XVIII - Starting Fire

1911 Words
At The Second Land: The Land of Kings                 “Mahal na hari,” bati ni Bellamy sa kamahalang Devos Rover pagkapasok niya ng silid nito. Nagsusulat ito ng isang libro. “Hindi ko na nakita pa sa silid ng reyna ang sulat na ipinadala sa kanya ng kanyang ama.”                 “Nasisigurado mo ba na sulat ang dumating ‘kay Mercier mula sa ika limang lupain ng mga La Casa?” tanong ni Devos habang nagpapatuloy sa kanyang pagsusulat.                 Alam ni Bellamy ang kanyang sinasabi. Kitang kita niya ang isang uwak na papasok sa silid ng reyna at ang hawak hawak na papel ng ibon sa mga paa nito.                 “Walang duda, mahal na hari,” ani ni Bellamy. “Isang sulat ang dala ng uwak mula sa ikalimang kalupaan ng mga La Casa. Hindi magandang bagay ito.”                 “Baka naman kinakamusta niya ang kanyang anak,” ani ni Devos sa kanyang taga payo.                 “Kung kinakamusta niya ang kanyang anak ay bakit kailangan patago?” tanong ni Bellamy sa hari. “Pwede magpadala ang panginoon Raciero ng sadyang mensahero upang pangungumusta sa kanyang anak at sa iyo ngunit ipinadala niya ang kanyang mensahe sa pamamagitan ng isang uwak. ‘Ni hindi ka man lang kinamusta ng panginoon ng ikalimang lupain gaya ng nararapat? Hindi ba at kataka taka ang bagay na ito, mahal na hari?”                 Napatigil si Devos sa kanyang pagsusulat dahil sa sinabi ng kanyang tagapayo na si Bellamy patungkol sa sulat na natanggap ni Mercier.                 “Ang akin lamang ay ang payuhan ka, mahal na hari,” ani ni Bellamy. “Baka may kung ano na ang binabalak ng mga La Casa sa iyo. Ikaw mismo ang nakasaksi kung gaano sila kaganid sa kapangyarihan. Baka isang araw ay magising ka na lamang na may nakalagay na patalim sa iyong leeg. Ang mga La Casa ay parang mga magnanakaw. Pareho silang nangangati ang mga kamay upang nakawin ang mas mataas na posisyon ng nakakataas sa kanila.”                 “Mag – iingat ka sa iyong pananalita, Bellamy,” banta ng hari sa kanyang taga payo. “Ang reyna ang pinag uusapan dito.”                 “Ako ag iyong taga payo, mahal na hari,” ani ni Bellamy dito. “Ang aking kagustuhan ay kaligtasan at mahabang pamumuno ninyo. Wala ng higit pang mag – aalala sa inyong kaligtasan kung hindi ako na iyong tagapayo. Makakaasa ka na hindi kita tratraydurin, mahal na hari ngunit ganun rin ba ang reyna sa inyo? Ganun din ba ang mga La Casa sa inyo.                 Pinagmasdan ni Bellamy ang nag iisip na hari.                 “Maaring may kapayapaan ngayon ngunit hanggang kailan? Hanggang kailan ang kapayapaang ito? Hanggang may mga nabubuhay at namumunong mga ahas ay laging may banta sa kapayapaang pinangangalagaan niyo. Ang ahas kahit bihisan mo pa iyan ng pakpak at halo ng mga anghel ay mananatili pa rin siyang ahas. Ang kanyang gawain ay mananatiling kanyang gawain. Marami na akong nasaksihan sa aking buhay, mahal na hari. Sana ay huwag mong balewalain ang payo ko.”                 Napakuyom naman ng kanyang kamao si Devos River. Tama ang kanyang taga payo. Ang ahas ay ahas kahit bihisan mo pa ito.                 “Ipatawag mo ang reynang si Mercier,” ani ni Devos sa kanyang taga – payo. “Mag – uusap kami.”                 “Masusunod, kamahalan,” ani ni Bellamy at yumuko. Dala ang ngiti sa kanyang labi. Hindi niya hahayaang mamuno ang mga La Casa. Ibubuwis niya ang kanyang buhay  at mga ari arian huwag lang mamuno ang mga ito.                 Lumabas na si Bellamy sa silid ng hari upang sundin ang ipinag uutos ng kanyang kamahalan. ***                 Pumasok si Mercier La Casa sa silid ng kanyang asawa kasunod nito ang kanyang tauhan na si Amaya.                 Tinignan naman ni Devos si Amaya kaya naman yumuko ito at pagkatapos ay lumabas na ng silid.                 “Ano at naipatawag mo ako, mahal kong hari?” tanong ni Mercier sa kanyang asawa at nilapitan niya ito. Tinignan naman siya ni Devos.                 Nakita ni Mercier ang libro na isinusulat ng hari.                 “Hindi mo pa rin ba tapos ang kwento niyo ni Erissa? Kailan mo ititigil ang walang katotohanang pagmamahalan niyo sa loob ng librong ito?” tanong ni Mercier sa kanyang asawa. “Mahal na hari, matagal ng patay si Erissa Chevor. Bitawan mo na siya.”                 Malakas naman na pinalo ni Devos ang kanyang lamesa na ikinagulat ni Mercier.                 “Huwag na huwag mong mababanggit ang kanyang pangalan,” mariin na sabi ni Devos dito. “Wala kang karapatan na banggitin ang pangalan niya.”                 Napatawa si Mercier at sumimangot.                 “Ngunit iniinsulto mo ako?” tanong ni Mercier. “Ako ang iyong asawa ngunit nagsusulat ka ng kwento ng pagmamahal mo at ng ibang babae. Iyon ba ang tama?”                 Hindi naman nakasagot si Devos sa sinabi ni Mercier.                 Isinara ni Mercier ang libro sa lamesa ni Devos at kinuha ito.                 “Huwag mo ng pasukin ang pantasyang walang katotohanan, mahal na hari,” ani ni Mercier at niyakap ang libro. Susunugin niya na ito.  Nilapit nya ang mukha niya sa hari at binulungan ito. “Tama na.”                 “Kung hindi mo masyadong tinitignan ng sobra sobra ang mga bagay bagay ay baka nakita mo pa ang dapat mong makita,” ani ni Devos sa reyna.                 Tinalikuran naman siya ni Mercier at tinignan ang mga librong nakalagay sa estante sa gilid.                 “Huwag na nating patagalin pa ito, kamahalan,” ani ni Mercier. “Ano ang iyong sasabihin. Bakit mo ako ipinatawag.”                 “Anong kataksilan na naman ang plinaplano niyo?” tanong ni Devos sa kanyang asawa.                 Napatigil si Mercier sa kanyang pagsusuri ng mga libro at nanlaki ang kanyang mga mata.  Muli niyang ibinalik sa kalmado ang kanyang ekspresyon at tumingin sa hari.                 “Ano ang iyong pinagsasabi?” tanong ng reyna sa kanyang asawa. “Pinagbibintangan mo ba kami ng aking pamilya sa isang bagay na wala kang ebidensya. Sino naman ang nagsuksok sa iyong utak ng bagay na iyan? Ang iyong tagapayong si Bellamy?                 Napatawa ng sarkastiko ang reyna at tumalim ang kanyang mga mata noong mabanggit ang pangalan ng taga payo.                 “Sinabi ko na sa iyo na hindi mapagkakatiwalaan si Bellamy,” ani ni Mercier sa kanyang asawa. “Mataas ang pangarap ng matandang iyon. Gagawin niya ang lahat upang paikutin tayo sa kanyang mga palad. Pinag aaway niya lamang an gating pamilya, Devos. Ispipin mong mabuti ang ibinibintang niya. Hindi namin magagawa sa hari iyon.”                 Ngunit kahit anong ibato ni Mercier La Casa kay Bellamy ay naniniwala ang hari sa kanyang taga payo pagka’t lubha niyang kilala ang mga La Casa. Alam niya kung ano  ang pwedeng gawin nito para sa kapangyarihan.                 Hindi ganoon katibay ang koneksyon nila ni Mercier upang samahan siya nito. Malaki ang tyansa na ito pa ang magsimula ng away nilang dalawa.                 “Kung ganoon ay ano ang sabi sa iyo ng iyong ama?” tanong ni Devos sa kanyang asawa.                 “Anong sasabihin niya?” tanong ni Mercier dito. “Wala naman akong natatanggap na kahit anong- “                 Napatigil si Mercier sa kanyang sasabihin. Napagtanto na niya ang ibig sabihin ng hari. May nakakakita sa kanya noong makuha niya ang sulat ng kanyang ama. Kung meron may ay nasisigurado niyang si Bellamy ito.                 Ang ikinaiinis niya ngayon bukod kay Bellamy ay hindi niya agad nagawan ng palusot ang sulat na iyon. Kung sasabihin niya kay Devos na nakalimutan niyang sabihin dito ang patungkol sa sulat ay siguradong maghihinala ang hari sa kanya at masisira ang kanyang mga plano.                 Napatuktok siya sa  may estante habang nag – iisip ng mabuti. Napansin ni Devos ang bagay na iyon. Alam niyang nag – iisip si Mercier.                 “Ano at hindi ka makasagot?” tanong ni Devos sa kanyang asawa. “Ibigay mo sa akin ang sulat at ako ang magbabasa.”                 Huminga naman ng malalim si Mercier at tinitigan ang kanyang asawa.                 “Wala akong sulat na natanggap,” tanggi ni Mercier.                 “Sinungaling,” mariin na sabi sa kanya ng hari.                 “Bakit? Nakita mo ba ng iyong mga mata?” tanong ni Mercier dito. “Kung galing lang sa bibig ng ibang tao ay sinasabi ko na sa iyong puros kasinungalingan lamang iyon. Kahit halughugin mo ang buo kong silid ay hindi mo makikita ang sulat na gawa gawa ng mapanlinlang na bibig.”                 Napakuyom naman ng kamao si Devos. Sigurado siya na kung may sulat man ang panginoon ng ikalimang lupain sa kanyang anak ay maaring sinunog na ito ng kanyang anak upang walang maiwan na ebidensya at kung sinunog nga iyon ni Mercier ay lubhang kabaha bahala.                 Walang dahilan upang hindi ito ipaalam sa hari. Walang dahilan upang sunugin ito agad matapos basahin pwera na lamang kung naglalaman ito ng mga mensahe na hindi niya dapat malaman.                 “Pinapunta mo ako rito para pagbintangan ng isang kasinungalingan?” tanong ni Mercier. “Ano bang nangyayari sa iyo, mahal na hari. Aalis na ako at babalik na ako sa aking silid.”                 Yumuko si Mercier sa hari at akmang aalis na nang magsalita si Devos.                 “Huwag kang masyadong magnanais lumipad, Mercier,” ani ni Devos sa asawa. “Alalahanin mong walang pakpak ang ahas. Dapat lang ito sa lupa.”                 Dumilim ang mga mata ni Mercier sa sinabi ng kanyang asawa na si Devos.                 “Kung ganoon ay nais mo bang makita kung paano lumipad ang isang ahas?” tanong ni Mercier sa asawa.                 Tumayo naman si Devos at nilapitan ang kanyang asawa.                 Hinaplos niya ang mukha ni Mercier pababa. Tumigil ang kamay niya sa leeg ng reyna at hinawakan ito ng hindi kadiinan.                 “Huwag mo akong susubukan, Mercier,” banta ng hari dito. “Ako ang hari at hawak ko ang lahat kalupaan. Pangunahan mo ang iyong daan patungo sa iyong silid. Sisiyasatin ko ang mga iyong kwarto.”                 Inalis naman ni Mercier ang kamay ni Devos at lumabas. Sinundan naman siya ni Devos at nakita nya si Amaya na naghihitay sa isang gilid. Yumuko ito sa kanya tanda ng paggalang.                 “Sinabi ko na sa iyo na hindi alipin ang isang babaylan,” ani ni Devos ‘kay Mercier habang sila ay naglalakad patungo sa silid ng reyna. “Hindi mo dapat alipinin ang babaylan na ito.”                 “Huwag mong pakielaman ang kagustuhan ko,” ani ni Mercier sa kanyang asawa. “Aalipinin ko ang sino mang gustong maging alipin. Kagusutuhan rin naman ni Amaya na pagsilbihan ang kanyang reyna. Isa pa ay hindi na siya purong babaylan. May halo na siya ng itim at dilim.”                 “Sinasabi mo ba na napasama lamang ang buhay ng binibini dahil sa iyo?” tanong ni Devos ‘kay Mercier. “Binahidan mo ng dumi ang purong babaylan? Sugo sila ng mga kalangitan kaya maghanda ka sa paglalapastangan sa isang babaylan.”                 Tumigil sa kanyang paglalakad si Mercier at tinaliman ng titig ang kanyang asawa.                 “Ito ba ang gusto mo??” tanong ni Mercier sa kanyang asawa. “Ang ipahiya ako sa lahat? Hindi na ako magtataka kung walang pumipiling babae sa iyo dahil sa ganyang ugali mo.”                 “Pero pinili mo ako,” sagot ni Devos sa kanya.                 “Napilitan lamang akong pakasalan ka,” ani ni Mercier dito.                 “Hindi karapat dapat ang sagot mo na iyan, Mercier,” ani ni Devos. “Marami kang pagpipilian at ikaw mismo ang pumili ng landas mo.”                 Umirap si Mercier at nagptuloy sa kanyang paglalakad.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD