Matapos akong isama ni Aling Donata sa kusina ay ibinalik niya ako sa aming silid. Sinabi nitong magpahinga na muna ako gaya ng bilin ni Donya Marcela.
Gusto ko sanang tumulong sa kanila sa kusina pero baka isipin nilang matigas ang aking ulo kaya sumunod na lamang ako.
Pagdating namin sa silid ay muli akong pinaalalahanan nito tungkol sa napansin nito sa amin kanina.
"Sabel, alam kong guwapo sina Sir Simon at Sigfred pero gaya ng makailang ulit kong paalala," hirit nito.
Awtomatikong napangiti ako kay Aling Donata dahil para itong sirang plaka kung magpaalala sa 'kin.
"Naku, huwag mo akong tawanan dahil napansin ko kung paano kumislap ang mga mata mo habang nakatingin kay Sir Simon," tahasang turan nito sa akin.
Nabigla rin ako dahil mukhang nahalata nitong humahanga ako sa panganay ng mga Valencia.
"Naku, Aling Donata, ang isang tulad ni Sir Simon ay isa lang pangarap sa 'kin. Oo, crush ko siya dahil mukhang ang bait-bait niya at ang guwapo pero hanggang doon na lamang 'yon. Ano naman panama ko sa girlfriend nito, tiyak na wala ako sa kalingkingan niya," mabilis kong sagot dito.
"Ako lang naman ay nagpapaalala dahil ayaw kong mabigo ang lola mo, alalahanin mo ay ako ang sisisihin nito kapag may masamang nangyari sa 'yo," turan naman nito bagay na naiintindihan ko naman.
"Huwag po kayong mag-alala, Aling Donata, para ngang natutulig na ang tainga ko sa makailang ulit ninyong habilin," natatawa kong saad kay Aling Donata na kinatawa naman nito.
"O, siya, magpahinga ka na at babalikan ko si Kaka Pacita," turan nito nang mapansing napapahaba na ang aming pag-uusap.
Hinayaan ko na lamang si Aling Donata habang ako naman ay nagmumuni-muni. Hindi ko maiwasang balikan sa 'king isipan nang masilayan ko ang guwapong mukha ni Sir Simon.
"Grabe, ang guwapo talaga niya," hindi ko maiwasang sambitin sa kawalan. Naalala ko ang bunsong kapatid nila na siyang ama ni Shawn, ang batang aalagaan ko. "Guwapo rin kaya siya at mabait?" saad ko pa pero nang sumingit naman sa isipan ko si Sir Sigfred ay hindi ko maiwasang mapabusangot. "O katulad siya ni Sir Sigfred," anang ko na bahagyang nainis.
Sa dami nang naglalaro sa isipan ko ay mas lalong hindi tuloy ako nakatulog o nakapagpahinga. Inabala ko rin kasi ang aking isipan sa pagbuo sa 'king pangarap, ngayong pag-aaralin ako ni Donya Marcela ay parang abot-kamay ko na 'yon.
"Huwag kang mag-alala lola dahil kung nabigo ka man kay inay ay ako ang magtutuloy lahat ng pangarap niya sa 'yo. Hahanapin ko rin si inay dahil alam kong 'yon ang palagi mong hinihiling sa Diyos," hindi ko maiwasang maluha habang sinasambit ang mga pangako ko kay lola.
Ilang oras pa lamang akong wala sa aming baryo ay nami-miss ko na siya.
"Diyos ko, huwag niyo pong papabayaan si Lola Belen," dalangin ko pa saka ipinikit ang aking mga mata.
Nakapikit man ang aking mga mata pero buhay na buhay ang aking diwa. Nang masipat ko ang orasan sa pader ay alas-singko na pala kaya naghanda na ako. Naligo ako at nag-ayos para pagbalik ni Aling Donata ay ayos na akong sasama sa malaking bahay ng mga Valencia.
Saktong sinusuklay ko na ang mahaba kong buhok nang marinig ko ang pagpasok ni Aling Donata sa aming silid.
"Mabuti naman at nakapag-ayos ka na, tatawagin na kita kasi ihahanda na natin ang mesa para sa hapunan nila," wika ni Aling Donata.
Batid ko nang sa mga ganoong eksena ay hindi sumasabay ang mga katulong sa amo.
"Sige po, Aling Donata," agad kong turan saka mabilis na itinali ang aking mahaba-habang buhok para malinis akong tingnan. Simpleng tshirt at isang jogging pants ang suot ko. Ayaw ko kasing may mapuna sa 'kin si Donya Marcela dahilan upang palayasin ako.
Masaya ako dahil katulad ni Ate Yolly ay masaya ring kasama sina Manang Pacita at Ate Conching. Kaya naman pala hindi na ako kinailangan kanina sa kusina ay natulong rin si Ate Conching kapag tapos na ito sa kanyang mga labahin.
"Ano, Sabel, ayos ka lang ba rito?" tanong ni Ate Conching sa 'kin.
"Ayos naman po," nahihiya kong sagot.
"Naku, masasanay ka rin dito, ganyan din ako noong una pero nasanay na rin. Sa bagay, nand'yan naman si Lanie, magkakasundo kayo noon dahil hindi naman nagkakalayo ang edad ninyo," palatak pa nitong wika sa 'kin na tinugon ko ng ngiti.
Mabilis nilang inihanda ang mga pagkaing ihahain sa mesa.
"Ihanda na raw ang mesa," ani Ate Yolly na noon ay papasok sa kusina.
"Nand'yan na ba si Ma'am Michelle?" usisa ni Aling Donata rito.
"Naku, kanina pa," sagot naman nito.
"Ganoon ba? Halika na, Sabel at manuod ka sa gagawin namin para naman kahit papaano ay pwede kang tumulong sa kusina kapag wala kang ginagawa at na kay Lanie pa si Shawn," bilin ni Aling Donata sa 'kin.
Agad naman akong tumalima at nagmasid sa kanilang tatlo. Maayos ang pagkakalagay ng bawat kubyertos at malinis ang bawat mangkok at plato na nilalapag sa mahabang mesa.
Maya-maya ay pumasok si Lanie sa kinaroroonan nila habang karga ang paslit.
"Wow, ang sasarap naman po ang mga niluto ninyo," papuring wika nito.
"Kailangan dahil nand'yan ang maarteng si Michelle," bulalas ni Ate Yolly rito.
Natawa si Lanie sa sagot nito.
"Hala ka, baka marinig ka," natatawang sabad ni Lanie habang karga-karga ang batang si Shawn. Tantiya ko ay nasa anim o pitong buwan na ito.
Lumapit ako kay Lanie upang mapamilyar sa 'kin si Baby Shawn.
"Hello," nakangiti kong turan sa bata nang mapangiti at tumawa ito.
"Naku, mukhang mabait sa 'yo, kay Michelle ay ayaw," turan ni Lanie.
"Paano ay ramdam na maldita ang babaeng 'yon kaya ayaw," palatak pa ring sabad ni Ate Yolly.
Natawa sila ni Lanie na kinatawa rin ng paslit. Napuno ng komedor ng matitinis nitong tawa nang papasok roon ang mag-anak.
"Aba, mukhang masayang-masaya ang apo ko, ah," masiglang turan ni Donya Marcela.
"Mukha nga pong nawiwili kay Sabel, auntie," sagot naman ni Lanie rito.
Sumeryoso ang nakangiting mukha ni Donya Marcela sa sinabing 'yon ni Lanie.
"Mabuti kung ganoon para naman hindi siya mahihirapan," turan nito saka nagtungo sa pinakakabisera ng lamesa. Sa kabilang gilid nito ay si Simon at sa tabi naman ng lalaki ang kasintahan. Sa kabilang gilid naman nito ay si Sigfred at si Lanie at ang bata na pinaupo ni Lanie sa high chair nito.
Ang nakikita kong ganoong set-up ng pamilya ay parang sa mga mayayamang pamilya lamang sa TV nakikita.
Maya-maya ay kinalabit ako ni Aling Donata at sumenyas na bumalik na kami saa kusina.
"Ma'am, tawagin niyo lang kami sa kusina kung may kailanganin kayo," paalam ni Aling Donata kay Donya Marcela.
"Sige, Donata," tanging tugon nito.
Bago ako sumunod sa kusina ay napasulyap ako sa gawi ni Simon at nakita ko ang mapanuring tingin ng kasintahan nito sa 'kin. Bigla ay kumabog ang aking dibdib at hindi maipaliwanag kung bakit ganoon ito kung makatingin sa 'kin.
Mabilis kong binawi ang aking mga tingin saka nagmamadaling sumunod na lamang sa 'king mga kasamahan.
"Naku, kita ko ang malditang tingin sa 'yo ng Michelle na 'yon. Tiyak, insecure ang ale dahil mas maganda ka sa kanya," palatak ni Ate Yolly na kinatawa ko.
"Ate Yolly naman, anong mas maganda roon, ang sosyal kaya niya habang ako," aniya sabay sipat ko sa 'king sarili.
"Naku, ineng, huwag mong sasabihin 'yan. Simple man ang suot mo pero ang ganda-ganda mo, para ka ngang anak ng mayaman kung mabihisan ka lang," sabad pa nito na kahit papaano ay nagbigay sa 'kin ng lakas ng loob.
"Talaga po?" maang kong wika nang sumingit si Aling Donata.
"Naku, ikaw talaga, Yolly, kung anu-anong pinagsasabi rito kay Sabel, baka mamaya ay maniwala siya," singit ni Aling Donata na natatawa pa.
"Totoo naman, Aling Donata," giit nito.
"Sus, ikaw talaga Yolly, kaya siguro ang init ng dugo ni Ma'am Michelle sa 'yo dahil—" putol na turan ni Ate Conching.
"Dahil kumukulo ang dugo ko sa kanya, naku, hindi ko itatanggi 'yan. Kahit sinong masabihan ng bobo at tanga ay kukulo talaga ang dugo," bulalas ni Ate Yolly na nagpupuyos ng galit.
Natawa na lamang sina Aling Donata at Manang Pacita.
Nagpaalam ako sa mga itong gagamit lang ng banyo dahil hindi ko na mapigilan ang tawag ng kalikasan.
"Doon ka na sa may gilid ng sala para hindi ka na magtungo sa likod bahay," turan ni Aling Donata sa 'kin.
Agad akong tumalima at tinungo ang tinutukoy nitong banyo. Mabilis akong pumasok dahil ihing-ihi na ako, hindi ko na nga nagawang i-lock pa dahil sa pagmamadali tutal ay mukhang walang tao naman dahil lahat ay nasa komedor.
Saktong tapos na ako nang biglang may pumasok na lalaki at maging ito ay nagulat rin.
"I'm sorry," agad nitong turan.
"A, okay lang sir, t-tapos n-naman na ako," halos utal-utal kong turan. Gusto kong sabunutan ang aking sarili dahil hindi ko nagawang i-lock ang pinto.
Mabilis akong lalabas nang magsalita si Sir Sigfred.
"Do you intend to leave the door unlock?" maang nito.
English 'yon pero naintindihan ko naman.
"Naku, hindi po," mabilis kong sagot ngunit ngumisi ito at lumapit sa 'kin.
Bigla ay dumaluyon ang kaba sa 'king dibdib kaya napaatras ako.
"A-Alis na ako, sir," kabadong turan ko.
"Bakit, natatakot ka ba sa 'kin?" anas nito.
"Po? Naku, hindi naman po pero—" putol na turan ko nang tumapat ito sa 'kin. Halos lumabas ang puso ko sa lakas ng pagbayo nito sa 'king dibdib.
Simpatiko ang pagkakangiti nito habang palapit nang palapit ang mukha nito.
"Sabel," tinig ni Aling Donata 'yon.
Mas lalo akong nataranta dahil ayaw kong malaman niyang nasa loob din ng banyo si Sir Sigfred.
"Sabel, nand'yan ka pa ba?" tinig nitong nasa may pintuan na.
"O-Opo, A-Aling D-Donata," nanginginig kong turan saka tumingin kay Sir Sigfred na noon ay nakangisi.
Pilit kong umiwas dito at nilampasan upang makalabas na.
"Akala ko kung saan ka na nagpuntang bata ka, bilisan mo at kakain na tayo, tapos na silang kumain," palatak na turan ni Aling Donata nang makalabas ako ng banyo. "O, bakit mukhang numutla ka?" dagdag pa nitong turan nang mapansin ang aking hitsura. Dalangin ko ay hindi pa lumabas si Sir Sigfred para hindi niya ito makita.
"Tara po, gutom na rin po ako," hawak ko sa kamay nito at giniya pabalik sa kusina.