At The Second Land: The Land of Kings
Third Person Point of View
Pumasok ng bulwagan ang mga bisita ng hari. Mula sa kanyang pagkakaupo ay napatayo si Devos at sinalubong si Gregor Aragon.
“Gregor!” nakangiting ani ng hari at niyakap si Gregor Aragon. Ang kanyang matalik na kaibigan.
“Mahal na hari,” tawag ni Gregor dito. “Binabati kita sa ika labing limang taong paghahari mo sa lahat ng kalupaan.”
Napatawa naman si Devos at tinignan ang mga nakatayong tao sa likod ni Gregor.
Yumuko naman si Emilia sa hari pati na ang mga anak nito.
“Ano nga bang pangalan ng mga anak niyo ni Emilia?” tanong ng hari kay Devos.
“Ang aking panganay na si Gregory, ang aking pangalawa na si Ermil,” pagpapakilala ni Gregor sa mga ito. “Ang aking ikatlong anak at una kong anak na babae si Emma. Ito ang sumunod sa kanya si Inari at ang aking bunso na si Aspen.”
“Huling kita ko sa mga anak mo ay mga bata pa sila ngunit tignan mo ngayon,” ani ng hari habang nakatingin kila Gregor. “Kayang kaya ng pumatay ng tao. Hindi mapagkakailang nanalaytay sa dugo ni Emma ang isang chevor. Napakagandang dalaga. Pwedeng pwede natin ipareha sa mga anak ko.”
Napatingin naman si Gregor kay Emilia at nakatingin sa kanya ang kanyang asawa.
“Inari, napakaganda ng iyong mga dilaw na mata,” ani ng hari kay Inari kaya naman napangiti si Inari pagka’t hindi siya minaltrato ng hari sa kabila ng pagiging Chevor niya. “Sa tuwing nakikita ko ang mga dilaw na mga mata ay naalala ko ang iyong kapatid Emilia.”
“Matagal na iyon, Mahal na hari ngunit pati ako ay hindi ko pa rin nakakalimutan ang aking kapatid,” ani ni Emilia.
Napatango tango naman ang hari sa sinabi ni Emilia Chevor. Napahinga siya ng malalim.
“Aspen,” tawag ni Aspen sa pinakabatang anak ni Gregor na nakahawak sa kanyang si Emilia. “Ang balita ko ay katangi tangi kang bata. Ang talino mo ay kakaiba.”
“Mahilig lamang akong magbasa, mahal na hari,” ani ni Aspen.
“Gaya ng?” tanong ng hari.
“Gaya ng balita sa ikalawang kalupaa,” ani ni Aspen kaya napakunot ang noo ng hari. “Na sa kalupaang ito nakatira ang tanyag na hari. Nagagalak akong makta kayo ng personal. Isang karangalan.”
Napaawa ang hari dahil sa sinabi ni Aspen.
“Tunay na kakaiba ka,” ani ng hari at bumaling sa kanyang tauhan. “Ihatid mo sila sa kainan at siguraduhin niyong komportable ang pamilyang Aragon sa kanilang pwesto.
Gregor, mauna na kayo sa kainan. Susunod ako sasalubungin ko muna ang iba pang pamilya. Pauunahin ko na ang reyna roon.”
Tumango naman si Gregor at inaya ang kanyang pamilya. Sumunod sila sa tauhan kung saan sila ibinilin.
“Sabihin mo sa reyna na sabayan ang mga Aragon sa hapag kainan ng sa ganoon ay hind imaging kabastos bastos sa mga bisita,” utos ng hari sa kanyang tauhan na si Fieto.
Tumango naman si Fieto at lumapit sa reyna. Bumulong siya rito.
Napatingin naman si Mercier sa kanyang asawa na nakatayo sa di kalayuan.
Tumayo na siya sa kanyang upuan.
“Saan ka pupunta, ina?” tanong ni Amethyst dito.
“Sa hapag kainan upang samahan ang mga bisita ng iyong ama,” ani ni Mercier rito. “Maiwan na muna kayo rito at salubungin niyo ang mga paparating na bisita.”
“Sasamahan na kita ina,” mungkahi ni Greco kaya naman hindi na tumanggi pa si Mercier at tinahak nila ang daan patungo sa kainan habang ang ibang anak nila ay naiwan sa may bulwagan at sinamahan ang hari.
Napatingin sila Gregor sa pinto ng pagdadaluhan ng kainan noong pumasok dito si Mercier kasama si Greco at ang tauhan nito na si Amaya.
Unang tumama ang tingin ni Mercier sa panginoon ng unang kalupaan. Mababatid ang pait sa mga mata ng babae habang nakatingin kay Gregor.
Tumayo naman sila at yumuko sa reyna upang magbigay ng galang.
May tensyon sa kanilang pagitan at tahimik ang malawak na silid.
Napatingin si Emilia kay Mercier at nakita niyang nakatingin ito sa kanyang asawa. Pinagmasdan niya ang lalaking kasama nito.
Matapang ang mga binibigay na tingin ni Greco at nakatingin ito kay Gregor.
Malakas na kumabog ang dibdib ni Emilia.
Naupo ang reyna sa kanyang upuan sa tabi ng upuan sa dulo ng mahabang lamesa.
Si Greco ay umupo rin habang pinagmamasdan si Gregor. Iba ang pakiramdam niya rito. Habang si Amaya ay nasa gilid sa tabi ng malamig na pader.
Napatingin naman si Greco sa kanyang ina pagka’t hindi pa nito pinapapaupo ang pamilyang Aragon mula sa pagkakatayo.
“Maupo na kayo,” ani ni Mercier sa kanila habang hindi pinuputol ang tingin kay Gregor.
Inilasan niya ang tingin niya sa lalaki at tumingin sa asawa nitong si Emilia na nakatingin din sa kanya.
Mas dumilim ang mga mata ni Mercier at napakuyom siya ng kanyang kamao sa ilalim ng lamesa.
Huminga siya ng malalim upang tumibay ang mga salitang lalabas sa kanyang bibig.
“Malakas talaga ang inyong loob,” ani ni Mercier na ikinagulat ng mga anak nila. “Nagawa niyong humarap sa amin sa kabila ng mga nangyari.”
Mataray ang mukha ngayon ni Mercier at kababakasan ng kunot na noo ang mukha ni Emilia.
“Mahal na reyna,” tawag ni Emilia sa kanya. “Sa pagkakaalam ko ay kami ang dapat na nanunumbat. Kayo ang unang una sa listahan ng mga nilalang na walang karapatan pagsalitaan kami ng ganyan.”
Hinawakan ni Gregor ang kamay ni Emilia upang piglan ito.
“Mahal na reyna,” tawag ni Gregor. “Hindi kami naparito upang makipag away sa mga La Casa. Narito kami upang makisaya sa pagdiriwang ng hari.”
Napatingin naman si Greco sa kanyang ina dahil ramdam niya rin ang tensyon sa pagitan ng mga ito.
“Wala namang dapat pag awayan, panginoong Gregor,” ani ni Greco na nais pagaanin ang atmospera na bumabalot sa kanilang lahat. “Salamat at nakarating kayo sa kasiyahan ng aking amang hari.”
Napatingin naman si Mercier kay Greco sa sinabi nito.
“Greco,” tawag ni Gregor dito habang nakangiti. “Ikaw si Greco hindi ba?”
“Kilala niyo ako?” tanong ni Greco sa kanya.
“Sinong hindi makakakilala sa mga anak ng hari at reyna,” ani ni Gregor sa kanya. “Kilala kita. Umaabot sa amin ang iyong pangalan. Hayaan mong ipakilala ko sa inyo ang aking mga anak-
“Hindi ko nais makilala ang iyong mga anak,” mariin na putol ni Mercier kay Gregor.
Nagulat sila Greco at mga anak ni Gregor sa sinabi ng reyna.
“Tunay nga na masama ang ugali ng reyna at ng mga La Casa,” bulong Inari sa kanyang kapatid na si Emma.
Agad siyang pinalo nito sa hita.
“Itikom mo ang iyong bibig, Inari. Baka marinig ka nila!” mahinang ani ni Emma sa kanya.
Huminga naman ng malalim si Gregor at iniwas ang kanyang tingin. Ibinaling niya sa iba ang kanyang atensyon.
“Kayong mga Aragon at Chevor,” ani ni Mercier. “Huwag niyong subukang lumipad ng mas mataas sa mga La Casa. Hinding hindi mangyayari iyon.”
Matalim ang mga matang tinignan ni Emilia si Mercier. Nabatid ni Gregor na magsisimula na ang kanyang asawa kaya naman inunahan niya na itong magsalita.
“Walang dahilan para makipag kumpetensya ang mga Aragon sa mga La Casa, mahal na reyna o sa kahit kaninong pamilya,” ani ni Aragon. “Huwag mo sana kaming pag isipan ng masama. Mabuti ang aming mga layunin. Kami ay kakampi ng inyong kaharian.”
“Hindi ako nagtitiwala sa inyo,” diretsang ani ni Mercier. “Lalo na at ikaw ang namumuno sa mga Aragon. Minsan na akong nabigo ng iyong mga salita. Isa pa ay sigurado akong nagkikimkim ng galit sa amin ang mga Chevor. Alam ko ang sinasabi sa amin ng iyong ina, Emilia. Mag iingat kayo. Hindi lang ako reyna kundi isa akong La Casa. Ang sino man ang kalabanin ako ay matatagpuan sa tapunan na wala ng ulo.”
Napakuyom si Emilia ng kanyang kamao. Nais niyang sumbatan si Mercier. Siya dapat ang nanunumbat at hindi ito. Wala itong karapatan. Sila ang may sala sa kanilang angkan ngunit tila sa pananalita ng reyna na si Mercier ay baliktad pa ang mga nangyari.
Silang mga Chevor ang biktima rito ngunit animo ay sila ang mga masasamang tao at mga traydor kung makapagsalita si Mercier.
Mariin ang pagkakahawak ni Emilia sa kanyang bestida. Pinipigilan niya ang kanyang sarili na sumabog pagka’t alam niyang nasa kalupaan sila ng mga River at napapaligiran ng mga La Casa.
Hindi nais ipahamak ang kanyang mga anak dahil lang sa matalim na mga salitang mula sa kanyang hinanakit dala ng kanyang dila palabas ng kanyang bibig.
“Ang asawa ko ay isang magiting at tapat na mandirigma,” ani ni Emilia at ngumiti kay Mercier. “Siya ay matuwid na tao. Isa pa ay karapatan naming mga Chevor ang magalit at magkaroon ng hinanakit sa pagkamatay ng aming kapamilya ngunit matagal na iyon, mahal na reyna. Para sa kapayapaan ay matagal na naming binaon ang nakaraan. Sana ay ikaw din.”
Ngumiti naman si Mercier kay Emilia. Isang ngiting hindi puro at may bahid ng pang mamaliit.
“Hindi ko hininging ibaon niyo ang nakaraan,” ani ni Mercier. “Magdusa kayo sa hinanakit habang buhay sa pagkamatay ni Erissa. Masyado kasing mataas lumipad ang mga Chevor ngunit hindi naman kaya ng kanilang mga pakpak.”
Nagkatinginan si Ermil at Gregory sa sinabi ng reyna.
Nagsukatan ng tingin si Mercier at si Emilia. Nais itong patulan ni Emilia ngunit nag – aalala siya sa kaligtasan ng kanyang mga anak. Alam niyang tuso ang kanynag nasa harapan at isang mapanganib na ahas.
“Ipagpaumanhin niyo, mahal na reyna kung masyado kaming mga ambisyosa,” ani ni Emilia na piniling sumuko na lamang sa reyna kaysa sa makipagtalo pa.
“Mabuti at alam mo,” ani ni Mercier. “Kung sana ay alam niyo kung saan kayo dapat lumugar ay hindi naman mangyayari ang mga kaguluhan.”
“Anong silbi ng kanyang ganda kung nakakasulasok naman ang kanyang ugali,” mahinang bulong ni Inari.
“Tumahimik ka na lamang,” bulong ni Emma. “Baka maputulan ka ng dila ng wala sa oras.”
“Totoo naman ang sinasabi ko,” ani ni Inari. “Ang panget ng ugali ng reyna. Nilalait niya ang mga Chevor dapat siya ang putulan ng dila.”
Sinipa ng mahina ni Emma sa paa si Inari ng matahimik sa kakasalita dahil baka marinig ito ng reyna.
Napansin ni Mercier ang nagbubulungan na dalawang babae. Nais niyang isumpa ang dalawang ito na mangyari rin ang mga nangyari sa kanya ngunit hindi niya ito gagawin.
Hinawakan niGreco ang kamay ni Mercier upang iparating dito na tama na. Itigil na nito ang pakikipagsagutan sa pamilyang Aragon.
Ngunit walang balak tumigil si Mercier. Hahabulin niya ang mga ito hanggang sa hindi nakabaon ang mga ito sa ilalim ng mainit na lupa.