “Hindi na ako makaalis. Tuluyan na akong naipit. Hindi ko kayang kalimutan ang nangyari noon. Ang araw kung saan naiwan ang alala ng aking anak. Naiwan siya sa araw na iyon.
Umiling iling si Ellysa habang nagsasalita.
“Hindi ko iiwan ang anak ko sa nakaraan. Sasamahan ko siya. Lamig na lamig na siguro siya, Edward. Habang naliligo sa sarili niyang dugo. Takot na takot siguro si Ellysa. Walang hiya ang mga La Casa! Maging ang anak ng dating hari at reyna ay hindi nila pinaligtas! Si Devos! Hinayaan niyang mamatay ang anak natin na si Erissa.”
Napahagulgol si Ellysa at napahawak sa kanyang dibdib. Sinapo naman siya ni Edward noong aktong matutumba ang ginang. Niyakap siya ng kanyang asawa at ikinulong sa mga bisig nito.
“Ang ating kaawa awang anak na si Erissa,” hagulgol ni Ellysa. “Oh ang aking anak. Bakit kailangan mong sapitin ang masalimuot na kamatayan. Bakit?! Bakit?! Bakit?!!!”
“Tama na, Ellysa,” ani ni Edward. “Kailangan mo ng palayain si Erissa. Matagal na nangyari ang bagay na iyon. Ihakbang mo na ang iyong mga paa paabante. Tama na.”
Humiwalay naman si Ellysa sa pagkakayakap ni Edward sa kanya at itinulak ito ng kanyang dalawang kamay.
“Paano, Edward?!” galit na tanong ni Ellysa. “Paano ako makakahakbang kung naputol na ang aking mga paa noon?!”
“Ellysa may mga anak ka pa!” mariin na sabi ni Edward dito. “Narito pa si Emilia at si Efren! Kailangan mong magpatuloy para sa kanila!”
“Si Emilia at si Efren,” banggit ni Ellysa sa pangalan ng dalawang anak at napatango tango. “Kung talagang mahal mo ang mga anak mo ay making sa akin. Huwag mo silang padadaluhin ng kasiyahan sa kaharian. Wala akong tiwala sa mga La Casa.”
“Heto nanaman ba tayo, Ellysa? Ilang beses ko bang sasabihin sa iyo na hindi maaari,” ani ni Edward dito. “Hindi kadaling gawin ang mga nais mo. Isang kataksilan ang nais mong mangyari!”
Magsasalita pa sana si Ellysa noong naunahan siya ng kanyang asawa.
“Tama na, Tama na!” madiin na sabi ni Edward. “Ako ang masusunod at susunod tayo sa hari!”
Tumalikod na si Edward Chevor at lumabas na ng silid. Naiwan si Ellysa na puno ng bagabag ang dibdib.
***
Napatakip ng ilong si Olivia Blancheffeur sa naamoy niyang hindi kanais nais.
“Anong amoy ito?” kunot ang noo na tanong ni Olivia sa kanyang taga silbi sa kanyang tabi. “Hindi nababagay ang amoy na ito sa hardin. Hanapin mo kung saan nanggaling ang amoy na ito, Cheska.”
“Masusunod,” sagot naman ni Cheska na tagasilbi ng kataas taasang Olivia.
Sinundan naman ni Cheska kung saan nanggagaling ang amoy na mabaho.
“Dito, mahal na kataas taasan,” tawag ni Cheska sa kanyang amo. “Dito nanggagaling ang amoy. May ibon na patay. Huwag na kayong lumapit pa dahil hindi kaaya aya ang amoy. Ipapatanggal ko na lamang ito sa ating mga kawal.”
Kunot naman ang noo ni Olivia na tinanaw ng tingin ang ibon na sinasabi ni Cheska.
“Mukhang mayroong nangaso noong mga nakaraang araw at dito bumagsak ang kanyang hinuhulng ibon,” ani ni Cheska.
Nanlaki naman ang mga mata ni Olivia noong mamukhaan niya ang ibon na nakabagsak sa lupa.
Napatakip siya ng bibig. Ito ang ibon na may dala dala ng liham na isinulat niya para kay Emilia.
Tinignan niya ang paa ng ibon ngunit wala ang sulat na inilagay niya. Batid niyang may nakakuha na iba noon.
“Ito ba ang hinahanap mo, mahal kong asawa?” tanong ni Efren na papalapit sa kinalalagyan nila Olivia. Sinenyasan niya si Cheska na umalis muna dahil may pag uusapan sila ng amo ito.
Napatingin naman si Olivia sa papel na hawak ni Efren.
“Efren,” tawag ni Olivia.
“Nagpapadala ng sulat sa unang kalupaan ng walang pahintulot ko?” tanong ni Efren at pinunit ang hawak hawak na papel. “Dahil sinabi ba ni Ina? At akala niyo ay hindi ko malalaman?”
“Sumasang ayon ako sa gusto ng iyong ina,” ani ni Olivia sa kanyang asawa. “Maging ako ay walang tiwala sa mga La Casa.”
“Hindi iyon mahalaga sa katayuan natin ngayon, Olivia,” ani ni Efren dito. “Kahit katiwa – tiwala pa sila o hindi ay kailangan natin silang sundin pagka’t sila ang mga nakaupo sa trono. Kailangan nating lumuhod sa kanila dahil sila ang mga namumuno. Tayo ay ay mga ugat lamang ng matayog na puno. Kapahamakan ang nais niyong mangyari, Olivia.
Lumapit si Efren sa kanyang asawa.
“Sa oras na hindi sila at tayo dumalo ay iisipin nilang may ginagawa tayong pag aalsa laban sa kanila. Ang nais niyo ba ni Ina ay magkaroon muli ng isang malaking digmaan? Kung saan hindi lang isa ang mawawala sa inyo kundi marami. Mas marami. Naiintindihan ko kayo. Alam ko na natatakot lamang kayo na baka may mangyaring masama sa amin o sa atin pero wala tayong magagawa.”
“Ngunit pwede naman tayong gumawa ng dahilan kung bakit hindi tayo makakapunta,” ani ni Olivia.
“Isipin mong mabuti,” ani ni Efren. “Wala ang mga Chevor at ang mga Aragon? Pupwede ba iyon? Hindi pwedeng hindi iyon sinadya. Alam mo ang pag iisip ng mga La Casa. Kaonting galaw mo lang ay pagtatakhan nila. Ito na ang pinaka maingat na hakbang na pipiliin natin.
“Huwag kang mag alala masyado,” ani ni Efren rito. “Sigurado naman ako na hindi hahayaan ng hari na magkaroon muli ng panibagong digmaan sa anim na kaharian. Isa pa ay nasa loob tayo ng kaharian at ng ikalawang kalupaan. Ano man ang mangyayari sa loob ay makakarating sa labas.”
“Natatakot lamang ako,” ani ni Olivia. “Kinakabahan ako habang papalapit ang araw. Tila hindi ko gusto ang mangyayaring kasiyahan.”
“Iyan na nga ba ang sinasabi ko,” ani ni Efren dito. “Dahil sa kakaisip niyo ni Ina ng sobra ay nabalot na kayo ng takot. Huwag kang matakot, Olivia. Proproetktahan ko kayo. Hindi ko hahayaang may masamang mangyari sa iyo. Sisiguraduhin ko na uuwi kayong ligtas dito sa kaharian.”
Napahinga naman ng malalim si Olivia sa sinabi ng binata. Kahit na humahawak siya sa mga salita ng kanyang asawa ay hindi niya maiwasang mangamba.
Tila may sinasabi sa kanya ang bawat araw. Natatakot siya. Natatakot siya para sa kanilang mga buhay.
Nasaksihan niya ang mga nangyari noon – labing limang taon na ang nakakalipas.
Ganitong ganito rin ang nangyari. Inimbitahan nila ang pamilya ng dating haring Beumont at hindi na ito nakauwi sa kanyang kalupaan.
Sumiklab ang madugong digmaan.
“Siguro nga ay nababaliw lamang ako dahil sa mga nasaksihan ko rat,” ani ni Olivia sa kanyang asawa. “Ipagpaumanhin mo kung ganito ako umakto. Masyado lamang akong naging balisa.”
Hinalikan naman ni Efren ang kamay ng kanyang asawa.
“Bumalik na tayo sa kastilyo,” ani ni Efren dito. “Hindi magandang mamasyal ngayon sa hardin. Ipapaalis ko na muna ang namatay na ibon dito bago ka pumunta muli.”
Naglakad sila paalis sa hardin at tinignan ni Olivia sa huling pagkakataon ang ibon bago nagpatuloy muli.