AT THE FIRST LAND: THE LAND OF DRAGONS
Third Person Point of View
“Mahal ko,” tawag ni Emilia sa kanyang asawang si Gregor. “May dalang magandang balita ang uwak sa atin galing sa ika apat na kalupaan.”
Mula sa pagkakatingin sa bintana ay lumipat ang mata ni Gregor sa kanyang asawa na si Emilia.
“Isang balita?” tanong ni Gregor na kunot ang noo.
Inabot naman ni Emilia ang isang maliit na papel sa kanyang asawa. Ibinigay ito sa kanya ng tauhan ng kanyang asawa na si Avrio dahil hinarang niya ito kanina noong makita niyang may hawak na selyadong kasulatan.
Bnasa naman ni Gregor ang laman ng sulat at pagkatapos ay napatingin sa kanyang tauhan na si Avrio.
“Kung ganoon ay patay na ang panginoon dati ng ika apat na lupain na si panginoong Merco Octavin,” ani ni Gregor sa kanila.
“Ganun na nga po, panginoon,” ani ni Avrio sa kanyang panginoon. “Ngunit hindi nila napatay ang apo nito na si Addison Octavin. Ang sabi nila ay nakatakas ito kasa kasama ng malapit na tauhan ng dating panginoon ng ika apat na kalupaan. Itinakas nila ang dapat na susunod na uupo sa pwesto ng panginoong Merco. Maaring magbalik muli ito sa takdang panahon upang ipaghiganti ang nangyari sa kanila.”
Umupo naman si Gregor sa upuan. Sinundan siya ng kanyang asawa at ni Avrio. Umupo rin ang mga ito sa harap ng lamesa upang mag usap usap.
“Ngunit hindi iyon ang dapat alalahanin sa ngayon,” ani ni Gregor sa mga ito. “Ama ni Mercolita Octavin si Merco Octavin. Lolo ito ng kasalukuyang reyna ng anim na kalupaan. Batid kong hindi mananahimik na lamang ang mga La Casa at Octavin sa isang tabi kung mababalitaan nila ang pangyayaring ito. Sigurado akong nakarating na rin ang balita sa kaharian at sa lupa ng mga La Casa. Maaring mag mitya ito ng panibagong digmaan dahil sa ginawa ng pamilyang Carlsen.”
“Kung sakali man na patulan ito ng kadugo ng mga Octavn at kaanib pwersa nila ay hindi maaring wala tayong gawin pagka’t kaanib natn ang mga Carlsen,” ani ni Avrio sa kanyang panginoon. “Hindi natin maiiwasan ang digmaan sa pagitan ng mga La Casa, River at Octavin kung sakaling tumuloy ang mga pangyayaring ito.”
Mataimtim naman na nag – isip ang panginoon na si Greco Aragon. Alam niya na hindi dapat magkaroon ng digmaan sa pagitan ng mga Carlsen, pamilyang Octavin, at mga La Casa. Siguradong madadamay din sila at kakailanganin niyang pumili at magtraydor sa isa niyang kaalyansa.
Muling magbibitak ang daan ng kapayapaan sa oras na sumakay sa mga kabayo dala dala ang kanilang matatalim na sandata ang mga ito.
“Ang ipinagtataka ko, Gregor ay kung bakit ginawa iyon ng mga Carlen,” ani ng kataas taasang Emilia. “Alam nila na malakas ang alyansa ng pamilyang Octavin ngunit pinatay pa nila ito imbes na ikulong upang gawing kanilang bihag. Isa pa ay isang selebrasyon lamang ang ating natanggap at hind sila humingi ng kahit na anong tulong sa atin. Ibig sabihin lamang nito na wala na tayong dapat ipangamba pa.”
“Iyon ang dapat nating ipangamba, Emilia,” ani ni Gregor sa kanyang asawa. “Gaya ng sabi mo ay lubhang nakakapagtaka ang mga bagay na ito. Mas nakakatakot kapag walang gagawin ang mga La Casa at Octavin sa bagay na ito. Mapapaisip ka kung bakit. Ano sa tingin mo, Avrio?”
Hinimas naman ni Avrio ang kanyang maliit na balbas.
“Kung magkakaroon ng digmaan ay inimumungkahi ko na isipin niyo na ngayon, panginoon kung anong panig ang inyong pipiliin o kung may bagay ka na magagawa upang mapigilan ito,” ani ni Avrio sa kanyang panginoon na si Gregor Aragon.
“At paano kung hindi natuloy?” tanong ni Gregor dito.
“May mali,” ani ni Avrio. “Kailangan nating manmanan mabuti ang mga kilos ng mga Carlsen.”
“Ngunit ipinadala na nila ang anak nila rito sa atin,” ani ni Emilia sa kanila. “Magagawa ba nila tayong traydurin kahit hawak natin ang buhay ng kanilang anak?”
Hinawakan naman ni Gregor ang kamay ng kanyang asawa.
“Hindi natin masasabi, Emily,” ani ni Gregor dito. “Ngunit malaki ang tiwala ko sa kanila. Hindi tayo magagawang pagtaksilan ni Hidalgo Carlsen. Kilala ko ang ama ni Levin. Mabuti siyang tao.”
Napaisip naman si Emilia sa sinabi ng kanyang asawa. Muli niyang naisip ang pagkakaibigan ng kanyang asawa, ni Haring Devos at ng dating Hari na si Beumont.
Naisip niya na sobrang malapit ang mga ito sa isa’t isa at akala mo ay magkakapatid na kung ituring ang isa’t isa ngunit nagkaroon pa rin ng matinding alitan sa kanilang mga pagitan. At kahit anong laki ng pagtitiwala nila ay nasira pa rin iyon dahil lamang sa isang bagay na hindi sila nagkasundo.
Tama ang kanyang asawa. Walang nakakaalam kung ano ag iniisip ng isang tao. Hindi nila makikita ang hinaharap o mababasa ang iniisip ng kanilang kaharap. Ang tanging kaya lang nila ay ang manghula at magdesisyon sa kung anong pwedeng gawin kapag apunta na sila sa sitwasyon na kanilang nahihinuha.
Maging siya ay nagtataka ngunit naiisip niya rin ang pakiramdam ni Hidalgo Carlsen. Kaya ba nitong mamatayan ng isang anak para lamang sa trono? Dahil simbolo ng kanilang alyansa si Levin Carlsen ay may mga kasunduan silang dapat tuparin.
Kung sakali man na tumalikod ang mga Carlsen sa kanila o wasakin ang tiwala nila ay hahatulan ng kaparusahang kamatayan ang kanilang anak na si Levin Carlsen bilang parusa sa kanilang kasalanang nagawa.
Ito ay isang sagradong kasunduan na kailangan nilang isakatuparan. Napalapit na rin sila kay Levin at sigurado siya na napalapit na rin ang kanyang mga anak sa binatang anak ng mag asawang Carlsen.
Kasayang sayang kung mamamatay ito.
Napahinga ng malalim si Levin Carlsen habang nasa gilid ng bintana ng silid kung saan nag uusap ang tatlong namumuno sa ikaunang lupain.
Dadaan lamang sana siya noong marinig niya ang apilido ng kanyang pamilya. Natutuwa siyang ito na ang mga bagong namumuno sa ika apat na kaharian ngunit may pagkadismaya sa kanya na hindi man lang nagpadala ang mga sulat ang mga ito upang ipaalam sa kanya.
Yumuko na lamang siya at lumakad na paalis doon. Hindi niya gustong mabintangan siyang isang espiya na nakikinig sa usapan ng kanyang panginoon.
Isa itong kasalanan at may parusang nakaatang para sa bagay na ito. Bumalik na lamang siya sa silid kung saan tanaw niya ang kataas taasang Emma sa pananahi ng mga tela.
Hindi niya napapansin sa kanyang sarili na araw araw niya na lamang pinapanood ang dalaga sa pananahi ng mga tela nito.
Maging ang pagtaas ng kanyang labi sa tuwing nakikita ang magadang dilag ay hindi niya na napapansin pagka’t para siyang naakit sa taglay na ganda ng dalaga.
***
“Narinig mo ba ang balita, kuya Gregory?” tanong ni Inari sa kanyang nakakatandang kapatid na ngayon ay umaasinta sa kanyang tatamaan ng palaso.
“Anong balita?” tanong ni Gregory sa kanya habang patuloy na umaasinta.
“Naghahari na raw ang pamilyang Carlsen sa ika anim na kaharian,” ani ni Inari. “Ibig sabihin lamang niyon na lumalaki na ang ating pwersa dahil sa katungkulan na nakuha nila. Isipin mo na lamang na nasa atin ang Chevor at ang Carlsen.”
“Sa pandinig ko ay tila hinahamon mo ang pwersa ng kaharian,” ani ni Aspen na nakaupo sa isang gilid at nakikinig.
Binitawan naman ni Gregory ang kanyang palaso at tumama lamang ito sa gilid ng gitna.
Napatingin naman si Inari sa kanyang kapatid na si Aspen.
“Ikinukumpara mo ang pwersa ng mga Aragon sa pwersa ng mga River,” ani ni Aspen sa kapatid. “Isa itong kataksilan ay pwede kang mapugutan ng ulo kapag narinig ito ng mga namumuno.”
Napalunok naman si Inari sa sinabi ng kapatid. Iyon na nga ang kanyang iniisip. Dahil iniisip niya na anim lamang ang hawak na kalupaan ng hari at nasa kanila na ang tatlong iyon.
“Wala naman akong sinabing ganoon,” ani ni Inari sa kapatid.
“Ngunit iyon ang ibig sabihin noon,” ani ni Aspen sa kanyang kapatid. “Mag – iingat ka sa iyong mga sinasabi. Hindi mo alam kung sino sino ang mga nakakarinig nito at wala kang alam kung ano ang dating ng mga bagay na iyon sa kanila. Sino ang may alam kung ano ang kaya nilang gawin sa iyo. Kung nais mong maging magaling na mandirigma, ang unang una mong dapat sanayin ay ang itikom ang iyong bibig.”
Napasimangot naman si Inari sa pangaral ng kanyang nakakabatang kapatid.
Tinapik naman ni Gregory ang balikat ni Inari.
“Tama siya, Inari,” sabi ni Gregory sa dilag. “Nahuhuli ang isda sa bibig at maaring ang bibig mo ang magpahamak sa iyo pagdating ng panahon. Gusto rin kitang balaan sa walang tigil na iyong pagsasalita. Ang mga sensitibong impormasyon, minsan ay kailangan na lamang nating sarilihin. Dapat piliin natin ang mga bagay na lalabas sa ating bibig. Paano kung narinig ka ng mga namumuno sa kaharian?”
“Mabait naman ang hari sa aking tingin,” ani ni Inari. “Parang iyon lang ay pupugutan na ako ng ulo?”
“Maaring palampasin ka ng hari ngunit ang reyna?” tanong ni Gregory sa kapatid. “Sa tingin mo ba ay palalampasin ka niya? Kilala mo ang reyna, Inari. Alam mo kung ano ang kaya niyang gawin. Kahit magkaroon pa ng digmaan ay sisiguraduhin niyang mapapatay niya ang mga taong nais niyang patayin. Kung mayroon ka mang dapat katakutan ay ang mga La Casa.”
“Oo na,” ani ni Inari. “Pasensya na. Masyado lamang akong nagalak sa magandang balita.”
“Walang magandang hatid nag balitang iyon,” ani ni Aspen at binuklat ang librong binabasa. “Sa kahit anong sulok mo titignan ay walang katuwa tuwa sa dumating na balita.”
Napakunot naman ang noo ni Gregory sa inasal ng kanyang kapatid. Pakiramdam niya ay mas matalino pa ito sa kanya at tila matanda na kung magi sip.
Inilagay nya ang kamay niya sa ulo ni Aspen.
“Bata ka pa, Aspen,” ani ni Gregory. “Hindi mo kailngang bigatan ang mga nakalagay sa iyong balikat. Na sa edad ka pa kung saan dapat mong lasapin ang bawat oras. Maglaro ka ng bagay na gusto mo.”
“Hindi ka pwede maglaro sa gitna ng digmaan,” ani ni Aspen sa nakakatandang kapatid. “Walang halong biro ang reyalidad. Walang pinipiling edad ang talim at kamatayan. Hindi pwedeng pangiti ngiti ka lamang. Dapat ay handa ka pagka’t ang mundo ay parang isang labanan at ang mga tao ang mga mandirigma. Ano mang oras ay pwede ka nilang ambaan ng yong sandata.”
Napalunok naman si Gregory sa sinabi ng kapatid. Masyadong seryoso ito. Mas seryoso pa sa kaya.
“Alam ko. Alam ko,” ani ni Gregory at tumawa. “Ang sinasabi ko lang naman ay bata ka pa.”
“Mas nais kong matuto kaysa maglaro,” ani ni Aspen at isinarado ang libro saka tumakbo paalis doon. Nagkatinginan na lamang si Inari at Gregory.