Gamit ang katas ng mga nabili ko na bulaklak ng buwan ay matagumpay na nakagawa ako ng panibagong gamot. Isang gamot kung saan mapapabilis ang paggaling ng mga sugat. Kaya magandang gamitin ang gamot na ito sa mga sugatan mula sa isang labanan.
Hanggang sa biglang naalala ko ang nangyari sa pangkat ni Pinunong Xiara nang dumating ako sa bayan. Kung saan marami ang naging malubha sa kanila dahil sa pag-atake ng mga chimera. Mukhang malaki ang maitutulong ng panibagong gamot na ito sa kanilang pangkat. Lalo pa na naririnig ko na mas dumadami ang kaso ng pag-atake ng mga halimaw sa paligid ng bayan. Kaya walang kasiguraduhan kung hindi mauulit ang nangyari sa kanila noon.
"Hmm... Dahil sa bago pa lang ang aking klinika ay walang masama kung ipamigay ko muna ang mga gamot na ito," pagpla-plano ko pa, "Sa ganoon ay makikilala ako ng mga tagabayan bilang manggagamot."
Tamang tama pa na hindi ko nabisita sina Pinunong Xiara nang pumunta ako sa sentro ng bayan. Marahil sa mga susunod na araw ay dadaan ako roon para ibigay ang mga bagong gawang gamot na ito.
Ngunit kung iisipin ang sitwasyon ay talagang kataka taka kung bakit nagwawala ng ganito ang mga halimaw patungo sa mga bayan. Malimit kasi na nagtatago lang sila sa kagubatan at mananakit lamang kapag nagambala sila sa kanilang tirahan. Sa hindi malaman na dahilan ay may masama kutob ako sa nangyayari.
Napaangat ako ng tingin nang malakas na bumukas ang pintuan ng aking klinika at humahangos na pumasok si Chika kasama ang isang hindi pamilyar na lalaki. Napakunot ako ng noo dahil hindi kasama ngayon ni Chika si Xell.
"Zarro," nag-aalangan na pagbungad ni Chika, "Naabala ka ba namin?"
Iniking ko naman ang aking ulo saka binaba ang aking ginagamit ng pandikdik ng halaman.
"Hindi naman. May kailangan ka ba sa akin, Binibining Chika?" magalang na tanong ko sa kanya.
Nagpakawala muna ng malalim na hininga si Chika bago binigyan ako ng seryosong tingin. "Ang totoo kasi niyan kakailanganin ko ang tulong mo," umaasang hayag niya, "Kanina lang ay mga cerberus na sumugod sa silangang bayan kaya marami ang mga taga-bantay ng bayan at ibang mga mamamayan na nadamay ang nasa malulubhang kalagayan."
"Cerberus?" nagtatakang pag-ulit ko.
"Oo, mga cerberus ang umatake," pagkumpirma ni Chika.
"Ngunit hindi pa taglamig ngayon para lumabas sila sa kanilang mga lungga " muling nagtataka kong sambit habang sinimulan ng ayusin ang mga dadalhin na kagamitan.
"Pati kami ay nagtataka sa pangyayari na ito," sang-ayon ni Chika sa hinayag ko na iyon, "Kaya iniimbestigahan na ni Xell ang posibleng dahilan ng pagsugod nila sa bayan."
Isinakbit ko na sa balikat ang bag na aking dadalhin. Iyon nga lang medyo may kabigatan ito dahil sa dinala ko ang lahat ng naisip ko na maaaring makatulong sa aking paggagamot. Laking gulat ko na lamang nang lumapit ang kasama ni Chika at kinuha sa akin ang bag na iyon.
"Ako na binibini," mahina at maginoong sambit ng lalaki na siyang labis na ikinagulat ko dahil tinawag niya akong binibini.
Kinakabahan na tumingin naman ako kay Chika kung sakaling narinig niya ang pagtawag sa akin na binibini pero dahil sa mahina ang boses ng lalaki ay hindi ito narinig ni Chika.
"Ah! Zarro, nakalimutan ko nga pala ipakilala ang kasama ko. Siya si Fugar. Isa sa kasamahan namin ni Xell bilang bantay ni Prinsipe Ranzell. Tahimik siya at malimit lang magsalita," pakilala ni Chika sa lalaking kumuha ng gamit ko.
Tumingin naman muli ako kay Fugar at isang pagyuko ng ulo lang ang binigay niya sa akin. Mukhang wala ng balak siya na magsalita muli kaya hinayaan ko na siya na buhatin ang gamit ko.
Hanggang sa gumawa ng portal si Chika gamit ang kanyang sariling mahikang taglay. Ito ang maghahatid sa amin para mabilis na makarating sa silangang bayan. Kaya paghakbang ko pa lang papasok sa portal na iyon ay bumungad na agad sa aking paningin ang hindi pamilyar na lugar. Iyon nga lang ayy makikita ang malaking bakas na iniwan ng nangyari na kaguluhan.
Maririnig amg mga nagluluksang pag-iyak ng ilan para sa nasawi nilang mahal sa buhay. Ang iba naman tagabantay ay tinutulungan ang mga nasaktan na kasamahan at ilang mamamayan.
Natigilan ako sa paglilibot ng tingin nang makita ang ilang pamilyar na mukha. Nanlaki pa ang mga mata ko dahil hindi ko inaasahan na makikita rin dito sina Pinunong Xiara at Zeur. Mukhang nandito sila para tumulong sa kalapit na bayan.
Giniya naman ako ni Chika patungo sa kinaroroonan ng mga sugatan. Pagkapasok na pagkapasok ko pa lang sa loob ng malaking tolda ay napag-alaman ko matindi pa sa aking inaasahan ang sitwasyon. Lahat kasi ng mga pasyente na nandoon ay nasa bingit na ng buhay. Kaya anumang sandali ngayon ay maaari silang bawiin ng kanilang buhay. Hindi ko naman sila maaaring isa-isahin sa paggagamot dahil makakasayang lamang iyon sa oras at baka ikamatay na ito ng ibang pasyente bago ko pa sila na mapuntahan.
"Zarro," nag-aalalang tanong sa akin ni Chika nang mapansin ang aking naging reaksyon, "Alam ko na napaka-imposible na mailigtas mo silang lahat. Kaya iligtas mo na lamang ang sa tingin mo kaya mong iligtas."
Napabuga ako ng malalim na hininga at iniling ang aking ulo. Hindi alam ni Chika na ipinangako sa aking sarili na wala ng pasyente na muling mamamatay sa aking harapan. Kaya anuman ang mangyari ay ililigtas ko ang buhay ng bawat naroroon.
"Zarro?" takang pagtawag pa sa akin ni Chika.
Nginitian ko muna siya bayo nagtungo sa pinakasentro ng tolda na iyon. Kung saan nasa gitna ako ng lahat ng pasyente na naroroon.
Nilingon ko sina Chika at Fugar na tila nag-aantay ng aking susunod na gagawin. "Huwag kayo magpapasok." maghigpit na pagbilin ko pa sa kanila, "Hindi maaari makita ng iba ang gagawin ko rito."
Naguguluhan man si Fugar sa pinapagawa ko na iyon ay siya ang nagsilbing harang sa pintuan ng toldang kinaroroonan namin. Nang masiguro na wala nang makakapasok ay oinagdaop ko ang aking mga palad hanggang sa unti unti ito nagkaroon ng liwanag. Kinumpas ko sa ere ang aking mga kamay para paliparin sa aking paligid ang mga butil ng liwanag na nagmula sa aking kamay. At ang liwanag na iyon ay mga dumapo sa sugatang mga pasyente. Sa isang iglap ay sabay sabay na nagliwanag ang kanilang katawan kasabay ang pagsisimula ng paghilom ng kanilang mga sugat.
Hingal na iinababa ko ang aking kamay nang masiguro na nailigtas ko na ang buhay ng bawat naroroon. Na wala na sila sa bingit ng kamatayan. Hanggang sa nagsimulang umikot ang aking paningin at nanghihina na napaupo sa sahig.
"Zarro!" paghiyaw ni Chika at mabilis na nilapitan ako.
Napahawak ako sa aking ulunan. Dahil sa labis na paggamit ko ng aking mahika ay nakaramdam tuloy ako ng pagkahilo. Naramdaman ko naman na pati si Fugar ay lumapit na sa akin. Hanggang sa maramdaman ko na lang ang pag-angat ko sa sahig at maingat inupo ako sa isang silya ni Fugar.
"Ayos ka lang ba, Zarro?" nag-aalalang tanong ni Chika at agarang inabutan ako ng maiinom.
"Oo. Bahagyang nahilo lang ako dahil sa sobrang paggamit ng aking mahika," pagod na pagdadahilan ko. "Kaunting pahinga lang ay babalik na muli ang aking lakas."
Inasikaso naman ako ng dalawang bantay hanggang sa muling bumubuti na ang aking pakiramdam. Nagsimula na rin magkamalay ang ibang pasyente na agarang nagbigay ng kanilang pagpapasalamat sa aking itinulong sa kanila.
Pagkatapos ay nagtungo naman ako sa kasunod na tolda. Kumpara sa pinagmulang tolda ay hindi malala ang sugat ng mga naririto. Kaya pinainom ko na lamang sa bawat pasyente na naroroon ang bago kong gawang gamot. Kita ko naman na agad naghilom ang kanilang mga sugat kaya hindi ko na kinailangan gamitin ang aking mahika.
"Xell!" masayang tawag ni Chika sa lalaking papalapit sa amin.
Pagod na lumapit naman si Xell sa amin pero kapansin pansin ang kunot sa noo niya. Doon pa lang ay alam ko na hindi ito ng nakakuha ng magandang resulta sa kanyang isinagawang imbestigasyon.
"Walang nangyari sa pag-iimbestiga mo?" pagtatanong pa ni Chika kay Xell.
Malungkot na napailing si Xell. "Wala kami mahanap na maaaring dahilan para magwala ang mga cerberus sa ganitong panahon," kunot noong pagpapaalam niya.
Napahawak naman ako sa aking baba. Kung wala kasi mahanap na mali si Xell sa loob ng kagubatan o sa palibot ng bayan ay maaaring sa cerberus mismo ang problema.
"May nahuli ba kayong cerberus o may napaslang man lang?" umaasang yanong ko naman kay Xell.
Tumango naman si Xell. "Mayroon na dalawang napatay ang mga kumalaban na pangkat. Sa kasalukuyan sila naghuhukay ng pwedeng paglibingan ng mga iyon," pagbibigay alam pa sa akin ni Xell.
"Pwede ko ba makita ang mga katawan ng cerberus?" tanong ko muli.
Nagkakataka man sa nais kong gawin ay pumayag si Xell. Giniya ako sa direksyon ng kinaroroonan ng katawan ng cerberus. Ngunit pagdating namin doon ay malakas napasinghap ako sa itsura nito. Ibang iba kasi ang laki at anyo nito sa karaniwan na cerberus.
"Ito ang cerberus?" hindi ko makapaniwalang sambit.
"Mahirap man paniwalaan pero isang cerberus ang mga halimaw na iyan," pagkumpirma ni Xell sa akin, "Nitong nakaraan ay naging madalas ang pagsugod ng ganitong klaseng halimaw. Hindi pa nga lang namin matukoy ang pinakarason nito."
Inobserbahan ko naman ang katawan ng cerberus. Hinawakan ko pa ng balahibo nito para mapag-alaman na mas mahaba at mas makapal ito sa karaniwan. Inikutan ko ang kabuuan nito at pinagmasdan ang bawat parte ng katawan. Hanggang sa matigilan ako at natuon ang aking tingin sa tila nakabaon sa balat nito sa may batok.
"Zarro?" paglapit naman sa akin ni Xell dahil sa natigilan ako sa aking kinatatayuan.
Pagkatapos ay walang kung anu ano ay hinugot ko ang anumang nasa batok ng cerberus. Napag-alaman ko na isang hindi pamilyar na tinik ito ng halaman. Ngunit nabigla kaming lahat nang bumalik sa karaniwang anyo ang katawan ng cerberus.
"Eh? Anong nangyari?" gulat na bulalas pa ni Chika.
Napatitig tuloy ako sa hawak kong tinik at binalot iyon sa aking panyo. Pagkatapos ay lumapit rin ako sa isa pang katawan ng cerberus at katulad ng nauna ay may tinik na nakabaon sa may batok nito. Muling kinuha ko rin ang tinik na iyon para bumalik din sa karaniwan ang katawan ng cerberus.
"Anong tinik iyan?" gulat na tanong ni Chika sa akin nang makita ang anumang inalis ko sa pangalawang katawan ng cerberus.
Nagkibit ako ng balikat. "Wala akong ideya. Hindi pamilyar pa sa akin ang tinik na iyan ng isang halaman," seryosong pagpapaalam ko.
Ngunit kung may ganitong tinik sa katawan ng mga cerberus ay nangangahulugan lang ito na may sumadya na gumawa nito. Imposible kasi na masabi na aksidente lang ang pagkabaon ng mga tinik sa katawan ng mga cerberus. Lalo pa na sa isang parte lamang nakabaon ang mga tinik at halatang kalkulado pa ang pagkakalagay.
"Maaari ko ba iuwi ang isang tinik?" umaasang tanong ko kina Xell at Chika, "Gusto ko malaman kung anong klaseng halaman ang pinagmulan nito. Maaaring nakasaad ito sa mga libro o panibagong halaman na hindi pa nakikilala."
Nagkatinginan naman sina Chika at Xell sa isa't isa. "Paumanhin, Zarro.l," umiiling na pagtutol ni Xell, "Ang mga tinik na ito ay magiging ebidensiya sa kakaibang nangyari. Trabaho na namin na lutasin ang problemang ito ngunit susubukan ko na sabihin kay Prinsipe Ranzell ang iyong kagustuhan."
Naghihinayang na tumango na lamang ako. Alam ko na labas na sa akin ang bagay na ito. At hindi rin parte ng trabaho ko ang mag-imbestiga sa kakaibang tinik na iyon. Siguro ay hahayaan ko na lang kina Xell ang paglutas ng problemang ito.