Nahihiya akong ibinaling sa iba ang aking tingin ngunit tila maging ang isang anak ni Donya Marcela ay napatingin na rin sa 'kin. Kapwa guwapo ang dalawang lalaki ngunit mas maayos naman ang pagkakangiti sa 'kin ng isa samantalang ang una ay tila nang-aakit.
Doon ko lang napagtanto kung bakit mahigpit ang bilin sa akin ni Aling Donata. Masyadong guwapo ang mga anak ni Donya Marcela, hindi kataka-takang marami ang mga nahuhulog sa karisma nila.
Naiilang na iniwas ko ang aking tingin at hinanap ang kinaroroonan nina Aling Donata at Donya Marcela nang halos mapatalon ako sa gulat nang marinig ko ang tinig sa 'king tabi.
"Hi, Miss, ikaw ba ang bagong yaya—" putol na tinig ng lalaki sa 'kin.
"Ay, anak ka ng kalabaw!" bulalas kong turan sa kabiglaan, hindi ko talaga inaasahang lalapit pala ito.
Napatigil ang lalaki at napangiti nang makita ang aking naging reaksyon.
"Sorry, did I scare you?" baritonong tinig nito.
Tila ako nabato-balani sa kaguwapuhan nito lalo na nang lumitaw ang mapuputi at pantay-pantay nitong ngipin. Grabe, para akong nakakita ng artista at hindi nakapagsalita rito.
Kumaway-kaway ito sa 'king harapan nang mapansing napatulala ako.
"Miss, ayos ka lang ba?" untag nito sa 'kin na siyang nagpabalik sa aking kamalayan.
"Ha? Oo naman, sir," mabilis kong sagot nang makabawi ako. Hindi ko tuloy maiwasang mapalingon sa kinaroroonan ng kapatid nito at mas lalong naging simpatiko ang pagkakangiti nito.
"Mabuti naman, akala ko ay kung napaano ka na kasi para kang namutla agad d'yan," anito.
"Ah, ganoon ba? Naku, sir, ayos na ayos ako. Sa tanong mo naman na kung ako ba ang bagong yaya. Yes na yes ang sagot doon," mabilis kong sagot dito na pinasigla pa ang aking boses para hindi nito mahalatang kinakabahan ako.
Ngumiti ulit ang lalaking nasa aking tabi.
"That's good, huwag mo na akong tawaging sir dahil hindi pa naman ako masyadong matanda. Ako nga pala si Simon at siya naman ang nakakababata kong kapatid na si Sigfred," turo nito sa lalaking kanina pa ngiti nang ngiti sa 'kin. "Paalalahanan na kita, huwag kang papatol d'yan kay Sigfred dahil likas na babaero 'yan," pambubuko nito sa kapatid.
"Kuya," angil naman ng lalaki sa sinabi ng kapatid nito.
"Ganoon po ba? Halata nga po," parinig ko rito dahil kanina ko pa napapansin ang ngiti nito sa akin.
Tumawa ang lalaking nasa harapan. Mukhang mabait naman ito, guwapo pa kaya siguro may mga kasambahay silang hindi maiwasang sumuway sa utos ng donya.
"Sino po pala sa inyo ang ama ng bata—" usisa ko sana rito nang biglang sumagot si Sigfred.
"Naku, huwag na huwag mong iisiping ako 'yon," bulalas nito na kinatawa ni Simon.
"Hindi siya at mas lalong hindi rin ako. Si Sean, iyong bunso namin. Nasa US siya ngayon, kadadala lang ni mama sa kanya doon," paliwanag sa 'kin ni Simon.
Mabilis naman akong tumango-tango. "Ah, ganoon ba?" saad ko rito.
"Simon," malakas at istriktang tinig ang aking narinig.
Mabilis kaming napalingon ni Simon sa pinanggalingan ng tinig at doon ay nakita ko sina Donya Marcela at Aling Donata. Malakas ang pagbayo sa 'king dibdib, para akong batang nahuli sa aktong pagnanakaw at pinagagalitan ako.
"Mama, what's wrong, kinakausap ko lang naman itong si—" putol ni Simon dahil nakalimutan niyang itanong ang aking pangalan.
"Sabel po, sir," dugtong ko namang turan.
"Kinakausap ko lang naman itong si Sabel, may masama po ba?" ani Simon ina.
Maya-maya ay lumambot ang mukha ng donya nang mapagtantong wala naman silang ginagawang masama. "Wala naman," anito saka tumingin sa magkapatid. "Pumanhik na kayo at magpahinga," tila utos sa mga ito.
Agad namang tumalima ang magkapatid nang bigla ay tumigil si Simon sa gitna ng hagdan.
"'Ma, pupunta nga pala si Michelle dito mamaya, I invited her for dinner," turan nito sa ina.
"Okay, I will ask Manang Pacita para magluto ng hapunan sa pagdating ng 'yong kasintahan," turan ng donya na tila diniinan pa ang salitang kasintahan.
Nang mawala ang magkapatid ay bumaling sa 'kin si Donya Marcela. Muling nanumbalik ang kaba sa 'king dibdib nang tingnan ako mula ulo hanggang paa.
"Nasabi sa 'kin ni Aling Donata na mataas ang pangarap mo?" panimulang turan ni Donya Marcela.
"Opo, ma'am," mabilis kong sagot.
"Mabuti kung ganoon, siguro naman ay gagamitin mo ang isip mo at hindi ang puso mo," pormal na wika pa sa akin. Alam ko na kung saan patutungo ang usapang 'yon pero hinayaan ko lang ito.
"Opo, ma'am," muli kong sagot.
"Mainam kung ganoon dahil ayaw na ayaw kong makikipaglandian ka sa mga anak ko," deretsahang saad nito.
"Alam ko po, ma'am, kabilin-bilinan sa 'kin ni Aling Donata," sagot ko naman dito.
Mukha namang nakita ang aking kaseryosohan kaya maya-maya ay nasilayan ko na rin ang pagngiti nito.
"Good, kung ganoon ay magkakasundo tayo," anito. "Bukas ka na magsimula sa trabaho mo, sabi ni Donata ay kagagaling niyo lang sa baryo," dagdag nitong wika.
Doon ay napagtanto kong mabait nga ang donya, huwag lang sasawayin ang nais nito.
"Magpapahinga lang ako, Donata, pakisabi kay Manang Pacita na maghanda ng hapunan, darating ang girlfriend ni Simon," pakiusap nito kay Aling Donata.
"Opo, ma'am," sagot naman ni Aling Donata rito.
Timingin pa sa 'kin si Donya Marcela bago ito pumanhik sa hagdan. Hindi ko maiwasang kabahan sa bawat titig niya sa 'kin na tila may nais ipakahulugan.
"Ano, Sabel, sabi ko naman sa 'yong mabait 'yang si Donya Marcela basta huwag na huwag kang susuway sa utos niya," pagmamalaki pa sa 'kin ni Aling Donata.
Ngumiti ako rito.
"Naku, binabalaan na kita, iyang si Sigfred, malikot at pilyong bata kaya huwag na huwag kang magpapaguyo sa kanya," wika ni Aling Donata sa 'kin na mas nakakaalam sa ugali ng mga magkakapatid.
"Halata nga po, sa bagay, pati si Sir Simon at binalaan na ako tungkol sa kapatid niya," sagot ko kay Aling Donata.
"Mabuti naman, 'yang si Simon naman, mabait 'yan pero may pagkamaldita ang girlfriend niya," chika ni Aling Donata na hindi maiwasang usisahin pa.
"Talaga?" bulalas ko naman. "Mabuti at kasundo ni Donya Marcela?"
"Paano ay galing din sa mayamang pamilya," sagot nito na kinatango-tango ko naman.
"Sa bagay, ganoon naman na yata ngayon. Ang mayaman ay para sa mayaman at ang mahirap ay para sa mahirap lang," saad ko.
"Sus, ang lalim noon, halika na nga sa kusina at sabihin natin kay Kaka Pacita na maghanda ng hapunan," yakag ni Aling Donata sa 'kin.
Kahit papaano ay unti-unti ko nang nakikilala ang mga kasama ko sa bahay na 'yon. Ang importante sa ngayon ay magawa ko ng maayos ang aking trabaho. Sana lang ay hindi siya magkaroon ng problema lalo na at hindi niya maiwasang humanga kay Simon sa unang kita pa lamang niya rito.