At The FourthLand: The Land of Wealth
Third Person Point of View
“Wala parin bang balita mula sa ikalimang lupain?” tanong ni Merco ilang araw na silang naghihintay ng balita mula kay Mercolita.
Ang lahat ng buhok nito ay puti na. Matabang lalaki si Merco. Patay na ang asawa nito kaya mag isa na lamang ito sa buhay. May dalawa siyang anak na babae na pawang wala na sa poder niya pagka’t kinuha na ito ng mga asawa. Ang tanging kasama sa kastilyo ay ang apong lalaki na si Addison Octavin. Labing siyam na taong gulang. Anak ito ng kanyang pangalawang anak na si Mercolina. Nakapag asawa ito ng isang lalaking hindi naman nanggaling sa makapangyarihang pamilya. Wala naman siyang magagawa kung iyon ang nagustuhan ng anak. Ipinadala si Addison sa kanya pagka’t kulay luntian ang mata nito. Namana nito ang mata ni Mercolina. Itinakwil ito ng sariling ama. Naniniwala sila na ang mga batang ipinanganak na hindi nakuha ang kulay ng mata ng ama ay mga batang walang karapatan pumasok sa kanilang pamilya.
Kahit ganoon pa man ang tingin ng pamilya ni Addison sa binata ay lubos lubos naman niyang ikinagagalak na makita ito. ‘Kay Addison niya balak ilipat ang kaniyang pwesto pagdating ng panahon. Nagpadala rin siya ng sulat kay Mercolina na naglalaman ng imbitasyong samahan siya patungong kaharian ngunit tinanggihan nito ang kanyang imbitasyon.
Si Mercolita naman ay nagkaroon ng mga anak na mga pawang sumunod sa apilido ng asawa nito na si Raciero La Casa. Ilang taon na rin simula nang makita niya ang mga ito kaya naman labis siyang natutuwa sa pagiimbita ng hari pagka’t muli niyang makikita mga apo at anak sayang ngalang at hindi sila makukumpleto.
Napabuntong hininga naman si Merco sa iniisip. Siguro sa katandaan ay masyado na siyang nangungulila sa mga anak. Hindi sila kayang palitan ng kapangyarihan.
Ang mga anak niya parin ang magpapasaya sa kanya. Mabuti nalang at narito ang apong si Addison upang tanggalin ang pagkalumbay niya sa maghapon. Ito ang dahilan kung bakit may natitira pang saya sa kanyang kalooban.
“Ikinalulungkot ko panginoong Merco pero walang sulat na dumarating mapa hanggang sa mga oras na ito,” sabi ni Rey sa panginoon.
“Ihanda mo ang mga kawal natin,” sabi ni Merco at napadiin ang hawak sa upuan.
Mukhang wala na siyang aasahang tulong mula sa ibang lupain. Bilang na ang oras bago magsimula ang laban niya sa mga Carlsen.
“Lolo, nagmamartsa na ang mga Carlsen patungo sa kastilyo!” sabi ni Addison na kapapasok lang.
Isang binatang puno ng kaseryosohan ang mukha. Ang buhok nito ay bahagyang tinatakpan ang mga matang luntian. Matangkad ito sa edad ngunit may kapayatan. Nakasuot ito ng pandigma dahil sa labanang mangyayari sa loob ng lupain.
Napasilip naman si Rey sa bintana at nakita ang libo libong kawal ng mga Carlsen na nagmamartsa na patungo sa kanilang kaharian.
“Malapit na sila sa kastilyo, Panginoon. Pinangungunahan siya ni Hidalgo at ni Tyrell Carlsen,” sabi ni Rey habang nakasilip.
Medyo napangiwi siya sa nakitang mga dalang kakampi ng mga ito. Libo libong kawal. Nagtataka si Rey kung paanong naipon nito ang ganitong kawal ng hindi nila napapansin.
“Ihanda mo ang hukbo!“ sabi ni Merco at kinuha ang espadang nakasabit sa pader.
“Panginoon, ang mga kawal nila ay higit na mas marami kaysa sa atin. Sampung beses ng bilang ng hukbo natin ang bilang ng kaaway,” sabi ni Rey sa kanyang panginoon.
“Natatakot ka ba Rey? Huwag kang matakot sa libo libong kaaway matakot ka na hindi mo na makita ang kinabukasan at mga mahal mo sa buhay,” sabi ni Merco at naglakad paabante mula sa kanyang kinalalagyan.
“Hindi mo na kayang lumaban, Lolo. Hayaan mong ako na ang makipaglaban para sayo,” pigil ni Addison.
May suot na kalasag si Merco at may balak na lumaban kasama ng mga kawal nito.
Napatawa naman si Merco ng apo na si Addison.
“Sinasabi mo bang mas mahina pa ko kay Hidalgo na ngayon ay may sakit? Tignan mo ang matandang iyon at kasa kasama ang anak na susugod rito,” sabi ni Merco sa kanyang apo habang dala dala ang ngiti sa labi upang hindi ganoong mabahala ang kanyang apo.
“Panginoon,” muling tawag ni Rey sa kanyang panginoon na si Merco.
Nag - aalangan siya. Alam niyang hindi nila kakayanin ang kaaway ngayon na walang tulong mula sa mga La Casa.
“Hindi tayo susuko sa laban, Rey. Sinabi ko na sa iyo na dadalo pa ako sa kasiyahan sa kaharian pagkatapos kong pugutan ng mga ulo ang mga kalaban,” sabi ni Merco saka tuluyang lumabas ng silid.
***
“Panginoong Merco sumuko ka na bago pa dumanak ang dugo sa buong kastilyo. Ibigay mo nang kusa ang posisyon at ipinapangako kong walang digmaang magaganap. Walang dugong dadanak. Walang mamamatay,” sabi ng isang lalaking may kalimbahin na mga mata. Walang iba kundi ang panganay na anak ni Helena at ni Hidalgo Carlsen na si Tyrell Carlsen.
Nagniningning ang kalasag nito na tinatamaan ng matinding sikat ng araw.
“Kahit kailan ay hindi isinusuko ng mga Octavin ang kanilang kapangyarihan. Ang Octavin ang karapat dapat mamuno sa ikaapat na lupain. Ang ginagawa niyong pagrerebelde sa mga Octavin ay para naring pagrerebelde sa kaharian! Sa oras na makarating ito sa kaharian ay ipapatay nila kayong lahat,” madiin na sabi ni Merco sa kanyang kaharap na mga Carlsen. “Isa itong katrayduran sa inyong panginoon!”
“Panginoong Merco, hindi mo naiintindihan ang mga nangyayari. Bakit naman gagawin iyon ng hari gayong alam niya na mas malaking benepisyo ang mga Carlsen kaysa sa mga Octavin. Hanggang may makukuhang benepisyo ang ibang lupain sa amin ay walang makikielam. Bilang na ang mga oras niyo kaya isuko niyo na ang iyong posisyon,“ sabi ni Tyrell. “Lumuhod ka na sa harap ko bago pa magbago ang isip ko at putulan ka na lamang ng ulo imbes na iligtas ko pa ang iyong buhay.”
“Manahimik ka! Dadaan ka muna sa bangkay ko bago mo makuha ang posisyon ko!” sabi ni Merco na nagmamatigas pa.
Ngumiti naman si Tyrell at tumalikod na sakay ng kanyang kabayo.
“Rey, ilayo mo si Addison sa oras na hindi pumanig sa atin ang tadhana,” sabi ni Merco na sa kaibudturan ng puso ay hinihiling na may dumating na tulong mula sa ikalimang lupain.
Alam niyang hindi nila kakayanin ang pwersa ng mga Carlsen ngunit hindi siya luluhod dito. Mamatay siya ng may dangal habang pinaglalaban ang kanyang posisyon at kaharian.
“Panginoon," tawag ni Rey dito.
Hindi niya maintindihan kung bakit gusto nito ng digmaan gayong alam naman nilang matatalo sila sa kanilang kalagayan.
“Hindi sumusuko sa laban ang mga Octavin, Rey. Kailanman ay hindi tinatakbuhan ng mga Octavin ang mga laban. Hindi namin iyuyuko o isusuko ang sarili naming pwesto. Hindi ako takot mamatay. Mas natatakot ako para kay Addison,” sabi ni Merco na nabasa ang nasa isip ng mandirigmang si Rey.
“Masusunod,” sabi ni Rey sa kanyang panginoon.
“IHANDA ANG MGA PALASO!!!! TIRAAA!!!” sigaw ni Merco noong sumusugod na ang mga kalaban papasok ng kanilang kastilyo.
***
Nagkaroon ng madugong labanan. Halos maubos ng mga Carlsen ang mga alagad ni Merco. Nakapasok ang mga kawal ng mga Carlsen sa kastilyo. Ilang oras na ang nakalipas ngunit walang tulong na dumating.
Tuluyan ng nawala ang pag asa ni Merco sa puso. Habang sa kabilang banda ay nagtataka si Addison ng hatakin siya paalis roon ni Rey. Pilit mang kumakawala sa mandirigma ay walang magawa si Addison dahil mas malakas si Rey sa kanya.
Sa malayo ay nakita niya na nakatayo ang kanyang lolo sa taas ng kastilyo.Naroon at naabutan narin ito ng mga Carlsen
“REY ANONG GINAGAWA MO?! BAKIT UMAALIS TAYO NG WALA ANG PANGINOONG MERCO?! INUUTUSAN KITANG BITAWAN MO KO!!” malakas na sabi ni Addison ngunit tila walang naririnig ang mandirigma na humahatak sa kanya paalis sa kanilang kastilyo.
Palayo na sila ng palayo sa kastilyo pero kitang kita niya pa rin ang mga taong nakatayo sa itaas ng kastilyo nila at halos panghinaan ang buong katawan niya nang makita ang huling mga nangyari sa taas.
***
“Panginoong Merco. Bakit ba matitigas ang ulo ng mga Octavin hindi ba sinabi ko na sa iyong isuko mo nalang ang iyong pwesto?” tanong ni Tyrell na nakaakyat na sa pinakatuktok ng kastilyo kung saan naroon ang panginoon.
“At ilang beses ko bang sasabihin sa iyo na kailanman ay hindi ko isusuko ang aking pwesto,” sabi ni Merco habang hinihingal na.
Pagod na ito sa pakikipaglaban.
"Arrghh," daing ni Merco noong maramdaman ang talim sa kalamnan.
Napaluhod ito ng saksakin ng isang kawal sa likuran.
“Masyado ka nang matanda, Merco. Hindi ka na kasing galing noong nakikipaglaban ka pa kasama ng hari labinlimang taon na ang nakakalipas,” sabi ni Hidalgo dito.
Hindi naman sumagot si Merco rito.
“ ‘Wag kang mag alala, ako na ang dadalo ng kasiyahan para sa iyo at ibibigay kitang regalo sa mga anak mo,” sabi ni Tyrell at itinaas ang espada.
Sa isang kumpas ay hiniwa niya ang matanda sa leeg. Humiwalay ang ulo nito sa katawan.
Sa araw na ito ay natapos na ang pamumuno ng mga Octavin sa ikaapat na lupain.
Napanganga si Addison sa kanyang nakita. Kitang kita niya kung paano naputulan ng ulo ang kanyang lolo mula sa kamay ng mga Carlsen.
Hindi siya makapagsalita at nakatitig lamang sa itaas ng kastilyo nila. Tumigil ang kanyang mundo at naramdaman niya ang mainit na likidong tumutulo mula sa kanyang mata at umaagos sa kanyang pisngi.
“L-lolo…” malat na tawag niya rito.
“Sumakay ka na sa kabayo,” ani ni Rey sa binatang nakatulala ang tingin sa itaas ng kastilyo.
“Panginoong Addison! Sumakay ka na ng kabayo,” madiin na wika ni Rey sa kanyang bagong panginoon.
Kailangan niyang itakbo roon si Addison upang hindi ito mapaslang ng mga kalaban.
Maging siya ay nasasaktan at alam niyang mamatay na ang panginoon niya na si Merco kaya naman inutos nito sa kanya na itakas na ang apo nitong si Addison palayo roon.
“LOLO!!!!” sigaw ni Addison at agad na humakbang upang takbuhin ang kastilyo habang tumutulo ang mga luha sa mata.
Agad siyang hinawakn ni Rey sa kamay at pinigilan sa pagtakbo saka tinakpan ang kanyang bibig.
“Huwag kang maingay, Panginoong Addison,” ani ni Rey habang madiin na tinatakpan ang bibig ng binata. “Baka marinig tayo ng mga kawal nila. Hindi nila tayo pwede makita!”
Para namang walang naririnig si Addison at pilit pa rin na nagsusumigaw kahit may nakatakip na kamay sa kanyang bibig. Pilit din siyang kumakawala sa pagkakahawak ni Rey sa kanya kaya naman ang ginawa ni Rey ay ikinulong siya nito patalikod sa kanyang bisig upang hindi niya ito mabitawan.