*Ikaapat na Kabanata*

1807 Words
Sa perang kinita ko sa pagbenta ng gamot ay may sapat na pambili na ako ng pagkain para sa ilang mga araw na ilalagi ko sa bayan na iyon. Sa kalagitnaan pa ng aking paglalakad ay tamang tama na nakakita ako ng isang kainan. Walang pagdadalawang isip na pumasok ako roon dahil na rin sa matinding gutom na nararamdaman ko sa oras na ito. Pagkapasok ko sa loob ng kainan at naupo sa isang bakanteng mesa na nasa pinakasulok. Palihim na inilibot ko pa ang tingin sa buong kainan na iyon. At napansin ko na marami sa mga nandito ay mga nag-iinom na kalalakihan. "Ginoo, ano ang iyong nais na kainin?" propesyunal na pagtatanong sa akin ng isang tagasilbi ng kainan. Tinignan ko naman ang mga nakasulat na mga paninda nasa pader at tinuro roon ang gusto kong kainin na sapat lang sa badyet mg aking pera. Agarang inilista naman ng tagasilbi ang mga inorder ko bago sandali na umalis para ihanda iyon. Hindi naman ganoong katagal ang aking inintay bago dumating ang aking pagkain. Sandali na pinagmasdan ko muna ang mga iyon. Ibang iba kasi ang putahe ng Alphammus mula sa mga putahe ng Gammus. Sa unang tikim pa lang ay napapikit ako ng mga mata. Hamak na mas masarap at malinamnam ang mga ito sa mga pagkain na nakasanayan ko sa kaharian na aking pinagmulan. Kahit ang kanilang alak ay mas masarap at matamis tamis. Natigilan ako sa aking pagsubo ng mapatingin sa isang lalaki at isang babae na may pagka-pamilyar sa akin. Tila naramdaman naman nila ang pagtingin ko kaya agaran ako iniwas ang tingin at nagpatuloy sa aking pagkain. Nang matapos ako sa kinakain ay agad ako naglapag ng pera sa ibabaw ng mesa at lumabas sa kainan na iyon. Habang naglalakad ako palayo ay ramdam ko na may sumusunod sa akin. Binilisan ko ang aking lakad pero ganoon rin ang ginawa nila. Hanggang sa mapadpad ako sa isang hindi mataong lugar at seryosong hinarap ang sinuman na mga sumusunod. Kita ko naman ang pagiging alerto nila at pagtutok sa akin ng dala nilang espada. "Sino ka, Ginoo?" mapanuri at punung puno ng pagbabanta na tanong sa akin ng lalaki, "Sigurado ako na hindi ka taga-rito sa bayan na ito." Ilang beses na napalunok ako at napatingin sa matutulis nilang espada. Hindi ko akalain na ganitong kabilis na matutuklasan ang pagpasok ko sa bayan na ito na walang permiso. Umasa ako na kahit papaano ay tatagal ako ng ilang araw bago magpatuloy sa aking paglalakbay. Sa hindi ko pagsagot ay sumugod sa akin ang lalaki. Ngunit bago tumama sa akin ang espada na hawak niya ay agaran ako umiwas. Sa aking ginawa ay tumulong na rin ang babaeng kasama niya at pinagtulungan ako nila ako na atakihin. Dahil sa kakaiba kong liksi at nagawa ko iwasan ang lahat ng pag-atake nila. "T-Teka lang..." pagpigil ko sa kanila. "Magaling ka at isang mapanganib," seryosong sambit ng lalaki at kitang kita sa kanyang mata ang matinding kagustuhan na mapatay ako. Hanggang sa isa kong pag-iwas ay nahagip ng espada ng babae ang bandana na nakabuhol sa aking kamay. Doon ay lumantad ang crest kung saan kaharian ako nagmula. "Gammus," sabay nilang sambit, "Isa kang espiya ng Gammus." Mabilis ko iniling ang aking ulo para itanggi ang hinala nilang iyon. "T-Teka! M-Magpapaliwanag ako!" pagsumamo ko sa kanila. Ngunit kaysa pakinggan ako ay muling inatake ako ng dalawa. Gamit ang aking itinatagomg punyal at sinangga ko ang mga espada nila "Mali kayo ng inaakala. Hindi ako isang espiya!" malakas kong sambit at pilit na pinatitigil sila sa pag-atake sa akin. Ngunit natigilan ako sa ginagawang pagdepensa nang may panibagong espada na tumutok sa aking leeg. Isang maling galaw ko lang ay paniguradong hihiwalay ang ulo ko sa katawan ko. Natigilan naman ang dalawang sumusugod sa akin at gulat na gulat na napatingin sa taong nasa likuran ko. Mabilis na ibinababa nila ang kanilang espada ay lumuhod pa sa aking harapan. Habang ang taong na nasa likuran ko ay maingat na lumapit sa akin habang nakatutok pa rin sa aking leeg ang matulis niyang espada. "Prinsipe Ranzell!" sabay na pagtawag naman ng dalawang nakaluhod sa taong nanggagaling sa likuran ko. Prinsipe Ranzell? Pilit ko inalala kung saan ko narinig ang pamilyar na pangalan na iyon. Hanggang sa mapasinghap ako nang maalala ang prinsipe na aking tinulungan. Hindi ko akalain na siya pang iniligtas ko ang mismong tatapos ng aking buhay. Mapaglaro nga naman ang aming tadhana. Tuluyan na nakaikot sa aking harapan ang prinsipe. Napatitig ako sa kanyang bughaw na mga mata habang tila lumiliwanag naman sa sikat ng araw ang kanyang ginintuang buhok. Katulad ng una kong pagkita sa kanya sa kagubatan ay nakasuot siya ng karaniwang puting damit. Ngunit kasabay ng pagtitig ko sa kakisigan niya ang nakakabingi at nagwawalang t***k ng aking puso. Mukhang labis ang kaba ko para tumibok ito ng ganitong kabilis. Biglang ibinababa ni Prinsipe Ranzell ang kanyang hawak na espada na ikinagulat ng dalawa niyang kasamahan. "Prinsipe, ano ang ginagawa niyo!" naalertong pagtutol nila at muli itinaas ang kanilang espada patungo sa direksyon ko, "Mapanganib na ibaba niyo ang inyong espada. Isa siyang taga-Gammus at hindi natin alam ang kanyang pakay sa ating kaharian. Maaaring isa siya sa mga sumalakay sa inyo sa kagubatan." "Chika, Xell, ibaba niyo ang espada niyo," pagbibigay utos ng prinsipe sa dalawang kasamahan kaya nag-aalinlangan man nila na gawin ay agad pa rin nilang sinunod iyon. Nagtataka na napatingin naman ako sa ginagawa na ito ng prinsipe. Kung isa ako sa mga nagtatangka sa buhay niya ay malamang nakahandusay na siya ngayon at naliligo sa kanyang dugo. Ngunit hindi ako isa sa mga taong iyon kaya itinago ko ang aking punyal sa loob ng aking bag para ipakita na wala akong dalang kapahamakan sa kanila. Kita ko naman na medyo kumalma ang dalawang kasamahan ng prinsipe sa aking ginawa. Bumaling muli ng tingin ang prinsipe sa akin. Tinitigan niya pa ang aking kabuuan na tila may inaalala. "Ikaw... Ikaw ang nagligtas sa akin sa kagubatan." Nanlaki ang mga mata ko sa sinambit niya. Wala siyang malay ng oras na iyon kaya imposible na malaman niya na ako ang taong nagligtas sa kanya. Ngunit kahit iyon ang sinabi ni Prinsipe Ranzell sy isang mapagmatyag na tingin pa rin ang ibinigay sa akin ng dalawa niyang kasama. Alam ko na hanggang ngayon ay nagdududa sila sa aking pagkatao. Kung ano ang ginagawa ng katulad kong taga-Gammus sa lupain ng Alphammus. Humugot ako ng malalim na hininga bago malakas na pinakawalan ito. "Nagkakamali ka. Wala akong alam sa sinasabi mo," pagtanggi ko sa sinabi ni Prinsipe Ranzell at tumalikod na. "Hindi ako maaaring magkamali. Hindi man kita nakita ay tanda ko ang iyong amoy," pagpupumilit ng prinsipe ng Alphammus, "Ikaw iyon." Sa sinabi niya ay pasimple ko tuloy inamoy ang aking sarili. Aaminin ko na ilang araw na rin ng huli ako makapaglinis ng aking katawan. Dahil naman sa ginawa ko na iyon ay napansin ko ang paghagikgik ng dalawa niyang kasamahan kaya sinamaan ko sila ng tingin. Akmang aalis na ko nang matigilan ako dahil may kamay na humawak sa braso ko na siyang pumigil sa akin. Napapaso ko namang pinalis ang kamay niya palayo sa aking balat. Iyon ay dahil tila may kuryenteng dumaloy sa aking katawan nang lumapat ang kamay niya sa aking braso. Nagtataka naman napatingin sa akin ang prinsipe na tila naramdaman niya rin ang kuryenteng iyon. "Huwag kang matakot, Ginoo," mahinahong sabi ng prinsipe, "Alam ko na natakot ka sa ginawa ng mga kasama ko ngunit hindi mababago na utang ko ang buhay ko sa iyo." "Teka lang po! Wala pang kasiguraduhan na siya ang tumulong sa iyo, Prinsipe Ranzell," pagtutol ng lalaki na nangangalang Xell. Ngumiti ang prinsipe sa akin. "Naniniwala ako sa aking pang-amoy na siya ang taong iyon," pagpupumilit niya. Napabuga ako ng malalim na hininga. Mukhang hindi ko kayang linlangin ang prinsipe ng Alphammus. Hindi ko akalain na makikilala niya ako dahil lang sa amoy ko. "Ngayong nakita mo na ako na iyong tagapagligtas. Ano na ang gagawin mo?" seryosong tanong ko sa prinsipe. Tila napaisip naman ang prinsipe sa tanong ko saka napapitik. "Tutuparin ko ang isa mong kahilingan. Kahit ano pa iyon," nakangising sabi niya. Napahiling ako ng ulo para alamin kung seryoso ba ang prinsipe sa sinabi niyang iyon. Hindi mawawala na may kasalanan ako sa kanyang kaharian. Isa akong taga-Gammus na umapak sa lupain nila na walang pahintulot. "Prinsipe Ranzell, labis naman ang ibinibigay niyo sa kanya," pagkontra ng babae na nangangalang Chika, "Bigyan niyo na lang siya ng malaking pera at pabalikin sa kaharian ng Gammus." "Tama si Chika, Prinsipe. Maaari niya abusuhin ang kahilingan niya," sumusuportang pagkontra naman ni Xell Tinaas ni Prinsipe Ranzell ang kamay niya para patigilin ang mga kasama sa kanilang pagtutol. "Ano, Ginoo? Mayroon ka bang kahilingan?" umaasang tanong ng prinsipe sa akin. Kung totoo ang inaalok ng prinsipe ng Alphammus ay isa lamang ang aking kagustuhan. "Kung ganoon,cgawin niyo ko na isang mamamayan ng Alphammus," humahamon kong sambit. Kita ko ang pagkagulat sa mukha nila dahil sa kahilingan ko. Alam ko na may kakayahan ang maharlika na burahin ang crest na itinatatak sa isang mamamayan. Kung ang prinsipe mismo ang magbabago ng aking crest ay alam ko na magagawa niya iyon. "Nahihibang ka na ba, Ginoo?" gulat na sambit ni Chika, "Nais mong iwanan ang iyong kinagisnang kaharian?" Tumango ako at seryoso silang tinignan. "Wala na akong dahilan para bumalik ng Gammus kaya kaysa habang buhay na magtago ay tatanggapin ko ang alok ng prinsipe," seryosongcsambit ko na walang halong pagbibiro. Tumawa ang prinsipe sa sinabi ko. "Gusto kita ginoo! Alam ko na may malalim kang dahilan para umalis ng kaharian ng Gammus ngunit bilang bagong mamamayan ng Alphammus ay aking irerespeto na iyong pananahimik sa rason na iyon," natutuwang sabi niya. "Prinsipe Ranzell!" sabay na pagtutol nina Chika at Xell. Tinapik niya sa balikat ang dalawa. "Magtiwala kayo sa akin. Malinis ang intensyon ng ginoong ito sa ating kaharian," nagtitiwalang sabi niya, "Magtiwala lamang kayo sa aking malakas na pakiramdam." Wala nagawa ang dalawa kundi hayaan ang kanilang prinsipe sa nais nitong gawin. Doon ay umapit si Prinsipe Ranzell sa akin at inabot ang aking kamay na nagtataglay ng crest ng Gammus. "Handa ka na ba?" tanong pa niya habang unti unti nagliliwanag ang kamay. Seryoso ako tumingin sa mga mata niya bago tumango. Doon ay tuluyan na inilapat ni Prinsipe Ranzell ang kanyang kamay sa ibabaw ng aking crest at naramdaman ko ang pagkaputol ng aking koneksyon sa dating kaharian. Unti unti napalitan ang koneksyon na iyon ng panibagong kaharian. Ang kaharian ng Alphammus. Sa pag-alis niya ng kamay ay may panibagong crest ang pumalit roon. Ang crest ng Alphammus. "Nalulugod ako na maging parte ka ng aking kaharian, Ginoo," pagbati sa akin ni Prinsipe Ranzell.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD