At the Land of Birds: The Land of Free Men
Third Person Point of View
“Erebus!” tawag ni Nabi sa binata kaya naman napatigil si Erebus sa pagpasok sa isang gusali. “Huling babala ko na sa iyo ito. Hindi pang karaniwang nilalang si Augustus. Marami siyang nasasakupan sa lugar na ito at sa karatig pang mga kalupaan. Masyado siyang makapangyarihan hindi mo siya kaya.”
“Iyon nga ang dahilan kaya ako naparito,” ani ni Erebus sa dalaga. “Malaki ang maitutulong niya sa akin.”
“Humanap ka na lamang ng iba,” ani ni Nabi sa binata. “Huwag na si Augustus. Hindi ko kayang pigilan siya kapag hindi naging maganda ang usapan niyo. Huwag kang masyadong makinig kay Shabiri. Ipinapahamak niyo lamang an gating mga sarili. Kinatatakutan siya ng karamihan dito. Maniwala ka sa akin. Matagal na akong naninirahan sa lupaing ito at kilala ko na ang mga taong hindi dapat binabangga.”
“Hindi ako narito upang banggain siya,” ani ni Erebus. “Narito ako upang kuhanin siya bilang kamay ko.”
Tumalikod na si Erebus kasama ang kanyang kapatid na si Meira at pumasok sa may pintuan.
Kunot naman ang mga noo ni Nabi na napasunod na lamang sa kanila. Batid niyang hindi na niya kaya pang pigilan ang binata.
Napatingin si Nabi kay Alexander.
“Hindi mo ba pipigilan ang panginoon mo?” tanong ni Nabi rito. “Masyadong mapanganib ang pinapasok niya.”
“Walang libre sa malaking premyo,” sagot ni Alexander sa dalaga at sumunod na rin kila Erebus papasok.
Wala namang nagawa si Nabi at sumunod na rin sa tatlo.
Naabutan nila Erebus ang animo ay serbeserya ang loob ng gusali.
May mga babae at mga lalaking nag iinuman. Puno ng usok ng sigarilyo ang loob. Maririnig mo ang malalakas na tawa ng mga lalaking lasing na.
Napakapit si Meira sa kamay ng kanyang kapatid pagka’t natatakot siya sa kanyang mga nakikita. Naalala niya ang lalaking malaki ang pangangatawan na humahabol sa kanya noong isang araw dahil sa madilim na aura sa loob ng gusaling pinasukan nila.
Ang mga lalaki sa loob ay tila walang pakielam sa mga bagong pasok. Hindi malaman nila Erebus kung paano nila kukuhanin ang mga atensyon nito.
“Ginoo,” tawag ni Erebus sa isang lalaki ngunit tumingin lamang sa kanya ito saka bumalik sa kanyang ginagawa.
Nagkatingin si Erebus at si Alexander.
“TUMIGIL ANG LAHAT!” sigaw ni Alexander pagka’t maingay sa loob.
Sa kabila ng kanyang pagsigaw ay walang pakielam ang mga tao sa loob.
Inilabas ni Erebus ang kanyang espada at hinawa ang mga alak na nasa mga estante. Gumawa ito ng pagkabasag na ingay at natapon ang mga alak.
Doon napatigil ang lahat saka napatingin sa kanila.
Tumahimik ang kabuuang silid habang nakatingin sa apat ang mga malalamig na mata.
Isinuksok pabalik ni Erebus ang kanyang espada.
“Nasaan si Augustus? Nais kong makausap si Augustus,” ani ni Erebus sa mga ito.
Napatayo naman ang isang lalaki sa pinakalikod. Nakuha nito ang atensyon nila Erebus.
Malaki ang pangagatawan nito na akala mo ay isang suntok pa lamang ay tumba ka na. Ang mga naglalakihang braso nito ay may mga nakaburdang larawan. Nakasuot ito ng kuwero na mataas sa tuhod habang ang malaking katawan ay nakasuot ng sinturon na hugis paekis.
May hawak itong palakol at may balbas na isang pulgada ang haba. Mahaba ang buhok nito na nakatirintas sa likod. Matapang ang mga tingin ay mababatid mo ang malakas na presenya.
Taas ang noo nito na akala mo ay hindi pa natatalo sa ano mang laban na pinasok.
Matangkad din ito tulad ni Erebus at Alexander. Kitang kita mo na batak na batak ang katawan ng lalaki.
“Siya si Augustus,” bulong ni Nabi. “Siya na ang hinahanap mo.”
“Hinahanap mo ako bata?” tanong ni Augustus. Malaki ang boses mo na bagay lamang dahil sa malaking tao siya. “Ano ang kailangan mo sa akin?”
“Nabalitaan ko ang iyong katanyagan,” ani ni Erebus. “Naparito ako upang kuhanin kang maging kasapi ng aking kapangyarihan.”
Agad na napatawa ang mga tao sa loob kasama na si Augustus sa sinabi ni Erebus.
“Hinihikayat mo akong sumapi sa iyo? Bakit sino ka ba? Isa ka lamang di hamak na normal na tao o baka isa ka lamang alipin na nais maghiganti sa kanyang amo na minaltrato siya!” natatawang ani ni Augustus sa binata. “Hindi ako lumuluhod kanino man. Umalis ka na rito, bata.”
Umupo uli si Augustus sa kanyang upuan at tumungga ng alak sa kanyang lamesa.
“Sinabi ko naman na kasi sa iyo,” ani ni Nabi. “Tara na at baka mapag initan pa tayo nila.”
Sinubukan hatakin ni Nabi ang kamay ni Erebus ngunit hindi ito natinig kaya siya ang nahatak.
“Hinahamon kita, Augustus sa isang laban,” ani ni Erebus na ikinalaki ng mata ni Nabi at Alexander.
“Panginoon,” tawag ni Nabi. “Hindi mo siya kaya.”
“Hayaan mong ako ang makipaglaban sa kanya, Erebus,” ani ni Alexander.
“Kapag natalo kita ay luluhod ka sa akin,” ani ni Erebus na hindi pinansin ang dalawa. “Kung matatalo ako ay pwede mong hilingin ang kahit anong bagay at ibibigay ko sa iyo.”
Nagtawanan muli ang mga tao sa loob dahil sa sinabi ni Erebus. Para sa kanila ay katawa tawa ito dahil kahit kailan ay hindi pa natalo ng ninoman si Augustus.
Napakunot naman ang noo ni Augustus habang nakatingin kay Erebus. Nakita niya ang kaseryosohan sa mukha nito at habang nakatingin siya ng diretso sa mga mata ni Erebus ay nakikita niya ang lamig at dilim nito.
Itinaas naman ni Augutus ang bukas niyang kamay at huminto ang mga tao sa loob sa kanilang pagtawa.
Tumayo si Augustus sa kanyang upuan at inilapag ang kanyang malaking baso.
Naglakad siya patungo sa kinalalagyan ni Erebus at doon niya nakita ang dalagang nagtatago sa likuran ng binata.
“Hindi mo siya pwedeng gawing asawa,” ani ni Erebus noong magsasalita pa lamang si Augustus patungkol doon.
Napangiti si Augustus sa sinabi ni Erebus pagka’t nabasa nito ang naiisip niya.
“Kahanga hanga ang iyong katapangan upang harapin ako,” ani ni Augustus at inilipat ang mga mata kay Erebus. “Ngunit hindi kita lalabanan.”
Napakunot ang noo ni Erebus sa sinabi ni Augustus.
“Patunayan mo na karapat rapat kitang luhuran,” ani ni Augutus. “Sa kanlurang bundok ay may natatagong asul na brilyante. Buong buhay ko ay sinubukan kong kuhanin ang brilyante roon ngunit bigo ako. Sa bagay na iyon lamang ako nabigo ngunit kung madadala mo sa akin ang brilyanteng tinutukoy ko ay asahan mo na kapalit nito ang aking katapatan ay pang habang buhay na serbisyo sa iyo.”
Nagbulungbulungan naman ang mga tao sa loob ng gusali.
“Imposible,” ani ni Nabi. “May nakatirang halimaw sa bundok na iyon at walang sino man ang nakakapasok sa bundok na iyon. Kamatayan ang naghihintay sa amin doon.”
Napangiti si Augustus sa sinabi ni Nabi.
“Iyon lamang ang makakakuha ng katapatan ko,” ani ni Augutus. “Bukod doon ay wala na.”
“Ngunit paano mo nasabing naroon ang asul na brilyanteng tinutukoy mo?” tanong ni Erebus sa lalaki.
“Kilalang kilala ang bundok na iyon dahil nagtataglay ng kayaman,” ani ni Augustus. “Doon nahulog ang kwintas ng unang reyna na mula sa mga Valeeryan. Imposibleng hindi mo alam ang kwentong iyon.”
Tinitigan naman ni Erebus ng mabuti ang lalaki.
“Tinatanggap ko ang hamon mo,” ani ni Erebus. “Siguraduhin mong tutuparin mo ang ipinangako mo kapalit ng asul na brilyante.”
“Ikaw na ang nagsabi na kilala ako bilang isang tanyag,” ani ni Augustus habang nakangiti. “Hindi ko ipapahiya ang aking pangalan. Makikita mo na hindi kita bibiguin. Saksi ang mga tao rito.”
“Alam mo ang parusa sa mga walang katotohanan na nilalahad ng isang dila,” ani ni Erebus sa lalaki at napansin ni Augustus ang kakaibang presensya nito. Tila kayang kaya siya nito sa kanyang nakikita.
“Nasa iyo ang aking salita,” ani ni Augutus sa binata.
“Kung ganoon ay magsisimula na kaming lakbayin ang bundok ng kanluran,” ani ni Erebus at lumabas ng gusali. Napasunod naman sila Nabi sa kanya.