PROLOGUE
ALEX
UNTI-unting bumukas ang pinto ng simbahan. Humigpit ang kapit ko sa aking tangang bungkos ng bulaklak. Lahat ng mga mata ay nakatuon sa akin.
"Miss Alex, lakad na po," mahinang hudyat sa akin ng isa sa mga wedding coordinator.
Noon ko lamang napagtanto na may ilang minuto na palang nakabukas ang pintuan ng simbahan ngunit nananatili akong nakatayo roon. Hindi ko maintindihan ngunit tila walang lakas ang aking mga binti upang humakbang.
"Miss Alex..." muling nitong tawag sa aking pangalan.
Nilingon ko ito na tila ba hindi ko lubos maintindihan ang nais niyang mangyari.
"Kailangan n'yo na pong maglakad patungo sa altar," she answered to my unspoken question.
Tila noon lamang muling nanumbalik ang aking ulirat. Marahan kong sinimulang ihakbang ang aking mga paa. Ngunit hindi ko maintindihan kung bakit sa halip na galak ay takot ang aking nararamdaman habang papalapit ako nang papalapit sa altar. Sa dulo noon ay naghihintay ang lalaking aking pinakamamahal. Subalit nang nasa kalagitnaan na ako ng pasilyo patungo sa altar ay muli akong napatigil sa paghakbang.
Nakatitig ako sa mukha ng lalaking siyang isinisigaw ng aking puso. Agad kong nabakas ang takot sa kaniyang mukha habang ang kaniyang mga ay nagsisimula nang mangilid ang mga luha. Tila ba kahit wala akong sambitin ay nababatid nito ang tumatakbo sa aking isip.
"Please..." basa ko sa buka ng kaniyang mga labi.
Ngunit kahit anong pilit ko ay hindi ko magawang lumakad papalapit sa kaniya. Punong-puno ng takot ang aking puso't isip. Biglang bumuhos ang alinlangan sa aking isipan.
"I can't do this..." mahina kong bulong sa aking sarili. Ang dating galak at pananabik ay tuluyan nang napalitan ng mga agam-agam. "I'm sorry..." Nangingilid ang mga luhang turan ko habang mariing na nakatitig sa kaniyang mga mata.
Kitang-kita ko sa kaniyang mga mata ang pagkaguho ng kaniyang mga pangarap. Alam kong wala siyang ibang gusto kung 'di ang makasama ako habangbuhay.
Marahan akong napaatras na siyang naging dahilan upang lumakas ang bulung-bulungan sa paligid.
"Please don't do this..." pagmamakaawa ni Klaus sa akin habang dahan-dahang humahakbang papalapit sa akin.
Sa bawat niyang akbang papalapit ay siya namang agad kong pag-atras. At bago pa man siya tuluyang makalapit sa akin ay dali-dali kong inabot ang laylayan ng aking traje-de-boda saka mabilis na tumalikod at tumakbo papalabas ng simbahan.
"Alex, wait! Please let's talk about this!" Narinig ko pang sigaw ni Klaus habang pilit akong hinahabol. Ngunit maagap akong nakapasok sa loob ng bridal car na dapat ay aming sasakyan patungo sa reception pagkatapos ng kasal.
Akala ko ay sapat na ang makasakay ako sa sasakyan upang tuluyang makalayo sa lugar na iyon. Ngunit ganoon na lamang ang gulat ko nang biglang iniharan ni klaus ang kaniyang sarili sa harap ng aking sinasakyan.
"Alexis, stop! Talk to me! Ano bang nangyayari?" patuloy nitong sigaw habang nasa labas ng sasakyan.
"Klaus, umalis ka riyan!" Binuksan ko ang bintana ng sasakyan saka dumungaw upang doon sumigaw.
"No! Hindi ako aalis dito hangga't hindi tayo nag-uusap. Please tell me what's wrong. Pag-usapan natin 'to, please!" pagsusumamo nito.
"I'm sorry, Klaus. I-I can't...I'm sorry..." nauutal kong tugon dito.
Agad na lumapit si Claus sa gilid ng sasakyan upang lumapit sa bintana kung saan ako naroroon.
"Please, Alex. Come down, let's talk about this. I'm begging you..." turan ni Klaus habang patuloy ang paglalandas ng luha sa kaniyang mga mata. Kulang na lamang ay lumuhod siya sa aking harapan.
Subalit nanatiling matigas ang aking puso. Naniniwala akong mas makakabuti ang aking gagawin kaysa hayaan ko ang aking sarili na gumawa ng isang pagkakamali na parehas naming pagsisihan sa huli.
"I'm doing this for both of us, Nicklaus..." lumuluhang turan ko sa kaniya bago mabilis na sumenyas sa driver na agad namang umarangkada.
Tanaw ko mula sa side mirror ng sasakyan ang paghabol ni Klaus sa aking sinasakyan. Tila pinipiga ang aking puso dahil sa labis na sakit habang pinagmamasdan ko ang pagkalugmok ni Klaus dahil sa ginawa kong pagtakbo sa aming kasal.
Mariin akong napapikit habang hinahayaan ko ang masaganang pagdaloy ng aking luha sa aking mga pisngi.
***********