[Zorra's pov]
Pagkatapos ng pangyayari sa silangang bayan ay maraming grupo ng mga pangkat ang bumibisita sa aking klinika para bumili ng aking panibagong gamot. Kaya marami na rin akong pinapahatid na mga bulaklak ng buwan kay Calista. Naging madalas tuloy ang pagdalaw sa akin ng dalaga at minsan ay tumutulong sa aking sa klinika.
"Ginoong Zarro!" Nakangiting bungad sa akin ni Pinunong Xiara.
Mula ng malaman niya na may klinika ako sa dulo ng kanilang bayan at siya na rin ang malimit kong tagabili ng gamot. Napag-alaman rin nila na tulad ng cerberus at may tinik na nakabaon sa mga batok nito kaya naging mabilis ang pagtalo nila sa mga chimera.
"Pinunong Xiara, ano ang maipaglilingkod ko sa inyo ngayong araw?" Magalang na tanong ko.
"Mayroon ka bang alam na gamot para mag-alis ng peklat?" Nahihiyang bulong niya sa akin.
Napataas naman ako ng kilay sa tanong niya. "Mayroon akong alam kaso hahagilapin ko pa ang mga ilanga sangkap bago makagawa." Sabi ko.
Nagningning ang mga mata ni Pinunong Xiara. "Talaga? Kailan kaya magagawa ang gamot na iyon?" Umaasang tanong niya.
Napatingin ako sa mga nakabote ko ng dinikdik na halamang gamot na nakahilera sa aking estante. Dalawang sangkap na lang ang kulang roon para makagawa ako ng gamot na nais niya.
"Mga dalawang araw siguro ay matatapos ko na ang gamot." Nakangiting sabi ko sa kanya.
Malapad na ngumiti si Pinunong Xiara. "Maganda kung ganoon." Sabi niya.
Lumapit naman si Calista na tila narinig ang pinag-uusapan namin ng pinuno. "Pinunong Xiara, bakit bigla niyo naman nagustuhan maghanap ng gamot pang-alis ng peklat?" Taka niyang sabi.
Namula ang mukha ni Pinunong Xiara. "Nakatanggap kasi ako ng imbitasyon sa palasyo. May magaganap na selebrasyon para sa kaarawan ni Prinsipe Ranzell." Nahihiya niyang sabi. "Ayoko naman magbestida sa okasyon na kita ang aking mga peklat."
Natatawang napailing si Calista. "Anong masama sa mga peklat?" Tanong ko. "Simbolo iyon ng inyong matagumpay na pakikipaglaban para sa inyong bayan."
"Tama si Zarro." Sang-ayon naman ni Calista sa sinabi ko.
Umiling si Pinunong Xiara. "Mahalaga ang okasyon na iyon. Maaari doon mamili ng kanyang mapapangasawa ang prinsipe kaya hindi ko pwede sayangin ang oportunidad na iyon." Nakalabi niyang sabi.
Muli ko naalala na wala pa nga pala napipiling asawa si Prinsipe Ranzell. Limang taon na rin ang lumipas nang sumapit siya sa tamang edad para mag-asawa. Mukhang sa okasyon na iyon ay kukulitin siya ng hari para maghanap ng kanyang kapareha.
"Ngunit maaaring si Binibining Chika ang piliin niya. Siya ang babaeng pinakamalapit sa prinsipe." Komento ni Calista.
"Naisip ko rin iyan." Sang-ayon ni Pinunong Xiara. "Siya lamang ang babaeng nahirang maging bantay niya."
Hindi ko alam pero nakaramdam ako ng kirot sa aking puso sa narinig sa kanila. Kakaiba ang pakiramdam na ito.
"Zarro!" Gulat na sabi ni Calista at doon ko lang napansin ang natapon kong mga gamot.
Nanghihinayang ko tuloy itinapon iyon. Nawala ang atensyon ko sa ginagawa ko kaya binaba ko na kagamitan na ginagamit ko at mamaya na lang muli magpapatuloy.
Magkasabay na umalis sina Pinunong Xiara at Calista. Naiwan tuloy akong tulala sa kawalan. Ngayon lang rin ako nakaramdam ng pagkainip kahit ilang sandali pa lamang ako napaupo.
Naalala ko tuloy ang pinag-uusapan nilang okasyon. Imbitado ang lahat ng binibini sa kaharian ng Alphammus. Ibig sabihin ay isa ako sa mga imbitado. Iyon nga lang ay isang ginoo ang pagkaalam nila sa kasarian ko.
Inayos ko na ang aking mga gamit saka binuhat ang walang laman na basket. Mas maganda na magtungo ako ngayon ng kagubatan at mahagilap ng mga halamang gamot. Hahanapin ko na rin ang mga kulang na sangkal sa gamot na hinihiling ni Pinuno Xiara.
Pagdating ko ng gubat ay maraming halamang gamot na ako ay nadaanan. Hanggang mapadpad ako sa isang sapa. Lumapit ako roon at nakita ang malinis at malamig na tubig nito. Nilibot ko ang tingin mukhang walang tao sa paligid. Unti unti ko tinanggal ang lahat ng saplot sa aking katawan bago lumusong sa nag-aabang na tubig. Lumangoy ako patungo sa gitna ng sapa. Ngayon lamang muli ako nakapaglangoy sa ganitong lugar. Napakaginhawa sa pakiramdam. Marahil at babalik ako rito tuwing pupunta ng kagubatan.
Naalala ko tuloy ang kaharian ng Gammus. Iniisip ko ang aking mga kaibigan sa iniwang bayan. Ang mga pasyente ko rin dahil wala ng manggagamot ang nag-aalaga sa kanila ngayon. Sabagay, nandoon naman si Mosha. Alam ko sapat na ang naituro ko sa kanya sa paggawa ng gamot.
Sumunod na naalala ko ay ang aking angkan. Hanggang ngayon siguro ay kumakapit sila sa kapangyarihan ng mga tao ng palasyo. Nagsisilbi lamang sila sa mga ministro na kayang magbigay sa kanila ng pangalan. Nakakalungkot na ganoong pamilya ang aking nakagisnan kaya hindi ko pinagsisihan ang pagtakas doon kasama ang aking kapatid.
Napapikit ako at inalala ang nakangiting mukha ng aking kapatid na si Zarro. Siya ang aking nakakatandang kapatid na lalaki. May kakayahan siyang gumamit ng mahika ngunit walang kakayahan na manggamot tulad ko.
Naalala ko ang araw ng masawi siya. Ang araw na pilit akong kinukuha ng mga tauhan ng aming angkan pabalik ng aming bahay. Naalala ko ang aking matinding galit at pagkitil sa buhay ng mga pumaslang sa aking kapatid. Kita ko ang takot nila sa mga mata at pagtawag sa aking halimaw bago sila malagutan ng hininga.
Napabuntong hininga ako at naisipan ng umahon sa tubig. Lumangoy ako sa pinag-iwanan ko ng aking gamit. Naglakad ako sa patungo sa isang malaking bato. Laking gulat ko na makita ang isang lalaki na nagbabantay ng aking gamit.
Nanlaki ang mga mata ko nakatingin sa kanya habang siya ay napaiwas ng tingin sa akin. Doon ko lang naalala ang kahubadan ko. Kinuha ko ang aking damit sa kanyang tabi at agarang sinuot iyon.
"A-A-Anong ginagawa mo rito, Fugar?"
Nilingon na niya ako nang masiguro naisuot ko na ang aking damit. "Ako ang itinalagang bantay mo." Maikling sabi niya.
Napahiling ako ng ulo. Doon ko lang naalala ang usapan namin ni Xell na sasabihin nila sa prinsipe ang sitwasyon ko para magbigay ng aking magiging bantay. Hindi ko akalain na isa sa mga bantay ng prinsipe ang ibibigay nila sa akin.
Naiiling na lang ako ng ulo. Binuhat naman ni Fugar ang basket ko na napuno na ng halamang gamot. Nakakita ako ng baboy ramo sa hindi kalayuan kaya agad ako gumawa ng panang apoy at tinira iyon para huliin ito. Nagawa ko naman iyon sa unang subok kaya agad nilapitan ang baboy ramo at itinali sa isang malaking kahoy. Tulad ng basket ay binuhat rin ni Fugar iyon sa kanyang likuran at tila hindi man lang nabigatan.
Nagkibit balikat na lamang ako sa ginawa niya at nagsimula ng maglakad pabalik ng aking klinika. Tahimik naman siya na sumusunod sa aking paglalakad.
Habang naglalakad sa nadaanang bayan ay kita ko ang pagbibigay galang nila sa aking kasama. Mukhang kilala ng lahat ang mga bantay ng prinsipe. Ganito rin kasi ang trato nila kina Chika at Xell.
Napatigil ako sa paglalakad ng makita ang tindahan ng bestida. Naalala ko na naman ang selebrasyon sa palasyo. Kailangan ko bumili ng bestida kung dadalo ako roon. Mga damit lamang ng aking kapatid ang aking nadala at walang damit pambabae.
Lumapit ako sa kulay pulang bestida. Maganda ito para sa okasyon na iyon. Ngunit agad ko rin nabitawan ng makita ang presyo. Wala akong sapat na pera para mabili ang bestida. Mukhang hindi na lang ako dadalo. Wala rin naman akong bestida na masusuot.