ALEX
GABI na nang makarating kami sa aming pansamantalang tutuluyan habang narito kami sa aming plantasyon. May isang malaking bahay kung saan kami noon madalas magbakasyon noong mga bata pa kami. Mga binatilyo at dalagita pa kami ni Klaus noon noong huli kaming magtungo rito.
“Naku! Mabuti naman at nakarating na rin kayo. Kumusta ang biyahe n'yo? Hindi naman ba kayo nahirapan? Naku! Ang lalaki n'yo na. Parang kailan lang noong huli kayong napadaan dito, ano?“ sunud-sunod na turan ni Manang Gina sa amin.
Si Manang Gina ang matagal ng katiwala sa bahay namin dito. Dito na ito halos tumanda kasama ang kaniyang asawa.
“Ayos naman ang biyahe namin, Manang. Kayo po kumusta kayo rito?“ tugon ni Klaus. “S'yanga pala, kasama ko ang ibang katrabaho namin para matingnan ang mga pananim at makita na rin kung anong mga kailangang i-improve,” turan nito.
“Ikaw naman, kakarating mo pa lamang ay trabaho na agad 'yang nasa isip mo. Bukas mo na isipin 'yan at naghanda ang Tata Ambet mo nang kaunting salo-salo para sa pagdating n'yo. Ayon nga at nakahatag na ang mahabang lamesa sa may bakuran,” wika nito.
“Naku! Sana po ay hindi na kayo nag-abala. Naabala pa po namin kayo,” wika ni Klaus.
Ako naman ay nananatili lamang tahimik at nakamasid sa kanila. Everything feels strange. I don't feel the familiar comfort that this place used to bring. Matagal ko na kasing binaon sa limot ang lugar na ito. Marami kaming alaala ni Klaus dito na matagal ko nang binaon sa limot.
“Aba't ikaw na ba si Alexis? Ay, tingnan mo nga naman at dalagang-dalaga ka na. Parang kailangan lang ay ako pa ang nagpapaligo sa 'yo sa batis,” masayang baling nito sa akin.
Agad naman akong sumimangot dahil sa kaniyang sinabi. “Manang Gina!“ reklamo ko.
Malakas lamang itong tumawa, “Hindi ka pa rin nagbabago. Lagi ka pa ring masungit at nakasimangot. Ito lang atang si Klaus ang nakakapagpatawa sa 'yo,” turan nito.
Wala sa sariling napabaling ako ng tingin sa gawi ni Klaus. Nahigit ko ang aking hininga nang magtama ang aming mga paningin. Dali-dali naman akong nag-iwas ng tingin dito.
“Hana't pumasok na tayo sa loob para saglit kayong makapagpahinga. Kapag handa na kayo ay lumabas na lamang kayo roon sa bakuran at nakahanda na ang hapunan doon,” turan nito. “Ihahatid ko na muna sa kaniya-kaniya ninyong kuwarto bago ako bumalik doon upang maiayos n'yo muna ang inyong mga gamit. S'ya nga pala, tatlo lamang ang bakanteng kuwarto rito. Ayos lang ba sa inyo na magkasama sa iisang kuwarto ang iilan sa inyo?“ turan nito.
Agad namang sumagot sila Harold, Carlos, at Tammy na ayos lamang ito sa kanila. Hindi ko naman maipaliwanag kung bakit ganoon na lamang ang kabang aking nararamdaman. Tila ba may kung anong hindi kanais-nais ang mangyayari sa mga susunod.
“Kayong dalawang lalaki ay doon sa pinakadulong kuwarto. Kayong dalawang babae naman ay sa susunod. Klaus at Alexis, amina ang mga gamit n'yo at dadalhin ko na sa kuwarto n'yo,” turan ni Manang Gina.
Nanlaki naman ang aking mga mata dahil sa pagkagulat nang marinig ko ang kaniyang sinabi. Mabilis kong inagaw mula sa kaniyang kamay ang aking maleta.
Mukhang hindi ata nakarating dito ang tungkol sa paghihiwalay namin ni Klaus kaya naman inisip nitong kami ang magkasama sa iisang silid.
“Hindi po kami magkasama ni Klaus sa kuwarto, Manang,” wika ko.
“Ha? Ay, bakit naman?“
“I'll be staying with Jordan, Manang Gina. She's my fiancée,” pagpapakilala ni Klaus sa babae.
Bakas naman ang pagkagulat sa mukha ng matanda. Paulit-ulit pa itong nagpabaling-baling sa pagitan naming dalawa na tila hindi pa lubusang nakukuha ang kasalukuyang sitwasyon.
Upang makaiwas sa mga ito ay mabilis kong nilampasan ang mga ito at nagtungo sa silid na madalas kong ginagamit noon sa tuwing nagpupunta kami rito. Hindi na mahalaga sa akin kung sino pa man ang makakasama ko sa silid. Ang tanging nais ko lamang ay makalayo sa mga ito.
Hindi ko maintindihan kung bakit tila may kurot akong nararamdaman sa aking dibdib nang banggitin ni Klaus na magkasama silang dalawa ni Jordan sa iisang kuwarto. Wala namang masama roon lalo na't nakatakda na itong ikasal sa isa't isa.
Sa ilang taon na nakalipas ay pinilit kong huwag magkaroon ng balita tungkol kay Klaus. Alam kong darating ang panahon na makakatagpo ito ng babaeng nararapat para sa kaniya. Sa tagal ng panahon na wala akong balita sa kaniya, akala ko ay wala ng epekto sa akin ang mga ganitong bagay. Ngunit mali pala ako. Hindi ko pa rin maiwasang masaktan ngayong may iba nang nagmamay-ari sa dating tinitibok ng aking puso.
Inabala ko na lamang ang aking sarili sa pag-aayos ng aking mga gamit upang kahit panandalian ay makalimutan ko ang sakit dulot ng katotohanang magkasama ngayon si Klaus at Jordan sa iisang silid.
Napansin kong wala na pala roon ang dating aircon na nakakabit sa silid na ito. Marahil hindi ito madalas nagagamit kaya inilipat na lamang nila. Tanging isang mumunting electric fan lamang ang naroon.
Hindi nagtagal ay narinig ko ang pagbukas ng pinto ng aking silid. Dali-dali ko namang nilingon iyon upang malaman kung sino ang pumasok.
Nabungaran ko si Manang Gina habang nakatayo sa harap ng pinto. “Pasensya ka na at mainit dito. Inilipat kasi namin sa kabilang silid 'yong aircon dahil ang buong akala ko ay….“
“It's okay, Manang. Mukhang malamig naman ang gabi kaya ayos lang sigurong walang aircon.“
“Naku! Imposible naman ata 'yang sinasabi mo. Tandang-tanda ko pa noon, kahit bumabagyo ay gusto mo nakabukas ang aircon dahil madali kang pagpawisan,” wika nito.
She's right. I can't sleep in a room without airconditioner. Pero sa sitwasyong ito, wala naman akong ibang pagpipilian. Ayaw ko naman nang abalahin pa ang mga ito dahil lamang sa kapritso ko.
“Ayos lang po talaga ako, Manang. Saka matagal na panahon na po 'yon. Nakakatulog na po ako ng walang aircon,” pagsisinungaling ko.
Malungkot itong ngumiti. “Masyado na ata kaming napag-iwanan dito sa probinsya at hindi ko nabalitaan na hiwalay na pala kayo ni Klaus. Iyong batang iyon talaga. Makailang ulit nang pumupunta rito mula noon ay hindi man lang nabanggit sa akin. Sa tuwing tinatanong kita ay nginingitian lamang ako. Akala ko tuloy ay kayo pa rin dahil wala naman siyang ibinalita.“
“Baka po ayaw lang n'yang pag-usapan,” saad ko.
“Siguro nga. Oh, s'ya! Tiningnan lamang kita kung ayos ka lamang dito. Kapag nakapag-ayos ka na, sumunod ka roon sa bakuran at naroon ang hapunan. Iyong tatlo mong kasama ay nagpumilit na magsama-sama na lamang sa iisang silid. Mukhang naiilang ata sa 'yo. Ikaw naman kasi, bakit ba kasi napasungit mo?“
Napanguso ako dahil sa huli niyang sinabi. Isang mahinang tawa lamang ang kaniyang itinugon sa akin bago muling nagpaalam at tuluyang lumabas ng aking silid.
Bahagya akong nakahinga nang maluwag nang malaman kong wala akong makakasama sa silid. Hindi talaga ako komportable na may ibang kasama sa kuwarto lalo na't hindi ko kilala.
Muli kong itinuon ang aking atensyon pag-aayos ng aking mga gamit. Nagpasya akong maligo muna upang matanggal ang lagkit sa aking katawan bago ako bumaba upang kumain ng hapunan.
************