*Unang Kabanata*
"Magandang umaga sa iyo, binibini," nakangiting pagbati nina Aling Lea nang mapadaan ako sa harapan ng kanilang tindahan.
Dahil doon ay malawak na napangiti ako at buong galak na hinarap ang ginang. "Magandang umaga rin po sa inyo!" pabalik na pagbati ko sa kanila at bahagyang yumuko sa kanilang harapan bilang aking paggalang.
Sandali na napatingin naman sila sa basket na dala dala ko bago nag-aalala na pinagmasdan ako. "Magtutungo ka ba muli sa kagubatan, Zorra?" tanong naman ni Mang Ces, ang asawa ni Aling Lea.
Agarang itinango ko naman ang ulo ko para kumpirmahin iyon. "Opo, kailangan ko po na magtungo roon dahil naubusan na po ako ng mga mahalagang sangkap sa paggawa ng mga gamot," pagbibigay alam ko sa mag-asawa.
Nagkatinginan ang mag-asawa at lalo lamang nagkaroon ng pangamba sa kanilang mga mukha. "Naku binibini... Bali-balita sa kabayanan na maraming mababangis na hayop ngayon sa kagubatan ang naglipana," buong seryoso na pagbibigay alam nila sa akin, "Mas mabuti na huwag mo na ituloy ang plano mo na magtungo roon."
Napakamot naman ako ng aking batok. Nauunawaan ko na nais nila na huwag na ako tumuloy sa kagubatan. Subalit... Hindi maaari na hindi ako magtungo roon ngayon. Lalo pa na marami akong pasyente na kailangan gamutin at bigyan ng panlunas. Napaka-importante na maabutan ko sila ng kanilang mga gamot bago pa lumalala ang mga iniinda nilang mga sakit.
"Binibini..." pangungumbinsi sa akin ni Aling Lea na hindi na tumuloy sa kagubatan.
Gayun pa man ay iniling ko ang aking ulo. "Alam ko po na nag-aalala kayo para sa kaligtasan ko... Pero huwag po kayo mag-alala dahil sa hindi po ako isang ordinaryong manggagamot ng bayan. Kayang kaya ko po na depensahan ang aking sarili," kompiyansang sambit ko na lamang.
Muling nagkatinginan ang mag-asawa at sa huli ay napipilitan sila na hinayaan ako na magpatuloy sa kagubatan. Doon ay kumaway na ako sa kanila para magpaalam. Binilisan ko pa nga ang aking bawat hakbang para agarang makabalik sa aking klinika. Inaasahan ko kasi na marami rami akong pasyente na darating ngayong araw kaya talagang kailangan ko kumuha ng reserbang suplay ng mga halamang gamot.
Lalo pa na napakabihira lamang ng katulad kong manggagamot sa ganitong kaliit na bayan. Sa katunayan kasi ay nagmula ako sa kilalang angkan ng mga manggagamot, ang pamilyang Heelios, na siyang tapat na tagapaglingkod sa maharlikang pamilya ng kaharian ng Gammus. Ngunit salungat sa isinasagawang tungkulin ng aking angkan ay mas pinili ko na manirahan sa maliit na bayan at malayong malayo sa palasyo.
Sa ganoong paraan ay maipamamahagi ko ang aking espesyal na kakayahan sa panggagamot sa mga taong bayan. Dito kasi ay libreng nanggagamot ako sa mga mamamayan na walang kakayahan na makabayad sa mga pagamutan ng kaharian. Napansin ko kasi na tanging mga nasa mataas na antas lamang ang nabibigyan ng medikal na serbisyo sa kaharian ng Gammus at maraming mga mamamayan ang namamatay na lamang sa sakit na kaya naman gamutin.
At hindi na nga nagtagal ay nakarating na rin ako sa bungad ng kakahuyan. Kapansin pansin pa nga aga mga inilagay na harang doon ang ilang tagabayan bilang proteksyon na rin siguro sa mga mababangis na hayop. Ngunit hindi ito naging hadlang sa akin at pinasok ko pa rin ang loob ng kagubatan.
Sa tagal ko na rin na nangangalap dito ng mga halamang gamot ay kampante ako na suungin ang bawat pasikot sikot nito. Minsan pa nga sa gitna ng aking pag-iikot ay mapalad na nakakakita ako ng mga bagong halaman na ngayon ko pa lamang nakita.
Hindi naman ako nagdadalawang isip na kuhanin ang mga ito para mapag-aralan. Dahil maaaring mga halamang gamot pala ang ito na mas mabisa pa sa ilang halamang gamot na ginagamit ko.
Ngayon yata ay may limang libro na rin ako naisulat mula sa aking sariling pananaliksik sa mga halamang gamot. Umaasa ako na balang araw ay makatulong ang mga libro ko na iyon sa bayan at mas mapalawak nito ang kaalaman ng lahat tungkol sa mga halamang gamot na iyon. Kung saan kahit ang simpleng tagabayan ay magagawa nila remedyahan ang ilang sintomas ng mga sakit.
Sa gitna ng mangongolekta ko ay naisipan ko na rin na manghuli ng ilang ligaw na kuneho. Nais ko na ibigay ang mga ito sa mga batang kalye na makikita ko sa aking pagbalik sa bayan. Sa ilang taon ko na pananatili sa bayan na ito ay napansin ko nakaramihan sa mga mamamayan ay kapos sa kanilang pagkain at gamot. Sa ganitong paraan ako tumutulong sa kanila bilang ganti na rin sa pagtanggap nila sa akin bilang parte ng kanilang bayan. Kaya bawat nakatira rito ay itinuturing ko na ring parte ng aking pamilya.
Nang lumipas ang ilang oras na paglilibot sa kagubatan ay halos napuno ko na rin ang bitbit kong basket. Doon ay napatingala ako para alamin sa direksyon ng araw ang oras. Nang mapag-alaman ko na malapit na magtanghali ay doon ko naisipan ng bumalik sa bayan.
Ngunit agarang nabaling ang aking atensyon sa malalakas at sunud sunod na pag-alingawngaw ng mga paputok sa direksyon ng palasyo. Isa itong hudyat sa bawat mamamayan ng Gammus na may hinirang na naman na bagong asawa ang nag-iisang prinsipe ng kaharian na si Prinsipe Charde.
Dahil doon ay malakas na napabuga ako ng hininga sa hindi na bagong balita na ito. Iyon ay dahil kilala ang aming prinsipe sa pangongolekta ng mga babae para maging asawa niya. Sa pagkaalala ko ay ito na marahil ang ika-labimsiyam niyang asawa sa taong ito.
Hindi naman tinutulan ng kanyang amang hari at inang reyna ang pag-aasawa niya ng ganitong karami. Kaso nga lang maihahantulad sa pamimili ng damit ang ginagawang pamimili ng asawa ng prinsipe. Na kapag nagsawa na siya sa kanyang sinusuot ay maghahanap na naman siya panibago.
Ngunit kahit ganito ang ginagawa ni Prinsipe Charde ay marami pa ring kababaihan sa kaharian ng Gammus ang umaasa na mapili sila na kanyang asawa. Para sa kanila ay malaking oportunidad ito dahil saanman silang estado nagmula ay ituturing sila na isa sa asawa ng prinsipe.
Kaya hindi nakakapagtaka na may mga ministro ng palasyo na sila pa mismo ang nag-aalok ng kanilang mga anak na babae para maging asawa ng prinsipe. At siyempre walang pagtanggi na tinatanggap ng hangal na prinsipe naman ang mga anak nila.
Sa ginawa na iyon ni Prinsipe Charde ay sinusukat ang kapangyarihan ng mga ministro mula sa dami ng anak nilang naging asawa ng prinsipe. Hindi na nga ako magtataka kung balang araw ay magkakaroon ng malaking kaguluhan sa loob ng palasyo. Lalo na sa oras na hirangin na hari si Prinsipe Charde. Dahil sasamantalahin ng ganid na mga ministro ang pagkakataon na hirangin ang isa sa kanilang anak bilang opisyal na reyna ng kaharian.
Ngunit kung iisipin, hindi naman talaga isyu sa mga maharlika na magkaroon ng maraming asawa. Ngunit sa kaso ni Prinsipe Charde ay siya yata ang natala sa kasaysayan na may pinakamaraming asawa.
Sobrang kabaliktaran siya ng nababalitang prinsipe ng nangungunang kaharian, ang Alphammus. Katulad ni Prinsipe Charde ay nasa tamang edad na ang prinsipe ng Alphammus pero ang problema ay ilang taon na ang nagdaan ngunit pa rin ito nag-aasawa. Ilang subok na rin siya ipinakilala ng kanyang amang hari at inang reyna sa mga babae ngunit hanggang ngayon bigo sila na mapaibig ito. Iyon din ang pinaka-dahilan kaya hindi pa rin naipapasa sa prinsipe ng Alphammus ang korona para gawin siyang hari.
Dahil sa problema na ito ng prinsipe ng Alphammus ay naging usap usapan tuloy hanggang sa aming kaharian na naiiba ang hilig ng prinsipe. Na kaysa babae ay mga kalalakihan ang kanyang naiibigan.
Mabilis na iniling ko ang aking ulo para burahin sa aking isipan ang problema na iyon sa dalawang prinsipe. Dahil unang una mga buhay nila iyon at wala naman silang anumang koneksyon sa akin para mangialam.
Iyon nga lang sa pagbalik ko sa bayan ay naging usap usapan ang pagkakaroon ng bagong asawa ni Prinsipe Charde. At base sa kanilang usapan ay sa bayan namin magmumula ang babaeng napili. Agarang napakunot ang noo ko dahil ito ang beses na may babaeng hinirang mula sa ganitong kalayong bayan.
Ngunit nagkibit balikat na lamang ako sa balitang iyon saka dumiretso sa aking klinika dahil nag-aantay na roon ang kga pasyente ko. Mas mabuting abalahin ko na lamang ang aking sarili sa panggagamot kaysa isipin ang mga bayan na iyon.
Pagdating ko naman ng aking klinika ay nabungaran ko agad ang mga nag-iintay kong mga pasyente zlsa pintuan nito. Kita sa kanilang mga mata ang kagalakan ng aking pagbabalik.
"Maligayang pagbabalik sa iyo, Ate Zora," masayang pagbati sa akin ni Mosha, anak ng isa sa aking pasyente at paminsan minsan tumutulong sa akin rito sa klinika.
Dahil sa boluntaryo na pagtulong niya sa aking klinika ay paminsan minsan ginuturuan ko siya na gumawa ng mga gamot at pangunguha ng mga halamang gamot.
Nilapag ko ang dalang basket sa ibabaw ng aking trabahuan ay sinalansan roon ang mga halaman na aking nakuha sa kagubatan. Kinuha ko rin ang aking nakatagong pangdikdik at kagamitan para sa panunukat ng timbang.
"Mosha, maaari mo ba muli ako tulungan?" paghingi ko ng tulong kay Mosha, "Kailangan ko na kasi mabilisan ang paggawa ng gamot. Kukulangin na ko sa oras."
"Oo naman, Ate," buong galak na pagpayag ni Mosha at kumuha na rin ng sarili niyang pandikdik at panukat.
Gamit ang aking kagamitan ay ginawa kong pulbos ang mga halamang tinuyo ko sa init. Gamit naman ang panukat ay kinuha ko ang mga tamang sukat bago panghaluin ang mga ito. Pagkatapos ay binalot ko sa isang manipis na papel saka nilagyan ng marka kung para saan ang gamot na iyon.
Nang matapos ay inihilera ko ang mga ginawa naming gamot sa isang lagayan bago nilapitan ang mga pasyenteng nag-aantay sa akin sa bungad ng aking klinika.
"Binibining Zora!" masaya nilang muli na pagbati.
Malawak na ngumiti ako bago inilapag ang aking kagamitan sa mesa na katabi ng aking upuan. "Pasensiya na po kung ngayon lang ako nakapagpagamot ngayong araw," paumanhin ko sa kanilang pag-aantay.
"Binibini, kami nga ang labis na nahihiya sa aming ginagawang pang-aabala sa iyo," sabi ni Mang Lukas, "Labis ang aming pagsasalamat sa iyong libreng panggagamot sa amin."
Muling napangiti ako. Doon ay sinimulan ko na gamutin sila roon bawat isa. Unang lumapit sa akin ang binatang nabalian sa likuran ng mahulog sa isang bangin sa bandang kagubatan. Sa pagkabali ng kanyang buto ay hindi na niya maayos maigalaw lamang ang kanyang buong katawan at kapag sinubukan niyang pilitin ay namimilipit siya sa matinding sakit.
Inalagay ko sa kanyang likuran ang isa kong kamay at hindi nagtagal ay nagbigay ito ng malamig na liwanag na siyang gumamot sa bali niya. Kita ang pagkamangha sa mata ng ibang naroroon.
Iyon ay dahil sa isa ako sa mga natitirang healer ng aming angkan. Ibig sabihin may kakaibang mahika ako na kayang magpagaling ng mga sakit at karamdaman. At kakaunti na lamang ang biniyayaan ng ganitong kakayahan sa aking pinagmulan na angkan.
Kaya ang ibang kamag-anak ko ay ginagamit ang kanilang kakayahan para humiling ng malaking pera sa kanilang panggagamot. Ang iba naman ay mas piniling maging espesyal manggagamot ng isang ministro ng kaharian.
Ayoko naman na matulad sa kanilang sakim na pamamaraan. Kaya ito ako ngayon, ginagamit ko ang aking naiibang kakayahan para tumulong ng mamamayan na hindi kayang magbayad para magpagamot.
"Pagkatapos niyo po kumain ng tanghalian ay inumin niyo po ito," maghigpit na bilin ko sa una kong pasyente bago inabot ang gamot na magpapabalik ng kanyangvlakas.
Medyo kinuha kasi ng aking kakayahan ang lakas ng kanyang katawan para mabilis na mapagaling ang kanyang bali. Kaya hindi nakakapagtaka kung sobrang pagkapagod ang naramdaman niya pagkatapos ko siya na gamutin.
"Maraming salamat sa inyo, Binibini Zorra!" taos pusong pagpapasalamat naman niya.
Nagpatuloy ang aking araw sa panggagamot sa iba ko pang dumating na pasyente. Nang matapos ay pagod na pinahid kong ang pawis na tumutulo sa aking ulunan at mukha. Mukhang medyo marami ang mga bumisita sa akin ngayong araw kumpara sa mga nagdaang araw.
"Ate, ako na po ang bahala mag-ayos ng mga kagamitan," pag-boboluntaryo ni Mosha nang mapansin ang kapagudan ko, "Magpahinga ka na lang po kayo riyan."
"Salamat sa iyo, Mosha," nakahingang sambit ko saka tumungo sa aking mesa.
Ngunit biglang malakas na bumukas ang pintuan ng aking klinika. Dahil doon ay nagtataka na napaangat muli ako ng tingin.
Ngunit nagulat ako nang may magsipasukan na mga lalaki at pumalibot sila sa aking buong klinika. Wala silang emosyon sa mukha at maingat lang pinagmamasdan ang paligid.